January 19, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Mga prediksyon nina Rudy Baldwin at Jay Costura para sa 2025: Ano ang naghihintay sa hinaharap?

Mga prediksyon nina Rudy Baldwin at Jay Costura para sa 2025: Ano ang naghihintay sa hinaharap?
Photo courtesy: Rudy Baldwin, Jay Costura (FB)

Kung may kakayahan kang paghandaan ang isang bagay upang mailayo ang iyong sarili at mga mahal sa buhay mula sa kapahamakan, hindi mo ba nanaising silipin ang maaaring mangyari sa hinaharap o alamin ang mga babala?

Sa tuwing magtatapos ang taon, laging inaabangan ang mga hula tungkol sa kapalaran, pampasuwerte para sa papasok na taon at marami pang iba na may kinalaman sa pagsilip sa hinaharap. Tuklasin ang mga prediksyong ibinahagi ng dalawa sa mga kilalang psychic at visionary at tarot reader sa Pilipinas na sina Rudy Baldwin at Jay Costura.

Si Rudy Baldwin ay isang kilalang psychic at visionary sa Pilipinas, na nakilala dahil sa kaniyang mga prediksyon tungkol sa mga pangyayari sa hinaharap. Sa kaniyang YouTube channel noong Oktubre 13, ibinahagi niya ang kaniyang mga pananaw para sa taong 2025.

Sa YouTube video na "2025 PREDICTION," tinalakay niya ang iba't ibang aspeto ng hinaharap, kabilang ang mga posibleng kalamidad, pagbabago sa politika, at mga pangyayaring maaaring makaapekto sa bansa. Bagama’t hindi detalyado ang mga prediksyon sa video, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paghahanda at pananalangin upang malampasan ang mga hamon na maaaring dumating.

Human-Interest

KILALANIN: Sino si Carmelle Collado?

Sinabi niya na ang 2025 ay taon ng “Biblical Awakening”, na nangangahulugang ang mga nangyaring nakasaad sa Bibliya at sa Kasaysayan ay mauulit daw sa 2025. Mas nakapokus daw ang 2025 sa mga hamon ng kalikasan, may mga himala at sakit na makukumpara raw sa mga nangyari noong sinaunang panahon.

Ayon pa kay Rudy, patutunayan daw ng Diyos sa 2025 na siya ay makapangyarihan.

“Ito yung taon kung saan ang Diyos mismo ang kakatok sa harapan mo, para sabihin sa’yo na kahit gaano ka pa kayaman o kahirap, may pera ka man pagdating sa kaniya pag nawala ka sa mundo wala kang dadalhin na kahit ano,” bahagi niya.

Dagdag pa niya, naniniwala siyang darating ang panahon kung kailan mapupuno ang simbahan ng mga tao—mga taong dati’y bihira o hindi talaga nagsisimba. Aniya, ito ang taon kung saan gigisingin ng Diyos ang sangkatauhan.

Hamon ng Kalikasan: Kidlat

Ayon sa kanya, ang mga pangkaraniwang kidlat na nararanasan natin ay mabilis lamang, ngunit ang Kidlat 2025 ay iba. Bukod sa malalaki raw ang kidlat na ito kapag tumama raw ito sa lupa, magdadala ito ng apoy. Mangyayari raw ito sa China at para itong mahabang lubid na kapag ipinalo, mag-iiwan ng mahabang marka. Dahil dito, tataas ang bilang ng mga kaso ng sunog. Maraming bahay at hanapbuhay ang maaapektuhan dahil sa kidlat at ang mahahabang bakas na iiwan nito.

Ang sinomang tamaan ng kidlat ay hindi na raw mabubuhay kaya naman payo ni Rudy na lahat ng patay na dahon ay dapat alisin.

Hamon ng Kalikasan: Tornado

Asahan din umano ang pagkakaroon ng tornado, wala raw itong pinipiling panahon–umulan man o bumagyo. Kayang humagip ng tao, magpalipad ng baka at sumira ng bahay dahil hindi raw ito maliit na tornado na gaya sa mga napapanood sa pelikula. Mapapatanong na raw ang mga tao kung katapusan na raw ba ng mundo dahil grabe ang hatid ng mga sakuna ngayon.

“Kung ano ang nakikita n’yo sa pelikula na tornado at kidlat ay mangyayari na sa personal, mag-ingat po tayo,” saad niya.

