Handouts PILING-LARANG

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 24

I.

Pagsulat

Isang kasanayang naglulundo ng kaisipan at damdaming nais ipahayag ng tao gamit


ang pinakaepektibong midyum ng paghahatid ng mensahe, ang Wika (Austera, et al.).

Isang pambihirang gawaing pisikal at mental dahil sa pamamagitan nito ay


naipapahayag ng tao ang nais niyang ipahayag sa pamamagitan ng paglilipat ng
kaalaman sa papel o anumang kagamitang maaaring pagsulatan (Mabilin, et al.).
Layunin ng Pagsulat
1. Personal o Ekspresibo- ang layunin ng pagsulat ay nakabatay sa pansariling pananaw,
karanasan, naiisip, o nadarama ng manunulat.
Halimbawa: sanaysay, maikling kwento, tula, dula, awit
2. Panlipunan o Sosyal- ang layunin ng pagsulat ay ang makipag-ugnayan sa ibang tao o sa
lipunang ginagalawan.
Halimbawa: liham, balita, korespondensiya, pananaliksik, sulating panteknikal, tesis,
disertasyon
Kahalagahan ng Pagsulat
1. Masasanay ang kakayahang mag-organisa ng mga kaisipan at maisulat ito sa pamamagitan
ng obhetibong paraan.
2. Malilinang ang kasanayan sa pagsusuri ng mga datos na kakailanganin sa isinasagawang
imbestigasyon o pananaliksik.
3. Mahuhubog ang isipan ng mga mag-aaral sa mapanuring pagbasa sa pamamagitan ng
pagiging obhetibo sa paglalatag ng mga kaisipang isusulat batay sa mga nakalap na
impormasyon.
4. Mahihikayat at mapauunlad ang kakayahan sa matalinong paggamit ng aklatan sa
paghahanap ng mga materyales at mahahalagang datos na kakailanganin sa pagsulat.
5. Magdudulot ito ng kasiyahan sa pagtuklas ng mga bagong kaalaman at pagkakaroon ng
pagkakataong makapag-ambag ng kaalaman sa lipunan.
6. Mahuhubog ang pagpapahalaga sa paggalang at pagkilala sa mga gawa at akda ng kanilang
pag-aaral at akademikong pagsisikap.
7. Malilinang ang kasanayan sa pangangalap ng mga impormasyon mula sa iba’t ibang batis
ng kaalaman para sa akademikong pagsusulat.
Mga Gamit o Pangangailangan sa Pagsulat
1. Wika- ito ang nagsisilbing behikulo upang maisatitik ang mga kaisipan, kaalaman,
damdamin, karanasan, impormasyon, at iba pang nais ilahad ng isang taong nais sumulat.
2. Paksa- ito ang magsisilbing pangkalahatang iikutan ng mga ideyang dapat mapaloob sa
akda.
3. Layunin- ito ang magsisilbing giya sa paghabi ng mga datos o nilalamang iyong isusulat.

1|Page
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
4. Pamamaraan ng Pagsulat
 Pamamaraang Impormatibo- layunin nitong magbigay impormasyon o kabatiran
sa mga mambabasa.
 Pamamaraang Ekspresibo- naglalayong magbahagi ang manunulat ng sariling
opinyon, paniniwala, ideya, obserbasyon, at kaalaman hinggil sa isang tiyak na
paksa batay sa kanyang sariling karanasan o pag-aaral.
 Pamamaraang Naratibo- layunin nitong magkwento o magsalaysay ng mga
pangyayari batay sa magkakaugnay at tiyak na pagkakasunod-sunod.
 Pamamaraang Deskriptibo- pangunahing pakay ng pagsulat ay maglarawan ng
mga katangian, anyo, hugis ng mga bagay o pangyayari batay sa mga nakita,
narinig, natunghayan, naranasan at nasaksihan.
 Pamamaraang Argumentatibo- ang pagsulat ay naglalayong manghikayat o
mangumbinsi sa mga mambabasa.

5. Kasanayang Pampag-iisip- sa pag-sulat dapat taglayin ng manunulat ang kakayahang


mag-analisa o magsuri ng mga datos na mahalaga o hindi gaanong mahalaga, o maging ng
mga impormasyong dapat isama sa akdang isusulat. Kailangang maging lohikal din ang
kanyang pag-iisip upang makabuo siya ng malinaw at mabisang pagpapaliwanag o
pangangatwiran. Kailangang maging obhetibo siya sa pagsusuri at pagpapaliwanag ng
mga impormasyon at kaisipang ilalahad sa sulatin.
6. Kaalaman sa Wastong Pamamaran ng Pagsulat- dapat ding isaalang-alang sa pagsulat
ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa wika at retorika partikular sa wastong paggamit
ng malaki at maliit na titik, wastong pagbaybay, paggamit ng bantas, pagbuo ng
makabuluhang pangungusap, pagbuo ng talata, at masining at obhetibong paghabi ng mga
kaisipan upang makabuo ng isang mahusay na sulatin.
7. Kasanayan sa Paghabi ng Buong Sulatin- tumutukoy ito sa kakayahang mailatag ang mga
kaisipan at impormasyon sa isang maayos, organisado, obhetibo, at masining na
pamamaraan mula sa panimula ng akda o komposisyon hanggang sa wakas nito.
Mga Uri ng Pagsulat
1. Malikhaing Pagsulat (Creative Writing) - Pangunahing layunin nitong maghatid ng
aliw, makapukaw ng damdamin, at makaantig sa imahinasyon at isipan ng mga
mambabasa.
Halimbawa: maikling kwento, dula, tula, maikling sanaysay, gayundin ang mga komiks,
iskrip ng teleserye, kalyeserye, musika, pelikula

2. Teknikal na Pagsulat (Technical Writing) - Layuning pag-aralan ang isang proyekto o


kaya naman ay bumuo ng isang pag-aaral na kailangan para lutasin ang isang problema o
suliranin.
Halimbawa: feasibility study

2|Page
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
3. Propesyonal na Pagsulat (Professional Writing) - Binibigyang-pansin nito ang paggawa
ng mga sulatin o pag-aaral tungkol sa napiling propesyon o bokasyon ng isang tao.
Halimbawa: guro- lesson plan, doctor o nars- medical report

4. Dyornalistik na Pagsulat (Journalistic Writing) - Ito ay may kinalaman sa mga sulating


may kaugnayan sa pamamahayag.
Halimbawa: pagsulat ng balita, editoryal, lathalain, artikulo

5. Reperensiyal na Pagsulat (Referential Writing) - Layunin ng sulating ito na bigyang-


pagkilala ang mga pinagkunang kaalaman o impormasyon sa paggawa ng konseptong
papel, tesis, at disertasyon. Layunin din nitong irekomenda sa iba ang mga sangguniang
maaaring mapagkunan ng mayamang kaalaman hinggil sa isang tiyak na paksa.
Halimbawa: Review of Related Literature o RRL, Sanggunian

6. Akademikong Pagsulat (Academic Writing) - Ito ay isang intelektwal na pagsulat. Ang


gawaing ito ay nakatutulong sa pagpapataas ng kaalaman ng isang indibidwal sa iba’t
ibang larangan.

