Magdamagang Pagtatanod Sa Santo Entierro

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 13

1

MAGDAMAGANG PAGTATANOD SA SANTO ENTIERRO


Gabi ng Biyernes Santo ng Semana Santa

Magandang gabi po sa lahat. Ating gaganapin ang pagtatanod sa Santo Entierro.


Awit: Dakilang Pag-ibig in Cm
(Magsitayo po ang lahat.)
Namumuno: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Bayan: Amen.
Namumuno: Ito ang gabi ng kadiliman; ito ang gabi ng kamatayan. Ito ang gabi
kung saan tinalikuran ng Diyos ang kanyang pagka-Diyos upang maranasan ang
bunga ng pagkakasala ng mga unang tao: ang parusa ng kamatayan. Bagaman
hindi siya nagkasala, ang ating Panginoong Hesukristo ay nag-alay ng kanyang
buhay sa krus para sa kaligtasan ng tanan. Ito’y isang pagpapamalas ng dakilang
pagmamahal ni Hesus upang maranasan nating lahat ang tunay at lubos na buhay
sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay.
Sa pagtatanod natin sa patay na katawan ni Kristo Hesus, idalangin natin na
masamahan niya tayo sa paglalakbay ng buhay mula sa takipsilim ng pagkakasala
at dilim ng kamatayan tungo sa bukang-liwayway ng biyaya at liwanag na walang
hanggan.
(Magsiluhod po ang lahat)
PANALANGIN SA SANTO ENTIERRO
O Hesus na aming Manunubos, nagkatawang tao ka upang iligtas kaming
mga makasalanan. Sa iyong pagsilang, kami ay nabigyan ng pag-asa. Sa iyong
pangangaral, kami ay dinala sa tuwid na landas. Sa iyong mga gawa,
pinanumbalik kami sa aming tunay pagkatao. Sa iyong paghihirap, kami ay
dinamayan. Sa iyong pagkamatay, kami ay binigyan ng buhay – buhay na walang
hanggan.

2
Kami ngayon ay naninikluhod na sumasamo s aiyo, O Diyos ng Buhay, na
dumaan sa pinto ng kamatayan, dala ang aming mga alalahanin, pagkabalisa,
naliligalig na pananampalataya nang dahil sa mga patong-patong na hamon ng
buhay. Lumalapit kami sa iyo, O Diyos na nahimlay sa kamatayan, upang
madulutan kami ng buhay sa iyong batis ng pag-asa.
Buo ang pananampalataya na ang kamatayan ay hindi hangganan, itinataas
namin sa iyo, O Santo Entierro, ang aming mga natatanging kahilingan (banggitin
ang mga kahilingan). Inihahabilin namin sa iyong mga kamay ang mga
kahilingang ito puspos ang pananalig na sa iyong pagkamatay, bumubukal ang
pag-asa at buhay na walang hanggan. Amen.
(Magsiupo po ang lahat)
Tagabasa: Pagbasa mula sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas (Lc 23:44-46, 50-
56).
Nang mag-iikalabindalawa ng tanghali, nagdilim sa buong lupain hanggang
sa ikatlo ng hapon. Nawalan ng liwanag ang araw; at ang tabing ng templo’y
napunit sa gitna. Sumigaw ng malakas si Hesus, “Ama, sa mga kamay mo’y
ipinagtatagubilin ko ang aking Espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot na ang
kanyang hininga.
May isang lalaki na ang ngala’y Jose, tubo sa Arimatea, isang bayan ng mga
Judio. Mabuti at matuwid ang taong ito at kabilang sa mga naghihintay sa
paghahari ng Diyos. Bagamat kagawad siya ng Sanedrin, hindi siya sang-ayon sa
kanilang ginawa kay Hesus. Lumapit siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni
Hesus. Nang maibaba na ang bangkay, binalot niya ito ng kayong lino at inilagay
sa isang libingang inuka sa bato – hindi pa iyon napaglilibingan. Araw noon ng
Paghahanda, at magsisimula na ang Araw ng Pamamahinga.

3
Sumunod kay Jose ang mga babaeng sumama kay Hesus mula sa Galilea, at
nakita nila ang pinaglibingan, pati ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Hesus.
Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira.
Nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, nagpahinga sila, ayon sa
itinakda ng Kautusan.
Tagabasa: Ang Salita ng Diyos.
Bayan: Salamat sa Diyos.
(Sandaling manahimik at magnilay sa Pagbasa.)
Natatanging pagninilay mula sa Isang Sermon ni San Agustin
ng Hippo, Obispo.

