Re-EsP10-Q3-M2-Wk3-4-Final For Posting

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 14

10

Edukasyon sa Pagpapakatao
Ikatlong Markahan - Modyul 2:
Mga Isyung Moral Tungkol sa
Buhay
(Ikatlo at Ika-apat na Linggo)
MODULE 2: Mga Isyung Moral Tungkol sa Buhay

Alamin

Layunin:
A. Natutukoy ang mga paglabag sa paggalang sa buhay
B. Nasusuri ang mga paglabag sa paggalang sa buhay
C. Nakabubuo ng mapaninindigang posisyon sa isang isyu tungkol sa
paglabag sa paggalang sa buhay ayon sa moral na batayan

Subukin (Pre-test)
Panuto: Basahin ang mga sumusunod na paninindigan o posisyon tungkol sa mga isyu
sa buhay. Isulat ang salitang TAMA kung ang paninindigan o posisyon ay
nagpapanatili ng kasagraduhan ng buhay. Isulat ang salitang MALI kung ang
paninindigan o posisyon ay hindi nagpapanatili ng kasagraduhan ng buhay.
Isulat ang iyong sagot sa isang sagutang papel.
_________1. Ang kabanalan ng buhay ay maiuugnay sa kapangyarihan ng Diyos bilang
Dakilang Manlilikha.
_________2. Ang sakit at paghihirap ay likas na kasama sa buhay ng tao. Ang pagtitiis
sa harap ng mga pagsubok ay isang anyo ng pakikibahagi sa plano ng
Diyos.
_________3. Ang lahat ng sanggol ay may mahusay na potensiyal; bawat isa na
ipinalalaglag ay maaaring lumaki at maging kapaki-pakinabang sa
lipunan o sa buong mundo.
_________4. Ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay maaaring maghatid sa tao sa
maling landas. Malaki ang nagiging epekto nito sa pagkamit natin ng tunay
na kaganapan bilang tao.
_________5. Ang tao ay walang kayahang hanapin, alamin, unawain, at ipaliwanag ang
mga katotohanan, layunin at dahilan ng mga bagay-bagay sa kaniyang
paligid.
_________6. Ang miscarriage ay ang pagwawakas ng pagbubuntis at pagpapaalis ng
isang sanggol, sa pamamagitan ng pag-opera o pagpapainom ng mga gamot.
_________7. Dahil sa alkoholismo, ang isip ng tao ay nagiging blank spot. Nahihirapan
ang isip na iproseso ang iba’t ibang impormasyon na dumadaloy dito.
_________8. Ang kawalan ng pagasa (despair) ay isa sa mga karaniwang dahilan kung
bakit may ilang taong pinipiling kitlin ang sarili nilang buhay.
_________9. Ang Euthanasia o mercy killing ay ang sadyang pagkitil ng isang tao sa
sariling buhay at naaayon sa sariling kagustuhan.
1
_________10. Ang paggamit ng bawal na gamot or droga ay unti-unting nagpapahina
sa kaniyang enerhiya, nagpapabagal ng pag-iisip, at sumisira sa kaniyang
kapasidad na maging malikhain.

Balikan

Sa nakaraang aralin nabanggit na ang pagmamahal sa Diyos ay pagmamahal sa


kapwa at nakatulong ang pagmamahal na ito sa kongkretong pangyayari sa buhay.

Panimulang Aral

Sa mga modyul sa Unang Markahan ng Baitang 10, naipaliwanag sa iyo ang mga
konsepto na ikaw, bilang tao, ay natatangi at naiiba sa ibang mga nilalang na may
buhay. Naunawaan mo na pinagkalooban ka ng isip, kilos-loob, puso, kamay, at
katawan na siyang nagpabubukod sa iyong pagkatao at nagpapatibay na nilikha ka na
kawangis ng Diyos. Nalaman mo na sa pamamagitan ng isip, ang tao ay may
kakayahang hanapin, alamin, unawain, at ipaliwanag ang mga katotohanan, layunin
at dahilan ng mga bagay-bagay sa kaniyang paligid. Bukod pa rito, maituturing din na
isang mahalagang kaloob sa tao ang pagkakaroon ng kilos-loob sapagkat ito ang
nagbibigay sa tao ng kakayahang gumawa, kumilos, pumili, at magmahal. Bawat isa sa
atin ay biniyayaan ng Diyos ng kalayaan na mamili at mamuno sa ating paghusga, gawi,
at kilos. Ang kilos-loob ang nagdadala sa atin na piliin ang mabuti, magkaroon ng
disiplina sa sarili, pagtibayin ang mga unibersal na katotohanan, at panatilihin ang
pagsasagawa nito nang paulit-ulit. Tulad ng isip, mahalaga na magabayan ang ating
kilos-loob tungo sa kabutihan.