Iba’t ibang Uri ng Akademikong Sulatin


1. Abstrak 7. Panukalang Proyekto
2. Sinopsis/ buod 8. Posisyong Papel
3. Bionote 9. Replektibong Sanaysay
4. Memorandum 10. Lakbay- Sanaysay
5. Adyenda 11. Talumpati
6. Katitikan ng Pulong

Katangiang Dapat Taglayin ng Akademikong Pagsulat


1. Obhetibo- kailangang ang mga datos na isusulat ay batay sa kinalabasan ng ginawang
pag-aaral at pananaliksik. Iwasan ang pagiging subhetibo o ang pagbibigay ng personal na
opinyon o paniniwala.
2. Pormal- dahil nga karaniwang ginagamit sa akademikong pagsulat ay ang Akademikong
Filipino, nangangahulugan lamang ito ng pagiging pormal nito. Iwasan ang paggamit ng
salitang kolokyal o balbal.
3. Maliwanag at organisado- ang mga talata ay kinakailangang kakikitaan ng maayos na
pagkakasunod-sunod at pagkakaugnay-ugnay ng mga pangungusap na binubuo nito. Ang
mga talata ay mahalagang magtaglay ng kaisahan. Hindi ito dapat masamahan ng mga
kaisipang hindi makatutulong sa pagpapaunlad ng paksa. Maging ang pag-uugnay ng mga
parirala o pangungusap ay dapat na pilimpili nang sa ganoon ay hindi ito makagulo sa
ibang sangkap na mahalaga sa ikalilinaw ng paksa. Ang punong kaisipan o main topic ay
dapat mapalutang o mabigyang-diin sa sulatin.
3|Page
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
4. May paninidigan- hindi maganda ang magpabago-bago ng paksa. Ang kanyang layunin
na maisagawa ito ay mahalagang mapanindigan niya hanggang sa matapos niya ang
kanyang isusulat. Maging matiyaga sa pagsasagawa ng pananaliksik at pasisiyasat ng mga
datos para matapos ang pagsulat ng napiling paksa.
5. May pananagutan- ang mga ginamit na mga sanggunian ng mga nakalap ng datos o
impormasyon ay dapat na bigyan ng nararapat na pagkilala.

Ang Paggamit ng Akademikong Filipino sa Pagsasagawa ng Akademikong Pagsulat


“Ang akademikong Filipino ay iba sa wikang karaniwan o sa wikang nakasanayan nang
gamitin ng marami sa araw-araw na pakikipag-usap o pakikipagtalastasan. Sa paggamit ng
akademikong Filipino, malinaw sa isip ng gumagamit nito, ito man ay sa paarang pasalita o
pasulat, ang kahalagahan ng pagsunod sa mga alituntunin sa paggamit ng wikang Filipino upang
ito ay maging istandard at magamit bilang wika ng intelektuwalisasyon.”

4|Page
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
II. Pagsulat ng Iba’t ibang Uri ng Paglalagom
Ang Lagom ay ang pinasimple at pinaikling bersiyon ng isang sulatin o akda.
1. Natututuhan ang pagtitimbang-timbang ng mga kaisipang nakapaloob sa binabasa.
2. Natututuhan niyang magsuri ng nilalaman ng kanyang binabasa.
3. Nahuhubog ang kasanayan ng mag-aaral sa pagsulat partikular ang tamang paghabi ng
mga pangungusap sa talata sapagkat sa pagsulat ng lagom, mahalagang ito ay mailahad
nang malinaw, hindi maligoy, o paulit-ulit.
4. Nakatutulong sa pagpapaunlad o pagpapayaman ng bokabularyo.
ABSTRAK
Isang uri ng lagom na karaniwang ginagamit sa pagsulat ng mga akademikong papel tulad
ng tesis, papel na siyentipiko at teknikal, lektyur, at mga report. Ito ay kadalasang bahagi ng isang
tesis o disertasyon na makikita sa unahan ng pananaliksik pagkatapos ng title page o pahina ng
pamagat. Ito ang naglalaman ng pinakabuod ng buong akdang akademiko o ulat.
Mga Dapat Tandaan sa Pagsulat ng Abstrak
1. Hindi maaaring maglagay ng mga kaisipan o datos na hindi binabanggit sa ginawang pag-
aaral o sulatin.
2. Iwasan din ang paglalagay ng mga statistical figures o table sa abstrak.
3. Gumamit ng simple, malinaw at direktang mga pangungusap. Huwag maging maligoy sa
pagsulat nito.
4. Maging obhetibo sa pagsulat. Ilahad lamang ang mga pangunahing kaisipan at hindi dapat
ipaliwanag ang mga ito.
5. Gawin lamang itong maikli ngunit komprehensibo.
Mga Hakbang sa Pagsulat ng Abstrak
1. Basahing mabuti at pag-aralan ang papel o akademikong sulatin na gagawan ng abstrak.
2. Hanapin at isulat ang mga pangunahing kaisipan o ideya ng bawat bahagi ng sulatin mula
sa introduksiyon, kaugnay na literatura, metodolohiya, resulta, at kongklusyon.
3. Buoin, gamit ang mga talata, ang mga pangunahing kaisipang taglay ng bawat bahagi ng
sulatin. Isulat ito sa ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga bahaging ito sa kabuon ng papel.
4. Iwasang maglagay ng mga ilustrasyon, graph, table, at iba pa maliban na lamang kung
sadyang kinakailangan.
5. Basahing muli ang ginawang abstrak. Suriin kung may nakaligtaang mahahalagang
kaisipang dapat isama rito.
6. Isulat ang pinal na sipi nito.

SINOPSIS/ BUOD
Isang uri ng lagom na kalimitang ginagamit sa mga akdang nasa tekstong naratibo tulad ng
kwento, salaysay, nobela, dula, parabola, talumpati, at iba pang anyo ng panitikan. Ito ay maaring
5|Page
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
buoin ng isang talata o higit pa o maging ng ilang pangungusap lamang. Sa pagsulat ng synopsis
mahalagang maibuod ang nilalaman ng binasang akda gamit ang sariling salita.

Mga Dapat Tandaan sa Pagsulat ng Sinopsis o Buod


1. Gumamit ng ikatlong panauhan sa pagsulat nito.
2. Isulat ito batay sa tono ng pagkakasulat ng orihinal na sipi nito.
3. Kailangang mailahad o maisama rito ang mga pangunahing tauhan maging ang kanilang
mga gampanin at mga suliraning kanilang kinaharap.
4. Gumamit ng mga angkop na pang-ugnay sa paghabi ng mga pangyayari sa kwentong
binubuod lalo na kung ang sinopsis na ginawa ay binubuo ng dalawa o higit pang talata.
5. Tiyaking wasto ang gramatika, pagbaybay, at mga bantas na ginamit sa pagsulat.
6. Huwag kalimutang isulat ang sangguniang ginamit kung saan hinango o kinuha ang
orihinal na sipi ng akda.
Mga Hakbang sa Pagsulat ng Sinopsis/ Buod
1. Basahin ang buong seleksiyon o akda at unawaing mabuti hanggang makuha ang buong
kaisipan o paksa ng diwa nito.
2. Suriin at hanapin ang pangunahin at di pangunahing kaisipan.
3. Habang nagbabasa, magtala at kung maari ay magbalangkas.
4. Isulat sa sariling pangungusap at huwag lagyan ng sariling opinyon o kuro-kuro ang
isinusulat.
5. Ihanay ang ideya sang-ayon sa orihinal.
6. Basahin ang unang ginawa, suriin, at kung mapaiikli pa ito nang hindi mababawasan ang
kaisipan ay lalong magiging mabisa ang isinulat na buod.

