Pumunta sa nilalaman

Plastik

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang plastik ay isang materyal na binubuo ng iba’t ibang mga sintetiko o semi-sintetikong mga organiko na malalambot at maaaring kortehin sa iba’t ibang mga hugis. Ang mga plastik ay tipikal na mga organikong polimer na mabibigat o may mataas na "molecular mass", ngunit may kasamang ibang mga elemento o molekyul. Ang mga plastik ay madalas na sintetiko, o gawa ng tao, mula sa mga petrokemikal, ngunit marami ay may mga parteng natural. Ang materyal na plastik ay tinawag na “plastik” para bigyang diin ang taglay nitong katangian na "plasticity", o ang katangian ng materyal na permanenteng nakakapag-iba ng hugis nang hindi nasisira.

Dahil sa relatibong mababang presyo, madaling paggawa, maraming mga aplikasyon, at hindi pagpasok ng tubig, ang mga plastik ay ginagamit sa napakaraming mga produkto, mula sa mga paper clip hanggang sa mga spaceship. Plastik na ang ginagamit sa ibang mga aplikasyon na pinaggagamitan noon ng mga tradisyunal na materyal gaya ng kahoy, bato, buto, balat, papel, metal, kristal, at mga mababasaging karamik. Sa mga mauunlad na bansa, isa sa tatlong plastik ay ginagamit sa mga pakete o balot ng mga produkto, at isa pa sa tatlo ay ginagamit sa mga tubo. Ang iba pang aplikasyon ng plastik ay sa mga sasakyan (binubuo ng hanggang 20% plastik), muwebles, at laruan. Sa mga umuunlad na bansa, ang mga porsyento ay maaaring naiiba – halimbawa, sinasabing 42% ng plastik sa India ay ginagamit sa mga pakete o balot ng mga produkto. Ang plastik ay marami ring aplikasyon sa larangang medikal, ngunit sa plastic surgery, hindi ginagamit ang materyal na plastik mismo. Tinawag itong plastic surgery dahil sa paggamit ng konsepto ng "plasticity", sa pamamagitan ng pag-iiba ng hugis ng balat.

Ang unang ganap na sintetikong plastik sa buong mundo ay ang bakelite, na linikha ni Leo Baekeland sa New York noong 1907, na siya ring may likha sa tawag na “plastik”. Maraming siyentipiko ang tumulong sa pagbuo ng mga konseptong may kaugnayan sa materyal na plastik, kabilang sina Hermann Staudinger, isang Nobel laureate na binansagang “father of polymer chemistry”, at Herman Mark, na tinawag na “father of polymer physics”. Ang pangingibabaw ng paggamit ng plastik simula noong ikadalawampung siglo ay nagbunga ng mga isyung pangkapaligiran dahil sa mabagal na proseso ng pagbulok ng plastik dulot ng napakalalaking mga molekyul na bumubuo dito. Sa dulo ng nasabing siglo, isa sa mga naisip na solusyon sa problemang pangkapaligiran ay ang pagreresiklo.


Agham Ang lathalaing ito na tungkol sa Agham ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.