Ating mapatutunayan na bagama’t may kalayaan tayong mabuhay at pumili ng


landas na ating tatahakin habang tayo ay nabubuhay, hindi bahagi nito ang pagsira o
pagkitil sa sariling buhay o ng ibang tao kung sakaling napagod tayo at nawalan na ng
pag-asa. Tungkulin natin bilang tao na pangalagaan, ingatan, at palaguin ang sariling
buhay at ng ating kapuwa. Sa kabila ng katotohanang ito, nakalulungkot isipin na may
ilang gawain ang tao na taliwas at tuwirang nagpapakita ng pagwawalang-halaga sa
kasagraduhan ng buhay. Ano-ano ang mga ito? Halina’t pag-usapan natin ang iba’t
ibang mga isyu tungkol sa buhay.

2
ARALIN 1: Mga Isyu Tungkol sa Buhay
(Ikatlong Linggo)

Tuklasin at Suriin

Ang Paggamit ng Ipinagbabawal sa Gamot


Ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay isa sa mga isyung moral na
kinakaharap ng ating lipunan ngayon. Ito ay “isang estadong sikiko (psychic) o pisikal
na pagdepende sa isang mapanganib na gamot, na nangyayari matapos gumamit nito
nang paulit-ulit at sa tuloy-tuloy na pagkakataon.” (Agapay, 2007)
Ang pagkagumon sa ipinagbabawal na gamot ay nagdudulot ng masasamang
epekto sa isip at katawan. Karamihan din ng mga krimen na nagaganap sa ating
lipunan ay malaki ang kaugnayan sa paggamit ng droga.

Dahil sa droga, ang isip ng tao ay nagiging blank spot. Nahihirapan ang isip na
iproseso ang iba’t ibang impormasyon na dumadaloy dito.

Karamihan sa mga kabataan ay nais mapabilang sa isang barkada o samahan


(peer group). Kung hindi sila matalino sa pagpili ng sasamahang barkada, maaaring
mapabilang sila sa mga gumagamit ng droga. Samantala, ang iba naman ay nais
mageksperimento at subukin ang maraming bagay. Iniisip nila na sila ay bata pa at
may lisensiya na gawin ito. Ang ilan pa sa kanila ay nagsasabing may mga problema sa
kani-kanilang mga pamilya at nais magrebelde. Ginagamit nila ito upang makalimutan
ang kahihiyan at pagtakpan ang sakit na kanilang nadarama. Sang-ayon ka ba sa mga
dahilang ito? Makatuwiran bang ibaling sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot kung
sakaling may mga suliraning pinagdadaanan ang iyong pamilya? Hindi, sapagkat ito ay
walang kabutihang maidudulot sa mga tao lalo na sa mga kabataan. Maaari itong
makaapekto sa kanilang pag-aaral at personal na buhay. May tuwiran din itong epekto
sa pag-iisip at damdamin ng isang tao. Dahil sa droga, ang isip ng tao ay nagiging blank
spot. Nahihirapan ang isip na iproseso ang iba’t ibang impormasyon na dumadaloy dito,
na karaniwang nagiging sanhi ng maling pagpapasiya at pagkilos. Ito ay kadalasang
nauuwi sa paggawa ng mga di kanais-nais na bagay na higit na nakaaapekto sa ating
pakikipagkapuwa tulad ng pagnanakaw at pagkitil ng buhay ng ibang tao. Bukod pa
rito, nagpapabagal at nagpapahina rin ito sa isang tao na maaaring maging sanhi ng
pagkakaroon ng maraming kabiguan sa buhay.

Alkoholismo
Tulad ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot, ang alkoholismo o labis na
pagkonsumo ng alak ay may masasamang epekto sa tao. Ito ay unti-unting
nagpapahina sa kaniyang enerhiya, nagpapabagal ng pag-iisip, at sumisira sa kaniyang

3
kapasidad na maging malikhain. Dahil sa kaibahan ng kanilang pag-uugali at kawalan
ng pokus, nababawasan ang kakayahan sa paglinang ng makabuluhang
pakikipagkapuwa ang mga nagugumon sa alkohol. Ang ilan sa mga away at gulo na
nasasaksihan natin sa loob at labas ng ating mga tahanan ay may kinalaman sa labis
na pag-inom ng alak. Kung minsan, nauuwi pa ang mga away na ito sa iba’t ibang
krimen. Sa pagkakataong ito, masasabing naaapektuhan ng alak o alkohol ang
operasyon ng isip at kilos-loob ng tao na naging dahilan kung bakit nakagagawa siya
ng mga bagay na hindi inaasahan katulad ng pakikipag-away sa kapuwa. Kung
matatandaan mo, maaaring hindi siya masisi sa kaniyang ginawa dahil nasa ilalim siya
ng impluwensiya ng alak at wala sa tamang pag-iisip, ngunit may pananagutan pa rin
siya kung bakit siya uminom ng alak at gaano karami ang kaniyang nainom.