BIONOTE
Ito ay tala sa buhay ng isang tao na naglalaman ng buod ng kanyang career na madalas ay
makikita o mababasa sa mga journal, aklat, abstrak ng mga sulating sulating papel, web sites at
iba pa.
Mga Bagay na Dapat Tandaan sa Pagsulat ng Bionote
1. Sikaping maisulat ito nang maikli.
2. Magsimula sa pagbanggit ng mga personal na impormasyon o detalye tungkol sa iyong
buhay. Maglagay rin ng mga detalye tungkol sa iyong mga interes. Itala rin ang iyong mga
tagumpay na nakamit, gayunman, kung ito ay marami, piliin lamang ang 2 o 3 na
pinakamahalaga.
3. Isulat ito gamit ang ikatlong panauhan upang maging litaw na obhetibo ang pagkakasulat
nito.

6|Page
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
4. Gawing simple ang pagkakasulat nito. Gumamit ng mga payak na salita upang madali
itong maunawaan at makamit ang totoong layunin nito na maipakilala ang iyong sarili sa
iba sa maikli at tuwirang paraan.
5. Basahing muli at muling isulat ang pinal na sipi ng iyong bionote.

7|Page
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
III. Pagsulat ng Memorandum, Adyenda at Katitikan ng Pulong

MEMORANDUM O MEMO
Isang kasulatang nagbibigay kabatiran tungkol sa gagawing pulong o paalala tungkol sa
isang mahalagang impormasyon, gawain, tungkulin, o utos. Nakasaad dito ang layunin o pakay ng
gagawing miting. Kadalasang ito ay maikli lamang na ang pangunahing layunin ay pakilusin ang
isang tao sa isang tiyak na alituntunin na dapat isakatuparan. Ito rin ay maaring maglahad ng isang
impormasyon tungkol sa isang mahalagang balita o pangyayari at pagbabago ng mga polisiya.
Ayon kay Bargo (2014), may tatlong uri ng memorandum ayon sa layunin nito:
1. Memorandum para sa kahilingan
2. Memorandum para sa kabatiran
3. Memorandum para sa pagtugon
Mga Dapat Tandaan sa Pagsulat ng Memo
1. Makikita sa letterhead ang logo at pangalan ng kompanya, institusyon, o organisasyon
gayundin ang lugar kung saan matatagpuan ito at minsan maging ang bilang ng numero
ng telepono.
2. Ang bahaging “Para sa/ Para Kay o Kina” ay naglalaman ng pangalan ng tao o mga tao, o
kaya naman ay grupong pinag-uukulan ng memo. Para sa isang impormal na memo ang
“Para kay Reina” ay sapat na. Ngunit sa mga pormal na memo, mahalagang isulat ang
buong pangalan ng pinag-uukulan nito. Kung ang tatanggap ng memo ay kabilang sa ibang
departamento, makatutulong kung ilalagay rin ang pangalan ng departamento. Hindi rin
kailangang lagyan ng G., Gng., Bb., at iba pa maliban na lamang na napakapormal ng
memong ginawa.
3. Ang bahagi namang “Mula Kay” ay nagalalaman ng pangalan ng gumawa o nagpadala ng
memo.
4. Sa bahaging petsa, iwasan ang paggamit ng numero gaya ng 11/25/19 o 30/09/10. Sa halip,
isulat ang buong pangalan ng buwan o ang dinaglat na salita nito tulad halimbawa ng
Nobyembre o Nob. Kasama ang araw at taon upang maiwasan ang pagkalito.
5. Ang bahaging Paksa ay mahalagang maisulat nang payak, malinaw at tuwiran upang agad
maunawaan ang nais ipabatid nito.
6. Kadalasang ang “Mensahe” ay maikli lamang ngunit kung ito ay isang detalyadong memo
kailangang ito ay magtaglay ng sumusunod:
a. Sitwasyon- dito makikita ang panimula o layunin ng memo.
b. Problema- nakasaad ang suliraning dapat pagtuonan ng pansin. Hindi lahat ng memo
ay nagtataglay nito.
c. Solusyon- nagsasaad ng inaasahang dapat gawin ng kinauukulan.
d. Paggalang at pasasalamat- wakasan ang memo sa pamamagitan ng pagpapasalamat o
pagpapakita ng paggalang.

8|Page
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
7. Ang huling bahagi ay ang “Lagda” ng nagpadala. Kadalasang inilalagay ito sa ibabaw ng
kanyang pangalan sa bahaging “Mula Kay...”.

AGENDA O ADYENDA
Ito ang nagtatakda ng mga paksang tatalakayin sa pulong.
Kahalagahan ng Pagkakaroon ng Adyenda sa Pulong
1. Ito ang nagsasaad ng sumusunod na mga impormasyon:
a. Mga paksang tatalakayin
b. Mga taong tatalakay o magpapaliwanag ng mga paksa
c. Oras na itinakda para sa bawat paksa
2. Ito rin ang nagtatakda ng balangkas ng pulong tulad ng pagkakasunod-sunod ng mga
paksang tatalakayin at kung gaano katagal pag-uusapan ang mga ito.
3. Ito ay nagsisilbing talaan o tseklist na lubhang mahalaga upang matiyak na ang lahat ng
paksang tatalakayin ay kasama sa talaan.
4. Ito ay nagbibigay rin ng pagkakataon sa mga kasapi sa pulong na maging handa sa mga
paksang tatalakayin o pagdedesisyunan.
5. Ito ay nakatutulong nang malaki upang manatiling nakapokus sa mga paksang tatalakayin
sa pulong.
Mga Hakbang sa Pagsulat ng Adyenda
1. Magpadala ng memo na maaaring nakasulat sa papel o kaya naman ay isang e-mail na
nagsasaad na magkakaroon ng pulong tungkol sa isang tiyak na paksa o layunin sa
ganitong araw, oras, at lugar.
2. Ilahad sa memo na kailangan nilang lagdaan ito bilang katibayan ng kanilang pagdalo o
kung e-mail naman kinakailangang magpadala sila ng kanilang tugon. Ipaliwanag din sa
memo na sa mga dadalo, mangyaring ipadala o ibigay sa gagawa ng adyenda ang kanilang
concerns o paksang tatalakayin at maging ang bilang ng minuto na kanilang kailangan
upang pag-usapan ito.
3. Gumawa ng balangkas ng mga paksang tatalakayin kapag ang lahat ng mga adyenda o
paksa ay napadala na o nalikom na. Higit na magiging sistematiko kung ang talaan ng
agenda ay nakalatag sa talahanayan o naka-table format kung saan makikita ang agenda o
paksa, taong magpapaliwanag, at oras kung gaano ito katagal pag-uusapan.
4. Ipadala ang sipi ng adyenda sa mga taong dadalo, mga dalawa o isang araw bago ang
pulong. Bilang paalala ay muling ilagay rito ang layunin ng pulong, at kung kailan at saan
ito gaganapin.
5. Sundin ang nasabing adyenda sa pagsasagawa ng pulong.
Mga Dapat Tandaan sa Paggamit ng Adyenda
1. Tiyaking ang bawat dadalo sa pulong ay nakatanggap ng sipi ng mga adyenda.
2. Talakayin sa unang bahagi ng pulong ang higit na mahahalagang paksa.
9|Page
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
3. Manatili sa iskedyul ng agenda ngunit maging flexible kung kinakailangan.
4. Magsimula at magwakas sa itinakdang oras na nakalagay sa sipi ng adyenda.
5. Ihanda ang mga kakailanganing dokumento kasama ng adyenda.

