Hagupit NG Pluma

Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Hagupit ng Pluma

Iba't ibang ideya at larawan ang pumapasok sa kanyang isip. Ang mga titik at salita ay may mga sariling
buhay sapagkat ang mga ito'y paulit-ulit na bumubulong sa kanyang tainga. Hawak ang pluma, siya'y
nagsimulang sumulat at mangarap.

Ito ang larawang hindi na maiaalis pa sa buhay ng isang estudyanteng bahagi ng kanilang pahayagang
pampaaralan. Ang prosesong ito ng pagsulat ay patuloy nang mananalaytay sa kanilang mga dugo
sapagkat ang Republic Act No. 7079 o ang Campus Journalism Act of 1991 ay patuloy ding nagpapaalala
na ituloy ang noo'y isang purong kompetisyon at programa lamang.

Matapos ang matagumpay na pagpapalaya ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, ang pluma ay
nanatiling matingkad --- nagliliwanag sa mga komyunidad na noo'y binabalot na ng karimlan.

Sulat.

Naging sandata ang pluma matapos itong gamiting instrumento ng mga taong nais magpahayag ng
saloobin. Ito'y naging instrumento upang ang mga boses na halos hindi marinig ay mabigyan ng
importansiya at upang ang katotohana'y maisiwalat sa madla.

Ayon kay Romer Maddela, isang mamahayag sa kanilang paaralan at itinanghal na kampeon sa katatapos
na Division Schools Press Conference sa larangang Pagsulat ng Lathalain, ang pahayagang pampaaralan
ang nagbigay sa kanya ng daan upang mas lalo pang maunawaan ang sarili at ang mundong ginagalawan.

Ang noo'y akala niyang hindi niya magagawa ay napatunayang kabaligtaran ng huli. Ang kanyang
kakayahan sa pagsusulat at pagkalap ng impormasiyon ay tila lapis na muling tinasahan.

Mas matulis.

Mas kayang gumuhit ng mga pangarap at adhikain.


Hindi lamang paglinang sa kakayahan ang ibinibigay nito. Ang dating suliranin na animo mailap na tupa
ay mayroon ng solusyon upang mapaamo.

Bura.

Nabura ang mga suliraning patuloy sa pagtubo sa lupang nililiyag. Ang mga mag-aaral na noo'y inakalang
magsusulat at magbabasa lamang ay higit pa sa inaasahan ngayon.

Ipinaliwanag ni Ginoong Castor Alviar, isang guro, na ang mga kabataan na nagiging bahagi ng
pahayagang pampaaralan ay nagkakaroon ng damdaming makabayan. Sila ay nagiging mapagpabago
sapagkat ang kanilang pahayagan ay nagbibigay ng solusyon, impormasyon at kawilihan sa mga taong
nagbabasa nito.

Higit pa rito, dahil ang kabataan ay siyang magiging kahapon ng bukas, sila ang magdadala ng mga
pagpapahalagang magiging pundasyon ng kaunlaran.

Sulat.

Nagpatuloy nga ang pagguhit ng lapis sa papel.

Sa mundong tila teknolohiya na ang nagpapagalaw, naging kaakibat ng taumbayan ang mga ito sa
pagsulong ng tunay at walang kinikilingang katotohanan. Napipigilan ang paglaganap ng "fake news" at
ang integridad at pagiging totoo ay naikabit sa kanilang pangalan.

"Natuto akong maging responsable sa lahat ng aking binabahaging impormasyon sa facebook at iba pang
social media accounts," kumikinang ang mga matang pahayag ni Erin Cruz, 15.

Isip. Sulat. Bura. Sulat.


Sa huli, patuloy pa rin ang pag-inog ng prosesong ito ng pagsulat. Patuloy ang pag-iisip ng bawat
kabataang Pilipino ng mga ideyang magiging larawan ng ating bansa. Patuloy ang pagsusulat ng mga
solusyong magpapabago sa lipunan at patuloy ang pagbura sa mga negatibong pangyayaring siyang
magiging anay na sisira sa pundasyon ng kaunlaran.

Ngunit, sa bawat pagsulat na kanilang ginagawa at sa bawat pagburang ipapamalas, tangan nila ang
responsableng pluma na maghahatid sa isang bansang kayang abutin ang anumang tunguhin at kayang
punan ng solusyon ang anumang suliranin.

You might also like