100% found this document useful (1 vote)
2K views13 pages

Pasalindila

Ang dokumento ay naglalaman ng tatlong alamat mula sa Mindanao tungkol sa pagkakalikha ng perlas, pagkakatatag ng pangalan ng Mindanao at tungkol sa mga supernatural na nilikha sa Bundok Pinto.

Uploaded by

Hasmera Pacio
Copyright
© © All Rights Reserved
Available Formats
Download as DOCX, PDF, TXT or read online on Scribd
Download as docx, pdf, or txt
100% found this document useful (1 vote)
2K views13 pages

Pasalindila

Ang dokumento ay naglalaman ng tatlong alamat mula sa Mindanao tungkol sa pagkakalikha ng perlas, pagkakatatag ng pangalan ng Mindanao at tungkol sa mga supernatural na nilikha sa Bundok Pinto.

Uploaded by

Hasmera Pacio
Copyright
© © All Rights Reserved
Available Formats
Download as DOCX, PDF, TXT or read online on Scribd
Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1/ 13

HASMERA M.

PACIO MAED-FILIPINO

MGA HALIMBAWA NG PASALINDILA

1. ALAMAT NG PERLAS SA MINDANAO


Isang binatang mangingisda ang nagkaroon ng kasintahang dalagang Muslim sa isang
pook sa Mindanao noong unang panahon. Ang magkasintaha’y nagsumpaang pakakasal pagsapit
nila sa ika-dalawampu’t isang taon. Limang taon pa silang maghihintay. Tuwing sila’y mag-
uusap, ipinaaalala ng isa’t isa na huwag makalimot sa sumpaan. Laging nangangako ang binata
na ang dalaga lamang ang tanging pakaiibigin. “Pinakamamahal kita Leoniza,” ang magiliw na
sabi ng binata. “Ikaw lamang ang babaing iibigin ko habang buhay. Gugustuhin ko pa ang
kamatayan kung hindi rin lamang ikaw ang aking magiging kapalaran.” “Salamat, mahal ko,”
natutuwang tugon ni Leoniza. “Napaka-dakila ng iyong pag-ibig. Sana’y palarin ka sa iyong
paghahanap-buhay upang makapag-impok tayo para sa ating pag-iisang-dibdib. Huwag ka
sanang magpapabaya sa iyong kalusugan. Mag-ingat ka sa iyong paglalayag,” dugtong pa.
“Maraming salamat, mahal ko, sa iyong mga paalaala,” tugon ng binata, sabay paalam.
Laging nagsusunuran at waiang pagkukulang ang magkasintahan sa isa’t-isa. Kapuwa
sila tapat sa sumpa. Walang madilim na panginorin sa kanilang pag-ibig. Laging bukang-
liwayway. Walang pagmamaliw ang kanilang pagtitinginan. Subali’t mapagbiro ang tadhana.
Biglang nawala ang binata at hindi na napakita sa kanyang kasintahan. Parang mababaliw si
Leoniza. Araw at gabi’y nasa daungan upang magba-sakaling magkita sila ng kanyang
minamahal. Umulan at umaraw ay nananatili siyang nag-aabang sa daungan, hanggang sa iluwal
sa maliwanag ang bunga ng kanilang pagkakasala. Naging tulala ang dalaga. Sa tuwina’y
nakatayong walang kibo na animo’y isang rebulto. Walang katinag-tinag na napako ang paningin
sa laot ng dagat. Minsa’y maluha, minsa’y humahalakhak. Dumating ang saglit na hindi sukat
asahan. Siya’y naging isang taong-bato. Diumano, isang araw ay nakita ng mga nagmamasid na
lumuluha ng perlas ang taong-bato. Biglang lumaganap ang balita. Ang taong-bato ay dinumog
ng mga tao upang sila’y manlimot ng perlas.
Isang inang dukha ang nagtiyagang naghintay ng iluluhang perlas. Kasama niya ang anak
na pipituhing taong gulang. Yumakap sa rebulto ang ina’t nagmakaawa, “Bigyan mo kami ng
iyong perlas.” Nang ang ina ay bumitaw sa pagkakayakap sa rebulto ay hindi niya makita ang
kanyang anak. Hanap dini, hanap doon. Inabot ng dilim ang ina sa paghahanap subali’t nawalan
ng saysay. Nang magsawa ang bata sa paglalaro sa may dalampasigan, saka pa niya naalaala ang
kanyang ina. Kanyang pinagbalikan at tinalunton ang kinaroroonan ng taong-bato. Hindi niya
naratnan doon ang kanyang ina.
“Inay, inay, narito ako…! Saan ka naroon?” ang sigaw ng bata, tuloy yakap sa paanan ng rebulto.
Naantig ang damdamin ng taong-bato. Kanyang naalaala ang kanyang yumaong anak. Ang
kanyang mga mata’y dinaluyan ng masaganang luha.
Kinabukasan, ang ina ay nagbalik sa lunan ng taong-bato. Natuklasan niyang nagkalat
ang mga perlas sa paligid ng rebulto. Siya’y nanlimot ng perlas. Kinamaya-maya’y dumating ang
nawalay na anak. “Saan ka nanggaling? Kahapon pa kita hinahanap! Hanggang ngayon ikaw ay
aking hihintay!” “Ako po’y nanlimot ng kabibi. Nagbalik po ako sa rebulto, ngunit kayo’y wala
na roon!” “Bakit hindi ka umuwi sa atin?” “Hindi ko alam ang daan sa pag-uwi. Sa bahay po ng
kaibigan ko ako natulog. Ako’y kanyang ipinagsama nang makitang iyak kayo nang iyak!”
“Tulungan mo akong manlimot ng perlas. Pagkatapos ay uuwi na tayo.”
Nang malaunan ang kinatatayuan ng taong-bato ay nakarating ng talpukan ng alon. Ang
rebulto ay tinangay ng alon. Ito’y napalaot sa pusod ng dagat hanggang sa nawala. Ang luha ng
dalagang nabigo sa pag-ibig ang pinagmulan ng maraming perlas sa dagat ng Mindanao.

