Modyul Sa Komfil Finals

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 12

MODYUL

KONTEKSTWALISADONG
KOMUNIKASYON SA FILIPINO
KOMFIL

TAONG PANURUANG 2020-2021

Mga Awtor:

Gng. Norma Dangue


G. Ben Derequito
Bb. Mickaaela Patricia Ebreo
G. Mark Lester Magsino
Gng. Bella Gregoria Ople
G. Jherome Sarona
Bb. Ma. Ester Hadassa Silvestre
GABAY SA PAGGAMIT NG MODYUL

A. Para sa mga Guro


Sa sitwasyong pinagdaraanan natin ngayon na walang harapang pagtuturo at
pagkatuto, idinisenyo ang modyul na ito para sa Kontekstwalisadong Komunikasyon sa
Filipino.
Ito ang siyang magiging gabay sa paraan ng pagtuturo at upang matulungan ang
mga mag-aaral na maibsan ang hirap sa pag-aaral sa panahon ngayon. Inaasahan ang
inyong puspusang paggabay sa estudyante na makamtan ang ganap na pagkatuto.
Ang mga katanungan o paghingi nila ng pagbibigay-linaw sa anumang bahagi ng
modyul na ito ay dapat nating tugunan bilang ating responsibilidad upang matamo ang
mga itinakdang layunin.
Gayundin, pagsumikapan na matalakay ang lahat ng nilalaman ng modyul sa loob
ng panahong nakatakda. Malaya ang bawat guro sa kanyang estratehiyang gagamitin
upang ang mga ito ay ituro batay sa kakahayan at pangangailangan ng kanyang mag-
aaral. Maging bukas sana ang isip natin sa iba’t ibang sitwasyong kinalalagyan ng ating
mag-aaral at maging malawak ang pang-unawa sa kung anumang posibleng kakulangan
sa mga mag-aaral sa pagsasagawa ng mga gawain sa modyul na ito.
Ang pamamahagi ng sipi ng modyul na ito ay sa tulong ng kanilang google mail
accounts o anumang pinakapraktikal na midyum sa pamamahagi batay sa pangkat na
kanilang kinabibilangan.

B. Para sa mga Mag-aaral


Batid namin ang inyong hirap na pinagdaraanan sa panahong ito kung kaya nais
namin na kahit kayo ay nanatili sa inyong mga tahanan, huwag sana natin hayaan na
matigil ang ating pagkatuto. Mula rito, inihanda ang modyul na ito ng mga guro para sa
inyo.
Inangkop ito sa inyong mga pangangailangan at interes sa asignaturang Filipino.
Ang kursong ito ay magkakaroon ng tatlong modyul na binubuo ng mga aralin at iba’t
ibang uri ng mga aktibidad na nakalinya sa mga inaasahan ninyong makakamit.
Kaugnay nito, ang pagbasa at pag-aaral sa mga aralin ay gawing sunod-sunod
batay pagkakaayos nito nang sa gano’n ay tuloy-tuloy at walang gatol ang pagkakaunawa
sa mga nakalimbag sa modyul na ito.
Hinihikayat na basahin nang buong husay ang nilalaman ng modyul upang lubos
ang pag-intindi sa kung ano ang mga dapat at hindi dapat na gawin. Hangad namin na
bigyang panahon at maging seryoso sa pagsagot at pagsasapraktika ng mga gawain.
Tandaan na lahat ng inyong mga gagawin para sa kursong ito ay markado.
Mahalaga rin na malaman ang mga itinakdang oras o panahon nang pagpapasa ng
mga gawain sa inyong guro. Iwasang maging huli sa mga ‘deadline’ upang maiwasan na
magkaroon ng alalahanin sa kursong ito. Hangad namin na inyong paghuhusayan sa
kursong ito at inyong mapagtatagumapayan. Padayon!
PAUNANG SALITA

Ang Kontekstwalisadong Komunikasyon sa Filipino (KOMFIL) ay isa sa limang


bagong dagdag na kurso sa Filipino sa mas mataas na edukasyon.