Tayo rin ay magluwalhati sa krus ng Panginoon.


Ang mahal na pasyon ng ating Panginoon at Manunubos na si Hesukristo ay
siyang pag-asa ng karangalan at aral sa pagtitiis.
Ano nga ba ang ipangangako sa puso ng mga mananampalataya sa kanilang
sarili bilang kaloob ng biyaya ng Diyos, kung nang dahil sa kanila ang bugtong na
anak ng Diyos, na walang hanggan tulad ng Ama, ay hindi inalintana na ipanganak
lang na tao, kundi’y mamatay din sa kamay ng mga taong kanyang nilikha.
Isang dakilang bagay na pinagkalooban tayo ng pangako ng Panginoon;
subali’t hindi hamak na mas dakila ang nagawa na niya sa atin, siya na ngayong
ating ginugunita. Nasaan na ang mga makasalanan? Ano na sila, nang si Kristo’y
namatay para sa kanila? Nang inialay n ani Kristo ang kaloob ng kanyang
kamatayan, sino ang mag-aalinlangan na ibibigay niya sa mga banalna kaloob ng
kanyang sariling buhay? Bakit ng aba nag-aatubili ang ating makataong karupukan
na mananampalataya na darating ang araw na ang sangkatauhan ay mabubuhay
kapiling ang Diyos?
Sino ba si Kristo kung hindi ang Salita ng Diyos: sa pasimula pa’y naroon
na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos (Jn 1:1). Ang
4
Salita ng Diyos ay naging tao, at siya’y nanirahan sa piling natin (Jn 1:14). Sa
kanyang sarili, wala siyang kapangyarihang mamatay para sa atin; kinakailangan
niyang akuin mula sa atin ang ating mortal na pagkatao. Ito ang daan kung saan,
bagaman walang kamatayan, siya ay namatay; ang daan kung saan pinili niyang
magbigay ng buhay sa mga taong namamatay: inuna muna niyang makiisa sa atin,
at pagkatapos pinahintulutan tayong makiisa sa kanya. Sa ganang atin, wala
tayong kapangyarihang mabuhay, at sa kanyang sarili rin, wala siyang
kapangyarihang mamatay.
Kung kaya nga naman naisagawa niya ang kahanga-hangang pagpapalitan sa
atin sa pamamagitan ng pagbabahaginan ng isa sa isa; ipinagkaloob natin sa kanya
ang kapangyarihang mamatay, at ipinagkaloob niya sa atin ang kapangyarihang
mabuhay.
Ang kamatayan ng Panginoong ating Diyos ay hindi dapat magbigay ng hiya
sa atin; bagkus, ito dapat ang ating pinakadakilang pag-asa, ang ating
pinakadakilang karangalan. Sa pag-ako niya ng kamatayang natagpuan niya sa
atin, tapat niyang pinangako na pagkakalooban niya tayo ng kanyang buhay, buhay
na hindi sariling atin.
Inibig niya tayong lubos kung kaya’t bagaman wala siyang kasalanan, inako
niya ang paghihirap na parusa sa ating mga kasalanan, inako niya ang paghihirap
na parusa sa ating mga makasalanan. Paano siyang magkukulang sa pagbibigay ng
gantimpala na nararapat sa atin dahil sa ating kabanalan, kung siya mismo ang
pinagmumulan ng kabanalan?
Mga kapatid, huwag tayong matakot na kilanlin, at lantarang ipahayag, na si
Kristo ay ipinako sa krus para sa atin. Ito’y ating ipagtapat, hindi kasama ng takot
kundi kasama ng tuwa, hind isa kahihiyan kundi sa karangalan.
Nakita ni Apostol San Pablo si Kristo, at ipinagkapuri ang kanyang salaysay
patungkol dito. Marami siyang mga dakila at nagbibigay-buhay na mga masasabi
5
patungkol kay Kristo, subalit hindi niya ipinagmayabang ang mga dakilang gawa
ng Diyos: ang paglikha ng mundo, dahil siya’y Diyos na kasama ng Ama, o kahit
sa paghahari sa mundo bagaman siya ay tao tulad natin. Bagkus, sabi niya:
Nawa’y ang ating ipagkakapuri lamang ay ang krus ng ating Panginoong
Hesukristo (Gal 6:14).
Ang Santo Rosaryo
Pagnilayan natin ngayong gabi ang Limang Misteryo ng Hapis
1. Ang pananalangin ni Hesus sa halamanan ng Getsemani
2. Ang paghampas kay Hesus sa haliging bato
3. Ang pagpuputong ng koronang tinik
4. Ang pagpapasan ng krus
5. Ang pagpapako at pagkamatay ni Hesus sa krus

