PDF PDF

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 28

Oblation

Ang Oblation (ob·léy·syon) o Pahinungod ay isang bantog na eskultura


ng Pambansang Alagad ng Sining Guillermo E Tolentino na nagsisilbing
simbolo ng Unibersidad ng Pilipinas. Isa itong 3.5 metrong estatwa ng
isang lalaking nakatindig nang tuwid, nakatingala, at nakabukás ang mga
bisig, simbolo ng pag-aalay ng sarili para sa bayan. Ang salitang oblation
ay mula sa salitang Latin na oblatio na nangangahulugang pag-aalay sa
Diyos.

Ang ideya ng Oblation ay unang sumibol sa isipan ng pamumunò ni Ra-


fael Palma sa UP. Hiniling ni Palma kay Tolentino na ang eskultura ay
ibabatay sa ikalawang taludtod ng Ultimo Adios ni Rizal: “Sa parang ng
pagbabáka, sumusugbang tigib dusa,/ Handog nilá kahit búhay, walang
duda, walang suway,/ Balewala kung saanman: sipres, lawrel, o sampaga,/
Bibitayan o bukirin, digmaan man o parusa,/ Kahit ano kung hiningi ng
Bayan at tinubuan.”

Ang orihinal na sketch nitó ay hubo’t hubad ngunit ipinabago ito ng Pan-
gulo ng UP na si Jorge Bocobo, pinalagyan ng dahon ng igos ang ba-
hagi ng ari ng eskultura. Opisyal na itinanghal ito noong Marso 1939 sa
UP Manila. Nang matapos ang bagong UP Campus sa Diliman, Lungsod
Quezon noong Pebrero 1949, inilipat rin ang Oblation dito. Tinawag na
Exodus ang naganap na paglilipat ng rebulto. Ang rebulto sa UP Diliman
ay nakaharap sa kanluran, nása harap ang pangunahing lansangan papasok
ng unibersidad, at nása likod ang gusali ng administasyon. Isang replikang
bronse ito dahil ang orihinal ay matatagpuan sa UP Main Library. May
replika din ng Oblation sa iba pang kampus ng UP.

Ang tao sa likod ng Oblation ay matagal nang usap-usapan. Ang hakang


pinakapopular ay ang pagiging modelo ni Fernando Poe Sr. para dito. Sa
mga dokumento ng unibersidad, sinasabing ang rebulto ay pinaghalò ang
postura ni Anastacio Caedo, ang student assistant ni Tolentino noon, at
ang proporsiyon ng katawan ni Virgilio Raymundo. (KLL) ed VSA
Ramón A. Obúsan
(16 Hunyo 1938-21 Disyembre 2006)
Si Ramón A. Obúsan ay itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining
sa Sayaw noong 2006. Isa siyáng koreograpo, mananayaw, artistikong
direktor, at iskolar ng sayaw.
Malawakan at malalimang sinaliksik at itinala ni Obusan ang mga
katutubong kultura ng mga etnikong pangkat sa Filipinas. Naglakbay siyá
sa buong Filipinas upang mabatid, unawain at pag-aralan hindi lámang ang
kanilang mga ritwal at kaugalian, awit, musika at sayaw, kundi maging
ang buhay ng mga táong nagsasagawa ng mga ito. Sinikap niyang maging
higit na makatotohanan ang mga pagtatanghal ng katutubong sayaw sa
pamamagitan ng paggamit ng mga tunay na kasuotan, awtentikong
musika at aktuwal na mga galaw, sa entablado o saanmang espasyo
nagtatanghal. Gumawa rin siyá ng koreograpiya at nagdirihe ng mahigit
sa 100 malikhaing produksiyon sa telebisyon, pista ng sining, pelikula,
natatanging pagtatanghal, parada at paligsahan.
Noong 1971, itinatag niya ang Ramon Obusan Folkloric Group (ROFG)
na nakalahok at nagwagi sa maraming internasyonal na pagtatanghal at
paligsahan. Sa kaniyang mga likha, pinakanatatangi ang mga ganap na
pagtatanghal gaya ng Kayaw (1968 at 1974), isang makatotohanang
paglalarawan sa mga ritwal ng mga tribu sa Kordilyera sa pamamagitan
ng sayaw at musika; Vamos a Belen (1998-2004), antolohiya ng mga
tumutugtog, umaawit at sumasayaw na mga pastol patungo sa sanggol na
si Hesus; at Noon Po sa Amin, isang tableaux ng kasaysayan ng Filipinas
gamit ang awit, sayaw at drama.
Isinilang siyá noong 16 Hunyo 1938 sa Legaspi, Albay kina Praxedes
Obusan at Josefina Arevalo. Nagtapos siyá ng kursong marine biology at
cultural anthropology mula sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang kaniyang
bahay sa Lungsod Pasay ay nagsilbi ring isang museong naglalaman
ng malawak na koleksiyon ng mga artifak, katutubong instrumentong
pangmusika at iba pang sagisag pangkultura. Nagsisilbi rin itong lagakan
ng mga kagamitan at kasuotan sa produksiyon, at sanayan at tirahan ng
mga kasapi ng ROFG at maging ng mga kasapi ng iba pang pangkat ng
sayaw. Namatay siyá noong 21 Disyembre 2006. (RVR) (ed GSZ)
Hernando R. Ocampo
(28 Abril 1911-28 Disyembre 1978)
Isa si Hernando R. Ocampo (Er·nán·do Ar. O·kám·po) sa mga radikal na
Modernistang pintor ng Filipinas. Noong bago magkadigma, miyembro
siyá ng 13 Moderns na itinatag ni Victorio Edades, at naging sikat na
katrio ng reo-realistang sina Vicente S. Manansala at Cesar Legazpi na
naging mga Pambansang Alagad ng Sining lahat. Ipinahayag din siyáng
Pambansang Alagad ng Sining (postumo) noong 1991.
Nagsimula siyá sa pagtatanghal ng mapapait na larawan ng lipunang
Filipino sa matitingkad na kulay. Pagkuwan, nakadevelop siyá ng isang
uri ng abstraksiyon na mistulang liwanag, bituin, at ulan sa kumikilos
at maningning na kulay. May nagsabing ang kaniyang sining “ay mga
abstraktong komposisyon ng mga anyong biyolohiko na tila kumikislot,
kumikinig, lumiliyab, at nagsasanga-sanga.”
Ipinanganak si Ocampo noong 28 Abril 1911 sa Sta. Cruz, Maynila kina
Emilio Ocampo at Delfina Ruiz, na kapuwa ilustrado. Luimipat silá sa
Maypajo, Kalookan. Nag-aral siyá ng abogasya, sa amuki ng ama,
ngunit nahilig sa malikhaing pagsulat. Kasáma siyá sa Veronicans ng
mga manunulat sa Ingles. Ngunit nagsulat din siyá sa Filipino at malimit
malimbag sa antolohiya ang kaniyang kuwentong “Bakya.” Gayunman,
higit siyáng pinarangalan bilang pintor. Noong 1948, kinatawan niya ang
Filipinas sa Sports Art Exhibition sa Victoria at Albert Museum sa London.
Noong 1950, inalok siyáng maging iskolar sa sining Pranses sa Paris at
noong sumunod na taon ng grant ng Smith-Mundt sa Estados Unidos,
ngunit kapuwa niya tinanggihan ang mga ito.
Kabilang sa mahalagang pintura niya ang Ina ng Balon, Calvary, Slum
Dwellers, Nude with Candle and Flower, Man and Carabao, Fiesta, Easter
Sunday, at pinakapopular ang Genesis na naging huwaran ng disenyo sa
telon ng Cultural Center of the Philippines Main Theater. Naitanghal ang
kaniyang pintura sa Washington, New York, London, at Tokyo. Nagawaran
naman siyá ng Republic Cultural Award noong 1965, Patnubay ng Sining
at Kalinangan noong 1969, Diwa ng Lahi noong 1976. Namatay siyá sa
sakit sa puso noong 28 Disyembre 1978. (EGN) (ed VSA)
octavína
Ang octavína (ok·ta·ví·na) ay isang instrumentong pangmusika na de-ku-
werdas at may tunog na kahawig ng sa laúd. Kahawig ito ng gitara at may
hugis-walong katawan, bilog na butas sa gitna na siyáng pinagmumulan ng
tunog, subalit mas maikli ang leeg nitó’t mas maliit kaysa gitara. Saman-
tala, may labing-anim lang na traste ang octavína kompara sa labingwalo
hanggang dalawampung treste ng laud. May labing-apat namang kuwer-
das ang octavína na nása anim na pangkat: isa sa ikaanim, doble sa ikaapat
at ikalima, at triple sa ikatlo, ikalawa at unang pangkat. Ang pagtotono nitó
ay kahawig ng sa bandurya, bagaman mas mababà ng isang oktaba.

