Las-4 1

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 5

Kagawaran ng Edukasyon

Rehiyon V
SANAYANG PAPEL SA PAGKATUTO SA FILIPINO 10
Kuwarter 4 Bilang 1

Pangalan ng Mag-aaral ____________________________________________________


Baitang/Seksiyon : ______________________________Petsa:___________________

I.PANIMULANG KONSEPTO
Ang nobelang “El Filibusterismo” o “Ang Paghahari ng Kasakiman” ay
ang pangalawang nobelang isinulat ng pambansang bayani ng Pilipinas na
si Dr. Jose P. Rizal na kaniyang buong-pusong inialay sa tatlong paring
martir na lalong kilala sa bansag na GOMBURZA (Gomez, Burgos at
Zamora). Ang nasabing nobela ay pampolitika na nagpadama,
nagpapahiwatig at nagpapagising pang lalo sa maalab na hangaring
makapagtamo ng tunay na kalayaan at karapatan ng bayan.
Sa araling ito, tatalakayin ang kaligirang pangkasaysayan ng nobela.

II. KASANAYANG PAMPAGKATUTO


Natitiyak ang kaligirang pangkasaysayan ng akda sa pamamagitan ng:

-Pagtukoy sa mga kondisyon sa panahong isinulat ang akda

- Pagpapatunay ng pag-iral ng mga kondisyong ito sa kabuoan o


ilang bahagi ng akda

- Pagtukoy sa layunin ng may-akda sa pagsulat ng akda

(F10PB-IVa-b-86)

III. MGA GAWAIN

A. PAGBALIK-ARALAN MO!
Panuto. Suriin at isulat ang kahulugan ng salitang nakasalungguhit
batay sa kaligirang pangkasaysayan ng El Filibusterismo. Ang
unang titik ng salita ay ibinigay na bilang gabay. Isulat ang sagot sa
sagutang papel.

1
S______________1. Hindi inisip ni Dr. Jose Rizal ang gabundok na
balakid sa kanyang nilalayon.
H______________2. Hinimok ni Gobernador Heneral Emilio Terrero
si Rizal na lumisan muna sa bansa.
S______________3. Pihong matatapos ni Rizal ang nobela dahil
dumating ang saklolo mula sa mayamang kaibigan.
M_____________4. Ang mariwasang si Valentin Ventura ang
nagligtas sa kanyang kagipitan.
B_____________5. Pinag-usapan at pinasakitan ang pamilya ni Rizal
dahil sa maling paratang.

B. PAG-ARALAN MO!

Maikling Kasaysayan ng El Filibusterismo

Kung ang “Noli Me Tangere” ay siyang gumising at nagpaalab sa diwa


at damdamin ng mga Pilipino ukol sa kanilang mga karapatang pambansa.
Ang “Filibuterismo” naman ang nakatulong nang malaki kay Andres
Bonifacio at sa Katipunan upang maiwaksi ang mga balakid na
nakasasagabal sa Paghihimagsik noong 1896.
Ang mga simulain sa nobelang ito (Ang “Filibusterismo”) ay siyang
nagpasigla at nagpatibay ng loob ng mga Pilipino sa pakikidigma laban sa
España, at siya rin naming nagtaguyod sa kanila sa mahabang panahong
ginugol sa pagtuklas ng kasarinlan. Ang FILI ang siyang nagturo sa
kapilipinuhan ng pagkabihasa, ng pagbabagumbuhay, at ng landas na
tungo sa kaligtasan—kaligtasang matatamo lamang sa pamamagitan ng
sariling pagsisikap.
Bagama’t binalangkas ni Dr. Rizal ang pagkatha sa Ang
“Filibusterismo” noong ginagawa niya ang “Noli Me Tangere,” ay may mga
limang taon ang nakalipas, o dili kaya’y noong 1890, bago niya sinimulan
ang nasabing aklat—ang FILI.
Ang kalagayan sa pamumuhay ni Dr. Rizal nang sinusulat niya Ang
“Filibusterismo”, ay katulad, kung di man lalong mabalakid nang pasimulan
at matapos niya ang “Noli Me Tangere.” Susun-susong mga kahirapan ang
kanyang dinaranas—nagtitipid siya nang di-gagaano, at kung minsa’y
makalawa lamang siyang kumain maghapon; napilitang isanla ang lahat
niyang alahas; ang mga kapanalig niya sa La Solidaridad ay nakikipaglayo
sa kanya; ang mga magulang niya at mga kapatid ay pinag-uusig at
pinasasakitan ng Pamahalaang Kastila; ipinakasal sa iba ang kanyang