Ito ay isang interaktibong modyul na naka-angkla sa itinakda ng Commission


on Higher Education (CHED). Sa ganoong paraan ay wasto ang mga nilalaman, gawain,
at pamamaraan sa pagtuturo at pagkatuto para sa kursong ito. Ang mga aralin sa modyul na
ito ay nahahati sa yunit at sakop nitong nilalaman bawat paksa.

Gayundin, ang mga gawain ay pinag-isipang mabuti upang makamit ang mga
itinakdang layunin sa bawat aralin. Kung kaya inaasahan na pagbubutihan ng mga mag-
aaral ang pagbabasa sa mga nakalimbag sa modyul.

Mula rito, mapalalim nawa ng mga mag-aaral ang pagmamahal sa ating wikang
pambansa, ang simulain, ang patuloy na pakikipaglaban nito sa lipunan at kung bakit
patuloy itong pag-aaralan. Lilinangin din ng modyul na ito ang kakayahan ng mga mag-
aaral sa pananaliksik, paglalahad ng kanilang sariling opinyon at pagmamahal para sa
sariling kultura.

Sa pagtatapos ng modyul sa kursong na ito, inaaasahan ang mga mag-aaral na


mahahasa ang makrong kasanayan nila sa pagsasalita at pagsulat bilang pangunahing
pokus ng kursong ito.

Pagbutihan at ikaw ay magtatagumpay!


Cover designed by: Mr. Medel Valencia

MODYUL PARA SA KOMFIL


Credits : 3 yunit na talakayan
Pre-Requisite : ---

Aralin:
Mga Tiyak na Sitwasyong Pangkomunikasyon

Layunin ng Aralin:
Sa pagtatapos ng modyul, ang mga mag-aaral ay inaasahang:
1. Naipaliliwanag ang konsepto hinggil sa iba’t ibang sitwasyong pangkomunikasyon sa
pamamagitan ng pag-uulat.
2. Nakapagsasagawa ng isang seminar mula sa isang umiiral na isyung panlipunan.

Mga Lektura at Anotasyon:


TALOS AT TALAS
… kakatwa ang paggigiit ng ilan sa atin ma patuloy tayong mangusap sa isa’t isa sa
dilang hiram, sa wikang walang mga salita para sa mga nagaganap sa kaibuturan n gating
pagkatao o kaluluwa. Hindi nakapagtataka na hinahanap-hanap natin ang identidad o katauhang
ito, na nawaglit sa ating pagkalito.
- Melba Padilla Maggay
PAHIWATIG: Kagawiang Pangkomunikasyon ng mga Filipino (2002)

Mga Tiyak na Sitwasyong Pangkomunikasyon

Forum, Lektyur, Seminar


Forum
Ang bawat pagpupulong ng forum ay nilikha bilang tugon sa mga particular na
prayoridad, paksa, at interes ng mga kalahok. Kung saan maaari kang umalis at
asahan na makakita ng mga tugon sa mga mensahe na iyong naiwan.

Ito ay isang malaking pagtitipon sa ilalim ng mga pinunong maglalahad ng


mahalagang suliranin. Maaaring maglahad at magtalakay ng maraming paksa at
pagkatapos ay malayang pagtatanong upang linawin ang paksang tinalakay.

Lektyur
Ito ay naglalayon na makapagturo o makapagtanghal at makapagbatid ng isang ideya
sa tao.
Ginagamit ang lektyur upang:
 Makapagpakilala ng bagong asignatura
 Makapagbuod ng isang tinalakay na usapin
 Maiugnay ang mga teorya sa aktwal na gawain
Kabutihan ng Lektyur
 Ang lektyur ay nagbibigay ng orihinal na ideya at mga pagtuturo na
nagmula sa material na nakikita sa libro.
 Mas kontrolado ng instructor ang pagdaloy ng pagtuturo at mas
nabibigyang kahalagahan niya an gang objektib, layon, at daloy ng
presentasyon. Mas nabibigyang-pansin din nila ang mga estudyante at mas
mabilis natutugunan ang mga tanong mga estudyante.