Sinasabing nagmula ang octavína sa impluwensiyang Espanyol noong ika-


labing-anim hanggang ikalabinsiyam na dantaon. Maaaring ang ninuno ng
octavína sa Filipinas ay ang tinawag na octavílla sa Espanyol subalit higit
na maliit katulad ng bandurya. (ECS) ed VSA
Oggási
Si Oggási ang isa sa dalawang pangunahing bathala ng mga Manuvu,
katutubong pangkat sa Mindanao. Siyá ang katapat ni Manama, ang daki-
lang manlilikha at pinakamataas sa panteon ng mga diyoses ng nasabing
pangkat-etniko.

Sang-ayon sa alamat ng mga Manuvu, naisip nina Manama at Oggasi na


lumikha ng mundo. Hungkag at walang-buhay ang nalikha ni Manama,
samantalang hitik sa halaman ang kay Oggasi. Ipinadalá ni Manama ang
kaniyang mga alagad na nagpanggap bilang mga bubuyog upang kumuha
ng lupa at binhi mula sa nasasakupan ni Oggasi. Nalaman ito ni Oggasi at
mula sa panahong ito, nagkaroon na ng alitan sina Manama at Oggasi, na
sanhi ng kawalan ng kaayusan at ng kaguluhan hanggang ngayon.

Kadalasan ay nahihimbing si Manama. Napag-isipan niyang likhain ang


Tao, ngunit pagkatapos simulan ang balak ay nahimbing muli. Sinung-
gaban ni Oggasi ang pagkakataong makapaghiganti sa karibal, at ninakaw
niya ang balak ni Manama na bigyan ang tao ng walang-hanggang buhay.
Ito ang dahilan ng kamatayan ng tao. Nang magisíng ang unang lalaki,
tinuklas niya ang daigdig ngunit nakaramdaman ng pagkukulang, dahil na
rin sa pagpukaw ni Oggasi. Pinagnilayan ito ni Manama. Kung bibigyan
niya ang lalaki ng kapareha, mababawasan ang dapat-sana ay ganap na
pag-asa nitó sa bathala. Ngunit kung ipagkakait naman niya ang kapareha,
magwawagi si Oggasi. Sa huli, ginawa ni Manama ang unang babae. Hin-
di lumaon ay nakaramdam ang babae ng di-matukoy na paghahangad, at
nagsimulang malumbay. Napagtanto ni Manama na kagagawan ulit ito ni
Oggasi. Upang matuwa ang kaniyang mga nilalang, lumikha siyá ng uod
na kakapo at inilagay sa gitna ng mga hita ng lalaki. Dahil sa mga gawain
ng uod, natuklasan ng lalaki at babae ang sarap ng pakikipagtalik. Ngunit
pinakain ni Oggasi ng binhi ang uod, at nang maitanim ito sa babae, nag-
buntis ito. Dumami ang mga tao. (PKJ) ed VSA
ókir
Salitâng Maranaw ang ókir (may varyant na ókkir) para sa úkit at tinatawag
ding úkkil ng mga Tausug. Tinutukoy nitó ang makurba at malantik na
mga disenyo sa paglilok ng kahoy, na binabarnisan o pinipintahan sa sari-
saring kulay. Nililikha din ang naturang disenyo sa tanso.
Pangunahing mga disenyo ng ókir ang anyo ng sarimanók, nága, at
páko rábong. Ang sarimanók ay estilisadong anyo ng isang ibon na may
imahen ng isda sa tukâ. Ang nága ay estilisadong anyo ng mitikong ahas o
dragon. Ang pako rabong ay tila abstraksiyon ng sumisibol na pakô. Ang
mga naturang disenyo ay iniuukit sa panólong, ang nakaungos na tahilan
ng sahig ng torógan, gayundin sa iba pang panloob na tahilan at poste.
Ang naturang disenyo ng ókir ay ginagamit din sa paghabi ng tela, sa mga
inukit na pantanda sa puntod, mga kahoy at tansong kahon, at sa puluhan
ng mga patalim.(LJS) (ed VSA)
ókoy
Ang ókoy (o úkoy) ay isang putaheng Filipino na iprinito at gawa sa halò-
halòng arina, hipon, toge, at iba pang gulay, at karaniwang isinasawsaw o
ibinababad sa sukà bago kainin. Tinatawag din itong “crispy shrimp frit-
ter” sa labas ng bansa. Popular ito bilang pangmeryenda, ngunit ginagamit
na rin bilang ulam sa tanghalian at hapunan.

Sa paghahanda ng ókoy, hindi tinatanggal ang ulo ng hipon. Maaaring


maglaman ng dalawa hanggang apat na hipon ang isang piraso ng okoy,
depende sa laki. Hugis-pabilóg ito, pinipí na parang biskuwit, at may lu-
tong na káyang lumaban sa lutong ng tsitsirya. Binabalanse ng sukà ang
pagiging malangis ng putahe. Dahil din madalîng higupin ng arina ang
sarsa, ginagawaran ng sukà ng manamis-namis, maasim, at maanghang na
lasa ang okoy. Dahil sa dami ng nilalaman, mabigat ito sa tiyan. (PKJ)
ókra
Ang ókra (Abelmoschus esculentus) ay isang gulay na nagmula sa Timog
Asia, Ethiopia, at Kanlurang Aprika. Tumataas ito ng dalawang metro.
Ang hugis ng bunga nitó ay hugis daliri ng isang dalaga at kulay berde.
Mahibla ang bunga nitó na naglalaman ng maraming kulay putîng buto, at
humahabà ng 18 sentimetro. Namumulaklak ito ng kulay putî o dilaw. Ang
mga dahon ay may habàng 10-20 sentimetro.

Nabubuhay ang okra sa mga tropiko at maiinit na lugar at hindi ito nan-
gangailangan ng madalas na pagdidilig. Hindi nagdudulot ng mabuti ang
paglilipat ng okra sa ibang taniman kung nakakapit na ang mga ugat nitó
sa lupa. Dahil sa sapat na kalakihan ng mga binhi ng okra, madalî ang
pagtatanim ng mga ito. Bago itanim ang okra, ibinababad ang mga ito
sa tubig na may lalim na dalawang sentimetro. Inaabot ng anim na araw
hanggang tatlong linggo bago sumibol ang mga ito. Itinatanim ang mga ito
na may 15 pulgada ang layò sa bawat isa. Isang araw lámang ang itinatagal
ng bulaklak ng okra, dahil kinabukasan ay nagiging bunga na ang mga
ito. Madalas inaani ang mga bunga hábang malambot pa ang mga ito at
masarap pang kainin ang mga hibla nitó.