Aborsiyon
Ang aborsiyon o pagpapalaglag ay pag-alis ng isang fetus o sanggol sa
sinapupunan ng ina. Sa ilang mga bansa, ang aborsiyon ay itinuturing na isang
lehitimong paraan upang kontrolin o pigilin ang paglaki ng pamilya o populasyon,
ngunit sa Pilipinas, itinuturing itong isang krimen. (Agapay, 2007)

Ang Dalawang Uri Ng Aborsiyon:


1. Kusa (Miscarriage). Ito ay ang pagkawala ng isang sanggol bago ang ika-20 linggo
ng pagbubuntis. Ito ay tumutukoy sa natural na mga pangyayari, at hindi ginamitan
ng medikal o artipisyal na pamamaraan.

2. Sapilitan (Induced). Ito ay ang pagwawakas ng pagbubuntis at pagpapaalis ng isang


sanggol, sa pamamagitan ng pag-opera o pagpapainom ng mga gamot.

Pagpapatiwakal
Ano ba ang kahulugan ng pagpapatiwakal? Ito ay ang sadyang pagkitil ng isang
tao sa sariling buhay at naaayon sa sariling kagustuhan. Dapat may maliwanag na
intensiyon ang isang tao sa pagtatapos ng kaniyang buhay bago ito maituring na isang
gawain ng pagpapatiwakal. Hindi na mahalaga kung anuman ang piniling paraan,
hangga’t naroroon ang motibo. Gayunpaman, may mga tao na kahit tuwirang inilalagay
ang kanilang sarili sa panganib, ito ay hindi itinuturing na kilos ng pagpapatiwakal
sapagkat inihahain nila ang kanilang mga sarili sa matinding panganib para sa isang
mas mataas na dahilan. Masasabing magiting na pagkilos ang mawalan ng buhay sa
pagtatangkang pangalagaan ang buhay ng iba. Ang magandang halimbawa nito, ay ang
pagsasakripisyo ng ating mga sundalo at pulis, kung saan nalalagay ang kanikanilang
mga buhay sa alanganin sa pagtatanggol sa ating mga mamamayan mula sa mga
masasamang loob.
Ang kawalan ng pagasa (despair) ay isa sa mga karaniwang dahilan kung bakit
may ilang taong pinipiling kitlin ang sarili nilang buhay. Ito ay tumutukoy sa pagkawala
ng tiwala sa sarili at kapuwa, gayundin ang pagkawala ng paniniwala na may mas
magandang bukas pang darating. Marami sa mga nakararanas nito ay itinuturing ang
kanilang sarili na wala nang halaga.

4
Ayon kay Eduardo A. Morato sa kaniyang aklat na Self-Mastery (2012), upang
mapigilan ang kawalan ng pag-asa, kinakailangang mag-isip ang isang tao ng mga
malalaking posibilidad at natatanging mga paraan upang harapin ang kaniyang
kinabukasan. Ang pananatili sa isang mahirap na sitwasyon ay maaari lamang
makaragdag sa kawalan ng pag-asa. Bukod pa rito, mahalagang maging positibo sa
buhay upang mabawasan ang mabigat na dinadala ng isang tao. Sa kabilang banda,
hindi nararapat husgahan ang mga taong nagpatiwakal. Maaaring sila ay wala sa
tamang pag-iisip (halimbawa, depresyon) sa oras na ginawa nila iyon.

Euthanasia (Mercy Killing)


Ang euthanasia o mercy killing ay isang gawain kung saan napadadali ang
kamatayan ng isang taong may matindi at wala nang lunas na karamdaman. Ito ay
tumutukoy sa paggamit ng mga modernong medisina at kagamitan upang tapusin ang
paghihirap ng isang maysakit.
Ang euthanasia kung minsan ay tinatawag ding assisted suicide, sa
kadahilanang may pagnanais o motibo ang isang biktima na wakasan ang kaniyang
buhay, ngunit isang tao na may kaalaman sa kaniyang sitwasyon ang gagawa nito para
sa kaniya. Isang halimbawa nito ay maaaring ang isang maysakit ang humihiling sa
isang taong may kaalaman sa mga gamot na bigyan siya ng isang labis na dosis ng
pampawala ng sakit.

