Ang Kwento Ni Mabuti
Ang Kwento Ni Mabuti
Ang Kwento Ni Mabuti
Ni Genoveva Edroza-Matute
Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa
walang pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag,
sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang
maitim na tubig ng isang estero. Naroon pa siya’t nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay
ng isang uri ng karunungan sa kanya ko lamang natutuhan.
Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang
isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa
kanyang anyo… at sa kanyang buhay…
Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanyang ng pansin.
Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga panunugutan sa paaralan,
walang masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya.
Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula
ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang pumalit sa mga salitang hindi niya maalaala kung minsan,
at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin. Sa isang paraang malirip, iyon ay naging salamin
ng uri ng paniniwala sa buhay.
“Mabuti,” ang sasabihin niya, “… ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot
tayo sa bahaging ito… Mabuti… Mabuti!”
Hindi ako kailanman magtatapat sa kanyang ng anuman kung di lamang nahuli niya akong minsang
lumuluha; nang hapong iyo’y iniluha ng bata kong puso ang pambata ring suliranin.
Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa
pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng
silid-aklatan, pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan.
“Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. “Tila may
suliranin .. mabuti sana kung makakatulong ako.”
Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan ay ibinilang
kong kahihiyan ay kababaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita
ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla
sa katapat na luklukan.
“Hindi ko alam na may tao rito”….. naparito ako upang umiyak din.”
Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang
paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi.
Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na klamang ang tinig sa pagtatapat sa
suliraning sa palagay ko noo’y siya nang pinakamabigat.Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko
sa pangyayaring iyo’y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos
na bagay. Ngunit, siya’y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay
na matapat.
Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw
na nang bigla akong makaalala.
“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo ng pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyo na …
iniiyakan ko?”
Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang sulok na iyon na … iniiyakan natin…
nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig: “sana’y masabi ko sa iyo, ngunit… ang
suliranin.. kailanman. Ang ibig kong sabihin ay … maging higit na mabuti sana sa iyo ang … buhay.”
Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula
sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahiyain niyang mga ngiti sa amin, sa
paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa
sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon,.. “Iniiyakan natin,” ang sinabi niya nang hapong iyon. At
habang tumataginting sa silid naming ang kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan o mga
dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon,
sa aming sulok na iyong… aming dalawa…
At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid,
maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang sinasabi. Ngunit, sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-
asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno siya ng maririkit na guni-guni ang aming isipan at ng mga
tunog ang aming pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin naming
sa panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan at ako’y humanga.
Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin
ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi
pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan.
Ang pananalig niya sa kalooban ng maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa mga
pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang iyon ang
nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na karaniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan.
Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral
naming sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak. .. nang
paulit-ulit. Hindi rin siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit, dalawa
sa mga kamag-aral naming ang nakababatid na siya’y hindi balo.
Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay nakapaligid sa batang
iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon. Ang paglaki nang mga pangarap niyon, ang nabubuong
layunin niyon sa buhay. Minsan, tila hindi namamalayang nakapagpapahayag ang aming guro ng isang
pangamba ang pagkatakot niyang baka siya hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak.
Maliban sa iilan sa aming pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay iisa lamang ang mga
bagay na “pinagtitiisang” pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat
pagbanggit na iyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa ma’y nabubuo na sa aking isipan ang
isang hinala.
Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang
bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin,
ang kanilang mga handog. Ang anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na taon siya’y
magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak- at isang
mabuting manggagamot.
Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran ang
bumulong: “Gaya ng kanyang ama!”
Narinig ng aming guro ang ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya’y nagsalita.
“Oo, gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang
sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi.
Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may kaarawan.
Matitiyak ko noong may isang bagay ngang malisya sa buhay niya. Malisya nang ganoon na
lamang. At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot
ang puso ko sa pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng gingawa niya
nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan
sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang isang taong man lamang. Ngunit, ito ang sumupil
sa pagnanasa kong yaon; ang mga kamag-aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang
sinasabing, “Oo, gaya ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha.
Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko makakalimutan kailanman. Tinignan niya ako ng buong
tapang na pinipigil ang panginginig ng mga labi at sinabi ang ganito : “Mabuti…mabuti gaya ng sasabihin
nitong Fe-lyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim
na kaligayahan. Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating aralin…”
Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap na iyon, ni sa
aking mga pagsasalita, ni sa aking mga pagsusulat. Ngunit samantalang nakatitig siya sa akin ng umagang
iyon, habang sinasabi niya ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi
ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mga lihim na kalungkutan ay nakakikilala ng mga lihim na
kaligayahan.
At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay ng kanyang
mukha, muli niyang ipinamalas ang mga nagtatagong kagandahan sa aralin naming sa Panitikan. Ang
karikatn ng katapangan; ang kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay.
At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa
pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging isang manggagamot
din balang araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang bahay na hindi siyang
tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa
buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat.
Di Masilip Ang Langit
ni Benjamin P. Pascual
– at pag-iinitan ka pa. Bago ka pa lang dito, pare. Yan ang unang matututuhan mo dito
sa ob-lo pagtagal-tagal mo.
Umiiyak kanina ang waswas ko, pare. Isi ka lang, sabi ko. Ito ang kapalaran natin, e.
Naawa siguro sa ‘kin. Matagal nang ito ang haybol ko at bibilang pa ng maraming taon
na ito ang haybol ko. Sabi ko naman, ayaw ka ba n’on, konkreto ang bahay ko at
ginugwardiyahan pa ng les-pu? Nagpapatawa lang ako, pare lungkot din ako. Sabik na
ako sa laya, pare. Naaawa na rin ako sa waswas ko na di ko alam kung paano
nabubuhay ngayong narito ako sa ob-lo.
Pare, sindihan mo yan. Huwag mo lang ipapatanaw ang baga sa labas. Takpan mo ng
lukong ng palad mo.
Anong kaso mo pare? Arson, pare. Ha-Ha-ha! Isang ospital ang sinunog ko – o
pinagtangkaang sunugin. Dahil hindi nasunog lahat, pare. Tersiya parte lang ng bilding
ang kinain ng apoy.
Hindi ka siguro maniniwala, pare. Kami ang gumawa ng ospital na iyon. Sa Quezon City
‘yun, pare. Yong pribadong ospital na ari ng magkapatid na mestisong instik, Lim ang
apelyido. Ang ibig kong sabihin, pare. isa ako sa mga peon, ‘yung nagtayo n’on, kantero
‘ko pare — ‘yon bang tagahalo ng semento.
Nang magawa namin yon pare, para ‘kong pintor na nakagawa ng obra maestra.
Gano’n pala ang mararamdaman mo pag nakagawa ka, pag nakabuo ka ng isang
magandang bagay. ‘Yon lang kasi ang magandang bagay na nagawa ko sa buong
buhay ko. Alam ko, ang arkitekto ang nagplano n’on, pero, isa ‘ko sa mga gumawa.
Kung masasabi niyang siyang gumawa n’on, masasabi ko rin na ako. paano mo
matatayo ang isang bilding pare, kung wala kang tagahalo ng semento? Di mo ‘yon
maitatayo sa pamamagitan ng lapis at papel lang.
Nang mayari namin ‘yon pare, di ko pagsawaang tingnan. Paulit-ulit kong minasdan.
Lalagay ako sa malayo, sa harapan, at hahagurin ko ng tingin. Papa’no parang isang
magandang babae, pare na maya’t maya’y gustong mong ukulan na humahanga at
nagmamalaking tingin dahil alam mong mga kamay mo ang katulong na gumawa at
bumuo.
At ito ang pinagtangkaan kong sunugin, pare! Ha-Ha! Sasabihin ko sa ‘yo kung bakit.
Uumpisahan ko sa simula.
Mahigit na ‘sang taon naming ginawa ang ospital na ‘yon pare. Nang mayari ang
pundasyon, marami sa mga kasamahan ko ang doon na natutulog. Alam mo na, para
makatipid sa pasahe. Nang malaon, sinabi ko ke Luding — Luding ang pangalan ng
waswas ko, pare — na do’n na rin ako matutulog, kasi kahit na nasa Quezon City rin
kami nakatira e malayo sa amin ang ginagawang bilding, kailangan magdalawang
sakay ka sa bus at dyip.