May mga uod na kumakain ng dahon nitó kayâ upang maiwasan ito, iniiba
ng mga magsasaka ang susunod na pagtatamnan matapos ang nakaraang
anihan upang maiwanang bakante ang lupa na hulíng ginamit.

Masustansiya ang okra. Nakatutulong itong mapababà ng cholesterol


kayâ’t nababawasan ang posibilidad ng pagkakaroon ng sakit sa puso.
Nakakaiwas din sa sakit na kanser ang pagkain nitó. Sampung porsiyento
ng mga madalas irekomendang bitamina ay nása kalahating tása ng nilu-
tong okra.

Upang hindi agad masira ang inaning okra, kailanganing iimbak ito sa ma-
lamig na lugar. Iwasan din itong mabasâ dahil nagiging mabilis ang pag-
kabulok nitó. Kung may parte ng bunga na nangingitim na, makabubuting
iluto na ito bago tuluyang masira. (ACAL)
Simeon Ola
(2 Setyembre 1865-14 Pebrero 1952)
Si Simeon Arboleda Ola (Sim·yón Arboléda Ó·la) ay magiting na lider ng
mga rebolusyonaryo sa Bikol noong panahon ng Espanyol at Amerikano,
at isa sa mga hulíng sumuko.
Isinilang siyá noong 2 Setyembre 1865 sa Guinobatan, Albay kina Vicente
Ola at Apolonia Arboleda. Pumasok siyá sa seminaryo upang mag-aral
ng pilosopiya, ngunit nang sumiklab ang rebolusyon noong 1896, tumigil
siyá ng pag-aaral at lumahok sa Katipunan. Naging pinunò siyá ng mga
rebelde sa kaniyang bayan.
Dahil sa kaniyang matagumpay na pananambang sa mga kaaway, hinirang
siyáng kapitan ni Heneral Vito Belarmino, ang pangkalahatang pinunò
sa Bicol. Nang dumating ang mga Amerikano, ipinagpatuloy niya ang
pakikipaglaban sa kabila ng pagsuko ni Heneral Belarmino noong 1901.
Namundok siyá, tinipon ang natitirang mga kawal na Filipino na hindi
sumuko, at naging pinakamataas na pinunò sa Bicol.
Nagkasakit siyá sa bundok at nahimok ng mga kamag-anak at kaibigang
sumuko noong 25 Setyembre 1903 kay Koronel Harry H. Bandholtz.
Dalawang buwan pagkaraan, nilitis siyá at hinatulang mabilanggo nang
30 taon. Nakalaya lámang siyá nang bigyan ng amnestiya ni Gobernador
Heneral William Howard Taft ang lahat ng bilanggong politikal. Naging
presidente (alkalde ngayon) siyá ng Guinobatan mula 1910 hanggang 1917
at nagsagawa ng maraming pagbabago sa kaniyang bayang sinilangan.
Namatay siyá noong 14 Pebrero 1952 at inilibing sa Guinobatan.
Isang monumento ang inialay kay Ola sa Lungsod Legazpi, at ipinangalan
din sa kaniya ang tanggapang rehiyonal ng kapulisan. (PKJ) (ed VSA)

kuha ni Phillip Kimpo, Jr.


Olaging
Ang Olaging (O•lá•ging) ng Bukidnon ay isang epikong-bayan tungkol
sa labanan sa Nalandangan at ang pagtatanggol dito ng bayaning si Agyu
at kaniyang angkan. Kuwento ito ng mga táong nagpapahalaga at nagma-
malaki ng kanilang lupain at ng mga pagdiriwang para sa kanilang lahi
at ng bayaning si Agyu. Bagaman mayroong mga pinsala, naipanalo nilá
ang labanan. Isa si Matabagka, ang kapatid na babae ni Agyu, sa mga nag-
tagumpay nang ipagtanggol niya ang Nalandangan hábang naglalayag ang
mga kalalakihan.

Ang tawag ng mga Arakan-Arumanen at Livunganen-Arumanen para sa


epikong-bayan ay “olaging,” “ulahing,” o “ulahingan.” Mayroong itong
dalawang bahagi: ang kepuunpu-un na tungkol sa pag-akyat ni Agyu at
ng kaniyang kamag-anak sa langit; at ang sengedurug na tungkol sa paki-
kipagsapalaran nilá. Ang kepuunpu-un ay isang estandardisadong narati-
bo. Maaaring gumawa ng maraming sengedurug kung kayâ nagkaroon ng
iba’t ibang kuwento na umiikot sa mga kamag-anak ni Agyu. Naiiba ang
naturang epikong-bayan tungkol kay Agyu at sa kaniyang mga kamag-anak
dahil hindi ito ang karaniwang kuwento ng paghahanap ng isang bayani
ng kaniyang mapapangasawa. Sa halip, layunin ng bayani ang ipagtanggol
ang kaniyang lupain upang mapanatili ang kanilang lahi at tribu. (KLL)
Luz Olivéros-Belárdo
(3 Nobyembre 1906-12 Disyembre 1999)
Si Luz Olivéros-Belárdo ang natatanging alagad ng pytho-chemistry sa
Filipinas. Ang kaniyang mga pag-aaral hinggil sa kemikal na komposisyon
ng mga katutubong halaman sa bansa ay nagbigay daan sa paglikha ng
mga medisinang herbal, natural na pampalasa, pabango, pestisidyo, at
panggatong na langis. Siyá ang tumuklas ng 40 bagong mahahalagang
langis mula sa katas ng mga halaman. Nagsagawa rin siyá ng masinsing
pag-aaral kung paano magagamit ang enzymes ng papaya bilang botanikal
na gamot. Ipinakita niya na maaaring gumawa ng natural na sabon gamit
ang langis ng niyog. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng
Agham noong 1987.
Napukaw ang interes ni Belardo sa mga halamang gamot dahil sa
obserbasyon niya sa ginagawang panggagamot ng mga albularyo. Napansin
niya na halaman ang pangunahing ginagamit ng mga ito. Una niyang
pinag-aralan ang mga kemikal at parmasiyutikal na katangian ng halamang
tanglad. Nadiskubre niya na nagtataglay ito ng mahalagang kemikal na
may kakayahang labanan ang pagtaas ng presyon ng dugo. Mula noon,
sunod-sunod na ang ginawa niyang pananaliksik sa iba’t ibang halamang
gamot sa Filipinas. Siyá ang unang siyentista sa Timog Silangang Asia na
nagsagawa ng kemikal na pag-aaral sa halamang sitsirika. Natuklasan niya
na mayaman ito sa alkaloid, fatty acid, at mahalagang langis na maaaring
gamiting panglunas sa maraming uri ng sakit.
Isinilang si Luz Olivares Belardo noong 3 Nobyembre 1906 sa Navotas,
Rizal at anak nina Aurelio Oliveros at Elisa Belarmino. Natapos niya ang
batsilyer sa Siyensiya sa Parmasya sa Unibersidad ng Pilipinas noong
1929 at master sa Parmasiyutikong Kemistri noong 1933. Nakuha niya ang
doktorado sa Parmasiyutikong Kemistri sa University of Connecticut noong
1954. Bumalik kaagad siyá sa Filipinas upang ipagpatuloy ang pagtuturo
sa Philippine Women’s University at magsagawa ng mga pananaliksik.
Noong 1995 ay natuklasan niya na ang katas ng langis mula sa dahon ng
halamang papua ay mabisàng panlaban sa peste. Nagamit ito ng mga lokal
na kompanya ng pestisidyo upang lumikha ng natural na pamatay peste.
Yumao siyá noong 12 Disyembre 1999. (SMP) (ed VSA)
onór
Onór ang tawag sa mga tradisyonal na mang-aawit ng kulturang Mëranaw
sa Mindanao. Babae ang onor samantalang pababaiok naman ang tawag
sa mga lalaking mang-aawit. Silá ang tampok sa pagdiriwang na kambay-
oka at sa ganitong pagkakataon nilá itinatanghal ang báyok. Ang báyok ay
isang tulang inaawit sa mabilis na tempo at nása anyong debate o pagtata-
long patula.