Mga Uri ng Lektyur


 Impormal na Lektyur – malayang nagpapalitan ng kuro-kuro hinggil sa
isang paksa at walang pormal na mga hakbang na sinusunod. Ito ay
binubuo ng lima hanggang sampung tao.
 Pormal na Lektyur – Nakabatay sa tiyak na mga hakbang, may mga tiyak
na taong namamahala at namumuno ng pagtalakay. Nakahanda ang mga
ito sa kanilang paglalahad, pagmamatuwid o pagbibigay ng kuro kuro.

Mga Disbentahe ng Lektyur


 Mas pasibo ang ganitong paraan, hindi ito katulad ng pag-eeksperimento
na matututo ang lahat ng indibidwal.
 Dapat magaling ang lektyurer at dapat makuha niya ang loob, isip, at
atensyon ng kanyang klase. Kailangan niyang maintindihan ang kanyang
mga estudyante upang sila ay making.
 Kailangang ang kanyang pinag-aralan at alam ng lektyurer ang kanyang
sinasabi.

Mga Katangiang dapat taglayin ng Lektyurer


 May interes sa kapaligiran – Natural niyang kinalulugdan ang lahat lahat
sa kanyang kapaligiran. Ito ang nagbibigay sa kanya ng likas na sigla sa
anumang paksang tatalakayin niya.
 May angking kasanayan – nakukuha ito sa pagbabasa at pakikinig ng iba’t
ibang talumpati.
 May pulso sa publiko – naaangkin ito sa pagkakaroon ng karanasan sa
pagsasalita sa harap ng madla, sa gayon, mapipigil na ang nerbyos o takot
sa entablado.
 May ganap na kaalaman sa paksa - palabasa, palakausap, mapagmasid,
palaranas. Sa madaling salita, mapanaliksik siya para maging bihasa sa
kanyang sasabihin.
 May pakiramdam at may pandamang palapatawa – mapagmasid dapat siya
sa reaksyon ng madla sa kanyang mga sinasabi, sa gayon, alam niya ang
pagkakataong kailangan niyang maging mapamaraan sa pagsasalita.

Seminar (Binhisipan)
Ito ay tumutukoy sa lugar kung saan pinalalalim ang kaalaman upang ang isang tao
ay lumago at magkaroon ng karagdagan o bagong kaalaman nang sa gayon ito ay
magbunga ng magagandang resulta.
Pagsasanay (Workshop)
Ito ay nagpapakita ng pagganap gamit ang intensive group discussion at
improvisation upang masaliksik ang mga aspeto ng produksyon bago pormal na pagtatanghal ng
dula.

Ang mga workshop ay karaniwang mas mahaba kumpara sa seminar na kadalasan


ay tumatagal ng isa o dalawang araw. Ang mga seminar ay karaniwang 90 minuto
hanggang tatlong oras. Ang mga seminar ay madalas na mas maraming panayam na
hinihimok ng mas kaunting pakikilahok sa kalahok liban na lamang sa pagsagot sa
mga tanong. Sa workshop, hawakan ang mga tanong habang lumalabas sila at
madalas itong mga talakayan sa grupo.

Symposium at Kumperensya
Symposium
Isang kumperensya o pulong upang talakayin ang isang particular na paksa.

Isang pormal na pagtitipon kung saan ang mga kalahok ay eksperto sa kanilang
mga larangan. Ang mga dalubhasa ay nagpapakita n naghahatid ng kanilang mga
opinion o pananaw sa isang piling paksa ng talakayan,

Kumperensya
Regular na pagpupulong para sa isang talakayan, karaniwang isinasagawa ng mga
asosasyon o organisasyon. Ito rin ay ugnayan ng higit sa dalawang telepono,
computer terminal, at iba pa para sa sabay ang pag-uusap ng mga umagamit.