“Sige” sabi ng waswas ko.”Nang makatipid tayo ng kontisa gastos” Kasi pare, minimum
lang ang pagana sa ‘kin sa ginagawang ospital. Ang minimum no’n disiotso, hustong-
husto lang sa pagkain at pangangailangan naming mag-asawa.
Sasabihin Ko muna sa ‘yo Kung saan kami nakatira no’n, pare. Ang haybol namin no’n
e hindi talagang bahay kundi isang maliit na kubo, mas tama sigurong tawaging barung-
barung ‘yon, dahil mas marami ang yero – na unti-unti naming naitayo sa isang
bakanteng lote sa tabi ng isang bagong tayo ring subdibisyon. Pinsan ng waswas ko
ang inhenyerong nagtayo ng subdibisyon at napakiusap namin sa kanyang bakanteng
ngang loteng ‘yon, na di na sakop ng lupa ng subdibisyon, na kaibigan naman ng
inhiyerong pinsan ng waswas ko. Ang ibig ko lang sabhin dito, pare, legal naman ang
pagkatira sa subdibisyon, hindi kami talagang iskwater na basta na lang nagtayo ng
bahay, sa lupa ng me lupa. Sabihing nakatira, pero hindi iskwater.
Ang hirap ng lagay namin do’n pare. Para kaming etat, sa tabi ng isang basong gatas.
Bakit e medyo maaskad ang kara ko. Kung tingnan ako ng mayayamang taga
sabdibisyon e parang bang sa anumang sandali’y lolooban ko ang malaki at
magaganda nilang bahay. Ang talagang dahilan lang nama’y nakakapagpapangit ang
aming barung-barong, sa tingin, sa magaganda nilang bahay sa sabdibisyon at ibig
nilang kami’y umalis.
Hirap kami no’n, pare. Ang layo ng iniigiban ko ng tubig. Wala pang ilaw. Ayaw kaming
pakabitin ng koryente sa sabdibisyon. Ang ibig nga nila’y Kami’y umalis.
Sa itinatayong bilding na nga ako natutulog at umuuwi lang kung Sabado ng hapon. Me
kasama naman sa bahay ang waswas ko, ang kanyang ina na nakapisan na sa amin
mula pa nang kami’y ikasal. kung gabi, masaya kami sa ginagawang bilding. Me
magpa¬pabili ng kuwatro kantos at pararaanin namin ang mga oras sa kantahan at
kwentuhan. O gagalain namin ang buong bilding na kung baga sa tao e kalansay pa
lang. Ang pasikot-sikot ng bilding e alam na alam namin, pare, na parang guhit ng
aming palad.
Nang matapos na ang bilding – nang matapos na, ang ibig kong sabihin at me doktor
na at me tumatanggap na ng pasyente – siya namang pagbubuntis ng waswas ko. ‘Yon
ang una naming anak, pare. Wala pa kaming ‘sang taong kasal nang umpisahan
naming gawin ang ospital.
“Hanggang Maagay magplano tayo”, sabi ko sa waswas ko isang gabi, at sinabi ko sa
kanya na mabuti siguro’y sa ospital na itinayo namin siya manganak.
“Mahal roon,” sabi ng waswas ko. “Mayayaman lang ang nanganganak at
nagpapagamot doon.”
“Me pri ward doon”, sabi ko naman.
“Hindi ko alam”,sabi niya.
“Alam ko”, sabi ko. kailangan ‘yon. kami ang gumagawa no’n, di ba? Gamot at pagkain
lang ang babayaran mo sa pri ward doon at konting donasyon na ibibigay.”
“Ikaw, kung gusto mong do’n ako manganak e di do’n” sabi ng waswas ko.
“Meron ka bang alam na ibang ospital na maari mong pangana¬kan?” , sabi ko.
Tumingin lang sa akin ang waswas ko at hindi sumagot. Alam na niya na ang
pinakamalapit na ospital sa ‘min e ang ginawa namin. Me ilang ospital naman na me pri
ward din, pero iyo’y malayo na sa amin o nasa maynila na.
Wala pa ‘kong masasabi sa ‘yo tungkol sa waswas ko. Mabait siya, pare. Siya ‘yong
kung sisigawan mo’y tatalungko na lang sa isang sulok. Sunud-sunuran sa gusto ko,
pare. Maganda pa. nakita mo naman sa bisitor rum kanina. Me mukha naman, di ba?