KATITIKAN NG PULONG
Ito ang opisyal na tala ng isang pulong. Kalimitang isinasagawa nang pormal, obhetibo, at
komprehensibo o nagtataglay ng lahat ng mahahalagang detalyeng tinalakay sa pulong. Nagsisilbi
rin itong opisyal at legal na kasulatan ng samahan, kompanya, o organisasyon na maaaring
magamit bilang prima facie evidence sa mga legal na usapin o sanggunian para sa mga susunod na
pagpaplano at pagkilos.
Mahahalagang Bahagi ng Katitikan ng Pulong
1. Heading- ito ay naglalaman ng pangalan ng kompanya, samahan, organisasyon, o
kagawaran. Makikita rin dito ang petsa, ang lokasyon, at maging ang oras ng pagsisimula
ng pulong.
2. Mga kalahok o dumalo- dito nakalagay kung sino ang nanguna sa pagpapadaloy ng
pulong gayundin ang pangalan ng lahat ng mga dumalo kasama ang mga panauhin. Maging
ang pangalan ng mga liban o hindi nakadalo ay nakatala rin dito.
3. Pagbasa at pagpapatibay ng nagdaang katitikan ng pulong- dito makikita kung ang
nakalipas na katitikan ng pulong ay napagtibay o may mga pagbabagong isinagawa sa mga
ito.
4. Action items o usaping napagkasunduan- dito makikita ang mahahalagang tala hinggil
sa mga paksang tinalakay. Inilalagay rin sa bahaging ito kung sino ang taong nanguna sa
pagtalakay ng isyu at maging ang desisyong nabuo ukol dito.
5. Pabalita o patalastas- hindi ito laging makikita sa katitikan ng pulong. Ito ang mga
suhestiyong agenda para sa susunod na pulong.
6. Iskedyul ng susunod na pulong- itinala sa bahaging ito kung kailan at saan gagagapin
ang susunod na pulong.
7. Pagtatapos- inilalagay sa bahaging ito kung anong oras nagwakas ang pulong.
8. Lagda- mahalagang ilagay sa bahaging ito ang pangalan ng taong kumuha ng katitikan ng
pulong at kung kailan ito isinumite.
Mga Dapat Gawin ng Taong Naatasang Kumuha ng Katitikan ng Pulong
1. Hangga’t maari ay hindi participant sa nasabing pulong.
2. Umupo malapit sa tagapanguna o presider ng pulong.
3. May sipi ng mga pangalan ng mga taong dadalo sa pulong.
4. Handa sa mga sipi ng adyenda at katitikan ng nakaraang pulong.
5. Nakapukus o nakatuon lamang sa nakatalang adyenda.
6. Tiyaking ang katitikan ng pulong na ginagawa ay nagtataglay ng tumpak at kompletong
heading.
7. Gumamit ng recorder kung kinakailangan.
10 | P a g e
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
8. Itala ang mga mosyon o pormal na suhestiyon nang maayos.
9. Itala ang lahat ng paksa at isyung napagdesisyunan ng koponan.
10. Isulat o isaayos agad ang mga datos ng katitikan pagkatapos ng pulong.
Tatlong Uri o Estilo ng Pagsulat ng Katitikan ng Pulong
1. Ulat ng katitikan- ang lahat ng detalyeng napag-usapan sa pulong ay nakatala. Maging
ang pangalan ng mga taong nagsalita o tumalakay ng paksa kasama ang pangalan ng mga
taong sumang-ayon sa mosyong isinagawa.
2. Salaysay ng katitikan- isinasalaysay lamang ang mahahalagang detalye ng pulong. Ang
ganitong uri ng katitikan ay maituturing na isang legal na dokumento.
3. Resolusyon ng katitikan- nakasaad lamang ang lahat ng isyung napagkasunduan ng
samahan. Hindi na itinatala ang pangalan ng mga taong tumalakay nito at maging ang mga
sumang-ayon dito. Kadalasang mababasa ang mga katagang “Napagkasunduan na…” o
“Napagtibay na…”.

Mga Dapat Tandaan sa Pagsulat ng Katitikan ng Pulong


BAGO ANG PULONG
1. Magpasiya kung anong paraan ng pagtatala ng katitikan ang iyong gagamitin. Maaaring
gumamit ng bolpen at papel, laptop, tablet, computer, o recorder.
2. Tiyaking ang gagamitin mong kasangkapan ay nasa maayos na kondisyon.
3. Gamitin ang adyenda para gawin nang mas maaga ang outline o balangkas ng katitikan ng
pulong.
HABANG ISINASAGAWA ANG PULONG
1. Ipaikot ang listahan ng mga taong kasama sa pulong at hayaang lagdaan ito ng bawat isa.
Mula rito madali mong matukoy kung sino ang liban sa pulong at maging ang panauhin sa
araw na iyon.
2. Sikaping makilala kung sino ang bawat isa upang maging madali para sa iyo na matukoy
kung sino ang nagsasalita sa oras ng pulong.
3. Itala kung anong oras nagsimula ang pulong.
4. Itala lamang ang mahahalagang ideya o puntos.
5. Itala ang mga mosyon o mga suhestiyon, maging ang pangalan ng taong nagbanggit nito,
gayundin ang mga sumang-ayon, at ang naging resulta ng botohan.
6. Itala at bigyang-pansin ang mga mosyon na pagbobotohan o pagdedesisyunan pa sa
susunod na pulong.
7. Itala kung anong oras natapos ang pulong.
PAGKATAPOS NG PULONG
1. Gawin o buoin agad ang katitikan ng pulong pagkatapos na pagkatapos habang sariwa pa
sa isip ang lahat ng mga tinalakay.

11 | P a g e
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
2. Huwag kalimutang itala ang pangalan ng samahan o organisasyon, pangalan ng komite,
uri ng pulong (lingguhan, buwanan, taunan, espesyal na pulong), at maging ang layunin
nito.
3. Itala kung anong oras ito nagsimula at natapos.
4. Isama ang listahan ng mga dumalo at maging ang pangalan ng nanguna sa pagpapadaloy
ng pulong. Sa katapusan ng katitikan ay huwag kalimutang ilagay ang “Isinumite ni:”,
kasunod ng iyong pangalan.
5. Basahing muli ang katitikan ng pulong bago tuluyang ipasa sa kinauukulan para sa huling
pagwawasto nito.
6. Ipasa ang sipi ng katitikan ng pulong sa kinauukulan o sa taong nanguna sa pagpapadaloy
nito.

