Pumunta sa nilalaman

Suman

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Suman
Suman sa lihiya, isang uri ng suman na nakabalot sa dahon ng saging
LugarPilipinas
Pangunahing SangkapMalagkit
Ibos na suman

Ang suman o budbud ay kakanin mula sa Pilipinas. Gawa ito sa pinaghalong malagkit na bigas na niluto sa gata ng niyog na karaniwang binabalot sa dahon ng saging, niyog, o buli na pinapasingawan.[1] Kadalasan, binubudburan ito ng asukal o nilalagyan ng latik, tapos kinakain. May malaganap na uri ng suman na gawa sa kamoteng-kahoy sa halip ng malagkit.

May samu't saring uri ng suman. Halos lahat ng bayan o lokalidad ay may kani-kanilang espesyalidad. Inilalarawan ang ilan sa ibaba:[2]

  • Binuo (o Suman sa Binuo) – Isang pambihirang uri ng suman kung saan ang malagkit ay binababad, ginigiling, hinahalo sa gata at asukal, binabalot sa dahon ng tagbak, at pinapasingawan. Dahil sa dahong ipinambalot, ang suman na ito ay may kakaibang bango at lasa, at mas maligat kaysa sa uri na gawa sa malagkit.
  • Kurukod o kurukud – Isang sumang kamoteng-kahoy na may palaman na bukayo.[3]
  • Suman sa Ibus (o Ibus lamang)[4] – Isang malaganap na uri ng suman sa Pilipinas, hinuhugasan ang malagkit, at hinahalo sa asin at gata. Ibinubuhos ito sa mga lalagayan na gawa sa talbos ng palma na tinatawag na Ibus or Ibos, na binubuklod ng tingting ng talbos. Susunod, pinakukulo ito sa tubig na may halong luyang-dilaw—na nagbibigay ng angking kulay nito—at inihahain kasama ng pinaghalong ginutay-gutay na buko at asukal o latik.
  • Sumang Inantala – Katulad ang mga sangkap sa uring Ibos, ngunit naiiba ang Inantala sa paraan na niluto ang suman, at ibinubuhos ito sa maliliit na parisukat na gawa sa dahon ng saging.
  • Sumang Kamoteng Kahoy[5] – Ang kamoteng-kahoy ay ginigiling nang pino, hinahalo sa gata at asukal, binabalot sa dahon ng saging, at pinapasingawan.
  • Suman sa Lihiya[6] – Ang binabad na malagkit na may gata ay nilalagyan ng lihiya, binabalot sa dahon ng saging, at pinakukuluan nang dalawang oras. Inihahain ito kasama ng alinman sa dalawang uri ng latik—ang kayumangging uri na pinaitim sa matagal na pagluluto, na may mas matapang na lasa ng niyog o ang puting uri na mas pino. Tinatawag din itong Akap-akap dahil ibinebenta ito nang nakapares.
  • Sumang Inilonggo – Tumutukoy sa Biko sa wikang Hiligaynon/Ilonggo sa halip na sa tradisyonal na suman.

Mga ibang tawag

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kilala ito bilang marcha sa India, Nepal at Bhutan, benh men sa Vietnam, chiu, chu o daque sa Tsina at Taiwan, loogpang sa Thailand, ragi sa Indonesia at nuruk sa Korea.[7]

Pagbabalot sa suman

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang pagbabalot sa suman ay natatanging sining sa ganang sarili, at matutunton ito sa mga ninuno noong panahong pre-kolonyal na nalantad sa mga tradisyon ng mga Indiyano. Ang mga pambalot ay gawa sa samu't saring katutubong materyales tulad ng dahon ng palma, banana, anahaw at kawayan, bao, at iba pa. Simpleng tupi lang ang mga ilang pambalot kagaya ng mga pambalot sa binuo at kamoteng kahoy, kaya hugis-parihaba ang mga suman na ito. Ang mga ibang uri ay nasa loob ng mga patayo na likaw katulad ng inantala, kaya hugis-tubo ang mga ito. Ang iba naman ay nasa loob ng mga hugis-piramide na pambalot, kagaya ng balisungsong. Kinakain ang ilang uri ng suman na parang sorbetes–na may kono na gawa sa dahon ng saging, at ang mga iba pa ay nasa loob ng mga kumplikadong hugis katulad ng pusu. Hinahabi ang ilan sa hugis ng puso ng saging, o sa hugis ng pinagi (mula sa salitang pagi), isang masalimuot na estrelya na may walong tagiliran.[2]

Magkakaiba ang suman (pati na rin ang mga malinamnam na uri nito tulad ng binalot at pastil) sa puso (or patupat), dahil hinabing dahon ng palma ang ginagamit sa huling nabanggit.[2][8]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Lacquian, Eleanor at Irene Sobreviñas (1977). "Suman". Filipino Cooking Here & Abroad (Lutuing Pilipino Dito at sa Labas ng Bansa).{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 Nocheseda, Elmer I. "In Praise of Suman Past" [Papuri sa Nakaraan ng Suman]. Tagalog Dictionary (sa wikang Ingles). Nakuha noong Enero 27, 2008.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Sison, Jainey (Agosto 18, 2017). "KURUKOD (Cassava Suman with Coconut Filling)". Mama;s Guide Recipes (sa wikang Ingles). Nakuha noong Oktubre 5, 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "Suman sa Ibus Recipe" [Resipi ng Suman sa Ibus] (sa wikang Ingles). Nakuha noong Disyembre 24, 2007.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Cassava Suman Recipe by Pinoy Recipeat iba pa" [Resipi ng Sumang Kamoteng-Kahoy ng Pinoy Recipe at iba pa] (sa wikang Ingles). Nakuha noong Abril 12, 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. "Suman sa Lihiya Recipe" [Resipi ng Suman sa Lihiya] (sa wikang Ingles). Nakuha noong Oktubre 16, 2013.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Jyoti Prakash Tamang, Patricia Lappe-Oliveras and Baltasar Mayo (editors) Insights of Fermented Foods and Beverages: Microbiology and Health-Promoting ... (2022), p. 49, sa Google Books
  8. Nocheseda, Elmer I. (2011). "The Art of Pusô: Palm Leaf Art in the Visayas in Vocabularios of the Sixteenth to the Nineteenth Centuries" [Ang Sining ng Puso: Sining ng Dahon ng Palma sa Vocabularios ng Ika-labing-anim hanggang ika-labinsiyam na Siglo] (PDF). Philippine Studies (sa wikang Ingles). 59 (2): 251–272.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)