2. ANG ALAMAT NG MINDANAO


Si Sultan Kumpit ay isa sa mga naging pinuno ng isang malaking pulo. Siya ay matalino
nguni't ang mga Muslim ay takot sa kanya dahil sa siya raw ay masungit. Ang sultan ay may
kaisa-isang anak na dalaga. Ang pangalan niya ay Minda. Si Minda ay ubod ng ganda. Dahil sa
kagandahan ng prinsesa ay marami ang nanliligaw dito. Kabilang na ang mga sultan, raha, datu
at prinsipe ng iba't ibang pulo. Bawat manliligaw ni Prinsesa Minda ay may kani-kaniyang
katangian kung kaya't nagpasiyang magbigay ng tatlong pagsubok si Sultan Kumpit. Ang
mananalo sa tatlong pagsubok na ito ang siyang mapalad na makaka-isang dibdib ng kanyang
anak.
Ang unang pagsubok ay kung sino ang makapagsasabi ng kasaysayan ng kanyang angkan
hanggang sa ikasampung salin nito. Ang ibig sabihin nito ay kung sino at ano ang naging buhay
ng ama, nuno, ama ng nuno, nuno ng nuno at mga kanunununuan hanggang sa ikasampung salin.
Ang ikalawang pagsubok naman ay kinakailangang malagpasan ang kayamana ng hari upang
maging daan patungo sa ikatlong pagsubok. Nguni't ang higit na mayaman ang siyang
magmamay-ari ng kayamanang natalo. Marami ang nakipagsapalaran at natalo sa unang
pagsubok. Isa na rin ang kilalang si Prinsipe Kinang. Siya ay nakapasa sa unang pagsubok
nguni't natalo sa ikalawang pagsubok sapagkat ang kanyang tatlong tiklis na ginto ay nahigitan
ng apat natiklis na ginto ng hari. Lalong yumaman si Sultan Kumpit. Alam ng lahat na marami
pang ginto si Sultan Kumpit at ngayon nga ay nadagdagan pa ng tatlong tiklis na tinalo kay
Prinsipe Kinang.
Isang matalinong prinsipe ang nais na sumubok. Ngunit bago niya ito gawin ay nag-isip
siyang ma buti kung papaano niya matatalo ang kayamanan ng Sultan. Nanghiram siya ng ginto
sa kanyang mga kaibigang maharlika hanggang sa makatipon siya ng labintatlong tiklis ng ginto.
Nagbihis at nag-ayos ng buong kakisigan si Prinsipe Lanao. Una niyang nakausap si Prinsesa
Minda. Sa unang pagkikita pa lamang ay sumang-ayon agad ang prinsesa sa binatang prinsipe.
Lihim na natuwa ang puso ni Prinsipe Lanao sapagkat nasiguro niyang may pagtingin din sa
kanya Prinsesa. "O, ano ang masasabi mo sa iyong angkan?" ang unang pagsubok ng sultan kay
Lanao. Mabilis na isinalaysay ni Lanao ang kanyang lahi ngunit muntik na itong mabuko sa
ikasampung salin. Nakaisip siya ng pangalan at nag-imbanto ng kagitingan nito. Laking
pasasalamat niya nang siya ay makapasa sa unang pagsubok. Sa ikalawang pagsubok ay, "Ilang
tiklis na ginto ang dala mo, Mayroon akong pito, iyon ba ay iyong mahihigitan? ang
pagmamalaking tanong ng sultan. "Mayroon akong labintatlong tiklis ng ginto rito ngayon
nguni't kung kulang pa ito ay handa akong, ilabas ang mga nakatago pa sa aming kaharian," ang
tugon ni Prinsipe Lanao. "Hindi na bale, iyo na ang pitong tiklis ko. Ganito naman ang ikatlong
pagsubok. Ikaw ay tutulay sa isang lubid sa may malalim na bangin. Pag ito'y nagawa mo ay
ikakasal kayo ng aking mahal na prinsesa sa pagbibilog ng buwan," ang sabi ng sultan. "Ang
ikatlong pagsubok ay kinabukasan na natin itutuloy."
Umalis si Lanao napunong-puno ng pag-asa. Nagsanay siyang tumulay sa baging na
sampayan. Ngunit lingid sa kanya ay may masama palang balak ang sultan sa pagtulay niya sa
lubid. Natunugan ito ni Minda at laki ng kanyang pag-ibig sa binata ay gumawa siya ng paraan.