12 | P a g e
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
IV. Pagsulat ng Panukalang Proyekto
PANUKALANG PROYEKTO
Isang kasulatan ng mungkahing naglalaman ng mga plano ng gawaing ihaharap sa tao o
samahang pag-uukulan nito na siyang tatanggap at magpapatibay nito. Ito’y isang detalyadong
deskripsyon ng mga inihahaing gawaing naglalayong lumutas ng isang problema o sulatin.
Tatlong Mahalagang Bahagi ng Panukalang Proyekto
A. PAGSULAT NG PANIMULA NG PANUKALANG PROYEKTO
1. Pamagat ng Panukalang Proyekto- ito ay hinango mismo sa inilahad na
pangangailangan bilang tugon sa suliranin.
2. Nagpadala- naglalaman ito ng tirahan ng sumulat ng panukalang proyekto
3. Petsa- o araw kung kailan ipinasa ang panukalang proyekto. Isinasama rin sa bahaging
ito ang tinatayang panahon kung gaano katagal gagawin ang proyekto.
4. Pagpapahayag ng Suliranin- dito nakasaad ang suliranin at kung bakit dapat
maisagawa o maibigay ang pangangailangan.

Ang unang mahalagang hakbang na dapat isagawa ay ang pagtukoy sa


pangangailangan ng komunidad, samahan, o kompanyang pag-uukulan ng project
proposal. Maaring magsimula sa pagsagot sa sumusunod na mga tanong:
a. Ano-ano ang pangunahing suliranin na dapat lapatan ng agarang solusyon?
b. Ano-ano ang pangangailangan ng pamayanan o samahang ito na nais mong gawan
ng panukalang proyekto?
Mula sa mga sagot na makukuha sa mga nakatalang tanong ay makakakalap ka ng mga
ideyang magagamit sa pag-uumpisa ng pagsulat ng panukalang proyekto. Mula sa mga
nabanggit na suliranin, itala ang mga kailangan upang masolusyunan ang nabanggit na
suliranin. Higit na makabubuti kung magbigay-tuon lamang sa isang solusyon na sa
palagay mo ay higit na mahalagang bigyang-pansin.

B. PAGSULAT NG KATAWAN NG PANUKALANG PROYEKTO


1. Layunin- Naglalaman ito ng mga dahilan o kahalagahan kung bakit dapat isagawa ang
panukala. Dito makikita ang mga bagay na gustong makamit o ang pinaka-adhikain ng
panukala. Kailangang maging tiyak ang layunin ng proyeto. Kailangang isulat ito batay
sa mga inaasahang resulta ng panukalang proyekto at hindi batay sa kung paano
makakamit ang mga resultang iyon.
Specific- nakasaad ang bagay na nais makamit o mangyari sa panukalang proyekto
Immediate- nakasaad ang tiyak na petsa kung kailan ito matatapos
Measurable- may basehan o patunay na naisakatuparan ang nasabing proyekto
Practical- nagsasaad ng solusyon sa binanggit na suliranin
Logical- nagsasaad ng paraan kung paano makakamit ang proyekto
Evaluable- masusukat kung paano makatutulong ang proyekto
13 | P a g e
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
2. Plano ng Dapat Gawin- buoin ang talaan ng mga gawain o plan of action na
naglalaman ng mga hakbang na isasagawa upang malutas ang suliranin. Mahalagang
maiplano itong mabuti ayon sa tamang pagkakasunod-sunod ng pagsasagawa nito
kasama ang mga taong kakailanganin sa pagsasakatuparan ng mga gawain. Ito rin ay
dapat na makatotohanan o realistic. Kailangang ikonsidera rin ang badget sa
pagsasagawa nito. Mas makabubuti kung isasama sa talatakdaan ng gawain ang petsa
kung kailan matatapos ang bawat bahagi ng plano at kung ilang araw ito gagawin.
Makatutulong kung gagamit ng chart o kalendaryo para markahan ang pagsasagawa
ng bawat gawain.
3. Badyet- ito ang talaan ng mga gastusin na kakailanganin sa pagsasakatuparan ng
layunin. Maaring magsagawa ng bidding sa mga contractor na kadalasan ay may mga
panukalang badyet na para sa gagawing proyekto. Huwag ring kaligtaang isama sa
talaan ng badyet ang iba pang mga gastusin tulad ng suweldo ng mga manggagawa,
allowance para sa magbabantay sa pagsasagawa nito at iba pa.
a. Gawing simple at malinaw ang badyet upang madali itong maunawaan ng
ahensiya o sangay ng pamahalaan o institusyon na mag-aaproba at
magsasagawa nito.
b. Pangkatin ang mga gastusin ayon sa klasipikasyon nito upang mapadaling
sumahin ang mga ito.
c. Isama sa iyong badyet maging ang huling sentimo.
d. Siguraduhing wasto o tama ang ginawang pagkukuwenta ng mga gastusin.
Iwasan ang mga bura o erasures.

C. PAGLALAHAD NG BENEPISYO NG PROYEKTO AT MGA MAKIKINABANG


NITO
Kadalasan, ito ang nagsisilbing kongklusyon ng panukala kung saan nakasaad dito ang
mga taong makikinabang ng proyekto at benipisyong makukuha nila mula rito.

