Ang Huling Paalam
Ang Huling Paalam
Ang Huling Paalam
Jose Rizal Paalam, Inang Bayang mahal, lupaing kasuyo ng araw, Perlas ng dagat sa silangan, paraiso naming pumanaw, Malugod akong maghahandog ng aba at nalantang buhay, Na kahit naging sariwa pa, mabulaklak man o makulay, Ipagkakaloob ko pa ring sa ikabubuti mo'y alay. Sa larangan ng paghahamok, ng pagkahibang ay sapupo, Ang iba'y naghain ng buhay na ang isipa'y di-nagtalo, Hindi mahalaga ang pook: maging sipres, laurel o lirio, Bibitayan o parang, kamay ng kaaway o ng berdugo, Iisa, kung tahana't Inang Bayan ang humihiling dito. Aalis akong sa langit mo'y nababanaag na ang hudyat, Na ang hinintay na umaga ay papalit na sa magdamag, Ang kulay ng madaling araw, kung kapos sa ikaririlag, Dugo kong sa tumpak na oras ay ibibigay nang maluwag, Kuni't nang sa ikapupula ng liwayway ay maparagdag! Pangarap ko noong bata pang bago pa lang nagkakaisip, Pangarap ko nang magbinatang kasiglahan ang diwa't bisig, O, Hiyas ng Dagat-Silangan ay makita kang walang hapis, Walang luha sa mga mata, noo'y nakataas, malinis, Walang bahid ng kahihiyan, ng lungkot o ng pagkalupig! Pangarapin ng aking buhay, marubdob na nasa ng dibdib, Nagpupugay sa iyo itong kaluluwa kong papaalis! A, kay gandang magpakalugmok upang ikaw ay maitindig, Mamatay nang mabuhay ka, sa silong ng langit mo'y mapikit, At sa binalaning lupa mo'y walang katapusang maidlip! Sa aking puntod, isang araw, kung mayroon kang mapupuna, Isang maliit na bulaklak na sa karawaga'y bumuka, Ilapit mo sa labi, hagka't yaon ay aking kaluluwa, Kahit sa hukay na malamig, sa init ng iyong hininga, Ay madarama ko pang muli ang nag-aalab mong pagsinta! Patanglawan ako sa buwang sinag ay malamlam, marahan, Papaliguan ng liwanag ng liwayway na sumisilang, Hayaang madampian ako ng humihibik na amihan, At kung sa krus ng aking puntod ay may isang ibong dumalaw,
Ang ipahuni mo sa kaniya ay awit ng kapayapaan. Hayaang higupin ng araw at dalhin sa langit ang ulan, Sa dalisay na tubig, naiwang pagtutol ko'y ilalakbay; Hayaang isang kaibiga'y saglit muna akong iyakan, At kung sa paglubog ng araw, may luluhod sa pagdarasal, Ipanalangin mo rin ako, upang sa Diyos ay mahimlay. Ipagdasal mo rin ang lahat ng kapus-palad na nasawi, Yaong nangagtiis ng dusang wala nang makakasing-hapdi, Mga inang nagsisitangis sa dinaranas na pighati, Ang mga ulila at balo, ang mga bilanggong lupagi, At saka ang iyong sarili, nang ang laya mo ay ngumiti! Sa gabi, kapag ang libingan ay ulila at tahimik na, At mga patay lang ang doo'y tumatanod sa pag-iisa, H'wag ipapukaw ang hiwaga, h'wag gambalain ang pahinga; At kung may himig na mapanglaw, o huning mauulinig ka, Tinig ko yaon, o Bayan ko, dinggi't inaawitan kita! At kung sa tagal ay limot na ang puntod kong kinasadlakan Walang krus o panandang bato na doo'y mapagkikilanlan, Hayaang ito ay mabungkal, at mapahalo na sa linang, Nang bago muna ang abo ko ay mapabalik sa kawalan, Magpakapal man lang sa lupang maaari mong matuntungan. Sa gayon, di na mahalaga kung ako ma'y ganap nang limot, Sa himpapawid mo at parang, malaya akong maglilibot, Sa pandinig mo ay magiging tumataginting akong tunog, Sa samyo, liwanag at kulay, sa higing, sa awit at lamyos, Buod ng paninindigan ko'y muli't muling ipatatalos! Sintang Bayan ko, o tiisin ng lahat kong mga tiisin! Minamahal kong Pilipinas, paalam ko ay ulinigin! Iiwan ko nang lahat: mga magulang at mahal sa akin, Sa patutunguhan ko'y walang maniniil, walang alipin, Paniwala'y di pumapatay, Diyos lamang ang nagtuturing! Paalam, magulang, kapatid, kapilas nitong kaluluwa, Mga kaibigan sa kamusmusan sa tahanang inaba, Pasalamat kayo't ang pagod ng maghapon ay natapos na! Paalam, dayuhang magiliw, katuwaan ko, aking sinta, Paalam, mga minamahal! Mamatay ay pagpapahinga!