(GUIDE SA PAGDARASAL NG SANTO ROSARYO)


1. Sa Ngalan ng Ama (Tanda ng Krus) – page 10
2. Sumasampalataya – page 10
3. Ama Namin (1) – page 10
4. Aba Ginoong Maria (3) – page 11
5. Luwalhati sa Ama – page 11
6. Awit
7. Bigkasin ang Unang Misteryo
8. 1 Ama Namin
9. 10 Aba Ginoong Maria
10. Luwalhati sa Ama/ O Hesus Ko – page 11
11. Awit
12. Bigkasin ang Ikalawang Misteryo
13. 1 Ama Namin
14. 10 Aba Ginoong Maria
15. Luwalhati sa Ama/ O Hesus Ko
16. Awit
17. Bigkasin ang Ikatlong Misteryo
18. 1 Ama Namin
19. 10 Aba Ginoong Maria
20. Luwalhati sa Ama/ O Hesus Ko
21. Awit
22. Bigkasin ang Ikaapat na Misteryo
23. 1 Ama Namin
24. 10 Aba Ginoong Maria
25. Luwalhati sa Ama/ O Hesus Ko

6
26. Awit
27. Bigkasin ang Ikalimang Misteryo
28. 1 Ama Namin
29. 10 Aba Ginoong Maria
30. Luwalhati sa Ama/ O Hesus Ko
31. Aba Po Santa Mariang Hari – page 11

LITANYA SA SANTO ENTIERRO


(Magsiluhod po ang lahat)
Tugon:
Panginoon, maawa ka. Panginoon, maawa ka.
Kristo, maawa ka. Kristo, maawa ka.
Panginoon, maawa ka. Panginoon, maawa ka.
Diyos Amag nasa langit,* *Patawarin mo po kami.
Diyos Anak, manunubos ng lahat,*
Diyos Espiritu Santo,*
Banal na Santatlo, iisang Diyos,*
Kristong namatay, ikaw ang Anak ng Diyos ng Buhay,*
Kristong namatay, hinubog sa sinapupunan ni Maria,*
Kristong namatay, pinalaki sa kabanalan ni San Jose,*
Kristong namatay, banal na templo ng Diyos,*
Kristong namatay, luklukan ng pag-ibig at katarungan,*
Kristong namatay, hari ng sangkatauhan,*
Kristong namatay, sibol ng karunungan,*
Kristong namatay, pinagmumulan ng aming buhay,*
Ikaw na nananatiling matapat sa kabila ng pagkakatatwa,*
Ikaw na nananatiling matiisin sa kabila ng paghihirap,*
Ikaw na nananatiling masunurin sa punto ng kamatayan,*
Ikaw na nananatiling mapagpatawad sa kabila ng aming pagkakasala,*
7
Ikaw na nananatiling matatag sa kabila ng bigat ng krus,*
Ikaw na nananatiling umaasa sa kabila ng pagsubok,*
Ikaw na nananatiling mapayapa sa gitna ng bagyo ng buhay,*
Ikaw na nananatiling masaya sa gitna ng kapighatian,*
Ikaw na nananatiling malugod sa kabila ng karukhaan,*
Ikaw na nananatiling liwanag sa kabila ng kadiliman,*
Ikaw na nananatiling mapagmahal sa kabila ng paglilinlang,*
Ikaw na nananatiling buhay sa kabila ng kamatayan,*

Namumuno: Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,


Tugon: Maawa ka po sa amin.
Namumuno: Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
Tugon: Pakapakinggan mo po kami.
Namumuno: Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
Tugon: Maawa ka po sa amin.

Namumuno: Diyos na buhay na pumasok sa pinto ng kamatayan.


Tugon: Ikaw ay aming pintuan tungo sa buhay na walang hanggan.

Namumuno: Manalangin tayo.