Hamon ng Kalikasan: Lindol

Sinasabing mangyayari talaga ang “The Big One,” ayon sa kaniyang mga prediction posts sa Facebook. Madalas daw na magpaparamdam na ang lindol sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas. Malapit na raw ang mga tao sa “The Big One” katatapos lang daw sa isang lugar may kasunod na raw agad na yayanigin.

“Para siyang umiikot-ikot na pagyaning,” babala ni Rudy

Ayon kay Rudy, mainam na maglagay ng wind chimes sa bahay upang madaling matukoy kung may nagaganap na lindol. Iminungkahi rin niya na iwasan ang paglalagay ng mga babasagin, tulad ng mga plato, sa mataas na bahagi ng bahay. Sa halip, ilagay ang mga ito sa mas mababang lugar upang maiwasan ang panganib ng pagbagsak.

“‘Pag tumunog ang wind chimes or lata na sinabit ay magigising kayo at malalaman na may lindol.” aniya.

Kung ano raw ang nangyari noon na lindol sa Tacloban ay mararanasan daw ulit ngayon. Kailangan daw na maging handa.

“Meron akong nakita talaga na may kalsada na mabiyak talaga, not just in Luzon meron din sa Pangasinan meron din sa iba,” sabi niya.

Sinabi pa niya na ang Taal daw ay sasabog na raw nang sobra sa 2025. Matagal na raw ulit bago masundan. Dapat daw ay paghandaan ito ng bawat isa. Pagkatapos ng matinding pagsabog ng Taal ay may sisibol daw na bagong isla na puwedeng lagyan lamang ng imahen ng santo.

“Isla siya na nilagay ng Diyos para maglagay kayo ng santo. Pagsibol ng isla ay pansinin n'yong mabuti, tama lang yung butas doon para ang tao ay makaakyat para magdasal, may kokorte doon na lalagyan ng santo,” pahayag niya.

Kung maglalagay raw ng santo, mas maganda raw na ilagay si San Roque o kaya naman daw si Miraculos.

Hamon ng Kalikasan: Bagyo

Ipinapayo ni Rudy na huwag talagang magpuputol ng puno. Talagang babagyo dahil nagbago na raw ang klima. Talagang mararanasan ang matinding pagbaha kaya naman maigi raw na maghanda ng mga bangka dahil malaki raw ang maitutulong nito sa lahat. May aso raw na magiging bayani na magliligtas ng mag-ina at matanda.

Paghandaan daw ang mga bagyong nag-uumpisa sa letrang O, S, at P. Ang tatlong bagyo raw ay matindi at kasing bagsik ng bagyong Ondoy.

“Malakas talaga ito. Nakakatakot ang bagyong ito. Ang daming namatay dito lalo na ang mga taga-Tacloban mag-ingat kayo diyan kasi mauulit talaga iyon lalo na sa lugar ng Baguio,” babala ni Rudy

Hamon ng Kalikasan: Tagtuyot

Dodoble raw ang init at tagtuyot na mararanasan at maraming insekto ang maglalabasan. Iminumungkahi niyang bawasan ang paggamit ng internet at sa halip ay maglaan ng oras para magtanim ng mga puno.

“Advice ko sa inyo, magtanim naman kayo huwag putol nang putol,” payo niya.

Krimen sa 2025

Ang krimen daw ay tataas. Ang mga suspek daw ay kapamilya lang ng biktima. Kilala o karaniwang mamamayan ay makakaranas na mapabilang dito dahil wala na raw pinipili ang krimen.

“Panghahalay tumaas, pagpatay tumaas. Wala ng pinipili yung krimen,” sabi niya

Huwag daw ipagkakatiwala ang anak basta-basta. Obserbahan ang pagbabago sa behavior ng mga anak at kausapin sila nang mabuti. Kampihan o panigan daw ang mga anak.

“Kampihan niyo ang mga anak niyo, kasi karamihan pa naman sa mga suspect ay mga kapamilya at mahal natin,” paalala niya.

Marami ring insidente ng nakawan ng mga bahay sa 2025. Ang payo niya ay mag-alaga raw ng aso at pusa.

“May lugar na nangyari tatlong beses, pusa ang nagligtas para hindi mapatay yung amo. Kailangan niyo ng hayop huwag niyong alisin,” sabi niya pa

Kalangitan sa 2025

Maraming himala at kababalaghang makikita sa langit. Mapapatanong kung bakit kaya ang araw daw ay tila kulang na lang ay humalik sa lupa.

