Pagsusuri Sa Pambatang Nobelang "Senior's Ball" Ni Rene Villanueva
Pagsusuri Sa Pambatang Nobelang "Senior's Ball" Ni Rene Villanueva
Pagsusuri Sa Pambatang Nobelang "Senior's Ball" Ni Rene Villanueva
Rosario Yu
Ang pambatang nobelang Seniors Ball ni Rene Villanueva ay umiikot pakikipagsapalaran ng isang babaeng senior high school, na nagngangalang Thea, sa mga hindi nagkakatugma-tugma niyang buhay-eskwela, pamilya, mga kaibigan, pag-ibig at sarili.
Sa unang sipat ay mapapansin ang kagyat na pisikal na katangian ng nobela. Kapansinpansin ang kulay kahel nitong pabalat. Ang paggamit sa isang matingkad at maliwanag na kulay ay marahil isang paraan para makapang-akit ng atensyon ng mga bata. Sa katunayan ay kilala ang kahel bilang mapang-agaw-atensyong kulay, kaya nga ito ang ginagamit sa mga medyo glow-in-the-dark na uniporme ng mga traffic enforcer marahil, ganito rin ang dahilan para sa isang kulay kahel na pabalat. Nakakatawa rin ang dating nang paldang naka-terno sa rubber shoes (jologs kasi) at ang paglalagay ng bulaklak (na kadalasang simbolo ng pag-ibig). Para sa akin ay epektibo naman ang pabalat dahil alinsabay ng pagtatawag nito ng pansin, ay nairerepresenta rin nito ang dalawa sa pangunahing tema ng nobela indibidwalidad (ka-jologsan) at pag-ibig.
Sa unang pagbuklat naman ng aklat ay kapansin-pansin kaagad ang maliliit na clip-art (guhit) sa bawat kabanata ng nobela. Nakakatuwa ang mga di-pare-parehong representasyong ito
na marahil ay remnants mula sa picture books na epekto na rin ng pagiging pambata ng nobela.
Ang katangiang ito (paghiram ng ilang katangian sa tradisyunal na pambatang mga aklat) ay pangkalahatang nakalatag sa akda. Isa na nga ang paglalagay ng maliliit na guhit sa bawat kabanata, isa pa ang paggamit ng mga mapaglaro at espesyal na fonts. Nakakatulong sa pagbivisualize ng mambabasa ang naturang teknik. Nagiging kapani-paniwalang si Thea mismo ang nagsusulat sa kanyang diary dahil sa paggamit ng ala-handwriting na font; at madali na ring imagine-in na nasa screen/monitor ang naging pagpapalitan ng e-mail at text messages ng mga karakter dahil naman sa paggamit computer-style na font.
Habang ang paggamit ng mga guhit at mapaglarong fonts ay epektibo pa, tila masyado namang pambata ang pagkakatrato sa banghay. At marahil ay resulta ito ng pamomroblema ng akda pagdating sa pagbabalanse ng pagka-pamabata at pagka-pangmature nito. Hindi pa iyong tema o paksa ng kwento ang tinutukoy kong masyadong pambata, ngunit iyon pa lamang pagusad nito. Lumalabas kasi na sobrang bagal ng simula at biglaan naman ang katapusan ng kwento.
Ang unang anim sa labindalawang kabanata ay nagsilbing pagpapakilala pa lamang sa mga pangunahing karakter (Thea, Isay, Chi, at pamilya ni Thea) at pangunahing tagpuan (Masinag Academy, at bahay nina Thea). At hindi pa magsisimula ang alinman sa sentral na mga problema hanggang sa ika-anim o ika-pitong kabanata. Problema ito dahil maaring sa mahabang introduksyong ito (halos kalahati ng buong nobela), ay mawalan na ng gana ang batang 2
mambabasa. Marahil ito ay isang konsiderasyon sa pagiging teenager ng target na mambabasa ng akda dahil siguro isinaisip ng may-akda na may mas mahabang atensyon ang teenager kaysa sa mga paslit.