Isaisip

Panuto: Sagutin ang tanong at isulat ito sa likuran na bahagi ng iyong sagutang papel
na ginamit sa bahaging SUBUKIN O PRE-TEST.

1. Nararapat ba na alagaan ng tao ang kanyang sariling buhay at ang buhay ng


iba? Ipaliwanag.
____________________________________________________________________________________

Isagawa

Panuto: Pumili sa Option A o Option B. Isulat ang iyong sagot sa isang sagutang papel.

Option A.
Magbigay ng isang karanasan sa buhay na kung saan ikaw ay naharap at
nasubukan ang iyong katatagan sa kasagraduhan ng buhay. Isalaysay kung paano mo
nalampasan ang karanasang iyon.

Option B.
Magbigay ng sariling paraan upang mapanatili ang kasagraduhan ng buhay.
Isalaysay kung bakit ito ang iyong napiling paraan.
5
Tayahin
Panuto: Sagutin ang mga tanong sa ibaba ng buong puso at isulat ang iyong sagot sa
isang sagutang papel.
1. Paano nakaaapekto sa ating isip at kilos-loob ang paggamit ng ipinagbabawal
na gamot at alkoholismo?
2. May karapatan ba ang tao na maging Diyos sa sarili niyang buhay? Ipaliwanag
ang iyong sagot.

ARALIN 2: Mga Paninindigan o Posisyon Tungkol


sa Isyu sa Buhay
(Ika-apat na Linggo)

Balikan
[

Ang buhay na ipinagkaloob sa tao ay kakaiba sa buhay na mayroon ang ibang


nilikha. Bagaman ang tao ay nilikhang malaya, hindi nangangahulugang ito ay ganap
dahil kailangan nating maging mapanagutan sa ating kalayaan.

Panimulang Aral
Nalaman mo na sa pamamagitan ng isip, ang tao ay may kakayahang hanapin,
alamin, unawain, at ipaliwanag ang mga katotohanan, layunin at dahilan ng mga
bagay-bagay sa kaniyang paligid. Nararapat lamang na gamitin natin ang ating isip sa
pagsusuri ng may paninindigan at makapagbigay ng tamang posisyon tungkol sa mga
isyu sa buhay.
May mga ibat ibang paninindigan at posisyon na tayong narining tungkol sa mga
isyung ito. Ngunit, ano nga ba ang tama? Ano ba ang dapat na ating paniwalaan? Hali
na tuklasin at suriin natin ang mga posisyong ito upang mapanatili natin ang
kasagraduhan ng buhay na bigay sa atin ng maykapal.

Tuklasin at Suriin

Ang Paggamit ng Ipinagbabawal sa Gamot


Ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay maaaring maghatid sa tao sa maling
landas. Malaki ang nagiging epekto nito sa pagkamit natin ng tunay na kaganapan
bilang tao. Nararapat na ang isang kabataang tulad mo ay magkaroon nang sapat na
kaalaman ukol dito upang makaiwas sa mga taong maaaring makaimpluwensiya na
gumamit nito.
6
Alkoholismo

Ang pag-inom ng alak ay hindi masama kung paiiralin lamang ang pagtitimpi at
disiplina. Bukod sa epekto nito sa ating pag-iisip at pag-uugali, apektado rin ang ating
kalusugan. Maraming sakit sa katawan ang kaugnay ng labis na pagkonsumo nito,
tulad ng cancer, sakit sa atay at kidney. Kung hindi pagtutuunan ng pansin ang mga
nabanggit na sakit, maaaring magresulta ito sa maagang pagkamatay ng isang tao.
Bilang nilikha ng Diyos, inaasahan sa atin na isabuhay ang pagpapahalaga sa
kalusugan ng ating katawan - tanda ng pagmamahal sa buhay na ipinagkaloob Niya sa
atin.