14 | P a g e
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
V. Pagsulat ng Posisyong Papel
POSISYONG PAPEL- Ito ay naglalayong maipakita ang katotohanan at katibayan ng isang
tiyak na isyung kadalasan ay napapanahon at nagdudulot ng magkakaibang pananaw sa
marami depende sa persepsiyon ng mga tao. Layunin nitong mahikayat ang madla na ang
pinaniniwalaan ay katanggap-tanggap at may katotohanan.
Ito rin ang pagsalig o pagsuporta sa katotohanan ng isang kontrobersiyal na isyu sa
pamamagitan ng pagbuo ng isang kaso o usapin para sa iyong pananaw o posisyon.
Mga Hakbang sa Pagsulat ng Posisyong Papel
1. Pumili ng paksang malapit sa iyong puso.
2. Magsagawa ng panimulang pananaliksik hinggil sa napiling paksa.
3. Bumuo ng thesis statement o pahayag ng tesis.
4. Subukin ang katibayan o kalakasan ng iyong pahayag ng tesis o posiyon.
5. Magpatuloy sa pangangalap ng mga kakailanganing ebidensiya.
Ayon kina Constantino at Zafra (1997), nauuri sa dalawa ang mga ebidensiyang
magagamit sa pangangatwiran:
a. Katunayan (facts)- ito ay tumutukoy sa mga ideyang tinatanggap na totoo dahil ang
mga katibayan nito ay nakabatay sa nakita, narinig, naamoy, nalasahan, at nadama.
b. Opinyon- ito ay tumutukoy sa pananaw ng mga tao, mga ideyang nakasalig hindi sa
katunayan kundi sa ipinapalagay lamang na totoo.
6. Buoin ang balangkas ng posisyong papel.
I. Panimula
a. Ilahad ang paksa.
b. Magbigay ng maikling paunang paliwanag tungkol sa paksa at kung bakit
mahalaga itong pag-usapan.
c. Ipakilala ang tesis ng posisyong papel o ang iyong stand o posisyon tungkol sa
isyu.
II. Paglalahad ng Counterargument o mga Argumentong Tumututol o
Kumukontra sa Iyong Tesis
a. Ilahad ang mga argumetong tutol sa iyong tesis.
b. Ilahad ang mga kinakailangang impormasyon para mapasubalian ang binanggit
na counterargument.
c. Patunayang mali o walang katotohanan ang mga counterargument na iyong
inilahad.
d. Magbigay ng mga patunay para mapagtibay ang iyong ginawang panunuligsa.
III. Paglalahad ng Iyong Posisyon o Pangangatwiran Tungkol sa Isyu
a. Ipahayag o ilahad ang unang punto ng iyong posisyon o paliwanag.
 Ilahad ang iyong matalinong pananaw tungkol sa unang punto.
 Maglahad ng mga patunay at ebidensiya na hinango sa
mapagkakatiwalaang sanggunian.
b. Ipahayag o ilahad ang ikalawang punto ng iyong posisyon o paliwanag.
15 | P a g e
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
 Ilahad ang iyong matalinong pananaw tungkol sa ikalawang punto.
 Maglahad ng mga patunay at ebidensiya na hinango sa
mapagkakatiwalaang sanggunian.
c. Ipahayag o ilahad ang ikatlong punto ng iyong posisyon o paliwanag.
 Ilahad ang iyong matalinong pananaw tungkol sa ikatlong punto.
 Maglahad ng mga patunay at ebidensiya na hinango sa
mapagkakatiwalaang sanggunian.
IV. Kongklusyon
a. Ilahad muli ang iyong argumento o tesis.
b. Magbigay ng mga plano ng gawain o plan of action na makatutulong sa
pagpapabuti ng kaso o isyu.

16 | P a g e
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
V. Pagsulat ng Lakbay-Sanaysay
Ang Lakbay-Sanaysay ay tinatawag ding travel essay o travelogue. Ito ay isang uri ng
lathalaing ang pangunahing layunin ay maitala ang mga naging karanasan sa paglalakbay.
Tinatawag din itong sanaylakbay kung saan ang terminolohiyang ito ay binubuo ng
tatlong konsepto: sanaysay, sanay, lakbay. Ang sanaysay ang pinakaepektibong pormat
ng sulatin upang maitala ang mga naranasan sa paglalakbay (Nonong Carandang, 2014).
Dahilan ng Pagsulat ng Lakbay-Sanaysay
1. Itaguyod ang isang lugar at kumita sa pagsusulat.
2. Layunin nitong makalikha ng patnubay para sa posibleng manlalakbay.
3. Maitala ang pansariling kasaysayan sa paglalakbay tulad ng espiritwalidad,
pagpapahilom o kaya’y pagtuklas sa sarili.
4. Maidokumento ang kasaysayan, kultura, at heograpiya ng kugar sa malikhaing
pamamaraan.
Mga Dapat Tandaan sa Pagsulat ng Lakbay-Sanaysay
1. Magkaroon ng kaisipang manlalakbay sa halip na isang turista.
2. Sumulat sa unang panauhang punto de-bista.
3. Tukuyin ang pokus ng susulating lakbay-sanaysay.
4. Magtala ng mahahalagang detalye at kumuha ng mga larawan para sa dokumentasyon
habang naglalakbay.
5. Ilahad ang mga realisasyon o mga natutuhan sa ginawang paglalakbay.
6. Gamitin ang kasanayan sa pagsulat ng sanaysay.

VI. Ang Pictorial Essay


Ang Pictorial essay ay isang sulatin kung saan higit na nakararami ang larawan kaysa sa
salita o panulat. May pagkakataong nakaugnay ito sa isang lakbay-sanaysay lalo na’t
karamihan ng lakbay-sanaysay ay may kasamang larawan.
Mga Dapat Tandaan sa Pagsulat ng Pictorial Essay
1. Ang paglalagay ng larawan ay dapat na isinaayos o pinag-isipang mabuti sapagkat ito
ang magpapakita ng kabuoan ng kwento o kaisipang nais ipahayag.
2. Ang mga nakatalang sulat o katitikan sa bawat larawan ay suporta lamang sa mga
larawan kaya’t hindi ito kinakailangang napakahaba o napakaikli. Kailangang
makatutulong sa pag-unawa at makapukaw sa interes ng magbabasa o titingin ang
mga katitikang isusulat dito.
3. May isang paksang nais bigyang-diin sa mga larawan kaya’t hindi maaring maglagay
ng mga larawang may ibang kaisipan o lihis sa paksang nais bigyang-diin. Kailangang
maipakita sa kabuoan ang layunin ng pagsulat o paggawa ng pictorial essay.

17 | P a g e
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
4. Isipin ang mga manonood o titingin ng iyong photo essay kung ito ba ay mga bata,
kabataan, propesyonal, o masa upang maibatay sa kanilang kaisipan at interes ang mga
larawang ilalagay gayundin ang mga salitang gagamitin sa pagsulat ng mga caption.

18 | P a g e
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
VII. Ang Pagsulat ng Talumpati

Ang pagtatalumpati ay isang proseso o paraan ng pagpapahayag ng ideya o kaisipan sa


paraang pasalitang tumatalakay sa isang partikular na paksa. Ito ay karaniwang isinusulat upang
bigkasin sa harap ng mga tagapakinig. Ang isang talumpating isinulat ay hindi magiging ganap na
talumpati kug ito ay hindi mabibigkas sa harap ng madla.
Uri ng Talumpati
1. Biglaang Talumpati (Impromptu)- ito ay ibinibigay nang biglaan o walang paghahanda.
2. Maluwag (Extemporaneous)- ito ay nagbibigay ng ilang minuto para sa pagbuo ng
ipahahayag na kaisipan batay sa paksang ibinigay bago ito ipahayag.
3. Manuskrito- ito ay ginagamit sa mga kumbensiyon, seminar, o programa sa pagsasaliksik
kaya pinag-aaralan itong mabuti at dapat na nakasulat.
4. Isinaulong Talumpati- ito ay kagaya rin ng manuskrito sapagkat ito ay mahusay ding
pinag-aralan at hinabi nang maayos bago bigkasin sa harap ng tagapakinig. May
opurtunidad na magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa tagapakinig sapagkat hindi binabasa
ang ginawang manuskrito kundi sinasaulo at binibigkas ng tagapagsalita.
Mga Uri ng Talumpati Ayon sa Layunin
1. Talumpating Nagbibigay ng Impormasyon o Kabatiran- layunin nitong ipabatid sa mga
nakikinig ang tungkol sa isang paksa, isyu, o pangyayari.
Halimbawa: panayam, pagbibigay-ulat.
2. Talumpating Panlibang- layunin nitong magbigay ng kasiyahan sa mga nakikinig.
Halimbawa: talumpati sa mga salusalo, pagtitipong sosyal, at mga pulong ng mga
samahan.
3. Talumpating Pampasigla- layunin nitong magbigay ng inspirasyon sa mga nakikinig.
Halimbawa: talumpati sa araw ng pagtatapos sa mga paaralan at pamantasan,
pagdiriwang ng anibersaryo ng mga samahan o organisasyon, kumbensiyon.
4. Talumpating Panghikayat- layunin nitong hikayatin ang mga tagapakinig na tanggapin
ang paniniwala ng mananalumpati sa pamamagitan ng pagbibigay-katwiran at mga
patunay.
Halimbawa: Sermong naririnig sa simbahan, kampanya ng mga politiko sa panahon ng
halalan, talumpati sa Kongreso, at maging ang talumpati ng abogado sa panahon ng
paglilitis sa hukuman.
5. Talumpati ng Pagbibigay-galang- layunin nitong tanggapin ang bagong kasapi ng
samahan o organisasyon. Ginagawa rin ito bilang pagtanggap sa isang bagong opisyal na
natalaga sa isang tungkulin.
6. Talumpati ng Papuri- layunin nitong magbigay ng pagkilala o pagpupugay sa isang tao o
samahan.
Halimbawa: talumpati ng pagtatalaga sa bagong hirang na opisyal, talumpati sa pagkilala
sa isang taong namatay na tinatawag na eulogy, talumpati sa paggawad ng medalya o