Tayung-tayo pa ang suso, di ba? Pagkatapos naming mag-usap ng waswas ko kung
saan siya manganganak, Isang araw na napagawi ako sa ospital na ginawa namin e
nagtuloy ako sa loob. Wala naman akong ipapagamot. Gusto ko lang mag-usisa, mag-
usyoso. Ginala ko ulit ang palibot, sinundan ng tinginang nagsasalimbayang mga nars
at doktor. Pare, gusto kong sabihin sa lahat ng tao ro’n na isa ‘ko sa mga gumawa no’n.
Sa madaling salita’y lumaki at lumaki ang tiyan ng waswas ko. Nang walong buwan na
ang kanyang kabuntisan e ping-uusapan uli namin ang kanyang panganganak. Para
kaming nagdidril kung ano ang gagawin kung magkakasunog. Sabagay, kailangan ‘yon.
Malayo ang subdibisyong aming iniiskwat sa kalsada na daanaan ng mga sasakyan.
kaya halos lahat ng taga subdibisyon e me kotse.
“Pa’no kung dumating ang oras ng manganganak kang wala ako rito sa bahay?” tanong
ko ke Luding. Mangyayari lang ‘yon, pare sa araw na nasa trabaho ako. Me ginagawa
kaming bahay no’n sa Pasay.
“Lalakad ako hanggang sa abangan ng sasakyan at tatawag ng dyip o taksi at
magpapahatid sa ospital,” sabi ng waswas ko.
“Makaya mo kayang lumakad hanggang sa kalsada?” tanong ko.
“Kakayanin ko,” sabi niya.
“Pa’no kung di mo makaya?” sabi ko. “Pa’no kung mapanganak ka sa daan?”
“Bahala na,” sabi niya.
“Sana’y narito ‘ko pag nanganak ka na,” sabi ko.
Tumawa ang waswas ko at ang sabi, “Di ganon din ‘yon. Maglalakad din ako hanggang
sa abangan ng sasakyan.” “iba talaga ‘yung narito ‘ko,”sabi ko.
“Sabagay,”sabi niya.
“Sana’y sa gabi ka manganak,” sabi ko. “Narito ‘ko.
Huwag lang sa hating-gabi o madaling araw. Baka mahirapan tayong makakita ng
taksing maghahatid sa ‘tin sa ospital.”
Naging problema sa ‘kin ang panganganak ng waswas ko. Unang anak ko ‘yon, pare,
unang pagkakataon na magiging tatay ako. Maiintindihan mo naman siguro kung bakit
gano’n na lang ang paghahangad kong malagay sa ayos ang panganganak niya,
huwag malagay sa panganib ang aming magiging anak.
Pare,halos gabi-gabi’y pinag-uusapan namin kung ano ang ipapangalan sa aming
magiging anak. Ang waswas ko’y mahilig sa mga pangalang Amer’kano at gusto niya
ang mga pangalang Michael at Leonard at Robert, kung lalaki ang bata at kung babae
nama’y gusto niya ang pangalang Elizabeth at Jocelyn at Roda. Ang gusto ko nama’y
Lualhati, kung babae ang bata, at Joselito kung lalaki. Me kapatid kasi akong namatay
na Jose ang pangalan at ikinabit ko ang Lito dahil ‘yon ang gusto kung maging palayaw
n’ya Paboritong ko kasing artista si Lito Lapid, pare, Gaya ng nasabi ko na, sunod-
sunuran sa ‘kin ang waswas ko at nagkasundo kami sa pangalang gusto ko.
Me isa pang dahilan kung bakit ayokong malagay sa panganib ang buhay ng aming
magiging anak, pare. Gustong-gusto ng waswas ko ang kanyang pagbubuntis. Ang ibig
kong sabihin pare, gustong-gusto niyang maging ina. Napapakiramdaman ko ‘yon sa
‘ming mga pag-uusap tungkol sa batang isisilang, kung nagsasabi siya ng mga
pangalang Amer-kano na ibig niya para sa bata, kung pinag-uusapan namin kung saan
pag-aaralin ang bata. Likas lang siguro ‘yon sa bawat babae. Bawat babae’y gustong
maging ina. At ayokong maging sentimental, pare. Ang gusto ko sa waswas ko’y natural
din sa mga lalaki, di ba?
