Pumunta sa nilalaman

Mga Awit

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Tungkol ito sa mga awit pampanalangin na nasa Bibliya, kaya't tingnan din ang artikulong tungkol sa Salmo.
Lumang Tipan ng Bibliya

Ang Aklat ng mga Salmo[1] o Aklat ng mga Awit[2] ay isang aklat sa Lumang Tipan ng Bibliya. Isa itong kalipunan ng mga awit ng papuri sa Diyos na bumibilang sa sandaan at limampu. Sinasabing pinasulat ng Diyos ang mga banal na awiting ito sa mga sinugo niya noong unang kapanahunan.[1] Ayon kay Jose C. Abriol, ang Mga Salmo ay hinggil sa karunungan.[1] Isa itong aklat-panalangin ng Bibliya.[2] Isa sa mga maituturing na tanyag na salmo ang Salmo bilang 23, na nagsisimula sa katagang "Ang Panginoon ang aking pastol."

Pamagat

Isang banal na awit ang mga salmo na sinasaliwan ng tugtog ng kudyapi. Karaniwang paksa ng mga awit ng papuring ito ang "kapangyarihan at karunungan ng Lumikha sa sansinukob", maging ang pagmamahal ng Diyos sa "sangkatauhan na nakalarawan sa bayang Israel."[1] Salteryo[1] (Ingles: psalter) ang tawag sa isang tomo ng mga salmo, kabilang ang Aklat ng mga Salmo, at kalimitang naglalaman din ng iba pang mga materyal na mga pangdeboto. Sa Ebreo, Mga Papuri ang orihinal na kahulugan ng Mga Salmo.[3]

May-akda

Tinatawag na salmista[1] ang umaawit at lumilikha ng mga salmo. Marami ang sumulat ng mga salmong nasa Lumang Tipan ng Bibliya. Subalit kalimitang binabanggit na si Haring David ang may-akda ng mga ito dahil karamihan sa mga salmo ang nagmula sa kaniya. Pitumpo ang sinulat ni Haring David, labingdalawa ang sinulat ni Asaf, labing-isa ang sinulat ng mga anak ni Core, isa mula kay Moises, isa ang galing kay Salomon, isa ang nagmula kay Eman, at isa pa magmula kay Etan. May dagdag pang tatlumpu't limang hindi natitiyak kung sinu-sino ang mga umakda.[1]

Panahon

Kinatha ng iba-ibang mga manunulat ang mga salmo sa loob ng mahabang panahon.[2] Tinatayang nasulat ang mga salmo buhat sa kapanahunan ni Haring David, mula ikasiyam na daantaon magpahanggang ika-5 BK.[1] Karamihan sa mga napagbatayan ng mga pangkasalukuyang Mga Salmo ng Bibliya ang mga nagmula sa panahon ng ikalawang templo ng mga Israelita, na tinatayang nasa pagitan ng 537 BK at 100 BK.[3]

Mga bahagi

Binubuo pa ng limang aklat ang Aklat ng mga Salmo: Mga Salmo 1 hanggang 40, Mga Salmo 41 hanggang 71, Mga Salmo 72 hanggang 88, Mga Salmo 89 hanggang 105, at Mga Salmo 106 hanggang 150.[1]

Paglalarawan at layunin

Itinuturing na mga pinakamainam na dasalan ang Aklat ng mga Salmo sapagkat ito ang mga ipinagamit na mga panalangin ng Diyos sa mga Hudyo sa templo ng Herusalem; tinipon ang mga awit at panalanging ito ng bansang Israel para sa kanilang pagsamba magpahanggang sa ilakip na nila ito sa kanilang Kasulatan[2]; ito rin ang mga dinasal ni Hesukristo at ng Mahal na Birhen; binanggit ang mga salmo ng mga sumulat ng mga aklat na nasa Bagong Tipan (katulad ng sa Ebanghelyo ni Juan: 10.11: na nagsasabing "Si Kristo ay Mabuting Pastol."[3]); naging mahalagang aklat ito para sa pananambahan ng mga Iglesyang Kristiyano buhat sa simula[2]; ito ang mga dalanging isinaulo ng unang binyagan at maging ng mga santo; at ito man ang pinag-utos ng Santa Iglesya sa mga pari at mga madreng dasalin upang papurihan at bigyan ng luwalthati ang Diyos sa pangalan ni Hesukristo. Dahil sa mga dahilang nabanggit, araw-araw na dinadalangin ang mga salmo sa "maraming bahagi ng pinakamataas na uri ng pagsamba sa Diyos", ang paghahain ng Banal na Misa.[1]