Aborsiyon
Narito ang sumusunod na mga katanungan ukol sa aborsiyon na nilalayong
sagutin sa modyul na ito.
1. Makatuwiran ba ang aborsiyon o pagpapalaglag?
2. Maituturing na bang tao ang sanggol sa sinapupunan ng ina?
3. Nagtataglay na ba ang isang sanggol ng mga kapakanang moral at mga legal na
karapatan na dapat pangalagaan?
Narito naman ang mga sumusunod na posisyon na sumasagot sa mga katanungan
tungkol sa aborsyon.
Naniniwala ang mga tagapagtaguyod ng posisyong ito na:
a. Ang sanggol ay itinuturing na isang tao mula sa sandali ng paglilihi; ito ay
nangangahulugang ang pagpapalaglag sa kaniya ay pagpatay, na tuwirang
nilalabag ang mga pamantayang moral at batas positibo.
b. Kung ang pagbubuntis ay resulta ng kapabayaan ng ina (halimbawa, hindi niya
ginawa ang tamang pag-iingat upang epektibong maiwasan ang hindi nilalayong
pagbubuntis), dapat niyang harapin ang kahihinatnan nito. Tungkulin niya na
iwasan ang pagbubuntis kung siya at ang kaniyang asawa ay hindi nais
magkaanak.
c. Kung magiging katanggap-tanggap sa lipunan ang aborsiyon, maaaring gamitin
ito ng mga tao bilang regular na paraan para hindi ituloy ang pagbubuntis.
d. Ang lahat ng sanggol ay may mahusay na potensiyal; bawat isa na ipinalalaglag
ay maaaring lumaki at maging kapaki-pakinabang sa lipunan o sa buong mundo.
e. Maraming mga relihiyon ay hindi nag-eendorso ng pagpapalaglag o ilang mga
paraan ng birth control dahil sa paniniwalang ang pakikipagtalik ay para sa
layuning pagpaparami (procreation) lamang at ang sinumang batang nabubuhay
ay mga anak ng Diyos. Ang pagkitil sa buhay ng isang anak ng Diyos ay masama.
Pagpapatiwakal
Hindi nararapat ilagay sa sarili nating mga kamay ang pagpapasiya kung dapat
nang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Upang makaiwas sa
depresyon at hindi mawalan ng pag-asa, mahalagang panatilihing abala ang sarili sa
mga makabuluhang gawain tulad ng paglilingkod sa kapuwa at pamayanan.
Makatutulong din nang malaki ang pagkakaroon ng matibay na support system na

7
kinabibilangan ng ating pamilya at tunay na mga kaibigan na makapagbibigay ng saya
at pagmamahal tuwing makararamdam tayo na walang halaga ang ating buhay.
Euthanasia or Mercy Killing
Ang sakit at paghihirap ay likas na kasama sa buhay ng tao. Ang pagtitiis sa
harap ng mga pagsubok ay isang anyo ng pakikibahagi sa plano ng Diyos.
Samakatuwid, hindi maaaring hilingin ng isang tao na tapusin ang kaniyang paghihirap
sa pamamagitan ng kamatayan. Higit na mabuti kung pagmamahal at pag-aalala ang
ibibigay sa kanila, hindi kamatayan.
Hindi ipinipilit ang paggamit ng mga hindi pangkaraniwang mga pamamaraan at
mamahaling mga aparato upang pahabain ang buhay ng isang tao. Sa madaling salita,
ang pagpapatigil sa paggamit ng mga life support ay hindi itinuturing na masamang
gawain. Ito ay maliwanag na pagsunod lamang sa natural na proseso. Ang
ipinagbabawal ay ang mga gawain na tuwirang naglalayon na mapadali ang buhay tulad
ng pagbibigay ng lason o labis na dosis ng gamot.

Isaisip

Ayon sa Bibliya, ang kabanalan ng buhay ay maiuugnay sa kapangyarihan


ng Diyos bilang Dakilang Manlilikha. Ang tao ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos.
Nangangahulugan ito na ang tao ay may mga ilang katangian na gaya ng katangian
Niya. Ngunit hindi ito tumutukoy sa materyal na aspekto. Sinasabi ng Bibliya na
ang Diyos ay Espiritu kaya Siya’y walang pisikal na katawan o anyo. Dahil dito, ang
tao ay nilalang na may espiritu. Ito ang ipinagkaiba ng tao sa mga hayop at iba pang
nilikha ng Diyos. Binigyan Niya tayo ng kakayahang mag-isip, pumili, magdesisyon
at makisama. Lahat ng tao, anuman ang katayuan sa buhay ay pantay-pantay sa
kakayahang ito.

“Ang buhay ng tao ay napakahalaga; kahit na ang mga pinakamahihina at


madaling matukso, mga may sakit, matatanda, mga hindi pa isinisilang at
mahihirap, ay mga obra ng Diyos na ginawa sa sarili Niyang imahe, laan upang
mabuhay magpakailanman, at karapat-dapat ng mataas na paggalang at respeto.”
– Papa Francis ng Roma

Sa pananaw ng iba’t ibang mga relihiyon, ang buhay ay sagrado. Ito ay kaloob
mula sa Diyos. Itinuturing na maling gawain ang hindi paggalang sa kabanalan ng
buhay dahil ito ay indikasyon ng kawalan ng pasasalamat at pagkilala sa
kapangyarihan ng Diyos.