Dagdag pa, ito rin ay tumutukoy sa isang pormal na pulong kung saan ang mga
kalahok ay nagbago ng kanilang pananaw sa iba’t ibang paksa. Maaaring maganap
ang kumperensya sa iba’t ibang larangan, at hindi na kailangang maging akademiko
sa lahat ng oras. Kung gayon, mayroon kaming kumperensya ng guro ng magulang,
kumperensya sa isports, isang kumperensya sa kalakalan, isang pagpupulong ng mga
mamamahayag, kumperensya ng mga doctor, isang kumperensya ng mga iskolar sa
pananaliksik at iba pa. Ang isang pagpupulong ay pre-arranged at nagsasangkot ng
konsultasyon at talakayan sa isang bilang ng mga paksa ng mga delegado.

Ang konklusyon at simposyum ay katulad na mga pangyayari kung saan ang mga
nagsasalita ay magkakasama at nagbibigay ng kanilang mga opinion sa isang piling
paksa. Ang simposyum ay maaaring inilarawan bilang isanf mas maliit na
kumperensya na nakukuha sa isang araw na may mas mababang bilang ng mga
delegado.

Roundtable at Small Group Discussion


Ito ay isang interpersonal na paraan ng pakikipag-ugnayan na isinasaalang-alang
ang opinyon at damdamin ng bawat isang kasangkot sa talakayan. Nararapat na
itanim ng mga kasali sa gawaing ito ang pagkakaroon ng layuning makabuo ng isang
pinagkasunduang desisyon tungkol sa paksang pinag-usapan.

Ito ay maaaring pampribado o pampubliko.


Pampribado
Bagamat isa lamang ang tumatayong tagapanguna sa round table discussion, lahat
ng kasapi ay may pagkakataong magsalita. Ito ay karaniwang ginagawa upang
magbahagian ng solusyon sa isang suliranin.

Ang pagpupulong ay maaaring bilang isang daluyan o may palitan. Iisa ang
daluyan kung ang pinuno lamang ang naglalahad ng mga kailngang impormasyon.
May palitan naman ang uri kung kapawa ang pinuno at mga kasapi ay may
pagkakataong magsalita, sumang-ayon o tumaliwas sa pinag-uusapan.

Pampubliko
Iisa lamang ang ispiker sa porum. Matapos magbigay ng lektyur ang tagapagsalita
ay nagkakaroon ng pagkakataon ang mga manonood na magtanong tungkol sa
paksang tinalakay.

Ang panel discussion ay binubuo naman ng tatlo hanggang limang tatalakay sa


paksang ihahain ng host o tagapanguna. May pagkakataong magbigay ng reaksyon o
tamong ang mga manonood batay sa kanilang mga narinig at nalaman.

Binubuo naman ng tatalo hanggang limang tagapagsalitang magbibigay ng


lektyur tungkol sa isang paksa, ang simposyum. Layunin ng gawaing ito na
maglahad ng iba’t ibang pananaw sa mga manonood na may oportunidad ding
magbahagi sa bahaging open-porum/tanong at sagot.

Kondukta ng Pulong/ Miting/ Asembleya


Upang higit na maging mabisa ang isinasagawang pagpupulong, mahalaga na
bigyang halaga ng tagapagdaloy ang mga sumusunod:
 Pagtatakda ng mga malinaw na inaasahan
Sa bahaging ito, kinikilala ng tagapagdaloy ang mga sumusunod sa layon
na pagiging malinaw ng mga inaasahan:
o Tiyak na mga layunin na makamit sa pulong.
o Ang mga tungkulin ng kalahok, kapwa bago ay sa panahon ng pulong.
o Ang pagtatakda ng makatotohanang mga inaasahan para sa oras na
magagamit.
o Malinaw na pakikipag-usap sa mga kalahok upang maghanda sa
pulong
 Pamahalaan ang oras
Ang oras ng pamamahala ay epektibong nagsisismula sa pagtatalaga ng
mga limitasyon sa oras sa bawat paksa o aktibidad sa agenda. Lubhang
nakatutulong na magsagawa ng mga aktibidad o mga presentasyon bago ang
pulong upang subukan ang mga pagpapalagay ng oras. Tiyaking mag-coach
lahat ng mga presenters sa kanilang mga alok ng oras at i-stress ang
pangangailangan na manatili sa oras.
Makatutulong na magtalaga ng isang tagapaktakda ng oras na may
awtoridad na ihinto ang mga tao, na amay babala, kapag ang kanilang oras ay
kasama ang pagbibigay ng nakikitang orasan sa silid. Sa oras ng
pamamahala, kadalasang nakikita ng nakaranas na facilitator na kapaki-
pakinabang na maging kakayahang umangkop. Sa mga pagpupulong,
maaaring kailanganin ng facilitator na baguhin ang agenda upang makamit
ang mga layunin ng pulong. Kabilang ditto ang pagtukoy kung anong mga
item sa agenda ang maaaring maantala o matugunan sa isang alternatibong
format.