2
binibining katipan ng mga magulang nito—anupa’t lahat ng pangyayari
noon ay tila nagtutulong-tulong upang maigupo ang diwa at kalooban ng
bayani.
Ngunit ang ganitong mga kasawian ay di nakapigil sa kapasyahan at
katibayan ng loob ni Dr. Rizal upang ipagpatuloy at tapusin ang pagsulat
ng Ang “Filibusterismo”. Sinimulan ang nobelang ito sa Londres, Inglatera,
noong 1980, ngunit di naglaon ay lumipat sa Bruselas, Belgica, at dito sa
huling lunsod niya sinulat ang malaking bahagi ng FILI hanggang sa
matapos ang aklat noong ika-29 ng Marso,1891. May ilang tala na
nagsasabi na may bahagi rin ng FILI na sinulat sa Gante, Belgica, lalaong-
lalo na ang bandang huli at pagrerebisa ng manuskrito.
Ayon sa pahayag ng may-katha sa isang liham kay Jose Basa,
makabayang kaibigan ng bayani, ang manuskrito ng FILI ay ibinigay nito sa
isang palimbagan sa Gante nang nagtatapos ang buwan ng Mayo, 1891. Sa
isang banggit sa The Hero of the Filipinos, talambuhay na sinulat nina Russel
at Rodriguez, ay mahuhulo na ipinalimbag ni Dr. Rizal ang FILI sa pag-asang
may sapat na kuwaltang panustos na matatanggap siya na manggagaling
sa Pilipinas.
Ngunit binigo siya ng mga pangyayari: naibayad na lahat ang
kuwaltang kanyang natipid; ang kuwaltang hinihintay ay ‘di dumating, ang
ilang mayayamang Pilipino na nangakong aabuloy ng halagang
kakailanganin sa pagpapalimbag ay pawang nangakalimot—anupa’t halos
nawalan na ng pag-asa si Dr. Rizal na maipapatapos ang kanyang paggawa.
Dahil dito’y itinigil ang paglilimbag sa FILI na noo’y nasa pahina 112
lamang.
Nangangalahati ang buwan ng Setyembre, 1891. Isang pangyayari
ang nag-iwas kay Dr. Rizal sa pagkabigo sa kanyang layunin—ito’y ang
halos himalang pagdating na buhat sa Paris ng kuwaltang padala ng matalik
niyang kaibigang si Valentin Ventura. Sa bagay na ito ay naligtas ang ating
bayani sa pagkagipit at Ang “Filibusterismo” ay natapos ipalimbag humigit-
kumulang noong ika-22 ng Setyembre, 1891.
Bilang pagkilala ni Dr. Rizal sa malaking utang na loob ay inialay niya
kay G. Ventura ang orihinal ng manuskrito ng Ang Filibusterismo”, kalakip
ng isang nilimbag at nilagdaang sipi ng nobelang ito.
Matapos mapadalhan ni Dr. Rizal ng mga sipi ng FILI ang mga tapat
niyang kaibigan,gaya nina Dr. Blumentritt, Marcelo H. Del Pilar, Graciano
Lopez Jaena at Juan Luna, ay ipinalagay niya sa mga kahon ang halos lahat
ng mga aklat na ipinalimbag. Ang karamihan ay ipinadala niya sa Hongkong
at ang natirang bahagi ay sa Pilipinas naman. Ang ginawang ito ni Dr. Rizal
ay nagpapatunay na sinulat niya ang FILI upang basahin sa Pilipinas at di
sa España, Francia, Alemania, at iba pang bansa sa Europa.
Sa masamang kapalaran, lahat halos ng mga sipi ng FILI ay
nasamsam sa Hongkong, at lahat naman ng dumating sa Iloilo ay natutop