Gayunpaman, para sa akin ay masyado pa rin talagang mahaba ang pagpapakilalang tono na ginamit ng may-akda. Katunayay nang subukan kong ipabasa ang naturang libro sa labinglimang taong gulang kong kapatid, na nasa ika-apat na taon na sa hayskul (kapareho ng mga Vampire Angels), ay tinigil nya na kaagad ang pagbabasa pagkatapos ng ikatlong kabanata boring daw. Ang ganitong mga senaryo ang kinatatakutan kong maging resulta ng pagiging mahaba ng introduksyon ng akda. Lalo na sa makabagong panahon natin ngayon kung saan hindi na nakukuha ng mga monotonous na bagay (e.g. pagbabasa, na isang one-way na relasyon lamang) ang atensyon ng may-kayang kabataan; ang mga multi-faceted at kadalasang birtwal na bagay na ang kinahuhumalingan nila (internet, telebisyon, atbp.).
At dahil nga sa kahaban ng introduksyon ay naging mabilis naman ang paglipas ng mga pangunahin at mabibigat na suliranin.
Ang problema ni Thea pagdating sa pagtrato sa kanya bilang bata ng kanyang pamilya, ay hindi pa lilitaw hanggang sa ika-pitong kabanata, ngunit hanggang sa katapusan ng nobela ay hindi ito mareresolba! Hanggang sa huling eksena ng pamilya ni Thea, ay hindi pa rin nawala ang pagta-trato sa kanya bilang bata; pinapatunayan ito ng pagbubukas pa ng pinto ng kotse, para sa kanya, ng kanyang ate. Maari itong palampasin bilang peace offering ng ate ni Thea sa kanya (dahil sa pagsasalita nito ng masakit kay Thea), ngunit malinaw na negatibo ang
idiniktang reaksyon ng may-akda mula kay Thea; kung kayat itinuturing ko ito bilang pagpapakita ng pang-batang trato pa rin ng pamilya ni Thea sa kanya.
Ang problema naman niya sa pagpili sa pagitan ng pagsama sa nobyo na nyang si Ariel sa prom, o pag-boycott dito dahil sa pangako kina Isay at Chi ay hindi pa rin lilitaw hanggang sa ika-siyam na kabanata. Subalit, apat na kabanata lamang ang lilipas at agad na itong mareresolba (katapusan na kasi ng nobela); at nangyari pa iyon sa isang hindi malinaw paraan. Habang inaasahan ni Thea na ibo-boycott nga ng mga akala-nyang-nagtatampo-pa-ring mga kaibigan ang prom, ay bigla-bigla na lamang silang darating! Tila nagdasal lamang si Thea at pinagbigyan sya ng Diyos. Hindi ito maganda dahil baka maging kaparehong shortcut lang rin ang daanan ng teenager na mambabasa para maresolba ang kaparehong tipikal na problema - shortcut na sa totoong buhay ay hindi naman talaga gagana. Bihirang-bihira naman kasing nangyayari ang bigla-biglaan pagbabati, lalo na iyong tipo ng sa mga Vampire Angels kung saan wala man lang naganap na maayos na pag-uusap sa pagitan ng dalawang di-nagkakaintindihang kampo at kung minsang mangyari nga ang biglaang pagkakaunawaan, swertihan lamang; hindi naman magandang turuan ang bata na umasa na lamang sa swerte.
Sa kabilang banda, dahil uli sa malaking espasyong inilaan sa pagpapakilala sa mga karakter, naging mas ka-ugnay-ugnay sila. Nakakasigurado akong maraming barkada noong hayskul ang makikita ang kanilang sarili sa mga Vampire Angels, lalo na sa ikaapat na kabanata, kung saan ipinapaliwanag ni Thea ang pagiging espesyal at katangi-tangi (para sa kanila) ng kanilang barkada; o mga klase sa ika-anim na kabanata kung saan ilinarawan naman ni Thea ang tipikal na kakulitan ng Section Sili.
