Module 1

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 6

Republic of the Philippines

Commission on Higher Education


DARAGA COMMUNITY COLLEGE
Salvacion, Daraga, Albay

ANG
PANITIKAN
NG PILIPINAS
(MODYUL 1)
EDGELYN FRUELDA
Instruktor
ARALIN 1: PANIMULA

ANG PANITIKAN AT KATUTURAN NITO


Ang panitikang Pilipino ay salamin ng ating lahi, sapagkat nasasalamin ang kasaysayan ng
ating bansa. Nalalaman natin ang uri ng panitikan sa panahon ng pagdating ng iba’t ibang lahi na
binubuo sa Malayo-Indonesyo at Malayo-Polinesyo. Nang dumating ang mga kastila ay
pinagsisira nila ang mga panitikan sa panahon ng ating mga ninuno kaya ang panitikang Pilipino
ay namahinga at pumasok sa isip at puso ang kristiyanismo na itinuro ng mga Kastila. Ganon pa
man di nawala ang panitikan ng ating mga ninuno sapagkat ito’y napasalin-salin sa mga dila o
bibig ng mga tao.

 Ang panitikang Pilipino sa iba’t ibang wikain ng bansa ay panghabang panahon


kahit dumating pa ang iba’t ibang mananakop satin.
 Ang panitikang Pilipino ay pahayag na pananalita o pagsulat ng mga damdaming
Pilipino tungkol sa yaman ng ating lahi at hinggil sa pamumuhay, pag-uugaling
panlipunan, sa larangan ng paniniwala at pananampalataya sa iba’t ibang relihiyon.
 Tinatawag ito na kaban ng yaman ng lahing Pilipino, sapagkat sa pamamagitan ng
mga nakasulat na kantahing bayan, alamat, anito, epiko, mga kwento, sanaysay,
mga nobela, mga dasal ay nababalangkas ang kasaysayan ng ating pinagdaanan,
tinatahak at tatahakin pang pagsulong para sa ating kinabukasan.

Ang “panitikan” ay mula sa salitang Latin na litera na ang kahulugan ay letra o titik. Isang
ganap na salita na mula sa alomorpo na pang at salitang-ugat na titik na nilagyan ng hulaping an
na binubuo sa pagkaayos na [panitikan: pang+titik+an>pangtitikan>pantikan>panitikan].

MGA ANYO NG PANITIKAN


May tatlong masaklaw na anyo ang panitikan, ito ay ang mga:

1. Tuluyan (Prosa) – ito ay nasa anyo ng karaniwang pagpapahayag, Malaya at tuloy-tuloy


ang daloy ng pagpapahayag ng mga salita.