“Minsan ang langit ay maging kulay apoy. Maulan man o hindi ‘pag kumulimlim ang kalangitan warning iyan na may aksidenteng mangyayari sa buong Plipinas o buong mundo,” lahad ni Rudy

Mas mataas ang bilang ng mga aksidente at nasawi kaya naman daw ay dapat mag-ingat. May nakita siyang tatlong aksidente sa himpapawid.

May pandemya rin daw na magaganap sa 2025. Isa raw itong bacteria na nagmula sa ibang bansa.

“Ang bacteria na ito galing sa hangin ito. Once na malanghap iyon, ang paborito pa naman nitong pasukan ay ang ilong at mata. Once na makapasok ito sa katawan mo hindi mo maramdaman kasi ang lakas mo, magulat ka na lang na may tumubong butlig na kasing laki ng piso at pag pumutok yung dugo niya ay kulay itim,” kuwento niya.

Bagama’t naman daw ang nasabing bacteria, hindi naman din ito nakakahawa kahit na dumikit pa sa ibang tao. Ayon sa kaniya, may butlig na tumutubo sa loob ng katawan ng tao, at kapag ito raw ay umabot sa pito o walo, maaaring maging banta ito sa buhay.

Maraming namatay kahit may gamot para dito. Mabilis daw kasi ang pagkalat sa katawan ng tao ng bacteria na ito. Mag-ingat daw lalo ang mga taong may sakit na sa dugo at puso.

Showbiz sa 2025

Tinaguriang taon ng mga luha sa showbiz ang 2025 para kay Rudy. Maraming taga-showbiz ang mamamaalam sa mundo. May mga kilalang showbiz personalities na napasama raw sa aksidente kasama ang direktor. Maraming fans daw ang malulungkot.

“Sikat pa naman ito na showbiz, mayroong isang aksidente sa himpapawid na napasama sila sa loob mga kilalang personalidad po ito,” saad niya

Ang mga aksidenteng ito sa himpapawid ay wala raw kinalaman sa engine problems kundi sa klima.

“Alam mo minsan yung aksidente sa himpapawid yung daraan yung eroplano mo tapos may mahabang guhit ng kidlat ibig sabihin nung pagkidlat niya kaya niyang hatiin yung eroplano.” sabi niya

May isang young star at beteranong aktor daw na magtatangkang tapusin ang kanilang buhay.

“Para maiwasan ang depresyon at stress kailangan maging open tayo sa pamilya natin. Communication ang kailangan. Huwag sarilinin ang problema. Magsimba po kayo,” suhestiyon ni Rudy

Mga OFW sa 2025

Tataas daw ang bilang ng mga nasawi. Maraming mga OFW ang biktima ng krimen. Sinabi rin niya na ang taon na ito ay magiging panahon ng pagtataksil, kasakiman, at pagkakaroon ng kriminal na pag-iisip.

“OFW ito sinunog yung katawan niya. Sinunog siyang buhay. May mga OFW din na namatay dahil sa aksidente. Maya namatay ding OFW dahil sa bagyo yung iba naman sa stress at depression nag-suicide akala na pinatay siya dahil kutsilyo ang ginamit niya,” sabi niya.

Nakikita ni Rudy na makararanas ng iba't ibang insidenteng may kinalaman sa "apoy" ang bansang China. Habang sa Indonesia naman ay puro raw paglubog, pagguho at pagsabog. Sa Pilipinas naman ay panay ang paglindol dahil malapit na ang “The Big One”. Iba't ibang klaseng krimen naman daw ang mararanasan sa US.

“Advice ko sa inyo sa taong 2025 huwag kayong magpautang. Maniwala kayo sa bisyon ko walang magbabayad. Sa 100%, 2% lang ang magbabayad. Huwag magpapalinlang,” pahayag niya.

Hinihikayat ni Rudy sa pagtatapos ng kaniyang video ang lahat na magbasa ng Bibliya dahil lahat daw ng kasagutan sa mga tanong ay nandoon makikita. Mag -ingat daw ang lahat at patuloy na magdasal.

PREDIKSYON NI JAY COSTURA

Noong Nobyembre 26, inilabas naman ni Jay Costura sa kaniyang YouTube channel ang kaniyang bersyon ng kaniyang 2025 predictions. Si Jay Costura, isang kilalang psychic at tarot card reader sa Pilipinas.

