Download as DOCX, PDF, TXT or read online from Scribd
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 5
Sa modyul na ito, matututuhan mo ang konsepto, palatandaan ng
kaunlaran at mahahalagang impormasyong dapat makita upang masukat
ang kaunlaran ng isang bansa. Ikaw ay haharap sa tekstong nagbibigay- kabatiran at mga mapanghamong gawain na sadyang pumukaw sa iyong interes. Sa pagtatapos ng araling ito, ikaw ay inaasahang makapagbibigay ng sariling kahulugan ng pambansang kaunlaran at masiyasat ang mga palatandaan nito.
Pamantayan ng Pagkatuto: MELC: Nasisiyasat ang mga palatandaan ng
pambansang kaunlaran. AP9MSP-IVa-2
Pagkatapos mong mapag-aralan ang modyul, inaasahang iyong:
a. Natutukoy ang mga konsepto ng pag-unlad;
b. Naiisa-isa ang mga palatandaan ng pag-unlad; at c. Naka Pagmumungkahi ng mga paraan sa pagtamo ng pambansang kaunlaran. KONSEPTO NG PAG–UNLAD
Paano ba masasabi na maunlad ang isang bansa? Masasabi ba natin
na maunlad ito kung maraming matataas na gusali, magarang sasakyan, o mataas ang sweldo ng mga tao? Gayundin, maunlad ba ng pamumuhay ng mga tao kung mayroong pinaka bagong cellphone, o hindi kaya branded na damit at sapatos? Ano nga ba ang kaunlaran? Ang pag unlad ay isang kaisipang maaaring may kaugnayan sa salitang pagsulong. Ito ay pagbabago mula sa mababa tungo sa mataas na antas ng pamumuhay ayon sa diksyunaryong Merriam-Webster.
Sa aklat ni Feliciano R. Fajardo na Economic Development (1994), ang
pag-unlad ay isang progresibo at aktibong proseso. Habang ang pagsulong ay bunga ng proseso o produkto ng pag-unlad. Ayon pa rin kay Fajardo, ang pagsulong ay nakikita at nasusukat. Ang mga halimbawa nito ay daan, sasakyan, kabahayan, gusali, paaralan at marami pang iba. Ang mga ito ay resulta ng pag-unlad. Dagdag pa niya, ang pag-unlad ay isang progresibong proseso ng pagpapabuti ng kondisyon ng tao, gaya ng pagpapababa ng antas ng kahirapan, kawalan ng trabaho, kamangmangan, di-pagkakapantay- pantay at pananamantala.
May dalawang magkaibang konsepto ang pag-unlad batay sa aklat ni
Michael P. Todaro at Stephen C. Smith:
⮚ Tradisyonal na pananaw- binibigyang- diin ang pag-unlad
bilang pagtatamo ng patuloy na pagtaas ng antas ng income per capita nang sa gayon ay mas mabilis na maparami ng bansa ang kanyang output kaysa sa bilis ng paglaki ng populasyon nito. ⮚ Makabagong pananaw- isinasaad na ang pag-unlad ay dapat na kumakatawan sa malawakang pagbabago sa buong sistemang panlipunan.
Sa akdang “Development as Freedom” (2008) ni Amartya Sen, kanyang
ipinaliwanag na ang kaunlaran ay matatamo lamang kung “mapauunlad ang yaman ng buhay ng mga tao kaysa sa yaman ng ekonomiya nito”. Upang matamo ito, mahalagang bigyan pansin ang pagtanggal sa mga ugat ng
kawalang kalayaan tulad ng kahirapan, diskriminasyon, at hindi
pagkakapantay-pantay at ng iba pang salik na naglilimita sa kakayahan ng mga mamamayan.
MGA SALIK NA MAKAKATULONG SA PAGSULONG NG
EKONOMIYA NG BANSA ⮚ Likas na Yaman – Malaki ang naitutulong ng mga likas na yaman sa pagsulong ng ekonomiya lalong-lalo na ang mga yamang-lupa, tubig, kagubatan at mineral. Subalit hindi kasiguraduhan ang mga likas na yaman sa mabilis na pagsulong ng isang bansa. ⮚ Yamang-tao- Isang mahalagang salik sa pagsulong ng ekonomiya ang lakas-paggawa. Mas maraming output ang nalilikha sa isang bansa kung maalam at may kakayahan ang mga manggagawa nito.
⮚ Kapital- Lubhang mahalaga ang kapital sa pagpapalago ng
ekonomiya ng isang bansa. Sa tulong ng mga kapital tulad ng mga makina sa mga pagawaan ay nakalilikha ng mas maraming produkto at serbisyo.