Gayunpaman, nagkaroon pa rin ng limitasyon sa pagiging relatable ang bidang karakter (si Thea) dahil sa hindi pangkaraniwan nyang mga katangian. Ilan sa mga katangiang ito ay ang pangarap niyang maging isang manunulat (isang mahalagang detalye sa simula na hindi naman napakinabangan kalaunan sa nobela), at ang hindi pagdalo niya at ng kanyang barkada sa mga aktibidad ng paaralan.
Ang pangarap na maging manunulat, kahit na magpapaliit sa pagiging relatable ni Thea, ay malay na idinagdag ng may-akda (pinapatunayan ng unang kabanata kung saan kinukwento ni Thea na kahit walang trabaho o pera sa pagiging manunulat ay pangarap nya pa rin ito) na maaring ipaliwanag bilang tangka na hamigin ang batang mambabasa sa larangan ng pagsulat; tutal ay hindi naman magbabasa ang bata kung wala ito ni katiting na interes.
Itinatampok naman sa nobela ang hindi pagdalo ng mga Vampire Angels sa mga aktibidad bilang simbolo ng kanilang pagka-isip-bata. Litaw na litaw ito sa ikalabing-isang kabanata, kung saan nalaman na nina Isay at Chi ang sikreto ni Thea na sasama na sya sa prom (dahil kay Ariel). Dito kasi ay tila humihingi si Thea ng pag-intindi mula sa kanyang mga kaibigan. At ang ganitong saradong-pagtatampo ay tunay nga namang pagpapakita ng ugali ng isang paslit na hindi na iintindihan pa kung ano ang dahilan ng pagdudulot sa kanya ng kalungkutan/kasawian ng isang tao, at ngangawa na lamang nang hindi man lamang nakikipagusap. Sa kabila ng paulit-ulit na paghingi ng tawad at konsiderasyon ni Thea mula sa dalawa, ay nanatili pa rin ang kanilang pagtatampo hanggang sa gabi na mismo ng prom, kung saan nga, mula sa kawalan ay tila pinatawad na sya ng dalawa. Ang pagpapatawad nilang ito kay Thea ay
maaring basahin bilang maturity sa kanilang parte. Subalit, dahil na rin nga sa pagkabiglaan ng naturang eksena, ay hindi ito naging malinaw. Mas malamang kasi na makita lang ang naging pagpapatawad at pagkakumpleto ng Vampire Angels sa prom bilang isa lamang gawi, sa parte nina Isay at Chi, para lang panatilihin ang kanilang barkadahan.
Malinaw naman na hindi lamang ang pagsalba sa pagkakaibigan nilang tatlo ang tanging motibasyon nina Isay at Chi para hindi na i-boycott ang magastos na prom. Kung iisipin kasi ay maari pa rin naman nilang patawarin si Thea nang hindi pa rin dumadalo sa prom. Ngunit hindi ito ang kanilang ginawa, pumunta pa rin sila. Ibig sabihin, gusto rin talaga nilang pumunta, at bunga ng pagkawala ng obligasyon nila sa isat-isa, ay nawalan na rin sila ng dahilan para mag-boycott! Mapapansin sa ikawalong kabanata ang pagbanggit ni Thea sa kawalan naman talaga nila ng mga rason para i-boycott ang prom. Kung tutuusin, ay nag-iipitan lamang sila, sa ngalan ng pakikisama, para hindi daluhan ang prom, at ang marami-rami ring aktibidad na hindi rin nila dinaluhan noon. Dahil dito, masasabing nag-mature na sila at natanggap na nila na maari pa ring magtaguyod ng indibidwalidad nang hindi naka-angkla sa peer pressure.
Isa ito sa pangakalahatang katangian ng Vampire Angels, ang immaturity na sa katapusan ay tila napangibabawan na nilang lahat. Isa pang katangian nila ay ang kagustuhan nilang maging iba (pare-pareho silang gustong maging iba); o ang kagustuhang maitaguyod, sa kanilang sarili, ang kani-kanilang indibidwalidad. Habang si Thea ang mahilig magsulat, si Isay naman ang mahilig magbasa,at si Chi ang mahilig makipagkwentuhan.