Ang mga Uri ng Akdang Tuluyan

a. Nobela o kathambuhay – ito’y salaysay ng isang buhay na tunay na nangyayari,


nagtataglay ng maraming likaw ng mga tagpo at sumasaklaw sa mahabang kawing ng
panahon.
b. Maikling Kwento – isang kathang pampanitikan na ang layunin ay maglahad o
magsalaysaly ng isang maselan at nangingibabaw na pangyayari sa buhay ng
pangunahing tauhan.
c. Dula – isang uri ng akda na ang kaisipan ng sumusulat ay inilalagay sa mga bibig ng
mga tauhang gumaganap sa tanghalaan at dulaan.
d. Alamat – kathang salaysaying sinasangkupan ng mga bagay-bagay na karaniwang
hubadsa katotohanan subalit ang ibang pangyayari ay likhang isip na lamang ng may
katha.ang kathang nag-uulat ng pinagmulan ng pangalan okatawagan ng isang bagay,
pook o nayon.
e. Pabula – ang pabula o kata ay yaong buhay na likha lamang ng guniguni ng isang
manunulat na ang karamiha’y karaniwang mahirap na mangyari ang kalahatan ay
sadyang hindi maaring mangyari. Karaniwang hayop o mga bagay na walang buhay
ang mga tauhan dito.
f. Sanaysay – isang anyo ng paglalahad na pagpapahayag ng kuro – kuro o opinion ng
isang may – akda hinggil sa isang suliranin o pakas na kinapapalooban ng kaniyang
sariling pangmalas at pananaw. Napapaloob ditto ang kanyang pagkukuro’t damdamin.
Kailangan maging malinaw, mabisa at kawili-wili ang paglalahad sa sanaysay.
g. Balita – isang anyong paglalahad na tumatalakay sa iba’t ibang bagong kagaganap na
pangyayari o daanlibong taon na hindi pa nababatid sa pamahalaan, sa lipunan,
paaralan, pananampalataya, sa agham, kalakal, sakuna, kalusugan, atbp.
h. Talambuhay – isang anyo ng panitikan tungkol sa kabuhayan o kasaysayan ng buhay
ng isang nilikha. May dalawang uri ng talambuhay:
 Talambuhay na Pang-iba –karaniwang tinatawag lamang na talambuhay. Sa
uring ito ay ang mga may-akda ang naglalahad ng buhay, ginawa o nangyari sa
ibang tao.
 Talambuhay na pansarili – ang mayakda na rin ang naglalahd ng tungkol sa
kaniyang sariling buhay.
i. Talumpati – isang uri ng akda o salaysaying pampanitikang inihanda sa layuning
basahin o bigkasin sa harap ng mga taong handang makinig. Ang hangarin ng may akda
nito ay humikayat, tumugon, mangatwiran at maglahad ng isang paniniwala. Ang
talumpati ay may apat (4) na bahagi:
 Panimula – na siyang inihahanda sa kalooban ng mga makikinig at may
layunin na maakit ang nakikinig at kalugdan naman ang nagtatalumpati.
 Paglalahad – bahaging nagpapaliwanag, nag-uulat at nangangatwiran.
 Paninindigan – ang bahaging ito ay kinaroonan ng pagpapatunay ng
nagtatalumpati.
 Pamimitawan – ito ang pangwakas na bahagi na nagtataglay ng maindayog
na kaisipan at maririkit na salitang bagay sa diwa ng talumpati.
2. Patula (Poetry) – pagbubuo ng pagpapahayag sa pamamagitan ng salitang may sukat at
tugma. Ang sukat ay ang bilang ng mga pantig sa bawat taludtod ng tula. Ang tugma naman
ay ang magkakasintunog sa huling pantig ng salita sa bawat taludtod. Mayroong tulang
may sukat at walang tugma (blank verse) at mayroon ring walang sukat at walang tugma
(free verse).

Mga Uri ng Patula

a. Tulang liriko o pandamdamin – kantahin, oda, elehiya, soneto atbp.


b. Tulang pasalaysay o narrative – epiko, awit at korido
c. Tulang pandulaan o dramatic – komedya, duplo, senakulo atbp

3. Patanghal – ito ay isinasadula sa entablado, sa bahay, o sa bakuran kahit na sa daan o saan


man. Ito’y maaaring pumailalim sa dalawang uri (patula at tuluyan), dahil sa maaaring ang
diyalogo nito ay naisusulat alinman sa dalawa. Ang panitikan na patanghal na kaanyuan ay
hindi nagiging ganap hangga’t hindi ipinapalabas o isinasagawa sa tanghalan. Salitaan ang
pagkakasatitik nito. Maaaring tataluhin, dadalawahin o iisang yugto na ang bawat yugto ay
binubuo ng tagpo. Noong araw sa mga moro-moro, kuwadro ang tawag sa tagpo.