Nobyembre, manganganak ang waswas ko at alam ko kung papasok ang buwang ito.
Matatapos pa lang ang Oktubre, namumulaklak na ang talahib sa pagpasok ng
Nobyembre at sa panganganak ng waswas ko.
Pumasok ang Nobyembre, nakaipon na ‘ko ng sandaang piso. Sa gaya kong
nagkakantero lang, pare, hindi madaling mag-ipon ng sandaang piso na ilalabas mo sa
gastusan sa bahay. Kinakailan¬gang awasin ko yon, nang unti-unti, sa gastos ko sa
pagkain sa tanghali, sa paghinto muna sa paninigarilyo, sa hindi muna pagto¬ma. Pare,
kung minsa,y nagpupunta sa birhaws o sa putahan ang mga kasama ko pero nagtiis
akong maiwan sa ginagawang bilding. Tinipid kong talaga nang husto ang sarili ko,
pare. Ang sandaang pisong ‘yon e inilaan ko sa biglaang pagkakagastusan, gaya ng
ibabayad sa taksi kung dadalhin na sa ospital si Luding, o bayad sa ospital kasi nga’y
me pagbabayaran ka rin sa ospital kahit pri ward.
Nasa trabaho ‘ko pare, nang magdamdam ang waswas ko. Umaga no’n. Ang
pangyayari’y hindi ko nakita. Ikinuwento na lang sa ‘kin ng waswas ko kinagabihang
puntahan ko siya sa ospital. Gan’to, pare. Isang oras pagkaalis ko ng bahay, sumakit
ang tiyan ng waswas ko – talagang oras na ng panganganak niya, naramdaman niya.
Hindi niya ‘ko matawagan sa telepono – siyempre walang telepono sa bahay na
ginagawa namin. Hindi naman daw niya mautusan ang nanay niya na puntahan ako at
pasabihan. Medyo engot ang matanda, pare, aanga-anga at mahina pa ang tenga.
Sinabi na lang niya sa nanay niya na pumirme sa bahay at pupunta na siyang mag-isa
sa ospital. Lalakad siya hanggang sa kalsada, gaya ng usapan namin, at sasakay sa
dyip o taksi at magpapahatid sa ospital. Me pantaksi siya. Lagi siyang may
nakahandang pantaksi na ibinigay ko sa kanya mula sa sandaang naipon ko.
Nang naglalakad na ang waswas ko sa mga kalye ng subdibisy¬on, pasiyorkat sa
abangan ng sasakyan, bigla raw humilab ang tiyan at hindi siya makalakad. Napilitan
siyang lumapit sa isang malaking bahay do’n na ari ng isang taga-BIR na ang pangla’y
Mr. Cajucom, na me kotse, at kumatok siya nang kumatok at tumawag nang tumawag
sa geyt. Ang lumabas, pare, e ‘yong asawa ni Mr. Cajucom, na ito at tinanong siya kung
bakit. Sabi ng waswas ko’y manganganak na siya at kung maaari’y makikiangkas sa
kotse at padadaan sa ospital.
“Kumakain pa, e”, sabi raw ni Miss Cajucom
Biruin mo ‘yon, pare? Kumakain pa raw! Pare, akong may kotse at me nagsasabi sa ‘kin
na ang kapitbahay ko’y manganganak, maski na ‘ko nasa ibabaw ng waswas ko’y,
babangon ako at uunahin kong asikasuhin ‘yung manganganak. Pero, pare, kumakain
pa raw! Hindi man lang pumasok at sinabi ro’n sa asawa na ang waswas ko’y nasa
labas at parang asong naghahanap ng mapapanganakan!
‘Mapapanganak na ‘ata ‘ko , Misis”, sabi raw ng asawa ko. “Baka di na ko umabot sa
ospital.”
Buti na lang at lumabas si Mr. Cajucom at nakita ang waswas ko. Naawa naman siguro
– o baka nisip na kargo de konsensiya niya kung mamamatay ang waswas ko sa labas
ng kanyang geyt – iniwan ni Mr. Cajucom ang pagkain at agad daw nagbihis, pinasakay
sa kotse ang waswas ko at isinugod sa ospital. Ang totoo, pare, nag-oopisina ang Mr.
