Talumpati
Talumpati
Talumpati
Kabataan, ang pag-asa ng bayan, ayon sa pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Sa
kasalukuyang henerasyon, Kabataan pa rin ba ng pag-asa ng bayan?
Gasgas na sa ating pandinig, ang iniwang pahayag ni Gat Jose Rizal sa ‘ting mga
Pilipino, na “Ang Kabataan ay ang pag-asa ng bayan” hindi pa rin ito maiwawaksi sa isip ng
isang makabayang Pilipino. Subalit, kung ating papansinin at susubaybayan ang mga kabataan sa
panahon ngayon, sasang-ayunan pa kaya natin ang pahayag na ating kinalakhan at pinaniwalaan?
Mga kabataang nasasadlak sa maling gawin. Mga kabataang laman ng masasamang balita sa
radyo at telebisyon. Mga kabataang sangkot sa ilegal na droga, panggagahasa, pagnanakaw, at
iba pa. Sa kabilang dako, nariyan rin ang mga kabataang lalaki na nakatambay imbes na
pumasok sa eskwela, naninigarilyo at umiinom ng alak imbes na nagbabasa ng libro. Mga
kabataang babae na tila nagtitipid ng tela dahil sa mga maiiksing damit, imbes na uniporme ang
suotin, hindi magkanda-ugagang magpa-picture imbes na gawin ang proyekto. Kabataang lalaki
at babae na wala ng ibang inisip kung paano maging masaya. Masasabi pa ba nating, Kabataan
talaga ang pag-asa ng bayan?
Ako, bilang isa ring kabataan na kabilang sa henerasyong ito, kung ako ang tatanungin,
para saki’y nananatili pa rin na ang “Kabataan ay ang pag-asa ng bayan”
Hindi natin maikakala na nasasadlak nga talaga sa mga maling gawain ang maraming
kabataan. Malamang dahil ito sa walang katapusang kahirapan sa bansa kung saan naiisip ng iba
na gumawa ng mali para lang may kainin ang kani-kanilang pamilya. At ang mga kabataan
namang nalululong sa bisyo at ilegal na droga ay hindi dapat husgahan bagkus dapat na bigyang
atensiyon at bigyan ng nararapat na pagkakataon upang magbago, dahil hindi pa huli ang lahat.
Sa kabilang dako, bigyang atensiyon naman natin ang ilang kabataan na pinipili pa din
ang magsumikap, mag-aral, at magbigay inspirasyon sa kapwa imbes na maglaro at tumambay
buong araw sa kalsada. Mga kabataan na mas pinipiling mapagod kaysa magpakasaya para sa
kanilang pamilya, at magsilbing ilaw ng tahanan o haligi ng tahanan sa nakababatang mga
kapatid. Ang mga kabataang ito, ang napakagandang rason para masabing “Ang kabataan ay ang
pag-asa ng bayan”
Ang mga kabataang biktima ng teenage pregnancy pero hindi kailanman sumuko at
piniling panindigan ang pinasok na kamalian. Mga kabataang nasadlak sa maling gawain ngunit
determinadong magbago. Mga kabataang di nawalan ng pag-asang patunayan na may silbi sila sa
lipunan. Mga kabataang sapat na dahilan para sabihin natin ng sabay-sabay na Ang kabataan, ay
ang pag-asa ng bayan!
Kung meron man mga taong hindi magbibigay pag-asa sa bayan ay ‘yung mga taong
mapanghusga na wala ng ibang ginawa kundi ang pumuna ng kamalian sa kapwa. Iyong mga
taong nag-aakalang wala ng gagawing matino ang mga kabataan sa ngayon. Iyong mga taong
minamaliit ang kakayanan ng mga kabataang may kakayahan magbigay inspirasyon. Iyong mga
taong hindi iniisip kung anong dahilan meron ang kabataan sa pag gawa ng bawat kagustuhan
nila. Sa mga kabataang biktima ng mga taong ito, sabay sabay tayong bumangon sa
pagkakasadlak, umahon sa pag subok na pinagdadaanan, at sabay sabay nating isigaw na “Ang
kabataan ay ang pag asa ng bayan!”
Sapat ang mga dahilang ito upang manatili tayong maniwala na ang iniwang pahayag ni
Gat Jose Rizal ay buhay pa sa kasalukuyang panahon. Sana’y imbes na husgahan kaming mga
kabataan ay bigyang kalinga at pagmamahal, imbes na husgahan ay gawing inspirasyon.