8
Isagawa

Panuto: Basahin at unawain ang sumusunod na sitwasyon na nagpapakita ng mga


iba’t ibang isyu tungkol sa buhay. Sa bawat sitwasyon, ilagay sa isang
sagutang papel ang sumusunod:
a. Ilarawan ang isyu sa buhay na tinutukoy sa sitwasyon.
b. Isa-isahin ang mga argumento sa mga isyung nabanggit.
c. Konklusyon sa bawat sitwasyon na nakabase sa mga paninindigan at posisyon
na nasa itaas.
1. Malaki ang pag-asa ng mga magulang ni Jodi na makapagtapos siya ng pagaaral at
makatulong sa pag-ahon ng kanilang pamilya mula sa kahirapan. Matalinong bata si
Jodi. Sa katunayan ay iskolar siya sa isang kilalang unibersidad. Ngunit sa hindi
inaasahang pagkakataon, naging biktima siya ng rape sa unang taon pa lamang niya
sa kolehiyo. Sa kasamaang-palad, nagbunga ang nangyari sa kaniya. Kung ikaw ang
nasa kalagayan niya, ano ang gagawin mo? Itutuloy mo ba ang iyong pagbubuntis?
Maaari bang ituring na solusyon sa sitwasyon ni Jodi ang pagpapalaglag ng dinadala
niya gayong bunga ito ng hindi magandang gawain?
2. Kasama si Agnes sa mga pinakamalubhang nasaktan sa isang aksidente na naganap
noong nakaraang taon. Ayon sa mga doktor, nasa comatose stage siya at maaaring hindi
na magkaroon ng malay. Ngunit posibleng madugtungan ang buhay niya sa
pamamagitan ng life support system. Malaking halaga ang kakailanganin ng kanilang
pamilya upang manatiling buhay si Agnes. Hindi mayaman ang kanilang pamilya. Sa
iyong palagay, makatuwiran bang ipagpatuloy ang paggamit ng life support system
kahit maubos ang kanilang kabuhayan? O nararapat na tanggapin na lamang ang
kaniyang kapalaran gayong mamamatay rin naman si Agnes?
3. Dahil sa matinding lungkot, nagpasiya si Marco na kitlin ang sariling buhay dalawang
buwan pagkatapos ng kaniyang ika-16 kaarawan. Nagsisimula pa lamang siya noon sa
ikaapat na taon ng high school. Sa isang suicide note, inilahad niya ang saloobin ukol
sa mabibigat na mga suliraning kinakaharap niya sa bahay at paaralan. Humingi siya
ng kapatawaran sa maaga niyang pagpanaw. Makatuwiran ba ang ginawang
pagpapatiwakal ni Marco?
4. Si Jose ay nagsimulang uminom ng alak noong 13 taong gulang pa lamang siya. Sa
lugar na kaniyang tinitirhan, madali ang pagbili ng inuming may alkohol kahit ang mga
bata. Naniniwala si Jose na normal lamang ang kaniyang ginagawa dahil marami ring
tulad niya ang lulong sa ganitong gawain sa kanilang lugar. Ayon pa sa kaniya, ito ang
kaniyang paraan upang sumaya siya at harapin ang mga paghihirap sa buhay.
5. Masalimuot ang buhay ayon kay Michael. Hindi siya nabigyan ng pagkakataon na
makilala ang kaniyang totoong ama. Ang kaniyang ina naman ay nasa bilangguan dahil
nasangkot sa isang kaso. Napilitang makitira si Michael sa mga kamag-anak upang
maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Ngunit hindi naging madali para sa kaniya ang
makisama sa mga ito. Isang araw, may lumapit na nakakikilala sa kaniya at nagtanong
kung nais niya bang subukin ang shabu, isang uri ng ipinagbabawal na gamot. Nag-
9
alangan pa siya sa simula, ngunit sa kapipilit ng kakilala ay pumayag din siya. Ito na
ang simula ng kaniyang pagkalulong sa droga. Naniniwala si Michael na ito ang
pinakamainam na paraan upang makaiwas sa mga suliranin niya sa buhay.

Sagutan ang mga sumusunod na mga mahalagang katanungan:

1. Sa iyong palagay, ano ang nararapat na maging pasiya ng mga taong nabanggit
sa mga sitwasyon?
2. Bakit nararapat na pahalagahan ang buhay?
3. Paano natin mapananatiling sagrado ang buhay na ipinagkaloob sa atin?