Cojucom na ito. Hindi naman niya kailangan ihatid sa ospital ang waswas ko, kailangan
idaan lang niya sa ospital sa pagpasok niya sa opisina.
Eto na ang masakit, pare. Kung sa iyo nangyari ‘to e baka nakapatay ka ng tao.
Sasabihin ko muna sa ‘yo kung anong kotse meron ang Mr. Cojucom na ‘to, pare.
Mustang ‘yon, pare, erkondisyon at bago. Malalaman mo naman kung bago ang kotse
dahil sa plaka, di ba? Ang gara pare, kulay berde. Nakikita ko ang kotseng ‘yon pag
gumagala si Mr. Cajucom sa loob ng subdibisyon. Pare, kahit sa layong isang kilometro,
masasabi mong ang me are no’n e hindi basta-bastang tao. Maatik, ibig kong sabihin.
Eto na pare. Nang dumating na sila sa ospital, sabi ng waswas ko – sa ospital na
ginawa namin, pare – salubungan daw sa kanila ang mga nars at attendant. Akala
siguro, pare, misis ni Mr. Cajucom ang waswas ko.
Bumaba raw ng kotse ang waswas ko, sapo ang parang babagsak niyang tiyan, at sabi
raw ke Mr. Cajucom: “Salamat ho, Mr. Cajucom”, at no’n siguro nalaman ng mga
sumalubong na ang waswas ko’y nakiangkas lang sa kotse, “Sa pri ward lang ako”.
Pare, isa-isa raw tumalikod ang mga nars at attendants. Me natira namang isang nars,
na sabi raw sa waswas ko: “Titingnan ko ho kung me bakante, maghihintay muna kayo
ro’n”.
Maghintay muna raw, pare. Namimilipit na ang waswas ko sa sakit ng tiyan. maghintay
raw muna.
Naupo ang waswas ko sa lobi at naghihintay. At nakalimutan na siya pare. Sinabi kong
nakalimutan, pero ang dapat ‘atang sinabi ko’y hindi inintindi. Dahil beinte minutos pa
ang naka¬raan, sabi ng waswas ko, e hindi pa rin sumisipot ang nars na nagsabi sa
kanya na maghintay siya ro’n.
Malungkot, pare. Do’n na napanganak ang waswas ko, at ang pagkaguluhan siya ng
mga nars at doktor at isakay sa estretser at isugod sa elebeytor para dalhin sa
emerdiyensi rum. Eh huli na patay na ang bata. Bopol ako sa ingles pare, mahina ‘ko
riyan at wala ‘kong naiintindihan sa mga salitang ingles na sinabi nila na siyang dahilan
raw ng pagkamatay ng bata. Pero ang waswas ko pa rin ang pinaniniwalaan ko. Sabi
ng waswas ko’y namatay ang aking anak dahil bumagsak sa semento. Simpleng-
simple. pare. Bumagsak sa semento.
Nakita ko ang bata, pare. Nang gabing iyon ng sumugod ako sa ospital pagkagaling sa
bahay. Nakapagpapaalala, pare, sa isang kuting na nabalian ng leeg. Kuting, pare.
pusa. Napaiyak ako, pare.
Pare, mamamatay ba ang batang ‘yon kung halimbawang ang asawa ng waswas ko’y si
Mr. Cajucom? Kung halimbawang kame ang me are ng mustang?
At nangyari yon. Pare, sa ospital na ang mga kamay ko ang katulong na gumawa.
Masakit, pare!
Nang gabing ‘yon, sa priward, pare – iyak nang iyak ang waswas ko. Gusto raw niyang
maghabol. Hindi raw niya mapapaya¬gang mamatay ng gano’n na lang ang aming
anak. Sabi ko’y ano ang magagawa namin? Mapapalabas ba naming kasalanan ng
ospital kung nanganak siya sa paghihintay sa lobi? Pinaghintay naman siya. di ba? At
ang ospital e maraming pera sa husgado, kami’y wala. Inalo ko na lang waswas ko.