 Kumuha ng puna ng kalahok


Upang gawing mas produktibo sng mgs pagpupulong sa hinaharap,
makatutulong upang mangolekta ng impormasyon sa pagsusuri mula sa mga
pulong ng mga kalahok. Maraming mga pamamaraan para sa pagsusuri ng
isang pulong. Kabilang sa mga ito ay ang pagtatanong sa mga kalahok upang
gumawa ng mga positibong komento tungkol sa pulong at komento sa mga
pagbabago na maaaring gawin upang mapabuti ang mga pagpupulong sa
hinaharap.

Pasalitang pag-uulat sa maliit at malaking pangkat


Ang pag-uulat na pasalita ay sumasaklaw sa paglalahad ng mga nalikom na
impormasyon tungkol sa isang paksa sa harap ng mga nakikinig.

Ang mga ulat ay isang pagpapahayag na maaaring pasalita o pasulat ng iba’t


ibang kaalaman. Ito ay bunga ng maingat na pagsasaliksik sa mga aklat o pakikipag-
usap sa mga taong may tanging kaalaman o pagmamasid sa mga bagay-bagay. Ang
mga paraan ng pag-uulat ay pasalita at pasulat.

Uri ng Pag-uulat
 Magbigay kabatiran o impormasyon
o Pag-uulat ng mag-aaral sa paksang ibinigay ng isang guro.
o Ginagawa ng mga pangulo o ingat yaman ng isang samahan.
o Pagkatapos dumalo sa kumperensya
o Kawanihan ng panahon.

 Maglahad ng pag-aaral o pagsusuri ng ginawa


o Pagpapabatid sa mga nangyari sa eksperimento o pagmamasid na
ginawa ng mga tao na eksperto sa iba’t ibang larangan.
o Ginagawa sa pag-aaral sa aralin sa agham.

Paghahanda sa Pag-uulat
 Ang Pangangalap ng impormasyon at paglikom ng mga datos.
 Pakikipanayam sa mga taong kasangguni at mga taong awtoridad sa paksang
iuulat.
 Maayos na pagtatala ng mga datos.

Programa sa Radyo at Telebisyon


Napakalakas pa rin ng gampanin ng telebisyon sa pagpapahayag ng
pampublikong opinyon at talakayan. Nakapaghuhulma at/o nakapagmumungkahi ito
ng maaaring pagpapasya ng mga manonood na Pilipino.

Sa mga pagkakataong may dapat na linawing isyu, ang mga programang


pantelebisyon tulad ng mga talk show, dokumentaryo o newscast, hinihingi ang
mahahalagang pahayag ng mga eksperto o kahit ng karaniwang Pilipino.
Inaanyayahan at binibigyang espasyo ang tao upang maipahayag sa ere, maaaring
live o kaya taped/recorded.