Tayahin

Panuto: Basahin mabuti ang bawat pangungusap at unawain ang tanong. Piliin
ang titik ng pinakaangkop na sagot at isulat ang sagot sa isang sagutang
papel.
1. Anong isyung moral sa buhay ang tumutukoy sa pagpapalaglag ay pag-alis ng
isang fetus o sanggol na hindi maaaring mabuhay sa pamamagitan ng kaniyang sarili
sa labas ng bahay-bata ng ina?
a. Aborsiyon b. Alkoholismo c. Euthanasia d. Pagpapatiwakal.
2. Isang mahalagang katanungan na kinapapalooban ng dalawa o higit pang mga
panig o posisyon na magkakasalungat at nangangailangan ng mapanuring pagaaral
upang malutas.
a. Balita b. Isyu c. Kontrobersiya d. Opinyon
3. Anong proseso ang isinasagawa sa modernong medisina upang wakasan ang buhay
ng taong may malubhang sakit na kailanman ay hindi na gagaling pa?
a. Abortion b. Euthanasia c. Lethal injection d. Suicide
4. Ang sumusunod ay pisikal na epekto ng labis na pag-inom ng alak maliban sa:
a. Nagpapabagal ng isip
b. Nagpapahina sa enerhiya
c. Nagiging sanhi ng iba’t ibang sakit
d. Nababawasan ang kakayahan sa pakikipagkapuwa
5. Bakit pinakaangat ang tao sa ibang nilikhang may buhay?
[

a. May kakayahang hanapin, alamin, unawain, at ipaliwanag ang mga


katotohanan at layunin ng mga bagay-bagay sa kaniyang paligid.
b. May isip at kilos-loob na nagbibigay ng kakayahang kumilos, gumawa, at
magpahalaga sa kaniyang sarili, kapuwa, at iba pang nilikha.
c. Nilikha siyang may isip, kilos-loob, puso, kamay, at katawan na magagamit
niya upang makamit niya ang kaganapan bilang tao.
d. Taglay niya ang kakayahang piliin ang mabuti para sa sarili at sa ibang
nilikha ayon sa Likas na Batas Moral.

10
Basahin at unawaing mabuti ang talata. Sagutin ang aytem tatlo at apat ayon sa
pagkauunawa mo nito

The Lifeboat Exercise


Hango sa aklat ni William Kirkpatrick
Why Johnny Cannot Tell Right from Wrong: And What We Can Do About It (1992)
Sa isang klase, nagbigay ng sitwasyon ang guro upang mapag-isipan ng mga
mag-aaral. Ayon sa kaniya, isang barko ang nasiraan sa gitna ng karagatan at
nanganganib nang lumubog. Dahil dito, ihinanda ng mga tauhan ng barko ang mga
lifeboat upang mailigtas ang mga pasahero. Ngunit limitado lamang ang bilang nito
at hindi lahat ng mga pasahero ay makagagamit nang sabay-sabay.
Nangangahulugan ito na may maiiwan at di tiyak ang kanilang kaligtasan. Nagbigay
ang guro ng maikling paglalarawan ng mga nasa loob ng barko. Kabilang dito ang
mag-asawa at ang kanilang anak, accountant, manlalaro ng basketball, guro, doktor,
inhinyero, artista, mang-aawit, pulis, sundalo, isang batang Mongoloid, matandang
babae, at marami pang iba. Mula sa nabanggit, dapat pumili ang mga mag-aaral
kung sino-sino ang mga sasakay sa lifeboat at ang mga maiiwan sa barko.

6. Sa pahayag na “Limitado lamang ang bilang ng mga lifeboat at hindi lahat ng mga
pasahero ay makagagamit nang sabay-sabay. Nangangahulugan na may maiiwan at
di-tiyak ang kanilang kaligtasan,” ano ang dapat na maging kaisipan ng taong may
hawak ng lifeboat?
a. Mahalaga ang oras sa pagsagip lalo na kung nasa panganib.
b. Mahalaga ang kontribusyon ng mga tao sa lipunan sa pagpili ng sasagipin.
c. Mahalaga ang buhay anuman ang katayuan o kalagayan ng tao sa lipunan.
d. Mahalaga ang edad sa pagsasaalang-alang sa pagpili ng sasakay sa lifeboat.
7. Bakit hindi maituturing na mabuting halimbawa ang lifeboat exercise kung iuugnay
sa kasagraduhan ng buhay?
a. Dahil susi ito tungo sa mabuting pagtingin sa tunay na kahulugan ng buhay.
b. Dahil nagbibigay ito ng positibong pagtingin sa kasagraduhan ng buhay.
c. Dahil balakid ito upang mabawasan ang halaga ng pagtingin sa buhay.
d. Dahil daan ito upang maisantabi ang pagpapahalaga sa buhay.
8. Dahil sa isip at kilos-loob, inaasahan na ang tao ay makabubuo ng mabuti at
matalinong posisyon sa iba’t ibang isyung moral na umiiral sa ating
lipunan. Ang pangungusap na ito ay_______________
a. Tama, dahil ginagabayan ng isip ang kilos-loob tungo sa kabutihan.
b. Mali, dahil ang tao ay malayang mamili at mamuno sa kaniyang paghusga,
gawi, at kilos.
c. Tama, sapagkat ang tao ay may isip na nagbibigay ng kakayahang gumawa,
kumilos, pumili, at magmahal.
d. Mali, dahil ang tao ay may kakayahang hanapin, alamin, unawain, at
ipaliwanag ang katotohanan sa kaniyang paligid