Kalimitang sinisimulan ng onor ang kambayoka. Ipinapakilála niya ang


paksa at sakâ siyá susundan ng katunggali; hanggang sa mauwi ang bayok
sa mainit na tunggalian gaya ng mga usaping pampolitika. Mayroon ding
pagkakataon na nagiging personal ang mga argumento kayâ’t humahan-
tong sa away. Maaaring umabot nang buong magdamag ang bayok kung
kayâ mayroong kahalili ang mga mang-aawit para sa susunod na gabi ng
pagtatanghal.

Impromptu ang paglikha ng mga berso para sa mga kalahok. Gumagamit


silá ng mga bersong patula, mga paglalarawang diwa, at mga ekspresyong
idyomatiko. Malaking gantimpala ang ibinibigay sa pinakamahusay na
onor kapag siyá’y nagwagi sa kambayoka. Nagsasanay sa isang mahusay
na guro ng bayok ang isang onor sa loob ng maraming taon bago siyá mag-
ing bahagi ng kambayoka. Kailangan ring mayroon siyáng kaaya-ayang
personalidad, pagkamalikhain, mahusay na tinig, at matalas na isip upang
maging ganap na onor. ( WFF) ed VSA
OPM - Original Pilipino Music
Ang Original Pilipino Music o OPM ay isinilang sa panahon ng Batas
Militar. Noong dekada 1970, ang industriya ng musika ay hindi pumapabor
sa mga lokal na musiko at higit na pinapaboran ang pagsasahimpapawid
ng popular na musikang dayuhan. Ang musikong nagbigay-daan para sa
pagkilala sa OPM ay ang bandang Juan de la Cruz, na binubuo nina Joey
“Pepe” Smith, Mike Hanopol, at Wally Gonzales. Nakilala silá lalo na sa
kanilang awit na “Ang Himig Natin.” Ang titik ng awit ay paglalarawan sa
kalagayan at mithiin ng musikong Filipino sa panahong iyon at paghamong
magkaisa upang maitanghal ang kakayahan ng mga lokal na musiko.
Sa panahon ding ito, tinangkang palaganapin ang kamalayang pangkultura
ng mamamayang Filipino. Itinayo ang Folk Arts Theater, Makiling High
School for the Arts, Philippine International Convention Center, at mas
nauna pa rito, ang Cultural Center of the Philippines. Noong 1975, ang
Broadcast Media Council na B75-31 ay naglabas ng isang resolusyong
nag-uutos sa lahat ng estasyong panradyo na may programang pangmusika
na magpatugtog ng isang musikang Filipino bawat oras. Sa panahong ito,
nagsimula nang bumenta ang OPM na kinabibilangan ng musika nina
Sharon Cuneta, Rico J. Puno, Nonoy Zuñiga, Leah Navarro, Celeste
Legaspi, Florante, Mike Hanopol, at mga grupong Apo Hiking Society,
Hotdog, VST & Co.
Noong 1978, nagsimula rin ang Metro Manila Popular Music Festival o
Metropop, isang tagisan ng husay sa paglikha ng kanta na naglalayong
iangat ang musikang Filipino. Dito nagwagi ang Anak ni Freddie Aguilar
na kinilala hindi lámang sa Filipinas kundi sa Asia at Europa. Sa Metropop
din isinilang ang bagong henerasyon ng kompositor—sina Ryan Cayabyab,
Vehnee Saturno, Louie Ocampo, Odette Quesada, Heber Bartolome, Gary
Granada at iba pa.
Sa panahon ng OPM ay umusbong ang iba’t ibang genre ng musikang
Filipino. Kabilang dito ang Pinoy folk, na kinakatawan ng grupong Asin;
disco music tulad ng “Annie Batungbakal” at “Bongga ka Day!” rock tulad
ng “Laki sa Layaw” at “Nosi Balasi”; at inspirational gaya ng “Lift Up
Your Hands,” at “Lead Me Lord.” (RCN) (ed GSZ)
orasyón
Mula sa Espanyol na oracion na maaaring tumukoy sa “talumpati” o
“dasal,” ang orasyón ay isang kaugaliang Kristiyano na huminto sa
ginagawa pagsapit ng takipsilim, lumuhod o humarap sa gawing simbahan,
para manalangin. Inihuhudyat ito ng mabagal na pagtugtog ng batingaw sa
simbahan pagsapit ng ikaanim ng gabi. Ang tugtog ng kampana at ang oras
ng pagtugtog ay tinatawag ding orasyón. Ang panalangin ay karaniwang
nauukol sa pagpapasalamat sa tinamong biyaya sa nagdaang maghápon.
Pagkatapos magdasal, nagsisipagmano ang nakababatà sa mga nakatatanda
sa paligid.
May matandang paniwala na kahit ang mga butiking bahay ay sumasamba
sa orasyón. Bunga ito ng pangyayaring totoong bumababâ sa lupa ang mga
butiki at tila humahalik sa lupa kapag sumisimsim ng lamig o hamog.
Orasyón din ang tawag sa maikling dasal na pinaniniwalang mahiwaga
dahil nakapagpapagalíng sa maysakit o nakapagliligtas sa panganib. Isa
itong kasangkapan sa panggagamot ng albularyo at ibinubulong-bulong
kapag may ginagamot. Inuusal din itong tila agimat kapag inaakalang
nása bingit ng panganib. Walang nakaiintindi sa orasyón sapagkat malimit
na pinaghalò-halòng salitâng Latin, Espanyol, at katutubo. Ipinamamana
naman ito ng matanda sa pinilìng kabataan. Nag-ugat diumano ito sa mga
pariralang Latin sa pasyon at sa mga sermon noon ng pari sa wikang Latin
at Espanyol na tinatandaan ngunit di-naiintindihan ng mga Filipino. May
pinaniniwalaang sinambit ni Kristo at kayâ walang katulad ang ibinibigay
na bisà. Isang halimbawa ang sumusunod:”Jesucristo maria bedreno
et curo tenaman, Amen” na ginagamit upang manghinà ang kaaway.
Gayunman, may iba pang ritwal itong kailangang gawin upang maging
epektibo. Sinasabi ring may kontraorasyón sa bawat orasyón. (LJS) (ed
VSA)