Tugon: O Panginoong Hesus, pinagninilayan naming ngayon ang iyong
pagpanaw.
Namumuno: Ikaw na tinulugan ng mga piling alagad sa Hardin ng Getsemani
habang ikaw ay nananalangin sa Ama na ilayo sa iyo ang kalis ng paghihirap;
Tugon: O Panginoong Hesus, pinagninilayan naming ngayon ang iyong
pagpanaw.

8
Namumuno: Ikaw na pinagkanulo ng iyong alagad na si Judas Escariote sa
halagang sa halagang tatlumpung pirasong pilak sa kabila ng iyong na pagtitiwala
sa kanya;
Tugon: O Panginoong Hesus, pinagninilayan naming ngayon ang iyong
pagpanaw.
Namumuno: Ikaw na itinatwa ni Simon Pedro nang tatlong beses sa kabila ng
pagkakahirang mo sa kanya bilang pinuno ng mga apostoles;
Tugon: O Panginoong Hesus, pinagninilayan naming ngayon ang iyong
pagpanaw.
Namumuno: Ikaw na pinagsigawan ng “Ipako siya sa krus!” na ilang araw lamang
ay pinagsisigawan ng bayan ng Jerusalem ng “Hosanna sa Anak ni David!”;
Tugon: O Panginoong Hesus, pinagninilayan naming ngayon ang iyong
pagpanaw.
Namumuno: Ikaw na hinatulang mamatay ni Poncio Pilato;
Tugon: O Panginoong Hesus, pinagninilayan naming ngayon ang iyong
pagpanaw.
Namumuno: Ikaw na kinoronahan ng tinik, kinutya ng madla, nilibak at nilibak at
hinampas ng mga sundalo;
Tugon: O Panginoong Hesus, pinagninilayan naming ngayon ang iyong
pagpanaw.
Namumuno: Ikaw na ipinako sa krus sa pagitan ng dalawang salarin;
Tugon: O Panginoong Hesus, pinagninilayan naming ngayon ang iyong
pagpanaw.
Namumuno: Ikaw na nagsabing “Ako ang buhay!” ay nasa harapan namin
ngayon bilang isang bangkay.
Tugon: O Panginoong Hesus, pinagninilayan naming ngayon ang iyong
pagpanaw.
9
Namumuno: Sa harap ng iyong bangkay na naging kasangkapan ng aming
kaligtasan, pinagbubulay-bulay naming sa mga oras na ito ang kadakilaan ng iyong
pagmamahal. Tunay nga na bagaman kami’y alipin, tinuring mo kaming mga
tunay na kaibigan na karapat-dapat pag-alayan ng buhay para sa aming ganap na
kapakanan.
Kami ay makasalanan. Wala kaming pinagkaiba sa iyong mga alagad na
nadaig ng tukso. Dala ng likas na kahinaan namin bilang mga tao, tinutulugan ka
namin lalo’t higit sa mga panahon na dapat ay karamay mo kami. Kami’y mga
Simon Pedro na nagtatatwa s aiyo lalo’t higit sa mga panahon na dumaraan kami
sa pagsubok at ayaw naming magdusa, maghirap, maghinagpis, magpasan ng
aming sariling krus bilang pagsunod sa yapak mo. Kami’y mga taksil. Madali sa
amin ang magbigay puri at pasasalamat sa iyo kapag kami ay iyong inuulanan ng
biyaya at dinidinig mo ang aming mga kahilingan. Subalit sa mga oras ng
pangangailangan at ikaw ay mistulang tumatahimik, sa panahon ng pangungulila at
ikaw ay mistulang wala, sa panahon ng hapis at kahirapan at ikaw ay mistulang
bulag sa mga ito, kami ay nagpapadala sa likas na kahinaan naming mga tao at
nagpapadaig sa tukso. Ikaw ay aming kinukutya, pinag-iisipan ng masama,
nililibak, at hinahampas dala ng aming mga kasalanan.
Kami ngayon ay naninikluhod sa harapan ng walang buhay na bangkay mo.
Kami’y nananalangin na dumaloy sa amin ang buhay na iyong inialay sa krus
upang magmistulang batis ng walang hanggang buhay sa aming mga sariling
nagmimistulang patay na dala ng aming pagkakasala.
Ibigay mo sa amin ang buhay na iyong inialay. Ang buhay na hindi
makasarili; ang buhay ng paglilingkod; ang buhay na walang pag-iimbot; ang
buhay na sumasalamin sa dakilang buhay ng Diyos Ama. Padaluyin mo sa amin
ang iyong espiritu, ang Espiritu Santong iyong ipinangako sa mga alagad sa sandali
10
ng pagtatapos ng iyong misyon sa mundong ibabaw. Mula sa iyong walang buhay
na bangkay, kami nawa ay makaranas ng tunay at ganap na buhay.
Sa tatlong araw na pagkakahimlay ng iyong bangkay sa libingan, ipapamalas
mo sa iyong muling pagkabuhay na ang buhay na iyong taglay ay hindi nagagapi
ng kahinaan, ng kasalanan, at maging ng kamatayan.
O Hesus, sa iyong pagkamatay, binigyan mo kami ng buhay. Idinadalangin
naming na matutunan din naming mag-alay ng aming oras, talino, kakayahan, at
kayamanan, at kung iyong nanaisin, mag-alay ng aming sariling buhay upang
magbigay buhay sa aming mga kapatid nak apos at higit na nangangailangan. Ito’y
aming munting hiling sa Diyos Ama sa langit, sa pakikiisa ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan. Amen.
Namumuno: Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Tugon: Amen.
Awit: Stabat Mater Dolorosa mode VI
SMGA DASAL SA SANTO ROSARYO
ANG TANDA NG KRUS
Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Amen.