11
9. Si Matteo ay mahilig sumama sa kaniyang mga kaibigan sa labas ng paaralan. Dahil
dito, naimpluwensiyahan at nagumon siya sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Hindi nagtagal, nakagagawa na siya ng mga bagay na hindi inaasahan tulad ng
pagnanakaw. Marami ang nalungkot sa kalagayan niya sapagkat lumaki naman
siyang mabuting bata. Ipaliwanag ang naging kaugnayan ng paggamit ng
ipinagbabawal na gamot sa isip at kilos-loob ni Matteo at sa kaniyang maling
pagpapasiya.
a. Ang isip ay nagiging “blank spot,” nahihirapang iproseso ang iba’t ibang
impormasyon na dumadaloy dito – sanhi ng maling kilos at pagpapasiya.
b. Ang isip ay nawalan ng kakayahang magproseso dahil na rin sa pag-abuso
rito at di pag-ayon ng kilos-loob sa pagpapasiya.
c. Ang isip at kilos-loob ay humina dahil sa maraming bagay na humahadlang
sa paggawa nito ng kabutihan.
d. Ang isip at kilos-loob ay hindi nagtugma dahil sa kawalan ng pagpipigil at
matalinong pag-iisip.

10. “May tamang oras ang lahat ng pangyayari sa ating buhay. Hindi tayo dapat
mawalan ng pag-asa. Sa kabilang banda, hindi nararapat husgahan ang mga taong
nagpatiwakal. Maaaring sila ay may pinagdaraanang mabigat na suliranin at wala
sa tamang pag-iisip (halimbawa, depresyon) sa oras na ginawa nila iyon.” Ano ang
mahalagang diwa ng isinasaad ng pahayag?
a. Ang buhay ay sadyang mahalaga anuman ang pinagdaraanan ng tao sa
kaniyang kasalukuyang buhay.
b. Ang pag-asa ay magiging daan sa pagpapatuloy sa buhay gaano man kabigat
ang pinagdaraanan.
c. Hindi sagot ang mga pinagdaraanang suliranin upang magpasiyang
magpatiwakal.
d. May responsibilidad ang tao sa kaniyang sariling buhay.

12
Susi sa Pagwawasto

Aralin1:

ISA-ISIP: Tanggapin ang magkakaibang sagot.

ISAGAWA: Tanggapin ang magkakaibang sagot.

TAYAHIN: Tanggapin ang magkakaibang sagot.

Aralin 2

ISAGAWA: Tanggapin ang magkakaibang sagot.

Mga Sanggunian:

Agapay, Ramon B. (2007) Ethics and the Filipino: A Manual on Morals for Students
and Educators. Mandaluyong City: National Bookstore Inc.
Goddard, Andrew. (2006) A Pocket Guide to Ethical Issues. England: Lion Hudson Plc
De Torre, Joseph M. et al. (1992) Perspective: Current Issues in Values Education
Book 4 (Values Education Series) Manila: Sinagtala Publishers Inc.
Esteban, Esther J. (1990) Education in Values: What, Why and for Whom. Manila:
Sinag-tala Publishers Inc.
Morato, Eduardo Jr. A. (2007) Self-Mastery. Quezon City: Rex Printing Company Inc.
Pojman, Louis P. (1990) Life and Death: Grappling with the Moral Dilemmas of our
Time (Second Edition) Canada: Wadsworth Publishing Company Publishers, Inc.
Punsalan, Twila G. et al. (2008) Goodness in Spirit. Makati: Salesiana Publishing
House
Mula sa Internet:
Stewart (2010) General Format for Position Paper: 2010 Retrieved July 2, 2014
fromhttp://www.montana.edu/craigs/HDCF%20371%20POSITION%20PAPER
%20 FORMAT.html
Arguments For and Against Abortion: 2013 Retrieved October 27, 2014 from
http://www. soc.ucsb.edu/sexinfo/article/arguments-and-against-abortion
Irving, Dianne N. (2000) Abortion: Correct Application of Natural Law Theory
Retrieved October 27, 2014 from
http://www.lifeissues.net/writers/irv/irv_08natlaw.html

13

You might also like