Kabataan Akong Palad Ay Ano
Kabataan Akong Palad Ay Ano
Kabataan Akong Palad Ay Ano
Ni Patrocinio V. Villafuerte
Parang kailan lamang. Naroroon ako. Hinahabol ang paruparo.
Binabalibag ang bubot na mangga. Tinitirador ang kilyawan. Ngayon,
ang lahat ay bahagi na lamang ng kahapon. Talagang hindi mapipigil
ang mabilis na paglipas ng mga oras, ang matuling paglayo ng mga
araw. Sa isang iglap, natakasan ko na pala aang daigdig ng
kamusmusan.
Salamat sa kahapong yaon. Nasunod ko ang maraming
pagbabawal. Natutuhan ko ang kahulugan ng hindi pwede at huwag
akong pakialaman. Natuklasan ko ang hiwagang makakubli sa
maraming bakit at paano. At higit sa lahat, naranasan ko ang tunay na
laya ng pakikipag-umpukan ng pakikipagtudyuhan at kung minsay
pakikipagbabag.
Heto ako ngayon. Binatilyo nang ganap. Pero bakit ganito? Bakit
hindi ko maipaliwanag ang mga pagbabagong nagaganap sa aking
sarili? Sa aking tinig? Sa pamimintog ng aking bisig? Sa kakaibang
siglang nadarama?
Ngunit hindi lamang ako ang nagbabago. May natutuklasan
akong kahiwagahan sa aking paligid. Palaisipan sa akin ang mga
nakikita ko, naririnig ko, at nadarama ko.
Nais kong makibahagi sa mga pagbabagong iyon. Gusto kong
makialam sa makisangkot. Sa pagwawasak sa lumat maling tradisyon
upang baguhin at iwasan. Sa pagkalas sa makalumang paniniwala
upang palayain ang napapanahong damdamin. Hindi bat ganito ang
buhay? Ang mabuhay sa daigdig ay isang pagbubuo, isang
pagwawasak upang muling buuin tungo sa isang napapanahong
pagbabago.
Hungkag ang buhay ng sinumang nilikhang walang tungkuling
ginagampanan sa daigdig. Gaano man kaliit ang tungkulin, itoy dapat
tupadin. Ito ang tanging sukatan ng tao upang mabuhay sa daigdig.
Lakas Sipag Tiyaga Tatag ng loob.Ito ang puhunang
nagagawa ko sa aking pakikisangkot. Kailangan kong gumawa at
tupadin ang isang pananagutan para sa aking sarili, sa kapwa, sa
bayan at sa daigdig.