MGA IMPLUWENSYA NG PANITIKAN


Ang mga akdang pampanitikang nagbigay ng malaking impluwensya sa buong daigdig ay
ang mga sumusunod:

1. Ang Banal na Kasulatan (Holy Bible) na mula sa Palestina at Gresya na nagsasaysay


sa buhay at kapanganakan ni Hesu Kristo na siyang nagging batayan ng Kristyanismo
sa buong daigdig.
2. Ang Koran na siyang pinakabibliya ng mga mahomedano na galling sa Arabia.
3. Ang Mahabharata ng India, kasaysayan ng mga dating Indo at ang kanilang
pananampalataya.
4. Ang El Cid Campeador ng Espanya na nagpapahayag ng katangian panlahi ng mga
Kastila at ng kanilang mga alamat at kasaysayang pambansa noong unang panahon.
5. Ang Iliad at Odyssey ni Homer, na kinatutunan ng kaligiran ng mitolohiya o
paalamatan ng Gresia.
6. Ang Uncle Tom’s Cabin ni Harriet Beecher Stowe ng Estados Unidos, na nakatawag
ng pansin sa karumal-dumal na kalagayan ng mga alipin na nagging batayan ng
simulain ng demokrasya.
7. Ang Divina Comedia ni Dante ng Italya, na nagtataglay ng ulat hinggil sa
pananampalataya, moralidad at pag-uugali ng panahong kinauukulan.
8. Ang Aklat ng mga Araw ni Confucius, na naging batayan ng pananampalataya,
kalinangan at karunungan ng mga Tsino.
9. Ang Canterbury Tales ni Chaucer ng Inglatera, na naglalarawan ng pag-uugali at
pananampalataya ng mga Ingles noong unang panahon.
10. Ang Aklat ng mga Patay ng Ehipto, na kinapapalooban ng kulto ng Osiris at ng
mitolohiya at teolohiyang Ehipto.
11. Ang Awit ni Rolando na kinapapalooban ng Roncesvalles at Doce Pares ng Pransia
na nagsasalaysay ng gintong panahon ng kakristyanuhan at ng dating makulay na
kasaysayan ng mga Pranses.
12. Ang Sanlibo’t Isang Gabi ng Arabia at Persia, na nagsasaad ng mga ugaliing
pampamahalaan, panlipunan, pangkabuhayan at panrelihiyon ng mga silanganin.

ANG KAHALAGAHAN NG PAG-AARAL NG PANITIKANG PILIPINO


Mahalaga na mapag-aralan ang Panitikang Pilipino hindi lang dahil sa pagsasama nito sa
kurikulum ng lahat ng antas ng pag-aaral. Ilan sa mga kapakinabangan na matatamo sap ag-aaral
ng sariling panitikan ay ang mga sumusunod:

1. Makilala bilang mamamayang Pilipino at ang minanang kaban ng yaman at talinong taglay
nag lahing pinagmulan.
2. Malalaman ang kadakilaan at karangalan ng sariling tradisyon at kultura, maging ang mga
naging impluwensiya ng ibang bansa na siyang naging sandigan ng kabihasnang tinatamasa
sa kasalukuyan.
3. Mapagtanto ang mga kapinsanan upang makapagsanay ng tamang gawi na siyang
makakapagpawi nito.
4. Mapangalagaan ang yamang pampanitikan na isang pinakamahalagang pagkakakilanlan
ng lahing pinagmulan.
5. Makilala ang ating mga kagalingan pampanitikan at lalong mapa unlad, madalisay at
mapagningning ang mga kabang yamang ito.
6. Malilinang ang ating malikhaing kaisipan bilang isang Pilipino at dapat maging katutubo
sa atin ang magkaroon ng pagmamalasakit sa ating sariling Panitikang Pilipino.
GAWAIN 1. KWL TSART

PANUTO: Isulat ang iyong natutuhan sa pamamagitan ng pagpupuno sa KWL Tsart.

ALAM NA (KNOW) NAIS MALAMAN (WANT NATUTUHAN


TO KNOW) (LEARNED)

GAWAIN 2. PAGHAHAMBING

PANUTO: Paghambingin ang kasaysayan at ang Panitikang Pilipino.

GAWAIN 3. PAGSALIKSIK

PANUTO: Magsaliksik ng iba’t ibang uri ng Dula. Magbigay ng mga halimbawa.

You might also like