Ang Ebolusyon NG Mga Bayan at Lungsod NG Lalawigan NG Bulakan
Ang Ebolusyon NG Mga Bayan at Lungsod NG Lalawigan NG Bulakan
Ang Ebolusyon NG Mga Bayan at Lungsod NG Lalawigan NG Bulakan
Jaime Sa ngayun, ang lalawigan ng Bulakan ay binubuo ng 21 bayan at 3 lungsod. Ang Marilaw, Obando, Santa Maria, Norzagaray, Angat, Bulakan, Hagonoy, Paombong, Pandi, San Miguel, San Rafael, San Ildefonso, Plaridel, Balagtas, Angat, Pulilan, Bustos, Guiguinto, Bukawe, Calumpit at Doa Remedios Trinidad ang bumubuo sa 21 bayan samantalang San Jose del Monte, Malolos at Meycauayan naman ang 3 lungsod. Ngunit hindi laging ganito ang katayuan ng Lalawigan ng Bulacan. May mga pagkakataon o panahon na naging napakalawak ng sakop niya at may mga panahon din namang tunay na isa lamang siyang maliit na lalawigan. May panahong lumiit ang bilang na kanyang mga bayan at may panahong lumaki rin naman ito hanggang sa marating nga ang kasalukuyang bilang ng mga bayang mayroon ngayun. Hindi malinaw kung kailan ang mismong petsa na aktuwal na naitatag ang Bulacan ngunit masasabi na isa itong matandang pamayanan. Sa simula, ang pinaka-pusod ng Bulacan ay ang matandang pamayanan ng Meycauayan na siyang panggagalingan ng ibat-ibang bayan ng Bulacan sa timog at silangang bahagi sa mga susunod na daantaon ng pagkakasakop ng Espanya sa Pilipinas. 1500s 1600 Sa pagsasara ng ika-labing-anim na siglo (at pagpasok ng 1600), may apat nang bayan ang Bulacan: Bulakan (1578), Meycauayan (1578), Malolos (1580) at Bigaa (1596). Ang mga bayan ng Calumpit (1572) at Hagonoy (1580) ay sakop pa ng lalawigan ng Pampanga sa mga panahong ito. 1600s-1700 Pagdating ng 1602, naging lima na ang bayan ng Bulakan sa pamamagitan ng pagkakatatag ng encomienda ng Quingua bilang isang pueblo. Ang kauna-unahang pagkakahati ng Meycauayan ay naganap noong 1606 nang ihinawalay ang Bocaue mula rito at itatag bilang bagong parokya at pueblo. Taong 1619 nang ang mga lugar sa kanlurang bahagi ng Malolos ay buuin at itatag bilang bayan ng Paombong. Naganap naman ang ikalawang pagkakahati ng Meycauayan ng humiwalay mula rito ang barrio Catanghalan at itatag bilang bagong bayan ng Polo. Sa pagsasarbey na isinagawa ni Miguel de Loarca sa sa mga pamayanang may malalaking populasyon noong 1582-83 ay mababanggit na ang pamayanan ng Guiguinto bagaman magiging isang legal na bagong tatag na pueblo lamang ito sa pagdating ng taong 1641. Pagdating ng kalagitnaan ng ika-17 siglo (around 1640s-1660s), ang mga bayan ng Calumpit at Hagonoy ay mapapasama na sa lalawigan ng Bulacan. Sa pagdating naman ng taong 1683, ang bayan ng Angat ay itinatag mula sa mga barrio at sitio sa silangang bahagi ng bayan ng Quingua. Sa pagsasara ng ika-17 siglo (at pagpasok ng 1700), may 12 bayan na ang lalawigan: Bulakan, Meycauayan, Malolos, Bigaa (Balagtas), Quingua (Plaridel), Bocaue, Paombong, Polo (Valenzuela City), Guiguinto, Calumpit, Hagonoy at Angat.