Orasyon ni Romi Mananquil


Pedro T. Orata
(27 Pebrero 1899- 13 Hulyo 1989)
Si Pedro Tamesis Orata (Péd•ro Ta·mé·sis O•rá•ta) ay isang guro na kilala
bilang “Ama ng mga Hay-iskul sa Barangay” dahil sa kaniyang pagsusú-
long ng pagpapatayô ng mataas na paaralan sa bawat baryo ng Filipinas.
Iginawad sa kaniya ang Premyong Ramon Magsaysay noong 1971.
Pagkatapos mag-aral ng kolehiyo at doktorado sa Estados Unidos, buma-
lik siyá ng Filipinas at naging kawani ng Kawanihan ng Pampublikong
Paaralan (Bureau of Public Schools). Nagturo siyá sa Bayambang Normal
College at Philippine Normal College, at dito’y naging dekano siyá ng
paaralang gradwado. Bumalik siyá sa Amerika at nagturo sa Ohio State
University. �����������������������������������������������������������
Pinasimulan niya ang isang eksperimental na paaralang pang-
komunidad sa isang Indian reservation para sa mga Sioux sa South Dako-
ta. Sumapi siyá sa UNESCO bilang espesyalista sa paghahasa ng mga guro
at pagpapaunlad ng kurikulum. Pagkatapos ng digmaan, inatasan siyáng
buksan muli ang mga pampublikong paaralan ng Urdaneta. Itinatag niya
ang Pangasinan Provincial East High School (ngayon ay Urdaneta City
National High School), ang unang pampublikong hay-iskul sa Filipinas sa
labas ng kabisera ng lalawigan. Bago nitó, makukuha lámang ang eduka-
syong pang-hayskul sa mga kabisera.
Pagkaretiro mula sa UNESCO noong 1965, sinimulan ni Orata ang mithing
“barrio high school.” Nagsimula siyá sa apat na paaaralan, at pagkatapos
ilantad ng mga pagsusulit na mas mahuhusay ang mga estudyante sa bar-
rio high school kaysa regular na hay-iskul, 16 pang paaralan ang itina-
tag sa Pangasinan, Camarines Norte, at Albay. Ito ang naging simula ng
pambansang programa para sa barrio high school, at si Orata ang naging
special consultant nitó. Nakatanggap ito ng tulong mula sa mga pambansa
at internasyonal na ahensiya, at ipinasá ang Barrio High School Act noong
1969. Kumalat ang mga barrio high school sa 43 lalawigan at anim na
lungsod.
Isinilang siyá noong 27 Pebrero 1899 sa Urdaneta, Pangasinan kina Can-
dido and Numeriana Orata. Tumulak siyá pa-Estados Unidos sa muràng
edad at doon ay nagtrabaho bilang tagaayos ng riles habang nag-aaral.
Nakamit niya ang mga digring batsilyer at masterado sa edukasyon mula
sa University of Illinois, at doktorado mula sa University of Ohio. Asawa
niya si Vinda Atikins, isang Amerikana. Pumanaw siyá noong 13 Hulyo
1989. (PKJ)
ordenánsa
Ang ordenánsa ay kautusan o tuntunin na ginagawa ng isang sanggunian
at ipinapatupad lamang sa nasasakupang lalawigan, lungsod, o munisipali-
dad. Kaiba sa resolusyon, ang ordenansa ay nagtatakda ng mga patakaran
na susundin ng nasasakupan hanggang sa ito ay palitan o pawalang-bisà.
Bukod sa panandalian, ang resolusyon naman ay pagpapahayag lamang
ng opinyon o sentimyento ng sanggunian sa mga usapin at iba pang alala-
hanin.

Ang paggawa ng ordenansa ng isang sanggunian ay pagpapakita ng lehis-


latibong kapangyarihan o karapatang bumuo ng mga batas ng mga yunit
ng lokal na pamahalaan. Hindi dapat bast pinaiiral ang isang ordenansa.
Sa halip, kailangang magdaan ito sa isang proseso ng inter-aksiyon ng
mga pinunò ng lokal na pamahalaan, taumbayan, pribadong sektor, mga
grupong nagsusulong ng kanilang interes, at iba pang may kinalaman at
maaapektuhan ng ginagawang ordenansa. Layunin ng inter-aksiyong ito
ang makabuo ng ordenansa na tutugon sa kapakanan ng mga taong nasa-
sakupan, para na rin sa ikauunlad ng yunit ng lokal na pamahalaan.

Ang awtoridad sa paggawa ng mga ordenansa ay hawak ng sangguni-


an ng isang yunit ng lokal na pamahalaan. Ang sanggunián ang grupo
ng mga indibidwal na inihalal ng mga nasasakupan upang katawanin
ang kanilang mga interes. Sa ilalim ng kasalukuyang kodigo hinggil sa
pamahalaang lokal, may kapangyarihan ang sanggunian na magpatu-
pad ng mga ordenansa, mag-aproba ng mga resolusyon, at maglaan ng
pondo. Halimbawa ng mga ordenansa ay ang paglimita ng paggamit
ng plastik sa mga tanggapan sa Lungsod Quezon. Marami namang or-
denansa sa iba pang lokal na pamahalaan ang nagbabawal o nagpa-
pataw ng multa sa maling pagtatapon ng basura. (MJCT) ed VSA
oréganó
Ang oréganó (Coleus amboinicus) o kilalá rin bilang suganda ay isang
yerbang tuwid ang katawan, kulay lungti, aromatiko, at ginagamit bilang
pampalasa at gamot. Ang mga dahon ay makapal, bahagyang magaspang,
mabalahibo, hugis puso, at mayroong tila mga bilugang ngipin sa gilid.
Maliliit at mapupusyaw na lila ang mga bulaklak na magkakalayô ang
pagtubò. Mainam itong itanim sa mga lugar na may mainit na klima.

Ginagamit na pampalasa at pampabango ito sa mga inumin, salad, at pu-


tahe ng mga karneng may matatapang na amoy. Naging popular na sahog
ito sa mga pagkaing Italyano-Amerikano noong pagkatapos ng Ikalawang
Digmaang Pandaigdig. Karaniwan din itong ginagamit sa mga bansang
Turkey, Palestine, Lebanon, Egypt, Syria, Greece, Portugal, Spain, Latin
America, at Filipinas. Sa Turkey, pampalasa ito ng karne ng tupa at inila-
lagay sa mga barbikyu at kebab kasáma ng asin, paminta, at paprika . Sa
Greece, inilalagay sa Greek salad, isda, at barbikyu. Karaniwan namang
ginagamit dito para alisin ang amoy ng nilulutong karne ng kalabaw.

Ang dinikdik na dahon ay para sa mga kagat ng alakdan at alupihan o kayâ


naman sa sakit ng ulo habang ang pinakuluang dahon ay itinatapal sa pasò
at mainam ding inumin para maibsan ang sakit sa tiyan, lalamunan, hika,
ubo, at rayuma.

Katutubo ang oregano sa kanluran at timog kanlurang rehiyon ng Eurasia


at sa Mediterraneo na may katamtamang init ng panahon. Ang salitang
oregano ay pinaniniwalaang mula sa Italyanong origano na mula naman
sa Griyegong origanon na tumutukoy sa isang yerbang maanghang. Pi-
naniniwalaan ding ito ay hiram na salita mula sa Hilagang Aprica. (KLL)
ed VSA
Orgánong Kawáyan ng Las Piñas
Ang Orgánong Kawáyan ng Las Piñas o Las Piñas Bamboo Organ
ay idineklara ng Museong Pambansa ng Filipinas bilang Pambansang
Kayamanang Pangkultura noong 11 Marso 2004. Sinimulang buuin ito
hábang ginagawa ang simbahan ng Las Piñas sa pagitan ng 1816 hanggang
1821. Itinanghal din ang obrang ito ni Padre Diego Cera bilang kauna-
unahang organo sa buong mundo na yari sa kawayan (85 porsiyento ang
kawayan at 15 porsiyento ang bakal). Gumamit din si Padre Cera ng naga,
kamagong, at mulawin bilang kahon at para sa pagbuo ng mekanismo at
suporta ng instrumento. May kabuuan itong 1,031 túbo, bagaman hindi
lahat ay tumutunog, at 129 sa mga ito ay gawa sa metal. Ang mga túbong
nangangailangan ng tunog ng trumpeta ngunit hindi káyang gawin ng
kawayan ay ginamitan ng metal na may taginting at tunog ng trumpeta.

