Download as PPTX, PDF, TXT or read online from Scribd
Download as pptx, pdf, or txt
You are on page 1of 13
Aralin 12: Ang Katayuan
ng mga Pilipino sa Ilalim
ng Pamahalaang Kolonyal Ang Katayuan ng mga Pilipino Bago Dumating ang mga Dayuhan Noong sinaunang panahon, ang mga katutubong mamamayan ay bahagi ng maliliit na komunidad na binubuo ng humigit-kumulang sa 30 hanggang 100 katao. Sa pamayanan, kilala ng bawat isa ang mga kabarangay at iginagalang bilang kapantay anuman ang katayuan sa buhay. Ang datu o rajah at ang kanyang pamilya ay tinitingala bilang pinuno at tagapagtanggol ng kanilang mga karapatan, karangalan, at hanapbuhay. Ang mga nakaririwasa ay karaniwang may paggalang sa mga katulong sa bahay at sa bukid at tinatrato sila bilang bahagi ng pamilya. Maging ang alipin na nahuli sa digmaan ay hindi pinagmamalupitan. Malaya ang bawat isa na gawin ang pinakamabuti para sa sariling pamilya at sa pamayanan. Kusang-loob at sama-sama ang mga katutubong mamamayan sa pagpapaunlad sa lupaing pag-aari ng barangay. Tulong- tulong sila sa pamamalakaya sa dagat. Ang bayanihan o pagtutulungan ay nakagawian na sa bawat barangay tuwing panahon ng taniman, anihan, mga pagdiriwang at sa paglilipat ng bahay. Naging ugali na ang pakikisama sa magkakamag-anak, magkakapitbahay at magkakaibigan upang maiwasan ang makasakit ng loob ng kapwa. Malakas na nagbuklod sa mga mamamayan ang pagbibigayan at pagtanaw ng utang na loob. Lahat ng ito ay naging instrumento sa pagkakabuklod at pagkakaunawaan sa barangay. May mga batas na ginawa at dapat sundin sa barangay. Ginawa ang mga ito bilang tugon sa mga pangangailangan ng mamamayan at para sa kaligtasan, katahimikan at kapayapaan sa barangay. Ang mga pinuno at mga nakatatandang miyembro ng komunidad ang gumawa ng mga batas sa kanilang tradisyon, kaugalian at kaalaman sa kalagayan ng mga tao sa barangay. Sa panahong iyon, namuhay nang tahimik at matiwasay ang mga mamamayan sa ilalim ng kanilang pamunuan sa lupang itinuturing na pag- aari ng buong komunidad. Ang Katayuan ng mga Pilipino sa Ilalim ng mga Kolonyalista Nang masakop ang kapuluan, lubusang nagbago ang katayuan at pamumuhay ng mga katutubo. Sa ilalim ng pamahalaang kolonyal, ang kultura ng mga sumakop ang pilit na ipinasunod sa nasakop na lahi. Ito ay kulturang malaki ang pagkakaiba sa nakagawian ng mga katutubong mamamayan ng Pilipinas at sa mga Asyano. Rekonsentrasyon sa Poblacion • Upang mapadali ang kolonisasyon at pagpapalaganap ng Kristiyanismo, hinikayat ng mga misyonerong Espanyol ang mga tao sa magkakalapit na barangay na sama-samang manirahan sa isang lugar. Ito ay patakarang tinatawag na reduccion na ginagawa ng mga pamahalaang kolonyal upang mas madaling mahawakan ang mga mamamayan. • Nagtayo ang pamahalaan ng simbahan sa sentro ng bayan o poblacion. Kalapit ng simbahan ang pamahalaang-bayan o munisipyo at ang paaralan. Sa tabi ng simbahan ay may malawak na plaza kung saan nagtitipon-tipon ang mga tao tuwing may pagdiriwang kagaya ng kapistahan ng patron, Mahal na Araw at iba pa. Ang ganitong kaayusan ay makikita pa rin sa maraming bayan o kabisera ng mga lalawigan ngayon. Marami ang nahikayat na lumipat ng tirahan dahil sa biyayang dulot ng pagiging malapit sa simbahan at sa kura paroko. Ang tirahan ng mga lumipat ay nakapaligid sa sentro. Marami sa mga ito ang nakaangat sa buhay na may yaman at lupain. Dahil may mga magsasakang nagbungkal ng kanilang lupain mas madali para sa kanila ang lumipat. At nais din ng ilan na mapabilang sa mga may mataas na katayuan na buhay. Mula rito naririnig nila ang kampana ng simbahan kaya sinasabi ay bajo la campana (nasa ilalim ng kampana). Ang pagtira nang malapit sa simbahan ay tanda ng pagiging malapit sa Diyos at kagustuhang makisali sa mga gawaing pansimbahan. Sila ang mga nagsisimba tuwing Linggo at sumasali