Inilahad ni Nair (2013) ang mga sumusunod na gabay sa kanyang artikulong The
Complete Guide to Being Interviewed on TV.
 Ihanda ang mensahe at tiyaking maibabahagi ito. Sinabi pa, ang anumang
puntos ay angkop na apat hanggang limang pangungusap na magsisimula sa
linyang nakahatak ng atensyon ng mga manonood.
 Kailangang igiya rin ng nagsasalita ang mga dapat pagtuunan sa pag-uusap.
 Ang mensahe ay gawing payak at tiyak, at alamin ang pagkakataon na
tumigil sa pagsasalita. Ang mga recorded na soundbite ay hanggang sampung
Segundo lamang. Tatlumpung Segundo naman ang ideyal na itinatagal ng
pagsasalita sa live na pakikipanayam.
 Isaalang-alang ang kahalagahan ang kahalagahan ng mga sasabihin para sa
marami at hindi lamang nakatuon sa sariling pakinabang.
 Sabihin ang mga pahayag na maaalala ng marami. Maaaring gumamit ng
mga pagwawangis at/o pagwawangki na kakapit sa kaisipan ng mga
nakikinig. Gawin din itong maikli at konkreto – iparamdam kaysa sabihin
lamang.
 Isiping walang tinatwag na “off-the-record”. Mag-iingat ka sa lahat ng
anumang sasabihin. Pagtuunan ang nalalaman at huwag magbigay ng
komento sa mga paksang hindi sakop ng kaalaman.
 Huwag mong sabihing wala kang masasabi. Matapat mong sabihin ang
kawalan ng kaalaman hinggil sa tinatanong. Iwasan ang pag-uulit ng mga
salitang ginamit ng nakikipanayam.
 Ang mga opinyon na pansarili ay sarilinin na lamang lalo kung kabahagi ng
isang organisasyon. Alalahaning kinakatawan ka ng pangkat na iyong
kinabibilangan.
 Balansehin ang ekspresyon, kasama rito ang pagpili ng angkop na wika,
pagsasangkap ng damdaming mababakas sa mukha, galaw ng katawan at
angkop na pag-uugnay ng tinig.
 Magsanay bago dumating sa lunan ng panayam. Maaaring i-record ang sarili
o ang tinig. Aralin ang mga tinatawag na talking points.
 Kapag nasa loob ng studio, humarap ka sa audience o sa kinakausap. Kung
binabato ang video sa studio mula sa lunan ng iyong panayam sa labas ng
studio o sa remote na lugar, tumingin ka sa camera.
 Gumamit ng kasuotang angkop sa iyong kinakatawang trabaho o propesyon.
Tanungin ang produksyon tungkol sa susuotin – kulay, pagkontrast ng mga
kulay para sa chroma (na ginagamitan ng berdeng background), brand at iba
pang detalye. Ayusin din ang buhok, tiyakin ang kaayusan ng sarili. Humingi
ka ng ideya sa produksyon tungkol sa iyong anggulo na makikita sa harap ng
camera.
 Iwasan hanggang maaari amg pagkabahala. Maging panatag ka sa
pagbabahagi. Pagtuunan ang nagsasagawa ng panayam.
 Isipin mong napakahalaga ng iyong sasabihin. Ikaw ay inaanyayahan upang
makapagbahagi. Napili kang kapanayamin sapagkat taglay mo ang expertise
para makapagbigay-kabatiran at paglilinaw sa paksa.

Video Conferencing
Ang video conferencing ay isang teknolohiya na pinahihintulutan ang mga
gumagamit nito na magsagawa ng live, tanaw-dinig na komunikasyon mula sa iba’t
ibang lokasyon. Lubhang mainam ang ganitong uri ng plataporma sa mga sangay ng
pamahalaan, mga institusyong nagsasagawa ng pag-aaral dahil mailulunsad nila ang mga
ito nang one-on-one, one-to-group o group-to-group.

Komunikasyon sa Social Media


Sa anumang paraan ng pakikipag-ugnayan saiba’t ibang network gamit ang
kapangyarihan ng internet may tinatawag na netiquette o network etiquette. Ito ay
tumutukoy sa pagpapamalas ng paggalang sa anumang anyo ng pakikipag-ugnayan
sa internet.