Pare, nagtawa pa ‘ko. Sabi ko’y gagawa uli kami ng beybi. Gagabigabihin namin, sabi
ko. Pero ngitngit ako, pare. Iyak ng iyak ang misis ko. Kawawa naman daw ang aming
anak.
Babae ang bata, pare.
Eto pa ang isa na talaga namang nakakaasar, pare. Kinabukasan ng gabing youn
sumugod ako sa ospital, kinuha ko ang patay na bata at ibinurol sa aming bahay.
Kinabukasa’y nagbalik ako para ilabas ang waswas ko. Ayaw ni Luding na magtagal
do’n, pare, at naiitindihan mo siguro kung bakit. Isa pa’y inaalala niya na baka lumaki
ang babayaran. At gano’n nga ang nangyari, pare. Nang pinaghahanda ko na ang
waswas ko sa paglabas, sinabi sa ‘kin ng isang nars na pumunta raw muna ako sa
kahero at babayaran ko ang dapat bayaran. Nagpunta naman ako. Pare, ang
pinababayaran sa ‘kin sa ospital, sa gamot daw at sa pagkain at sa kuwarto e dos
sientos beinte! Pare para ke pang naging pri- ward ‘to kung magbabayad din ako ng
ganitong kalaki? Halos naisigaw ko sa kahero. Hindi ngayo’t priward ang tinigilan ng
asawa mo e pri ward na lahat. Sabi naman ng kahero, pare. Gusto kong mandagok!
Ang dala kong pera’y sisenta pesos – ang beinte pesos ng sandaan ko’y ibinigay ko
nga ke Luding at ang iba’y di ko alam paano nagasta ibinayad ko yon sa kahero at
nangako ako – pumirma ako promissori not ‘ata ang tawag don’n – na bukas e
babayaran ko ang kakulangan. Dahil namatay ang bata, pumayag na rin ang ospital.
Saka ko pa lang nailabas ang waswas ko.
Ayokong maawa sa sarili, pare. Hindi raw dapat sa tao yang maawa ka sa sarili dahil
pag naawa ka sa sarili mo e maiingit at mamumuhi ka naman sa iba, na hindi raw
dapat. Pero nang gabing ‘yong nakaburol ang anak ko at patulo nang patulo ng luha
ang waswas ko e gano’n ang nararamdaman ko. Pare, ni walang umilaw sa patay ng
sanggol kundi dalawang kandila na inalagay namin ni Luding sa ulunan at paanan ng
kabaong. Hindi namin magawang makikabit ng koryente sa pinakamalapit na bahay sa
subdibisyon, dahil baka kami tanggihan at pumayag man ang bahay na ‘yon e
kailangang bumili rin kami ng kordon at iba pang gamit, na baka hindi na kaya ng bulsa
ko. Ang ibinayad namin sa ataul e inutang ko lang sa me ari ng bahay na aming
gingagawa, Me mga kasama ako sa trabaho at kaibigan na nag-abot sa ‘kin ng sampu,
lima, dalawa, pero iniukol ko ‘yon sa gagastusin sa libing at sa dapat ko pang bayaran
sa ospital. Awang-awa ako sa sarili, pare. Bale ba’y ni walang nagpunta sa bahay sa
dalawang gabing pag-kakaburol sa bata. Sabagay, mabuti na rin ‘yon dahil wala kang
malaking iintindihing pakakapehin at aalukin ng biskuwit. Pero sa mga nakatira ro’n e
hindi makidalamhati sa ‘yo kung me patay ka, makakaramdam ka ng sakit ng loob.
Maaawa ka sa sarili mo.
Kinabukasan namin inilibing ang bata. Pumalya uli ako sa trabaho. Dalawang araw na
‘kong pumapalaya sa trabaho at ikatlo ang araw na ‘yon. Nang umuwi kami nang
maggagabi na, pagkagaling sa libing, naupo ang waswas ko sa tabi ng bintana at
tumingin sa labas. Parang walang nakikita tumitingin lang sa labas. Ayaw magsalita,
pare. Para ‘lang mabubuwang, pare. Ang nanay niya’y ayaw ring magsalita at mahirap
namang kausapin dahil medyo engot nga at mahina ang tenga. Lumalabas ako, pare.