1700s - 1800 Pagpasok ng 1700s, ilang mga bayan pa ang nadagdag sa lalawigan. Unang bayan ng Bulacan na naitatag sa daantaong ito ay ang San Rafael noong 1750. Pagkaraan ng isang taon lamang ay itatatag ang San Jose del Monte bilang hiwalay na parokya mula sa Meycauayan at isang taon pa ay itatag naman itong nagsasariling bayan (1752). Bagaman naitatag din sa unang kalahati ng 1700s, ang mga bayan ng San Miguel de Mayumo (1725), Baliwag (1732) at San Isidro (na paglaon ay tatawaging Pulilan, 1749) ay sakop pa ng lalawigan ng Pampanga sa mga panahong ito. Pagdating ng taong 1753, ang barrio ng Obando ay hihiwalay mula sa Polo at magiging isang nagsasariling bayan. Sa huling dekada ng 1700s ay dalawang bayan pa ang maitatatag: Santa Maria de Pandi (1792) mula sa Bocaue at Marilao (1796) mula sa Meycauayan. Magiging sakop rin ng Bulakan sa daantaong ito ang ilang bayan ng Tondo (at Laguna). Ang mga bayan ng San Mateo, Marikina, Morong, Taguig at Taytay ay magiging bahagi ng Bulakan hanggang sa ikalawang dekada ng 1800s. Sa panahong ito ay naging lubos na napakalawak ng sakop ng lalawigan ng Bulakan. Sa pagsasara ng 1700s (at pagpasok ng 1800), ang bilang ng bayan ng Bulacan ay magiging 22 (approximate lamang) na: Bulakan, Meycauayan, Malolos, Bigaa (Balagtas), Quingua (Plaridel), Bocaue, Paombong, Polo (Valenzuela City), Guiguinto, Calumpit, Hagonoy, Angat, San Rafael, San Jose del Monte, Obando, Santa Maria de Pandi, at Marilao. Idagdag ang San Mateo, Marikina, Morong, Taguig at Taytay. 1800s - 1900 Ang pagpasok ng 1800s ay magdudulot ng mas malaking pagbabago sa nasasakop ng Bulacan at sa dami ng bayan nito. Taong 1818 nang ibalik ang mga bayan ng Marikina, Morong, Taguig at Taytay sa mga dating lalawigan na nakasasakop sa kanila. Ang San Mateo at ang magiging bayan ng Novaliches ay nanatiling sakop ng lalawigan ng Bulacan. Taong 1845 naman ng isinama na ang Baliuag, San Isidro at San Miguel sa lalawigan ng Bulacan mula sa mga lalawigan ng Pampanga. Sa pagitan ng mga taong 1844-1866, itatatag ang mga bayan ng Barasoain at Santa Ysabel mula sa bayan ng Malolos. Ang bayan ng Norzagaray ay itinatag pagkaraan ng taong 1866, mula sa Sitio Casay ng Angat at iba pang bahagi ng hilagang silangang San Jose del Monte tulad ng Ipo, Minuyan at iba pa. Ang Bustos naman ay itinatag nong 1867, mula sa bayan ng Baliuag. Ang pinakahuling bayan ng Bulakan na naitatag sa loob ng daantaong ito ay ang San Ildefonso noong 1875. Ang San Mateo naman ay muling magiging bahagi ng lalawigan ng Tondo sa mga huling bahagi ng daantaong ito. Sa pagtatapos ng 1800s (at pagpasok ng 1900), ang mga bayan ng Bulakan ay magiging 26 na : Bulakan, Meycauayan, Malolos, Bigaa (Balagtas), Quingua (Plaridel), Bocaue, Paombong, Polo (Valenzuela City), Guiguinto, Calumpit, Hagonoy, Angat, San Rafael, San Jose del Monte, Obando, Santa Maria de Pandi, Marilao, Baliuag, San Isidro, San Miguel, Barasoain, Santa Ysabel, Norzagaray, Bustos, San Yldefonso at Novaliches.