Mga uri

Nagkakaiba-iba sa tono at paksa ang "Mga Papuri."[3] Kabilang sa maraming uri ang mga tulang pampananampalatayang mga salmo ang mga sumusunod: "mga awit ng papuri at pagsamba; mga paghingi ng tulong, pag-iingat, pagliligtas at kapatawaran; mga awit ng pasasalamat sa Diyos; at mga kahilingan para parusahan ang mga kaaway. May mga salmong "pansarili at pambansa." May mga naglalarawan ng nakakubling damdamin ng isang tao at mayroon namang kumakatawan sa "pangangailangan at damdamin ng lahat ng nananalig sa Diyos."[2] Bukod sa mga uring humihingi ng pagpapatawad, mayroon mga "sumpa" laban sa mga kaaway, mayroong nangangaral, may mga ginagamit para sa mga natatanging mga pagdiriwang katulad ng pagpuputong mga korona o kasalang pangmaharlika o panghari at reyna, may mga itinuturing na naglalaman ng hinggil sa tagapagligtas o mesiyaniko dahil nga sinipi ng mga manunulat ng Bagong Tipan ng Bibliya.[2]

Payo ng Santo Papa

Sa mga Pilipino

Noong 1959, sa pagdalaw ng samahang Bayanihan ng Pilipinas kay Papa Juan XXIII, ipinayo ng huli sa Bayanihan ang pagbasa ng Aklat ng mga Salmo.[1]

Mga salin

Nakabatay ang isang salin ng Aklat ng mga Salmo, mula sa salteryong ipinasalin naman ni Papa Pio XII, katulad ng Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon (Jubileo A.D) ni Reb. Jose C. Abriol.[1]

Pagtatakda ng mga bilang

Si Haring David habang idinidikta sa mga tagasulat niya ang Mga Salmo. Isa itong larawang yari sa garing, na nilikha noong mga ika-10 hanggang ika-11 daantaon.

May bahagyang pagkakaiba ang pagaayos at paglalagay ng bilang ng Mga Salmo sa mga manuskritong Masoterikong Ebreo at ng sa Septuahintong Griyego:

Sa Mga Salmong Ebreo Sa Mga Salmong Griyego
1–8
9–10
9
11–113
10–112
114–115
113
116
114–115
117–146
116–145
147
146–147
148–150
  • Pinagsama ang Ebreong Mga Salmo 9 at 10 sa bersyong Griyego.
  • Pinagsama ang Ebreong Mga Salmo 114 at 115 sa bersyong Griyego.
  • Hinati at pinaghiwalay ang Ebreong Mga Salmo 116 sa bersyong Griyego: na naging Mga Salmo 114 at 115.
  • Hinati at pinaghiwalay ang Ebreong Mga Salmo 147 sa bersyong Griyego: na naging Mga Salmo 146 at 147.

Halimbawang sipi

Isang maagang sinaunang bersyong Kristiyano ng wangis ni Kristo bilang "ang Mabuting Pastol" (circa ika-4 na daantaon).