Nahirapan si Padre Cera sa paggamit ng kawayan. Para tumibay ang


kawayan, mahigit isang taon niyang ibinabaón sa buhanginan sa pampang
ng dagat ang mga kawayang napili.

Maraming pinagdaanang kalamidad ang organo. Sa lindol noong 1829,


bumagsak ang bubong ng simbahan ng Las Piñas at nabasa ng ulang ang
instrumento. Noong 1863, dahil sa malakas na lindol, labindalawang túbo
nitó ang nasira at kalahati nitó ay hindi na maaaring komponehin. Noong
1863 at 1872, pinalitan ang mga nasirang túbo ng organo. Noong 1880,
pumutok ang Bulkang Taal at kasámang niyanig ang simbahan ng Las
Piñas. Isang malakas na bagyo ang bumayo sa Kamaynilaan noong 1882
at muling nadamay ang organo.

Ang isa sa mga malakihang pagsisikap na isaaayos ang organo ay nangyari


noong 1973 hanggang 1975. Dinala ito sa Germany noon, sa gawaang Klais
Orgel-bau sa siyudad ng Bonn. Ang pagbabalik sa Filipinas ng organo
ay naging malaking pagdiriwang bilang pagbabalik ng makasaysayang
artifact ng bansa. Naging sentro ito ng taunang pagdiriwang na tinatawag
na International Bamboo Organ Festival. Dito, dumadalo ang mga tanyag
na organista mula sa iba’t ibang panig ng mundo, gayundin ng iba pang
lokal na musiko upang magtanghal ng mga likhang ginagamitan ng organo.
(RCN) (ed GSZ)
Oriol
Si Oriol (Or·yól) ay isa sa mga pangunahing tauhan ng Ibalon, ang hina-
hakang epikong bayan ng mga Bikolano. Noong una ay katunggali siyá
ng bayaning si Handiong, isang dakilang mandirigma na pumaslang sa la-
hat ng halimaw at dambuhala ng lupain ng Ibalon. Isang halimaw lamang
ang nakaligtas sa lakas ni Handiong—si Oriol, isang serpiyente na may
kakayahang magpalit ng anyo bilang isang magandang babae. Mayroon
siyang tinig na káyang bumihag sa utak at puso ng makaririnig, at talinong
nakapagliligtas sa kaniya sa maraming panganib.

Hindi malaon ay nahulog ang loob ni Oriol sa makisig na si Handiong.


Tinuruan niya ang lalaki kung paano daigin sa labanan ang lahat ng mga
halimaw at ilahas na hayop. Sa tulong ni Oriol, nagtagumpay si Handiong,
at nabalot sa kapayapaan ang buong Ibalon. (PKJ)ed VSA

guhit ni Angeli Marie Narvaez


óro, pláta, máta
Isang pamahiin sa pagtatayo ng bahay na may hagdan ang óro, pláta, máta
na nangangahulugang “ginto, pilak, kamatayan.” Ayon dito, maaaring
itakda ang kapalaran ng bahay at ng mga mananahan dito sa pamamagitan
ng bilang ng mga baitang ng hadgan. Kailangan umanong bilangin ang
bawat baitang, mula itaas patungong ibabâ, gamit ang mga salitâng ito
(unang baitang: oro, pangalawang baitang: plata, pangatlong baitang: mata,
pang-apat na baitang: oro, hanggang sa maubos ang mga baitang). Sinasabi
ng pamahiin na magdadala ng labis na suwerte kung sa oro tatapat ang
huling baitang. Sapat na pamumuhay naman ang kumakatawan umano sa
plata. Samantala, dapat daw iwasan ang mata sapagkat nangangahulugan
ito ng kamatayan o kayâ’y kamalasan sa pamilya.
May mga gumagamit din ng oro, plata, mata sa pagbibilang naman ng
hakbang patungo sa isang espasyo o lugar. Sa paglalakad, halimbawa,
pinapayuhang magdasal ang mga batàng natatapos sa mata ang huling
hakbang upang makontra ang kamalasang maaari umanong idulot nitó.
Ang Oro, Plata, Mata ay tumutukoy din sa isang klasikong pelikulang
Filipino na idinirihe ni Peque Gallaga noong 1982. Tungkol ito sa
dalawang elitistang pamilya at sa dahan-dahang pagkawasak nitó sa
ilalim ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa gitna ng hidwaan, ang
mga pamilyang ito ay nakikidigma rin sa sari-sarili nilang konsepto ng
nakasanayang pamumuhay. Ayaw nilang tanggapin ang di-maiiwasang
pagkawala ng kanilang kayamanan kayâ lumipat silá sa isang liblib na
asyenda at doon namuhay sa paraang nakaugalian nila. Ngunit dahil sa tindi
ng giyera, napilitan din nilang iwan ang asyenda at magtungo sa bundok.
Dito, dinanas nila ang marahas na paghihiganti ng isa sa mga dati nilang
napagmalupitang utusan. Ang pagbabago sa estado ng buhay ng dalawang
pamilya ay nakapadron sa prinsipyo ng oro, plata, mata–pamumuhay sa
luho, pagkawala ng mga ito, at paghihirap. (BVN) (ed GSZ)
Maria Y. Orosa
(29 Nobyembre 1893-13 Pebrero 1945)
Imbentor at tagapanguna sa larangan ng teknolohiya sa pagkain, isang
kemiko at parmasiyutiko si Maria Y. Orosa (Mar·yá I O·ró·sa) Isa sa
mga imbensiyon niya ang pinulbos na kalamansi, ang “calamansi nip,”
at pinagbuhatan ng komersiyal na calamansi juice ngayon. Imbento niya
ang “soyalac,” ang pinulbos na soya at nagligtas sa maraming bilanggong
kulang sa pagkain noong panahon ng Hapones. Inimbento din niya ang
banana ketsap, banana flour, cassava flour, mga alak mula sa katutubong
prutas, at jelly mula sa bayabas, santol, at ibang prutas.

Si Maria ay isinilang noong 29 Nobyembre 1893 sa Taal, Batangas kina


Simplicio Orosa y Agoncillo at Juliana Ylagan. Sa Batangas siyá nagta-
pos ng elementarya at sekundarya at nag-aral ng parmasya sa Unibersidad
ng Pilipinas. Noong 1916, ipinadalá siyáng iskolar sa Estados Unidos at
nagtapos ng batsilyer sa agham ng kemistring parmasyutiko sa University
of Seattle noong 1917, BS sa kemistri ng pagkain noong 1918, BS sa par-
masya noong 1920, at marterado sa parmasya noong 1921.

Pag-uwi, nagturo muna siyá bago pumasok sa Bureau of Science noong


1923. Naglibot siyá sa buong bansa para itaguyod ang wastong nutrisyon
at wastong pag-iimbak ng pagkain. Dahil sa kaniyang sipag at liderato, ipi-
nadalá siyá sa ibang bansa para mag-aral ng pagproseso at pagdede-lata ng
pagkain. Pagbalik, hinirang siyáng punò ng dibisyon sa home economics
ng Bureau of Science. Itinatag niya ang Homemakers Association of the
Philippines. Nang sumiklab ang digmaan, sumali siyá sa pangkat gerilya,
nagkaranggong kapitan, at naging trabaho ang pagpapakain sa mga suga-
tan at maysakit.