Itong kagustuhang maging iba, muli ay nag-uugat sa kanilang pagiging isip-bata. At dahil nauna sa tatlo si Thea na mag-mature (na tila ipinagkaloob sa kanya ni Ariel), nauna na rin syang maghanap ng kanyang sarili, ng kanyang indibidwalidad. Kapansin-pansin ang biglaang pag-aalala ni Thea tungkol sa sarili o tunay nyang personalidad sa pagpapaalam nya sa Vampire Angels (at sa kanyang sarili) sa katapusan ng ikalabing-isang kabanata. Ang detalyeng ito ay medyo nakakabigla. Imbes kasi na ang sariling personalidad, ang kadalasang alalahanin ni Thea, ay ang relasyon nya kina Isay at Chi (pinapatunayan nang pagsusulat nya ng kasaysayan ng kanilang batch kung saan silang tatlo ang bida). Dahil dito ay naging kataka-taka ang biglang pagkakaroon nya ng lakas ng loob na maging mag-isa at maiwan ng dalawa nyang pinakamatalik na kaibigan. At muli, itong kakayahang maging independent, sa isang liberal na pagtingin, ay marka ng pagiging matured.
Nagpapaalala muli ito sa akin ng mga pambatang kwento na kadalasan sa hindi ay indibidwalismo rin ang ibinabanderang ideolohiya. Kapuna-puna kasing imbes na sinasabi nina Thea, Isay, at Chi ang importansya ng pagtataguyod ng sariling personalidad sa kanilang mga kaklase, ay mas pinipili pa nila ang ma-alienate sila sa at sa kanila ang section Sili sa ganitong paraan ay linilimitahan nila ang kanilang mga damdamin at ideya sa kani-kanila lamang sarili. Gumagawa sila ng maliit na grupo labas sa kolektibo nilang klase. Kahit na totoo itong nangyayari sa totoong buhay (pagkahati ng isang klase sa maraming barkadahan), para sa akin ay sinusuportahan nito ang paglikha ng dibisyon sa mga malalaking grupo - na isang negatibong aspeto sapagkat, maari itong hindi-malay na matutunan ng bata at maging introvert. Hindi naman sa masama per se ang pagiging introvert, ngunit, sa pinakamalala kasing kaso ay hindi tutugma ang ganitong ugali sa lipunang kalaunan ay gagalawan ng palaking bata. Hindi naman by-default
mapagkalinga ang paligid, kayat kung lalaking isang introvert ang isang bata, ay mahihirapan syang sumabay sa mabilis at makasariling pagdaloy ng lipunan dahil na rin sa kabalintunaang ang personalidad na iniluluwal ng indibidwalistikong lipunan (introversion), ay hindi naman nito pinapaboran.
Sa totoo lang ay wala pa namang uri ng lipunan ang talagang pumapabor sa isang mapag-isang uri ng personalidad. Sa lahat ng uri ng lipunan ay mahalaga ang pakikisalamuha sa pinakamaraming bilang ng tao para makagampan ng mahahalagang gawain.
Gayunpaman, ang tila-pagsuportang ito para sa introversion ay maaring tignan bilang pagtatangkang gawing, muli, relatable ang kwento. Gaya na nga ng nauna kong sinabi, ang kasalukuyan nating indibidwalistikong lipunan, ay nagluluwal ng introversion bilang personalidad at dahil dito, kadalasang indibidwalistiko rin ang mga tao; kaya nagiging relatable ang kwento.
Kasabay ng pagiging relatable ng akda para sa mga mamimili nito, ay ang pagiging dayuhan nito para sa kalakhan ng masa (na kung iisipin ay hindi naman talaga pinaglalaanan ng akda). Kapansin-pansin na bawat kabanata ay patungkol sa mga sensibilidad ng isang maykayang indibidwal o pamilya (panggitnang-uri).