SUMASAMPALATAYA
Sumasampalataya ako
sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat,
na may gawa ng langit at lupa.
Sumasampalataya ako kay Hesukristo
iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat.
Nagkatawang-tao siya, lalang ng Espiritu Santo,
ipinanganak ni Santa Mariang Birhen.
Pinagpakasakit ni Poncio Pilato,
ipinako sa krus, namatay, inilibing.
Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao,
nang may ikatlong araw, nabuhay na mag-uli.
Umakyat sa langit, naluluklok sa kanan
ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.
Doon magmumula at paririto at huhukom
sa nangabubuhay at nangamatay na tao.

11
Sumasampalataya naman ako
sa Diyos Espiritu Santo,
sa banal na Simbahang Katolika,
sa kasamahan ng mga banal,
sa kapatawaran ng mga kasalanan,
sa pagkabuhay na muli ng nangamatay na tao,
at sa buhay na walang hanggan. Amen.

AMA NAMIN
Ama namin
sumasalangit ka, sambahin ang ngalan mo;
mapasaamin ang kaharian mo;
sundin ang loob, mo dito sa lupa, para nang nasa langit.

Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw;


at patawarin mo kami sa aming mga sala
para nang pagpapatawad namin
sa mga nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso,
at iadya mo kami sa lahat ng masama.
Amen.

ABA GINOONG MARIA


Aba Ginoong Maria,
napupuno ka ng grasya!
Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.
Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat,
at pinagpala naman ang iyong Anak na si Jesus.

Santa Maria, Ina ng Diyos,


ipanalangin mo kaming makasalanan,
ngayon at kung kami’y mamamatay.
Amen.

LUWALHATI
Luwalhati sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo.

Kapara noong unang-una, ngayon, at magpakailanman


at magpasawalang-hanggan.
Amen.

O HESUS KO
O Jesus ko, patawarin mo ang aming mga sala.
Iligtas mo kami sa apoy ng impiyerno.

12
Hanguin mo ang mga kaluluwa sa purgatory.
Lalong-lalo na yaong mga walang nakakaalala.
Amen.

ABA PO SANTA MARIANG HARI


Aba po Santa Mariang Hari, Ina ng Awa,
ikaw ang kabuhayan, pag-asa’t katamisan.
Aba, pinananaligan ka namin.
Ikaw nga ang tinatawagan namin,
Pinapanaw na taong anak ni Eva.
Ikaw rin ang pinagbubuntung-hininga namin
ng aming pagtangis dito sa lupang bayang kahapis-hapis.
Ay ba, pintakasi ka namin,
ilingon mo sa amin ang mga mata mong maawain,
at saka kung matapos yaring pagpanaw sa amin,
ipakita mo sa amin ang iyong Anak na si Jesus.
Santa Maria, Ina ng Diyos,
Maawain, maalam, at matamis na Birhen.

Ipanalangin mo kami, Santang Ina ng Diyos.

Nang kami’y maging dapat makinabang


ng mga pangako ni Jesukristong aming Panginoon.

13

You might also like