19 | P a g e
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
sertipiko ng pagkilala sa isang tao o samahang nakapag-ambag nang malaki sa isang
samahan o sa lipunan.

Mga Dapat Isaalang-alang sa Pagsulat ng Talumpati


A. Uri ng mga Tagapakinig
1. Ang edad o gulang ng mga makikinig
2. Ang bilang ng mga makikinig
3. Kasarian
4. Edukasyon o antas sa lipunan
5. Mga saloobin at dati nang alam ng mga nakikinig

B. Tema o Paksang Tatalakayin


1. Pananaliksik ng datos at mga kaugnay na babasahin
2. Pagbuo ng tesis
3. Pagtukoy sa mga pangunahing kaisipan o punto

C. Hulwaran sa Pagbuo ng Talumpati


1. Kronolohikal na Hulwaran- gamit ang hulwarang ito, ang mga detalye o nilalaman
ng talumpati ay nakasalalay sa pagkakasunod-sunod ng pangyayari o panahon.
2. Topikal na Hulwaran- ang paghahanay ng mga materyales ng talumpati ay batay sa
pangunahing paksa.
3. Hulwarang Problema -Solusyon- kalimitang nahahati sa dalawang bahagi ang
pagkakahabi ng talumpati gamit ang hulwarang ito- ang paglalahad ng suliranin at ang
pagtalakay sa solusyon na maaaring isagawa.

D. Kasanayan sa Paghabi ng mga Bahagi ng Talumpati


1. Introduksiyon- ito ang pinakapanimula ng talumpati. Ito ay naghahanda sa mga
nakikinig para sa nilalaman ng talumpati kaya naman dapat angkop ang pambungad
sa katawan ng talumpati. Mahalaga ang isang mahusay na panimula upang:
a. Mapukaw ang kaisipan at damdamin sa mga makikinig
b. Makuha ang kanilang interes at atensiyon
c. Maihanda ang mga tagapakinig sa gaganaping pagtalakay sa paksa
d. Maipaliwanag ang paksa
e. Mailahad ang balangkas ng paksang tatalakayin
f. Maihanda ang kanilang puso at isipan sa mensahe
2. Diskusyon o Katawan- dito makikita ang pinakamahalagang bahagi ng talumpati
sapagkat dito tinatalakay ang mahahalagang punto o kaisipang nais ibahagi sa mga
nakikinig. Ito ang pinakakaluluwa ng talumpati. Narito ang mga katangiang
kailangang taglayin ng katawan ng talumpati.
a. Kawastuhan-tiyaking wasto at maayos ang nilalaman ng
talumpati. Dapat na totoo at maipaliliwanag nang mabisa ang lahat

20 | P a g e
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
ng kailangang detalye upang maipaliwanag ang paksa. Kailangang
gumamit ng angkop na wika at may kawastuhang pambalarila ang
talumpati.
b. Kalinawan- kailangang maipaliwanag ang pagkakasulat at
pagkakabigkas ng talumpati upang maunawaan ng mga nakikinig.
Mahalagang tandaan ang sumusunod.
1. Gumamit ng mga angkop at tiyak na salitang mauunawaan ng
mga makikinig.
2. Umiwas sa madalas na paggamit ng mahahabang hugnayang
pangungusap.
3. Sikaping maging direkta sa pagsasalita at iwasang magpaligoy-
ligoy sa pagpapahayag ng paksa.
4. Gawing parang karaniwang pagsasalita ang pakikipag-usap sa
mga tagapakinig.
5. Gumamit ng mga halimbawa at patunay sa pagpapaliwanag ng
paksa.
c. Kaakit-akit- gawing kawili-wili ang paglalahad ng mga katwiran o
paliwanag para sa paksa. Sikaping makabuo ng nilalaman na
kaugnay sa paksa at gigising sa kaisipan at damdamin ng mga
makikinig. At sikaping mapaniwala ang mga nakikinig sa mga
katotohanang inilahad ng talumpati.
3. Katapusan o Kongklusyon- dito nakasaad ang pinakakongklusyon ng talumpati. Dito
kalimitang nilalagom ang mga patunay at argumentong inilahad sa katawan ng
talumpati. Ito ay kalimitang maikli ngunit malaman. Maaaring ilagay rito ang
pinakamatibay na paliwanag at katwiran upang mapakilos ang mga tao ayon sa
layunin ng talumpati.

21 | P a g e
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
Replektibong Sanaysay
Ang replektibong sanaysay ay isa sa mga tiyak na uri ng sanaysay na may kinalaman sa
introspeksiyon na pagsasanay. Kinapapalooban ito ng pagbabahagi ng mga bagay na naiisip,
nararamdaman, pananaw, at damdamin hinggil sa isang paksa at kung paano ito nakalikha ng
epekto sa taong sumusulat nito (Michael Stratford).
Ito ay nagpapakita ng personal na paglago ng isang tao mula sa isang mahalagang
karanasan o pangyayari. Ibinabahagi nito sa mga mambabasa ang kalakasan at kahinaan ng
sumulat batay sa mga karanasang natutuhan o nakuha.

Mga Dapat Isaalang-alang sa Pagsulat ng Replektibong Sanaysay


1. Magkaroon ng isang tiyak na paksa o tesis na iikutan ng nilalaman ng sanaysay.
2. Isulat ito gamit ang unang panauhan ng panghalip.
3. Tandaan na bagama’t nakabatay sa personal na karanasan, mahalagang magtaglay ito ng
patunay o patotoo batay sa iyong mga naobserbahan o katotohanang nabasa hinggil sa
paksa upang higit na maging mabisa at epektibo ang pagkakasulat nito.
4. Gumamit ng mga pormal na salita sa pagsulat nito. Tandaang ito ay kabilang sa
akademikong sulatin.
5. Gumamit ng tekstong naglalahad sa pagsulat nito. Gawing malinaw at madaling
maunawaan ang gagawing pagpapaliwanag ng mga ideya o kaisipan upang maipabatid ang
mensahe sa mga babasa.
6. Sundin ang tamang estruktura o mga bahagi sa pagsulat ng sanaysay: introduksiyon,
katawan, at kongklusyon.
7. Gawing lohikal at organisado ang pagkakasulat ng mga talata.