Nagpunta ako sa daraanan ng sasakyan na me tindahang nagbibili ng alak at pumasok
at nagbuwal ng isang bilog.
No’n ko naisip na magpunta sa ospital. Hindi na malinaw sa isip ko kung bakit nagpunta
ako ro’n sa ospital. Siguro’y no’n ko naisip na magbayad ng kulang ko – ng utang ko.
Siguro’y gusto ko ipakilala sa ospital na kahit na ‘ko mahirap, kahit hirap na hirap sa
buhay e me konti ako, ng tinatawag na dignidad at nakakakilala ako ng masama’t
mabuti at marunong akong magbayad ng utang ko – kahit sa kanila na pumatay ng
sanggol ko. Ewan ko, anu’t anuman, pare, nagpunta ‘ko sa ospital. Binayaran ko ang
utang ko. Ipinakilala kong marunong akong magbayad ng utang at nasiyahan ako ng
konti at sinira ko ang promisori not sa harap ng kahero, nang ibigay niya ‘yon sa ‘kin
nang magbabayad ‘ko.
Galing ako sa kahero, patungo na sa labasan ko, nang mapatingin ako sa palibot na
gaya ng nakaugalian ko sa ospital na ‘yon. Pare, siguro nga’y senglot ako, ang tingin ko
sa mga doktor at mga nars na nakikita ko’y nakatawang mga alamid na pumatay sa
batang inilibing ko at ang waswas kong nakatulala sa bahay at ang pangyayaring sa
mga susunod na araw e maaaring wala na kaming kakanin. Naramdaman kong gusto
kong manira, pare. Gusto kong sirain, wasakin ang bilding na ‘yon na lagi kong
ipinagmamalaking isa ‘ko sa mga gumawa.
Pumanhik ako sa ikalawang palapag. Me isang silid do’n na no’ng ginagawa pa lang
namin ang bilding e tinutulugan namin ng mga kasama kong peon. Ngayo’y pahingahan
‘yon ng mga dalaw at ng nars at doktor na napapagod sa trabaho. Pumasok ako ro’n at
umihi sa sopa. Inihian ko rin ang telebisyon na para sa bisita. Ang gusto ko lang e
Magdumi at manira, pero nang wala na ‘kong maiihi, naisip ko namang magwasak.
Nabuwang na nga ‘ko, pare. Ibinuwal ko ang mga kurtina. Siniliban ko rin ang mga
magasing naro’n at ang apoy e idinuldol ko sa lahat ng bagay maaring magdingas.
Naglagablab na ang silid nang lumabas ako. Isang attendant na lalaki and nakakita sa
‘kin. Nakita niya ang usok at apoy na lumalabas sa ilalim ng nakasarang pinto at
nahulaan ang ginawa ko. Tumakbo ako. Hinahabol niya ‘ko at sa ibaba inabutan. Pero
malaki na ang apoy, pare. Nagpalipat-lipat na ‘yon sa maraming silid.
Apat na atendant at guwardiya and gumulpe sa ‘kin pare, bago ako ibinigay sa les-pu.
Pero tersiya parte nga ng ospital ang nasunog ko.
Yosi pa, pare? Nadadalhan pa ‘ko ng yosi ng waswas ko, Ewan ko kung sa’n siya
kumuha ng ibinigay nito. Naghahanap buhay daw siya kahit pa’no pero di ako
nagtatanong kung ano ang hanapbuhay ‘yon. Wala siyang alam na trabaho pare. Paris
ko rin siyang bopol. Baka masaktan lang ang loob ko kung malalaman ko kung anong
hanapbuhay ‘yon kaya di ako nagtatanong.
Sige, pare, matulog na tayo. Mag-aalas diyes na siguro. Dito sa ob-lo, pare, lalo na sa
gabi, kailangan hulaan mo lang ang oras. Kasi nga’y walang me relo dito. Ni hindi mo
naman masilip ang langit sa labas mahulaan mo sa ayos ng mga bituin, kung anong
oras na nga. Wala kang masisilip dito kundi pader at rehas. Ewan ko naman kung me
langit nga sa labas. Hindi na ‘ko bilib sa langit, pare. Matagal na ‘kong kinalimutan ng
Diyos.