Pumunta sa nilalaman

Franz Liszt

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Si Franz Liszt, noong nasa pagitan ng 1880 hanggang 1885.

Si Franz Liszt (Oktubre 22, 1811 – Hulyo 31, 1886[1]) ay isang kumpositor, piyanistang birtuwoso, konduktor, tersiyaryo sa ordeng Pransiskano, at gurong Hunggaryano na naging kilala sa kabuoan ng Europa dahil sa kaniyang mga nangingibabaw na pagtatanghal na pangmusika sa pamamagitan ng piano. Mula 1859 hanggang 1867, pormal siyang tinawag bilang Franz Ritter von Liszt. Isa siya sa pinaka mahalagang mga manunugtog noong ika-19 daantaon. Siya ang pinakadakilang piyanista ng kaniyang kapanahunan at nagpunta sa maraming mga pagtatanghal sa iba't ibang mga lugar sa Europa, kung saan maraming mga tao ang pumuno sa mga bulwagang pangkonsiyerto upang marining ang kaniyang pagtugtog. Nagsulat siya ng maraming mga musika para sa piano. Marami sa kaniyang mga piyesang pampiano ang mas mahirap tugtugin kaysa sa anumang bagay na naisulat sa nakaraan. Sa ganitong paraan, nalikha at napaunlad niya ang tekniko ng pagtugtog sa piano, kaya't nakapagtakda at nakapaglapat siya ng bagong mga pamantayan para sa hinaharap. Sa kaniyang mga kumposisyon, madalas siyang gumagmit ng bagong mga ideya na ang tunog ay napaka moderno noong kaniyang kapanahunan. Napaka matulungin niya sa ibang mga kumpositor na namuhay noong kaniyang kapanahunan; tinulungan niya ang mga ito na maging mas nakikilala sa pamamagitan ng pagkukunduktor niya sa kanilang mga akda at pagtugtog sa ilan sa kanilang mga piyesang pang-orkestra sa pamamagitan ng piano.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]