Sa panahon ng liberasyon, tinamaan siyá ng ligaw na bala hábang nag-


tatrabaho sa gusali ng Bureau of Plant Indsutry sa Malate. Dinalá siyá
sa Malate Remedios Hospital para magamot. Ngunit tinamaan ng bomba
ang ospital at isang shrapnel ang tumimo sa puso ni Maria na ikinamatay
niya noong 13 Pebrero 1945. Bílang parangal, ipinangalan sa kaniya ang
isang kalye sa Maynila gayundin ang gusali ng Bureau of Plant Industry.
(GVS)
Leonor Luna Orosa-Goquinco
(24 Hulyo 1917-15 Hulyo 2005)
Isang baylerina, koreograpo, at manunulat si Leonor Luna Orosa-
Goquinco (Le·o·nór Lú·na O·ró·sa-Go·kíng·ko). Kinilala sa pagdudulot
niya ng pagbabago sa katutubong sayaw—ang pagsasáma-sáma ng samot-
saring anyo at elemento ng sayaw sa iisang malikhaing pagtatanghal.
Pinaikli, pinabilis, at pinag-ibayo niya ang mga katutubong sayaw at sa
proseso, ang sayaw na dati-rati ay itinatanghal lámang sa malalaking bukás
na lugar ay maaari nang maitanghal sa entablado ng teatro. Iginawad sa
kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw noong 1976.
Itinatag ni Orosa-Goquingco ang Filipinesca Dance Company noong 1958.
Ang obrang Filipinescas: Philippine Life, Legend, and Lore in Dance
(1960) ay kalipunan ng mga sayaw na pumapaksa sa mga kaugaliang
Filipino noong panahong bago dumating ang mga Espanyol hanggang sa
kontemparaneo. Hinangaan ito di lámang ng mga manonood at kritiko sa
Filipinas kundi maging ng daigdig. Isang epikong sayaw ito, pagsasáma
ang musika, kasaysayan at kultura. Ang ilan pa sa kaniyang mahahalagang
obra ay ang “Vinta!” (1940),  “The Magic Garden” (1958), “The Clowns”
(1957), “Balet Variations” (1982), at “Aubade” (1986).
Nagsulat din siyá sa sagisag-panulat na Cristina Luna. Sinulat niya ang
kasaysayan ng sayaw sa Filipinas, A Great Philippine Heritage: Dances
of the Emerald Isles  (Ben-Lor Publishers, 1980), at ang isang dulang
may isang yugto, “Her Son,  Jose Rizal: a Theater Piece” (New Day
Publishing, 1991). Kabílang sa mga parangal niya ang Patnubay ng Sining
at Kalinangan Award (1961); Rizal Centennial Award (1962); Patnubay ng
Sining at Kalinangan Award at Republic Cultural Heritage Award (1964);
Presidential Award of Merit (1970). 
Isinilang siyá noong 24 Hulyo 1917 sa Jolo, Sulu kina Sixto Orosa at
Severina Luna, kapuwa doktor. Nakatatandang kapatid siyá ng kritikong
si Rosalinda Orosa. Ikinasal siyá kay Benjamin Goquingco na isang
inhenyero at biniyayaan ng tatlong anak, dalawa ay mga mananayaw.
Nagtapos siyá na summa cum laude sa Batsilyer ng Siyensiya sa Edukasyon
sa St. Scholastica’s College at kumuha ng karagdagang pag-aaral sa teatro,
drama, at musika sa Columbia University at Teachers College sa New
York, USA. Namatay siyá noong 15 July 2005 sa cardiac arrest. (RVR)
(ed GSZ)
Osanáhan
Ang Osanáhan o Osána ay dulang pansimbahan tuwing Linggo de Ramos
na nagtatampok sa pagdating ni Hesus sa Herusalem. Nagmula ito sa Es-
panyol at Latin na hosanna.