1900s Kasalukuyan Ang pagpasok ng daantaong ito ay madudulot ng dagdag na pagbabago sa nasasakupan ng lalawigan ng Bulakan. Ang umanoy pagkatalo ng Espanya sa Amerika ay naging dahilan upang ang Pilipinas ay mapasakamay ng mga bagong mananakop. Unang-unang isinagawa ng mga Amerikano ng lubusan na nilang makuha ang Pilipinas ay ang reorganisasyong politikal. Ang Philippine Commision na siyang tumatayong lehislatibo ng pamahalaang militar sa Pilipinas noong mga unang taon ng pamamahala ng mga Amerikano sa bansa ay nagpasa ng batas, ang Act No. 932, na nagsasaad na ang 25 munisipalidad ng Bulacan ay gagawin na lamang 13 noong October 8, 1903. Dahil sa mahinang ekonomiya at kapos na pondo, ang mga bayan ng Sta. Isabel at Barasoain ay napasailalim ng Malolos; ang Pulilan ay napasailalim sa Quingua (Plaridel ngaun); ang Marilao sa ilalim ng Meycauayan; Norzagaray sa Angat; Guiguinto sa Bulacan; Bigaa (Balagtas ngayon) sa Bocaue; Obando sa Polo (Valenzuela City ngayon); San Jose sa Santa Maria; San Ildefonso sa San Miguel; at ang mga bayan ng San Rafael at Bustos sa Baliuag. Tanging ang mga bayan lamang ng Hagonoy, Calumpit at Paombong ang hindi binago ang katayuan ng nasabing batas. Dahil din sa nasabing batas, ang Bayan ng Novaliches ay muling naging bahagi ng lalawigan ng Tondo kung saan siya ay isinanib sa bayan ng Caloocan. Ngunit sa pagdating naman ng dekada 10 hanggang dekada 20, isa-isa ring muling magsasarili ang mga bayan ipinasailalim muna sa iba pang bayan. Maliban sa Santa Ysabel at Barasoain na hindi na muli pang naging muling nagsasariling bayan, lahat ng iba pa ay nakabalik rin sa dati nilang mga estado bilang mga bayan. Pagdating ng 1946, ang bayan ng Pandi ay binuo mula sa mga hilagang barrio ng Bigaa. Taong 1975 ng humiwalay ang Polo (Valenzuela City na ngayon) sa Bulakan at naging bahagi ng Metro Manila. Taong 1977 nang buuin ang Doa Remedios Trinidad mula sa mga barriong dati ay sakop ng mga bayan ng San Miguel, Angat at Norzagaray. Sa huling bahagi ng 1990s hanggang unang bahagi ng 2000s, nagkaroon ng pagbabagong estadong pulitikal ang 3 sa mga bayan ng Bulacan. Taong 1999 nang ipasa ang batas na nagdedeklara sa Malolos bilang isang syudad ngunit hindi ito sinang-ayunan ng mga botante sa plebisitong isinagawa nang taon ding iyon. Pagdating ng taong 2001, napatunayan na nagkaroon ng dayaan sa bilangan at idineklarang nanalo ang YES. Taong 2001 nang magsimulang mag-function ang Malolos bilang isang lungsod. Taong 2000 naman nang ang bayan ng San Jose del Monte ay maging lungsod na sinundan naman ng Meycauayan na naging lungsod noong taong 2006, limang taon pagkaraang hindi magtagumpay ang unang subok na maging syudad noong 2001. Pagpasok ng ika-21 siglo, ang Bulacan ay mayroon nang 21 bayan at 3 lungsod na maaari pang magbago sa mga susunod na panahon. Sa patuloy na pag-unlad at paglaki ng populasyon ng mga bayan sa Bulacan, hindi malayong bagong bayan na naman ang maitatag mula sa mga naglalakihang bayan pa sa hilaga at silangang bahagi ng lalawigan tulad ng San Miguel, Doa Remedios Trinidad at Norzagaray; at mula sa ilan pang hindi naman kalakihang mga bayan ngunit mayroon namang lubhang malaking bilang ng mamamayan tulad ng Santa Maria, Malolos at San Jose del Monte.