Hakbang sa Pagsulat ng Replektibong Sanaysay


1. SIMULA
Maaring mag-umpisa sa pagsagot sa sumusunod na mga tanong: Ano ang aking
nararamdaman o pananaw tungkol sa paksa? Paano ito makaaapekto sa aking buhay?
Bakit hindi ito makakaapekto sa aking pagkatao? Matapos masagot ang mga tanong na
ito, lagumin ang iyong mga sagot sa loob ng isang pangungusap. Ito ang iyong magsisilbing
tesis o pangunahing kaisipan na siyang magiging gabay o batayan sa pagsulat ng iyong
replektibong sanaysay.
Tandaang ito ay dapat na makapukaw ng atensiyon ng mga mambabasa. Maaaring
gumamit ng iba’t ibang paraan ng pagsulat ng mahusay na panimula. Maaaring gumamit
ng kilalang pahayag mula sa isang tao o quotation, tanong, anekdota, karanasan at iba pa.
Sundan agad ito ng pagpapakilala ng paksa at layunin ng pagsulat ng sanaysay na siyang
magsisilbing preview ng kabuoan ng sanaysay. Isulat ito sa loob lamang ng isang talata.

22 | P a g e
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
2. KATAWAN
Dito inilalahad ang mga pantulong o kaugnay na kaisipan tungkol sa paksa o tesis
na inilahad sa panimula. Maglagay sa bahaging ito ng mga obhetibong datos batay sa iyong
naobserbahan o naranasan upang higit na mapagtibay ang kaisipang iyong ipinaliliwanag.
Makatutulong nang malaki kung gagamit din ng mga mapagkakatiwalaang mga
sanggunian bilang karagdagang datos na magpapaliwanag sa paksa. Sa bahagi ring ito
makikita o isusulat ang iyong mga napagnilay-nilayan o mga natutuhan. Gayundin, kung
paano umunlad ang iyong pagkatao mula sa mga karanasan o mga gintong aral na napulot.
Magbigay rin ng mga patotoo kung paano nakatulong ang mga karanasang ito sa iyo.

3. WAKAS O KONGKLUSYON
Sa pagsulat ng wakas o kongklusyon, muling banggitin ang tesis o ang
pangunahing paksa ng sanaysay. Lagumin ito sa pamamagitan ng pagbanggit kung paano
mo magagamit ang iyong mga natutuhan sa buhay sa hinaharap. Bilang pagwawakas,
maaring magbigay ng hamon sa mga mambabasa na sila man ay magnilay sa kanilang
buhay hinggil sa iyong natutuhan o kaya naman ay mag-iwan ng tanong na maari nilang
pag-isipan.

Narito ang Halimbawa ng mga Paksa na Maaring Gawan ng Replektibong Sanaysay


Librong katatapos lamang basahin
Katatapos na proyekto hinggil sa pananaliksik
Pagsali sa isang pansibikong gawain
Praktikum tungkol sa isang kurso
Paglalakbay sa isang tiyak na lugar
Isyu tungkol sa pagkagumon sa ipinagbabawal na gamot
Isyu tungkol sa mga pinag-aawayang teritoryo sa West Philippine Sea
Paglutas sa isang mabigat na suliranin
Isang natatanging karanasan bilang mag-aaral

Ang Sining ng Paglalahad


Ang paglalahad ay isang detalyado at komprehensibong pagpapaliwanag ng isang bagay,
pook o ideya. Sa Ingles, ang paglalahad ay tinatawag na Expository Writing. Madalas makita ang
anyong ito sa pagtalakay sa karaniwan nating binabasa sa araw-araw gaya ng mga aklat, editorial
sa diyaryo, ng mga artikulo sa mga magasin, at iba pa. Ito ay hindi nagsasalaysay ng isang kuwento.
Ito ay hindi rin naglalarawan ng isang bagay. Ito ay hindi rin nagpapahayag ng isang paninindigan.
Bagkus, ito ay nagpapaliwang. Ito ay isang pagpapaliwang na obhetibo, walang pagkampi, at may
sapat na detalye na pawang pampalawak ng kaalaman sa paksang binibigyang-linaw nang lubos
na mauunawaan ng may interes. Ilan sa malimit na paggamitan nito ay ang pagbibigay-kahulugan,
pagsunod sa panuto, pangulong tudling, suring basa, ulat, balita, at sanaysay.

23 | P a g e
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)
Sangkap o Elemento ng Mabisang Paglalahad.
1. Sapat na kaalaman o impormasyon sa paksang tinatalakay
2. Ganap na pagpapaliwanag sa buong kahulugan
3. Malinaw at maayos na pagpapahayag
4. Paggamit ng larawan, balangkas, at iba pang pantulong upang madali ang pag-unawa sa
ipinaliliwanag
5. Walang pagkiling na pagpapaliwanag ng anumang bagay na nasasaklaw ng tao

SANAYSAY
Ito ay hango sa salitang Pranses na Essayer na ang ibig sabihin ay “sumubok” o
“tangkilikin.” Ayon kay Francis Bacon, ang sanaysay ay isang kasangkapan upang isatinig ang
maikling pagbubulay-bulay at komentaryo sa buhay. Ayon naman kay Badayos, naglalahad ang
sanaysay ng matalinong kuro at makatwirang paghahanay ng kaisipan. Ayon kay Abadilla, ang
salitang sanaysay ay nangangahulugang nakasulat na karanasan ng isang sanay sa pagsasalaysay.

Dalawang Uri ng Sanaysay


1. PORMAL- Ito ay nagbibigay ng patalastas sa isang paraang maayos at mariin at bunga ng
isang maingat na pagtitimbang-timbang ng mga pangyayari at mga kaisipan. Kung minsa’y
tinatawag din itong impersonal o siyentipiko sapagkat ito’y binabasa upang makakuha ng
impormasyon.
2. IMPORMAL- Tinatawag din itong pamilyar o personal, at nagbibigay-diin sa isang
estilong nagpapamalas ng katauhan ng may-akda. Karaniwan itong may himig na parang
nakikipag-usap o nais magpakilala ng isang panuntunan sa buhay. Ito’y naglalarawan ng
pakahulugan ng may-akda sa isang pangyayari sa buhay, nagtatala ng kanyang
pagbubulay-bulay, at naglalahad ng kanyang kuro-kuro o pala-palagay.

Natatanging Uri ng Sanaysay


1. Nagsasalaysay 7. Editorial
2. Naglalarawan 8. Makasiyentipiko
3. Mapag-isip o di-praktikal 9. Sosyo-politikal
4. Kritikal o mapanuri 10. Sanaysay na pangkalikasan
5. Didaktiko o nangangaral 11. Sanaysay na bumabalangkas sa isang
6. Nagpapaalala tauhan
12. Mapagdili-dili o replektibo

24 | P a g e
Pagsulat sa Filipino sa Piling Larang (Akademik)

You might also like