Ang mga pangunahing isyung tinalakay ay umiikot sa pag-ibig, pakikipagkaibigan, at indibidwalidad. At ang tatlong isyung ito ay mga bagay na hindi kadalasang interes ng masa.
Maging malinaw muna tayo sa depinisyon ng masa. Ang isang indibidwal o pamilya na masasabing masa ay iyong may malaking ekonomikal na pagkakapareho sa karamihan. At kung sa konteksto ng Pilipinas, ito ay ang mga magsasaka, mangingisda, at manggagawa mga proletaryado. At dahil dito, ang magiging katangian ng masang tinutukoy ko, ay may pinansyal (alam naman natin ang sitwasyon ng mga proletaryado sa bansa: ang magsasaka ay walang lupa, at ang manggagawa ay walang sapat na sahod; pareho pa silang umaaray sa matataas na presyo ng mga batayang bilihin), pulitikal (alinsabay ng pinansyal na kahirapan ay ang kasalatan sa boses para sa kanilang sektor; mabibilang sa daliri ang dating proletaryadong naging opisyal), at kultural na kahirapan (bunga na rin ng kawalan ng kakayahang maglikha/maglimbag ng mga kultural na mga teksto).
At sa pagsasaalang-alang dito, dapat ay may makita tayong pagpapahalaga o pagtatampok man lamang sa pinakamaraming uri mula sa nobela. Subalit ang uring proletaryado, sa kabuuan ng nobela, ay nakakubli at hinding-hindi sila makikita. Lahat ng karakter ay maykaya. Ang pinakamalapit na tangkang magpasok ng usapin tungkol sa kontradiksyon ng mga uri, ay ang maliit na pagkakabanggit sa yaya ni Thea (na naging inspirasyon ng bida para pangaraping maging kwentista/manunulat). Sa isang talata sa unang kabanata ay masasabing naipakita kung papaanong ang talento sanang magkwento ni yaya ay hindi napakikinabangan at nahahasang lubos dahil sa ekonomikal nyang pagkakakulong sa pangangailangan na maging isang yaya.
Maganda man ang naging mensahe ng may-akda patungkol kay yaya; si yaya ay sa isang talata sa isang kabanata lamang binanggit matapos ng kanyang cameo appearance ay bigla na syang naglaho, kasabay ng paglitaw ng tila-pagbabale-wala sa uring proletaryado.
Sa halip ay hitik ang akda sa mga romantikong interes ng gitnang-uri pag-ibig, pakikipagkaibigan, at indibidwalidad.
Ang pag-ibig, bilang isang palasak nang paksa ng maraming kultural na teksto, ay tinatrato na yata bilang basic recipe ng kahit anong akda pareho ng pagiging basic ng cooking oil, sibuyas, o bawang sa pagluluto. Para sa akin ay tila naging ganito rin ang pagkakatrato ng pag-ibig sa akda walang bago. Walang matibay na basehan ang naging relasyon nina Thea at Ariel; ni walang detalyadong pagpapakilala kay Ariel.
Ang ganitong paglalagay ng malaking gap para punan ng imahinasyon ng mambabasa, ay isang teknik na ginagamit rin ng libo-libong romantic pocket books. At dahil dito, para sa akin ay nagmimistulang sinadyang gawing blanko si Ariel para maging kung ano mang lalaking pinapangarap ng babaeng mambabasa.
May isang pang problema sa pagta-trato sa pag-ibig: patriyarkal. Hindi mapagpalaya sa babaeng si Thea ang pagiging torpe niya (ni Thea). Sa simula pa lang kasi ng nobela ay malinaw nang sinabi ang pagtingin ni Thea para kay Ariel malinaw rin na inis na inis si Thea dahil mistulang hindi sya pinapansin ni Ariel. Ang malaking katanungan dito ay kung bakit hindi sya ang kumilos para makuha ang atensyon ni Ariel? Bakit kailangang si Ariel lamang ang
10
manligaw? Bakit ang babae na si Thea ay kailangan na lamang maghintay para sa manliligaw sa kanya imbes na ligawan ang tingin niyang nararapat para sa kanya? Hindi naipaliwanag ang mga katanungang ito. Dahil dito ay nagiging instrumento na naman ang akda sa pagpapanatili sa mababang pagtingin ng lipunan sa mga kababaihan. At hindi tamang mamana pa ang ganitong sexist na pagtanaw ng mga kabataan.