Sa panahong naging mabilis ang buhos ng nagbabagong bagong midya (new


media), naging suliranin ang cyberbullying o cyberharassment dahil sa kalayaan at
madaling accessibility ng teknolohiyang ito. Inilunsad din ang Cybercrime
Prevention Act ng 2012 (R.A. 10175) at Anti-Bullting ct ng 2013 (R.A. 10627)
upang magkaroon ng malinaw na gabay ang sinumang gagamit ng mga bagong
teknolohiya.

Ang GMA Network ay nagkaroon din ng advocacy na ipalaganap ang


responsableng paggamit ng social media noong 2010 sa pamamagitan ng Think
Before You Click. Itinuturo nito sa mga Pilipino na pag-isipang mabuti ang anumang
kahihinatnan ng pahayag na ilalathala at kamtin ang pananagutan sa mga ito.

Mula sa www.bbc.co.uk/webwise/guides/about-netiquette, tinalakay ang mga


sumusunod na batayang paraan ng pagpapakita ng netiquette:
 Iwasan ang pag-abuso sa sarili. Kung makipagtalo. Iwasan ang paggamit ng
ibang pagtawag o pagbabanta ng makapaghahamak sa kapalitan ng mensahe.
 Huwag mag-spam, iwasan ang paulit-ulit na pag-post ng advertisement para
sa produkto o serbisyo. Ang ilang site ay may mahigpit at tiyak na
panuntunan sa paglalathala
 Maglahad ng mensahe nang malinaw at tiyak. Isaalang-alang ang
kaangkupan ng wikang gagamitin.
 Tandaan na ang anumang inilalahad mo ay pampubliko. Maaari itong mabasa
ng sinuman.
 Kailangang pagtuunan ang paksa ng pag-uusap. Iwasana ang pagpasok ng
mga paksang walang kinalaman sa pinag-uusapan.
 Huwag iasa sa ibang ang paghahanap ng anuman. Ilahad an gang mga
nagawa mo na upang makatulong ang marami. Kailangang maramdaman ng
mga kapwa netizen na tinutulungan ang sarili.
 Huwag ilathala ang mga material na may taglay na rehistro ng copyright.
Magalang kang humingi ng permiso tungkol sa nais ibahagi.
 Ang anumang site ay pag-aari ng maraming moderator, ang pagpapatupas ng
mga tuntunin ay batay sa kanilang magkakasamang tinig.

Mga Gawain:
1. Pag-uulat
2. Pagsasagawa ng mga tiyak na gawaing pangkomunikasyon
3. Onlayn Recitation
4. Onlayn Quiz

Pang-akademiko
1. Pagsasagawa ng isang seminar hinggil sa isang umiiral na isyung panlipunan sa Pilipinas.
2. Paglikha ng isang talk show.

Pagsasabuhay na Gawain
1. Pagsulat. Ipaliwanag kung paano nakatutulong ang mga ganitong uri ng komuniksyon sa
pagpapaunlad ng kakayahan ng isang estudyante sa larangan ng pakikipagtalastasan.

Pagtataya
1. Panapos na Markadong Pagsusulit

Inihanda nina:

G. NORMA DANGUE G. BEN DEREQUITO BB. MICKA PATRICIA EBREO

G. MARK LESTER C. MAGSINO GNG. BELLA GREGORIA OPLE G. JHEROME SARONA

BB. MA. ESTER HADASSA SILVESTRE

Guro, Konstekstwalisadong Komunikasyon sa Filipino

Iwinasto ni: Sinuri ni: Binigyang-pansin ni:

DR. LOTA Q. BALDEMORA G. CARLO VALLIES DR. JULIETA P. DONATO


Tagapamahala, BEEd&BSEd OIC, Tagapag-ugnay (Filipino) Dekana (DTEd)
Inirekomenda ni: Inaprubahan ni:

PROF. MINERVA ALMARIO PROF. ALVARO T. DIOQUINO JR.


CLAMDEV Focal Person, OIC Direktor, CLAMDEV
(Languages)

You might also like