⮚ Teknolohiya at Inobasyon- Sa pamamagitan ng mga salik na
ito, nagagamit nang mas episyente ang iba pang pinagkukunang-yaman upang mas maparami pa ang mga nalilikhang produkto at serbisyo
MGA PALATANDAAN NG PAG-UNLAD
Masasabing ang pagsulong ay isa lamang aspekto ng pag-unlad. Hindi sapat ang pagsukat ng Gross Domestic Product (GDP), Gross National Product (GNP), GDP/GNP per capita at real GDP/GNP, makabagong teknolohiya, at nagtataasang gusali upang masabing ganap na maunlad ang isang bansa. Higit pa ito sa modernong kagamitan at mga makabagong teknolohiya dahil kasama rito ang mga pagbabago sa lipunan at paraan ng pamumuhay ng mga tao.
Ayon kay Fajardo, ang pagsulong ng ekonomiya dulot ng mga dayuhang
mamumuhunan at ang pag-unlad na inangkat ay walang kahulugan sa masa kung ang mga ito ay hindi nararamdaman ng mga pangkaraniwang tao.
Ayon pa kay Todaro at Smith sa kanilang aklat na Economic
Development, ang pag-unlad ay isang multidimensiyonal na prosesong kinapapalooban ng malaking pagbabago sa istruktura ng lipunan, gawi ng
mga tao at mga pambansang institusyon, gayundin ang pagpapabilis ng
pagsulong ng ekonomiya, pagbabawas sa di- pagkakapantay-pantay at pag- alis ng kahirapan.
HUMAN DEVELOPMENT INDEX
Maliban sa paggamit ng GDP at GNP, ginagamit ang Human Development Index (HDI) bilang isa sa mga panukat sa antas ng pag-unlad ng isang bansa. Tumutukoy ito sa pangkalahatang sukat ng kakayahan ng isang bansa na matugunan ang mahahalagang aspekto ng kaunlarang pantao (human development) tulad ng: a. Kalusugan- ginagamit na pananda ang inaasahang tagal ng buhay o life expectancy b. Edukasyon- ginagamit na pananda ang mean years of schooling (antas ng pinag-aralan ng mga mamamayan na may 25 taong gulang) at expected years of schooling (bilang ng mga nag-aaral sa lahat ng antas ng edukasyon) c Antas ng pamumuhay- nasusukat gamit ang gross national income per capita.
Ito ay unang inilathala ni Mahbub ul Haq at inilimbag ng United Nations
noong 1990. Sa pinakaunang Human Development Report na inilabas ng UNDP, inilahad ang pangunahing saligan ng sumunod pang mga ulat na nagsasabing “Ang mga tao ang tunay na kayamanan ng isang bansa.” Sa pamamagitan ng mga pahayag na ito, na kinatigan pa ng maraming empirikal na datos at makabagong pananaw ukol sa pagsukat ng kaunlaran, ang Human Development Report ay nagkaroon ng mahalagang implikasyon sa pagbuo ng mga polisiya ng mga bansa sa buong mundo.
Ang pagbibigay pansin sa kaunlarang pantao ay lubhang mahalaga sa
paghahanap ng pamamaraan upang mas mapabuti pa ang kalagayan ng mga tao. Ilan sa mga ito ay ang mas malawak na akses sa edukasyon, maayos na serbisyong pangkalusugan, mas matatag na kabuhayan, kawalan ng karahasan at krimen, kasiya-siyang mga libangan, kalayaang pampulitika at pangkultura at pakikilahok sa mga gawaing panlipunan.
Ang Human Development Report Office ng United Nations Development
Programme (UNDP) ay gumagamit ng mga karagdagang palatandaan upang masukat ang hindi pagkakapantay-pantay (Inequality-adjusted HDI, kahirapan (Multidimensional Poverty Index) at gender disparity (Gender Inequality Index). Ang Inequality –adjusted HDI ay ginagamit upang matukoy kung paano ipinamamahagi ang kita, kalusugan, at edukasyon sa mga mamamayan ng isang bansa. Ang Multidimensional Poverty Index naman ay
ginagamit upang matukoy ang paulit-ulit na pagkakait sa mga sambahayan
at indibidwal ng kalusugan, edukasyon at antas ng pamumuhay samantalang ang Gender Development Index ang sumusukat sa puwang o gap sa pagitan ng mga lalaki at babae.
Ang human development ay hindi nakapako sa isang konsepto lamang.
Bagkus, habang nagbabago ang mundo ay patuloy ring nagbabago ang pamamaraan at konseptong nakapaloob dito. Tanging ang katotohanang ang pag-unlad ay tunay na nasusukat lamang sa pamamagitan ng epekto nito sa pamumuhay ng mga tao.