3
at ipinasira ng Pamahalaang Kastila. May ilan-ilan ding sipi ang nakarating
at nabasa sa Pilipinas, ngunit ang ilang ito ay nakalikha ng malaking sigla
sa kilusang naukol sa Paghihimagsik.

C. PAGSANAYAN MO!
Panuto: Ibigay ang sagot sa hinihinging tanong. Isulat ang sagot sa sagutang
papel.

1. Ilarawan ang kalagayan o kondisyon ng lipunang Pilipino sa panahong


isinulat ang akdang El Filibusterismo. Tukuyin ang isang partikular na
bahagi ng nobelang nagpapakita ng kondisyon nito.
2. Kung ikaw si Rizal sa kasalukuyang panahon, ipagpapatuloy mo pa ba
ang pagsusulat ng nobela na tumutuligsa sa pamahalaan sa kabila ng
maraming panganib sa iyong buhay/pamilya?

D. TANDAAN MO!
“Upang mahinuha natin ang kapalaran ng isang bansa, nararapat
lamang na balikan ang nagdaang mga pangyayari nang maihatid nang wasto
ang mga mahahalagang detalye ng kasaysayan”. Ito ang isinalin sa wikang
kasabihan ni Gat. Jose Rizal na hamak nga naming gumising sa diwa ng mga
Pilipino. Sa bisa ng diwang nag-uugnay sa kanya (kay Rizal) at sa atin ay may
karapatan tayong maniwalang bawat Pilipino’y maaaring maging Rizal, at ano
pa mang mithiing kanyang natamo ay matatamo rin natin pagka’t may
kakayahan at lakas tayo upang maisagawa ito, kapag tayo’y gumamit ng
pagpupunyagi, pamamaraan at kataimtimang-loob sa tungkulin na kagaya
ng kanyang ipinamalas sa lalong mahahalagang gawain sa kanyang buhay—
RAFAEL PALMA.

IV. PAGTATAYA
Panuto: Ibigay ang sagot sa hinihinging tanong. Isulat ang sagot sa sagutang
papel.

1. Ano-anong mga pangyayari ang nagtulak kay Rizal para isulat ang El
Filibusterismo?
2. Ano-anong suliranin ang kinaharap ni Rizal sa pagbuo ng manuskrito?

4
3. Bakit sa tatlong paring martir inialay ni Rizal ang nobela?

V. SUSI SA PAGWAWASTO
(Nasa guro ang magiging pamantayan sa pagmamarka)

VI. SANGGUNIAN
Magdalena O. Jocson, (2015), FILIPINO 10 Panitikang
Pandaigdig, Modyul para sa Mag-aaral. Department of Education-
Institutional Materials Council Secretariat (depEd-IMCS), 5th Floor Mabini
Bldg., DepEd Complex, Meralco Avenue Pasig City.

De Guzman, Maria Odulio, (1960) Ang “Filibusterismo”


(Karugtong ng “Noli Me Tangere” ni Dr. Jose Rizal, Ikalabing-anim na
Pagkakalimbag, National Book Store, Quad Alpha Centrum Bldg., 125
Pioneer St. Madaluyong City

Inihanda ni:

JAYCEL P. LAURENTE, Dalubguro 1

Nabua National High School

Nabua East District

Tiniyak ang kalidad ni:

SONNY A. TAUGAN, EdD.


Pansangay na Tagamasid
Sangay ng Camarines Sur

You might also like