sa pagrorosaryo, prusisyon, nobena at iba pang pagdiriwang ng simbahan. Sila ang mas napalapit sa mga prayle at naging katulong nila sa gawaing pagpapalaganap ng mga aral ng simbahan. Samantala, ang mga tagabungkal ng lupa at mga umaasa sa kapaligiran para sa kanilang hanapbuhay ay nanatili sa mas malalayong lugar. Ang dating magkakamag-anak at magkakapitbahay ay nagkahiwa-hiwalay. Upang maabot ang mga hindi lumipat sa poblacion, nagtayo ang mga misyonero ng mga bisita o maliit na simbahan sa mga barangay at doon nagturo ng ebanghelyo paminsan-minsan. Diskriminasyon ng Lahi Sa panahon ng pananakop, napakataas ng tingin ng mga dayuhan sa kanilang sariling lahi. Para sa kanila, sila ay superyor na lahi. Sa kanilang paniniwala, sila ay itinakda upang sumakop ng mga lugar at mamamayan sa mga “hindi sibilisadong teritoryo sa ibang bahagi ng daigdig.” Para sa kanila, ang mga nasakop na lahi ay mangmang at walang alam sa buhay at tungkulin nila na turuan ang mga ito ng super na kultura. Ang pananaw na ito ang sanhi ng mababang pagtingin sa mga katutubong mamamayan. Para sa mga dayuhang Espanyol, ang mga tao sa Pilipinas ay mga mangmang na kailangang turuan upang maging “tao.” Lingid sa kanilang kaalaman o ayaw nilang tanggapin na bago pa man sila dumating sa kapuluan ay mayroon nang matatag na kultura o sariling paraan ng pamumuhay ang mga Pilipino. Indio Indio ang tawag ng mga Espanyol sa mga Pilipino, ang tawag sa isang lahing hindi karapat-dapat na maging kapantay nila. Ito ay isang uri at paraan ng diskriminasyon at hindi paggalang sa ibang lahi. Ang tawag na Indio ay katumbas ng pagiging mangmang o walang alam, tamad at alipin na kailangang utusan at gamitan ng dahas upang magtrabaho. Ito ang pangunahing dahilan ng pag-aalsa ng mga Pilipinong pari sa isyu ng sekularisasyon ng mga parokya noong unang bahagi ng 1800. Mahigpit na tinuligsa ng mga paring Espanyol at mga opisyal ng pamahalaan ang pagtatalaga sa mga paring Pilipino bilang kura paroko sa dahilang hindi raw sila nararapat dahil sila ay “hindi marunong....Kulang sa kaalaman... at bagay lamang na maging katulong ng mga paring regular (Espanyol).” Ang mga Insulares at Peninsulares Ang diskriminasyon ay naramdaman hindi lamang ng mga katutubong mamamayan kundi maging ng mga anak ng mga Espanyol na nag-asawa ng mga Pilipino o iba pang Asyano kagaya ng mga Tsino at Arabe. Sila ang mga mestizo. Hindi sila tanggap ng mga Espanyol na may dugong puro bilang kapantay sa lipunan. Dahil may bahid ang dugong Indio, sila ay itinuturing na mas mababang uri. Ang tawag sa kanila ng mga Espanyol ay insulares, samantala ang mga pay purong dugong Espanyol at tinatawag na peninsulares dahil ang Espanya ay matatagpuan sa Iberian Peninsula. Diskriminasyon din ang isang isyu na ipinaglaban ng mga mestisong mag-aaral sa Madrid na tinatawag na mga repormista. Ayon sa ilang mga opisyal ng kolonyal na pamahalaan, “mahina ang produksiyon at mabagal ang pag- unlad ng bansa dahil sa katamaran at pagiging mabisyo ng mga Pilipino.” Sa kanyang artikulo na La Indolencia de los Filipinos ( Ang Katamaran ng mga Pilipino) sa pahayagang La Solidaridad ipinagtanggol ng bayaning si Jose Rizal ang mga Pilipino. Tinukoy niya ang mga isinulat ng mga Espanyol na naunang dumating sa Pilipinas kagaya ni Antonio Morga at ilang prayle na nagsabing “ ang mga mamamayan ay namuhay nang matiwasay at naghanapbuhay nang maayos bago pa man sila nasakop. Sinabi niya “hindi likas na tamad ang mga Pilipino ngunit nawalan sila ng ganang magtrabahao dahil sa maling pamamahala at pang-aalipin ng mga Espanyol na namuno sa bansa.” Sagutin: Ano ang katayuan ng mga Pilipino sa ilalim ng Kolonyalismo? Paano nangyari ang diskrininasyon ng mga sinaunang Pilipino sa panahon ng kolonyalismo? Ipinagmamalaki mo ba ang lahing Pilipino? Paano mo ito ipakikita?