Maaga pa lang ay binabasbasan na ang mga palaspas sa misa, sa simba-


hang Katoliko man o sa simbahang Aglipay. Pagkatapos ng pagbabasbas
ay lalabas na ang mga tao sa simbahan para sa papuri o osanáhan, kung
saan iwinawagayway ang mga palaspas. Hindi ito kasindramatiko ng sa-
lubong kapag Linggo ng Pagkabuhay, at hindi rin nagtataglay ng malinaw
na daloy ng pagtatanghal na tulad ng panunuluyan kapag Pasko, subalit
pinatitingkad nitó ang liturhiya at pagdiriwang sa pagsisimula ng Mahal
na Araw. Tanda ito ng pakikiisa ng mga deboto sa pag-alaala sa paghihirap
ni Hesus. (ECS) ed VSA
Sergio S. Osmeña
(9 Setyembre 1878-19 Oktubre 1961)
Nanungkulang pangulo ng Komonwelt si Sergio S. Osmeña (Ser·hi·yó
Is Os·mén·ya) nang mamatay si Pangulong Manuel L. Quezon sa Estados
Unidos at hanggang mapalaya ang Filipinas sa wakas ng Ikalawang
Digmaang Pandaigdig. Ang pangyayaring ito ay itinuturing na bahagi ng
malungkot na kapalaran ni Osmeña sa politika. Isa siyáng matagumpay
na lider mulang Cebu, matalinong abogado, mahusay na estadista, ngunit
kung bakit laging nauunahan sa posisyon ni Quezon.
Naging magkamag-aral silá ni Quezon sa Letran. Pagkatapos ng Digmaang
Filipino-Amerikano, nakatagpo niyang muli si Quezon nang mag-aral
siyá ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Kapuwa silá pumasá
sa bar noong 1903 at siyá ang pinakamataas sa pagsusulit. Sa Asamblea,
nahigitan niya si Quezon at siyá ang nahalal na ispiker, ang unang lider
Filipino na humawak ng gayong mataas na tungkulin. Hinawakan niya
ang tungkulin sa loob ng 15 taon (1907-1922). Ngunit nang itayô ang
Lehislatura at magkaroon ng Senado o Mataas na Kapulungan, si Quezon
ang naging pangulo nitó.
Isinilang si Osmeña sa Cebu noong 9 Setyembre 1878. Sa buong pag-
aaral niya sa kolehiyo ng Seminario de San Carlos ay nangunguna siyá
hanggang magtapos ng gawaing sekundarya. Sa panahon ng Digmaang
Filipino-Amerikano ay nagtayô siyá ng isang peryodikong naging bantog
sa pagtalakay ng mga usaping makabansa. Nahirang siyáng piskal ng Cebu
noong 1903, nagwaging gobernador noong eleksiyon ng 1906, at nagbitiw
upang kumandidato sa Asamblea. Kasáma niya si Quezon sa itinayông
Partido Nacionalista at naging mayorya sa Asamblea. Una niyang maybahay
si Estefania Chiong Veloso at nang mamatay ito ay muli siyáng napakasal
kay Esperanza Limjap. Anak niya sa unang asawa si Sergio Osmeña Jr. na
naging isang pambansang politiko din. Sa Liberation, kasáma siyá sa hukbo
ni Hen. Douglas MacArthur na dumaong sa Leyte noong 20 Oktubre 1944.
Si Osmeña ang nag-asikaso sa rekonstruksiyong pambansa pagkatapos ng
Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong eleksiyong 23 Abril 1946, tinálo
siyá ni Manuel A. Roxas sa pagkapangulo. Umuwi siyá sa Cebu at doon
binawian ng búhay noong 19 Oktubre 1961. (VSA)
OFW
OFW (o·ef·do·bol·yu) ang pinaikling tawag sa mga Overseas Filipino
Workers, mga manggagawang Filipino na nagpupunta sa ibang bansa
upang doon magtrabaho. Silá ang tinaguriang mga “bagong bayani” ng
bansa. Umaabot na sa mahigit siyam na milyon ang bilang nilá na nakakalat
sa iba’t ibang panig ng mundo at nagtatrabaho bilang mga domestic helper
(DH) o kasambahay, mga manggagawa sa konstruksiyon, mga propesyonal
na ineempleo sa mga ospital, barko, hotel at restoran, eskuwelahan, at sa
mga kompanyang nása serbisyo, impormasyon, at teknolohiya. Ayon sa
Bangko Sentral ng Pilipinas at National Statistics Office, noong 2008 ay
nakapagtala ng 16.4 bilyong dolyar ang naipadaláng remitans ng mga
OFW na pumasok sa bansa. Kumakatawan ito sa 11.4% ng gross domestic
product (GDP) ng bansa, kayâ ang taguri sa kanilang mga “bagong bayani”
ay pagkilala sa malaki niláng kontribusyon sa ekonomiya ng Filipinas.
Karamihan sa mga OFW ay mga propesyonal na walang makuhang
trabaho sa loob ng Filipinas o mga nagtatrabaho na pero maliit lámang ang
tinatanggap na kita. Kadalasang tumatagal ang kontrata ng trabaho sa pagitan
ng tatlong buwan hanggang dalawang taon o higit pa. Tinatayang nása 10
porsiyento ng kabuuang bilang ng mga OFW ang mga “undocumented”
o ilegal na nagtatrabaho sa ibang bansa. Pumapasok silá sa isang bansa
bilang mga turista at doon naghahanap ng trabaho. Sa ganitong sitwasyon,
dumarami ang mga manggagawang Filipino na nagiging biktima ng mga
pang-aabuso ng mga amo nilá.
Nagsimula ang labor export program (LEP) ng gobyernong Filipinas
noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos upang makontrol ang
panlipunang kaguluhan at bahagi ng mga pagbabagong idinidikta ng
gobyernong Amerikano sa estruktura ng ekonomiya ng bansa. Layunin
nitó na maibsan ang problema ng kawalan ng trabaho at mabawasan ang
pangungutang ng gobyernong Filipinas. Nagresulta ito sa maramihang
paglikas ng mga manggagawa, propesyonal man o bihasang manggagawa,
papuntang ibayong-dagat lalo na sa mga bansa sa Gitnang Silangan at mga
karatig bansa sa Asia. Napakalaki ngayon ng konsentrasyon ng mga OFW
nasa Saudi Arabia. (AMP) (ed VSA)
Pedro Suarez Ossorio
Si Pedro Suarez Ossorio (Péd·ro Su·wá·rez O·sór·yo) ay nagmula umano
sa Ermita, Maynila, at isa sa mga unang makatang Filipino na nagsulat at
naglathala ng tula. Ang kaniyang tulang “Salamat Nang Ualang Hoyang”
ay nalathala sa aklat na Explicacion de la doctrina christiana en lengua
tagala ni Padre Alonzo de Santa Ana na nalathala noong 1627. Gumag-
amit ito ng anyo ng dalít, o may sukat na wawaluhin, at ng panawagan bi-
lang estratehiyang panretorika. Ngunit bilang isang tulang papuri sa libro
ng isang misyonero, taglay ng pagtula ni Ossorio ang kalatas at paraan ng
pahayag na inumpisahan ni Fernando Bagongbanta. Tigib ito ng lantarang
paghanga sa ginawa ni Alonzo de Santa Ana at ng adhikang ipabása ito sa
mga Tagalog upang maging mabuting Kristiyano. Wika nga niya sa unang
saknong:

Salamat nang ualang hoyang


Sa iyo Dios kong maalam
Nitong iyong auang mahal
Sa aming catagalogan.

Isang malaking biyaya daw ang libro ni Alonzo de Santa Ana dahil may
aklat na magdudulot ng wastong edukasyon sa mga Tagalog:

Nang caming manga binyagan


May basahin gabi,t, araw
Na aming pag aaliuan
Dito sa bayan nang lumbay.

Ikinompara niya ang libro ng padre sa isang sandata laban sa kasamaan,


sa isang daong laban sa bagyo’t kapahamakan, sa isang paraluman na
nagbibigay ng wastong landas, sa isang dulangan ng banal na pagkain.
Sa ganitong paraan, maaaring tingnan ngayon ang tula ni Osorio na taga-
pagbandila ng “bihag na kamalayan” at tagapagsimula ng tulang hitik sa
matatamis na talinghaga ng paghanga. (ECS) ed VSA
ótap
Ang ótap ay isang biskuwit na hugis biluhaba at binudburan ng asukal. Isa
itong katutubong kakanin na nagmula sa lalawigan ng Cebu, at makikita
rin sa ibang bahagi ng Kabisayaan, tulad ng Negros Oriental at Negros
Occidental. Karaniwang apat hanggang anim na pulgada ang habà ng ba-
wat piraso nitó at dalawang pulgada ang lapad, at kailangang kainin nang
maingat sapagkat maaaring mahulog ang asukal at mugmog nitó sa bawat
kagat.

Ang mga sangkap sa paggawa ng ótap ay arina, mantika, niyog, at asu-


kal. Dalawang yugto ng pagluluto ang pinagdadaanan nitó. Ang una’y ang
bahagyang pagluluto ng masa bago budburan ng asukal. Pagkatapos, ang
ikalawang yugto’y nása muling paghuhurno ng minasa hanggang sa lumu-
tong ito. Maraming panaderya na popular sa paggawa ng ótap sa siyudad
ng Cebu, tulad ng Shamrock, La Fortuna, at Masterline.(ECS) ed VSA
oyáyi
Ang oyáyi ay awit pampatulog ng batà o sanggol. Isa ito sa pinaka-
matandang halimbawa ng awit ng mga Filipino.
Mayaman ang tradisyon ng ganitong awit sa Filipinas. Patunay nitó ang
iba’t ibang tiyak na halimbawa ng oyayi sa maraming etnolingguwistikong
pangkat sa bansa. Kabilang dito ang “Hili na” (Tagalog), “Huluna”
(Tagalog), “Caturug, Caturug” (Bikol), “Duayya” (Iloko), “Tambayo na
Ogao” (Pangasinan), “Anak nga Walay Palad” (Sebuwano), “Tingkatulog”
(Boholano), “Katurog na Entoy” (Waray), “Pamuwa sa Bata” (Bukidnon),
“Lingon” (Bilaan), at iba pa.
Ngunit bukod sa pagiging awit na pampatulog sa sanggol, mahihiwatigan
din sa oyayi ang karanasan at kaugalian ng iba’t ibang mamamayan sa
Filipinas. Halimbawa, sa “Angngiddue” ng mga Gaddang, makikita ang
pagsisikap ng ina hindi lámang sa pag-aalaga ng kaniyang anak, kundi sa
paghahanap ng ikaubuhay nitó:
Aru, aru maturog caadua
Se inang namamaet
Imam so idang nga Battung
Take si macaalap si isira iadung.
(Aru, aru, humele ka na
nagpunta sa ilog ang iyong ina
para manghuli ng isda
na ipapakain sa kanyang mga anak).
Gayundin ang ipinahihiwatig ng mas popular na oyayi ng mga Sebuwano,
ang “Ili-ili, Tulog Anay.” (RCN) (ed GSZ)

Mag-ina sa Tabi ng Duyan ni Nestor Leynes

You might also like