Muling makikita itong reaksyonaryong pagtrato sa kababaihan sa problema naman ni Thea tungkol sa kanyang mga kaibigan. Mapapansin kasi na saka lamang magsisimula ang naturang problema mula nang biglaang pumasok si Ariel sa buhay ni Thea sa ika-siyam na kabanata. Gaya ng napahapyawan ko na kanina, tila si Ariel ang nagkaloob kay Thea ng maturity nito, ng pagkawala nito sa immaturity na nagtatali sa kanilang magkakaibigan. Nasabi kong reasksyonaryo ito sapagkat, kinontra ng pagdating ni Ariel ang normal sanang daloy ng paglaki at pagtanda ng mga Vampire Angels; hinarangan ni Ariel ang sama-sama sanang paggiging matured ng tatlong babae. Dahil na rin ito sa malaking pagpapahalaga sa lalaki na ibinigay ng may-akda kay Thea.
Nakakalungkot ang mga kabanatang siyam at labing-isa, sa mga kabantang ito kasi bigla na lamang handang kalimutan ni Thea ang ilang taong pinagsamahan nilang tatlo nin Isay at Chi, nang dahil lamang sa isang lalaki. Halos wala na itong pinag-iba sa pangagailangan ni Cinderella kay Prince Charming upang guminhawa ang kanyang buhay.
Sa kabila ng nakakalungkot na pagtingin ng akda patungkol sa kasarian, maituturing naman nang kapuri-puri ang pagtrato ng akda sa indibidwalidad (o personalidad). Kahit na may
11
ilang problema dahil nga sa panggitnang-uring konteksto, nagustuhan ko ang mapanlabang katangian ng mga Vampire Angels iyong kagustuhang maging iba, maging taliwas, maging isa. Natuwa ako sa ika-walong kabanata kung saan nagpalitan silang tatlo ng e-mail at text messages (isa na naman indikasyon ng gitnang-uring konteskto at pananaw) tungkol sa pag-boycott sa prom. Sa mga talatang ito kasi kongkretong ipinakita ang pagiging mapagtanong at mapangahas ng mga bida. Kahit na sa dulo ay wala silang natuklasang rasyonal at pinaniniwalaan talaga nilang tamang dahilan para di-siputin ang prom, ay sapat na ang mapagtanong na katangian sa ganito kasi nagsisimula ang pagiging malay ng tao tungkol sa totoong kinalalagyan nyang sitwasyon.
Bilang pagsusuma; ang porma ay sapat lamang dahil sa paggamit ng mga katangiang tila remnants ng pambatang picture books (mapaglarong fonts, clip-arts) ngunit may pagkukulang pagdating sa daloy ng pagkukwento sapagkat mabagal itong magsisimula samanatalang biglaang matatapos; nakatulong ang pamilyar na mga lugar at tao para maging relatable ang akda, ngunit sa ilang bahagi ay tila sumobra ang paglalagay ng gaps at nagiging kompromimso ang kagustuhang maging kaugnay-ugnay sa ilang mensaheng ipinarating; negatibo ang trato sa kababaihan, at sa ilang punto ay reaksyonaryo; maganda sanang ituring na sentral na tema ng akda ang pagkakawala mula sa nakataguyod at umiiral nang normal o kahit man lamang ang pagkuwestyon dito.
12
Sa huling pagsusuri, ang Seniors Ball, bilang isang panlipunang kultural na teksto, ay may kakayahang magtagumpay sa pagpapahayag ng burgis at patriyarkal na mga aral at mensahe na para sa akin, ay dahilan ng tunay nitong pagkabigo.
13