Inutusan niya ang kanyang katulong na putulin ang matibay at manipis na sinulid na nakakabit sa
tulay na tatawiran ni Lanao. Ang sinulid palang ito ay hahatakin upang malaglag sa bangin si
Lanao. Mabilis na natupad ang ipinag-utos ni Minda sa kanyang katulong. Kinabukasan ay
maluwalhating nakatawid si Lanao sa lubid at ang kanilang kasal ni Prinsesa Minda ay naganap.
Namuno ang mag-asawa sa kaharian ni Sultan Kumpit. Dahil sa kabaitan ay napamahal sa mga
tao ang dalawa kaya't ang malaking pulong iyon ay pinangalanang Minda-Lanao na di nagtagal
ay naging "Mindanao."
3. ANG ALAMAT NG BUNDOK PINTO
Labis na nakamamangha at napakahiwaga ang tungkol sa yungib. Ito ay pinanirahan ng
mga supernatural na nilikha tulad ng mga diwata at reyna na pinaniniwalaang lumitaw nuong
unang panahon. Sila ang pinaniniwalaang magagandang nilikha ng diyos na may napakaraming
aria-arian tulad ng iba’t ibang uri ng mga alahas. Mayroon din silang mga bagay-bagay na yari sa
tanso tulad ng mga agong (gongs), mga kulintang, mga gandingan at iba pang mga bagay-bagay
na may kaugnayan o kabilang sa kumpletong mga instrumentong musikal na yari sa tanso.
Ang mga sinaunang nanirahan sa nayon ay maingat na nagmatyag at malapitang
sinaksihan ang mga pambihirang gawi at mga kakatwang gawain ng mga kakaibang naninirahan
sa yungib. Napuna ng mga taga-nayon na tuwing maaliwalas na mga gabi ay nagkakaroon ng
pambihirang kasayahan sa bundok. Ang malamyos na musikang likha ng mga instrumentong
musikal ay maririnig mula sa bunganga ng yungib. Mapagkikilalang ang musika ay likha ng
kagamitang musikal na yagi sa tanso. Sa katahimikan ng gabi, ang musikang nagmumula sa
bundok Pinto ay nakapagdudulot ng tunay na kasiyahan at kaligayahan sa mga naninirahan
malapit sa bundok. Ang gayong kakaiba at kamangha-manghang nakaaaliw at masasayang
pangyayari ay nagtagal at nagpatuloy ng maraming mga taon.
May pagkakataon pang ang ilang malalakas ang loob na lalaki ay di pa nasiyahan sa
pakikinig lamang ng nakaaaliw na matamis at masarap pakinggang tugtuging idinudulot sa mga
tao ng mga supernatural na nilikha. Isang gabi, tatlong mapangahas na lalaki ang sumubok na
lumapit sa yungib ng bundok. Sila’y dahan-dahan at tahimik na gumapang hanggang sa
makarating sa pinakamainam na lugar malapit sa bunganga ng yungib at doo’y nagkubli ng ilang
sandali. Ano ang kanilang nakita? Sila’y buong kapanabikang nangabigla nang makita ang mga
kaibig-ibig tingnang mga nilalang na tumutugtug gamit ang mga intrumentong musikal na yari sa
magagaang kawayan na makinis ang pagkayari. Sa pinakaloob na bahagi ng yungib, ang ibang
mga reyna ay buong kasiyahang tumutugtog gamit ang mga kulintang, agong, gandingan at iba
pang mga instrumento. Nang maramdaman nilang may mga tao sa di kalayuan, kaagad silang
napatugil sa pagtugtog. Madali nilang na lamang may tao sa paligid dahil sa kanilang matalas na
pang-amoy.
Ang mayuyumi, magaganda at kabigha-bighaning mga nakababatang diwata at reyna ay
biglang naglaho. Nahintakutan sila sa pagdating ng mga tatlong kalalakihan. Ang mga
nakatatandang mga diwata at reyna lamang ang nanatili roon ngunit di kumikibo at nakamasid
lamang. Naumid naman ang tatlong lalaki at di malaman ang sasabihin ng makita nang harapan
ang mga mga kabigha-bighaning nilalang.