Ayon kay Jay, na bago pa raw matapos ang taon o sa pagpasok pa lang daw ng 2025 ay may malaking gulo na raw na mangyayari. May dalawang bansa raw ang magsasalpukan, Ayon sa kaniya, hindi na ito lingid sa kaalaman ng lahat dahil nagsimula na raw ang mga senyales nito.

Hinikayat din niya ang pag-iimbak ng pagkain dahil magkakaroon daw ng malaking problema sa pagkain.

“Sa pagpasok pa lang ng 2025 ay magkakaroon ng malaking problema sa pagkain. Magkakaroon ng rice shortage at water shortage,” aniya.

Magiging magulo raw ang darating na eleksyon, na ang dahilan daw ay magsisimula sa ibang bansa.

Mas matindi raw ang magaganap na climate change sa 2025.

“Paiba-iba ang panahon, mas malakas ang bagyo na papasok sa 2025. Mas malakas ang papasok na delubyo ngayong 2025,” saad niya.

May nakikita rin siyang iba’t ibang insektong maglalabasan sa 2025.

“I see black bugs para bang sinaunang panahon na nagsisilabasan ang iba't ibang insekto,” aniya.

Lalong magiging advance ang teknolohiya at hihina ang employment ngayong 2025.

“Papaburan ang tinatawag na AI,” aniya pa.

Mas tataas daw ang crime rate at mas dadami pa ang malululong sa pagsusugal o gambling.

“Ang kinakatakot ko kasi tataas yung crime rate, malakas din ang tinatawag na percentage ng rape cases dito sa bansa,” babala niya.

Marami sa mga artista ang magbubuntis. Nakikita rin niyang kahit magkaroon ng problema sa pagkain, tataas naman daw ang exchange rate ng peso vs. dollars.

Kailangan ding paghandaan ang sunod-sunod na volcanic eruption na maaaring mangyari sa iba’t ibang lugar o bansa.

“Maaaring sabay-sabay ito o mas malala pa,” aniya pa.

Magkakaroon daw ng kakaibang sakit na ang tatamaan ay mata.

“Hindi siya sore eyes pero it’s more on high of that. Mata ang tatamaan ng bagong virus na papasok sa 2025,” babala pa niya.

Sa politika, may isang babae raw siyang nakikita na talagang aangat sa 2025. May mga bagong discovery ng artifacts na matatagpuan dito sa Pilipinas.

“May mga mahuhukay na buto ng mga sinaunang tao or tinatawag na mga kagamitan,” sabi niya.

Mas dodoble at titriple pa raw ang init na mararamdaman sa pagpasok ng 2025. Kaya hinihikayat niya na magtipid daw sa paggamit ng tubig ang lahat.

Magkakaroon din daw ng isang malaking isyu ang isang malaking kumpanya dito sa Pilipinas. May nakikita rin daw siya na isang malaking factory na magliliyab.

“Sa mga aksidente mas maraming magaganap na sunog dahil sa sobrang init sa papasok ng 2025. Mas malala talaga ang mangyayaring climate change ngayong 2025,” babala ni Jay.

Ayon pa sa kaniya, may isang bata raw na isisilang na magdadala umano ng mga senyales ng delubyo. Ang sanggol na ito ay sinasabing magkakaroon ng markang baligtad na krus bilang pagkakakilanlan.

“Yung sanggol na ito ay ipapanganak malapit na. maaaring maganap na siya ngayong 2025,” saad niya.

Sa showbiz ay may nakikita raw siyang isang indie film actor na mag-eexcel sa Hollywood o makikilala sa ibang bansa.

“Dating simple lang ang buhay niya, maaaring payak lang talaga. Pero sa husay niya. Ito ay lalaki ha, sa pinapakita sa akin. Siya ay mahihighlight sa Hollywood,” pagbabahagi niya.

Bilang pagtatapos, pinaalalahanan ni Jay Costura ang lahat na ang mga prediksyon ay gabay lamang at pagbibigay ng babala. Ang kinabukasan ay nakasalalay pa rin sa mga desisyon at pagkilos sa kasalukuyan ng bawat isa. Hinimok niya ang lahat na manatiling positibo, magkaisa, at maging handa sa anumang hamon na maaaring dumating.

Mariah Ang