Hinangong awitin

Halaw ang sumusunod na panitik pang-awitin mula sa Salmo 23 (1-6). Isang tanyag na awitin at tugutuging pampananampalataya ang Ang Panginoon ang Aking Pastol ni Padre D. Isidro, SJ, isang paring Heswita:[4]

Koro: Ang Panginoon ang aking pastol
Pinagiginhawa akong lubos
1. Handog niyang himlaya’y sariwang pastulan
Ang pahingaan ko’y payapang batisan,
Hatid sa kalul’wa ay kaginhawahan,
Sa tumpak na landas, Siya ang patnubay. (Ulitin ang koro)
2. Madilim na lambak man ang tatahakin ko,
Wala aking sindak, Siya’y kasama ko.
Ang hawak niyang tungkod ang siyang gabay ko.
Tangan niyang pamalo, sigla’t tanggulan ko. (Ulitin ang koro)

Bersiyon 1

Ito ang piling bersiyon ng Awit 23 (Salmo 23), taludtod 1 hanggang 6, mula sa Magandang Balita Biblia:[2]

  1. Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang.
  2. Ako'y pinahihimlay sa mainam na pastulan, at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
  3. Binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan. At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan sa matuwid na landasi'y doon ako inaakay.
  4. Kahit na ang daang iyo'y tumatahak sa karimlan, hindi ako matatakot pagkat ikaw'y kaagapay; ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
  5. Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang, ito'y iyong ginagawang nakikita ng kaaway; nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan at pati na ang saro ko ay iyong pinaaapaw.
  6. Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan, sasaaki't tataglayin habang ako'y nabubuhay; doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.

Bersiyon 2

Ito ang bersiyong nasusulat sa Ang Banal na Bibliya ni Padre Jose C. Abriol. Ayon kay Abriol, isa ito sa mga salmong sinulat ni Haring David:[1]

  1. Ang Panginoon ang aking Pastol; hindi ako mangangailangan ng ano man.
  2. Ako'y inilalagay niya sa mga sariwang pastulan. Inaakay ako sa tabi ng tubig na aking pahingahan. Pinagiginhawa niya ang aking kaluluwa.
  3. Pinapatnubayan ako sa mga tumpak na landas alang-alang sa kanyang pangalan.
  4. Maglakad man ako sa madilim na libis ay wala akong katatakutang masama; sapagkat ikaw ay sumasaakin. Ang iyong pamalo at tungkod ang siyang nagpapasigla sa akin.
  5. Pinaghahandaan mo ako ng dulang sa harap ng aking mga kalaban; pinapahiran mo ang aking ulo ng langis; umaapaw ang aking kopa.
  6. Pawang kabutihan lamang at kagandahang-loob ang taglay ko sa lahat ng mga araw ng aking buhay; at ako'y maninirahan sa bahay ng Panginoon magpakailan man.

Sa Islam

Ang Zabur ay, ayon sa Islam, ang banal na aklat ni David (Dawud), isa sa mga aklat na banal na inilathala ng Diyos (Allah) bago ng Koran, bukod sa Tora (Tawrat) ni Moises (Musa) at sa Ebanghelyo (Injil) ni Jesus (Issa).

Ang ilang mga dalubhasa ay nag-uugnay ng Zabur sa biblikong aklat ng Mga Salmo. Ang katagang zabur ay ang Arabeng katumbas ng Ebreong zimra, na nangangahulugang "awitin, musika." Ito, kasama ng zamir ("awitin") at mizmor ("salmo"), ay nanggaling sa zamar,[5] na nangangahulugang "umawit, umawit ng papuri, tumutog."

Sanggunian

  1. 1.00 1.01 1.02 1.03 1.04 1.05 1.06 1.07 1.08 1.09 1.10 1.11 1.12 Abriol, Jose C. (2000). "Mga Salmo". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pati ang talababa 44 na nasa pahina 1557.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 2.6 2.7 Mga Awit, Ang Biblia, AngBiblia.net
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 Reader's Digest (1995). "Psalms". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Ang Panginoon ang Aking Pastol, panitik mula sa OPMPinoy.com
  5. Theological Wordbook of the Old Testament, vol. 1, pg. 245.

Panlabas na kawing

Basahin sa Bibliya

Tugtugin at panoorin