4. NAGING SULTAN SI PILANDOK


Si Pilandok ay nahatulang makulong sa hawlang bakal at ipatapon sa dagat. Nagkasala di
umano sa kasalanang di nya ginawa. Pagkalipas ng ilang araw, ang Sultan ng kanilang lugar ay
nagulat nang makita si Pilandok. Ang Sultan ay magara ang suot. Nakasukbit pa ang gintong
tabak nito.
"Hindi ba't ipinatapon na kita sa dagat?" saad ng nagtatakang Sultan. "Opo mahal na
Sultan" tugon naman ni Pilandok. "Kung gayon, paanong nangyari na ikaw ay nasa aking
harapan? dapat ay patay ka na ngayon" saad naman ng Sultan.
Ipinaliwanag ni Pilandok na di sya namatay sapagkat nakita nya di umano ang mga
ninuno sa ilalim nang dagat at siya ay binigyan ng kayamanan. "Marahil ay nasisiraan kana ng
bait" saad muli ng Sultan. "Kasinungalingan po iyan mahal na Sultan! Ako na ikinulong sa hawla
at ipinatapon sa dagat ay muling naririto. May kaharian po sa ilalim ng dagat ngunit ang tanging
pagpunta roon ay ang pagkulong sa hawla at magpatapon sa gitna ng dagat" mariing saad ni
Pilandok.
Nagpasyang umalis na si Pilandok at sinabing hinihintay na ng mga kamag anak Ngunit
di pa nakakalayo ay pinigilan ito ng Sultan. Sinabing gusto rin nitong magtungo sa gitna ng
dagat upang makita ang mga ninuno. Pumayag naman si Pilandok at napagkasunduan nila ng
Sultan na sya na muna ang mamumuno habang wala ito. Pagdating nila sa gitna ng dagat ay
inihagis ni Pilandok sa gitna nang dagat ang Sultan na nasa loob ng hawla. Kaagad na lumubog
ang hawla at namatay ang Sultan.
Mula noon, si Pilandok na ang naging Sultan.
5. ALAMAT NG TANDANG
Noong unang panahon, ang sansinukob ay nasa pangangalaga ni Sidapa. Siya ang
kilalang "Bathala ng Digmaan" na nangangalaga ng kapayapaan sa sangkatauhan. Batid ni
Sidapa na nasa pakikipagkaibigan ng mga pinuno ang susi para hindi magkaroon ng hidwaan ang
bawat pamayanan.
Bago pa lang sumikat ang araw ay buong sigla ng kinakapanayam ng Bathala ang
napakaraming punong tagapamahala ng bawat barangay na nakapila sa kanyang bulwagan. Si
Sidapa ang nagsisilbing tagapayo ng mga ito upang mapanatili ang kapayapaan sa lahat dako.
Sinisikap niyang paigtingin ang pagmamahal at pakikipagkaibigan sa puso ng bawat isa. May
mga datung hindi kaagad nakakasangguni sa Bathalang si Sidapa. Kapag nangyayari ang ganito,
nauuwi sa alitan at digmaan karakaraka ang mga baranggay, dahil na rin sa sigalot sa pagitan ng
mga pinuno nito. At lubos na nalulungkot ang Bathala kapag may nasusugatan o namamatay
sanhi ng labanan.
Matutulis na sibat at matatalim na itak ang karaniwang panlaban ng mga mandirigma.
Nakakikilabot at nakakadurog ng puso kung paanong nakikitlan ng buhay ang bawat mandirigma
sa labanan. Naniniwala si Sidapa na hindi dapat naghahari ang poot sa puso ninuman.
Naniniwala siyang kapag may digmaan ay walang pag-iibigan. At kung maghahari ang pag-
iibigan ay mawawalan ng digmaan. Labis-labis ang kaligayahan ni Sidapa kapag napagkakaisa at
napagkakasundo niya ang nagkakahidwaang mga raha at datu. Nasisiyahan siyang pagmasdan
kapag sila'y nagbibigayan ng respeto sa isa't isa. Pangarap niyang mapalaganap ng lubos ang
kapayapaan. Sa dami ng mamamayan, datu at mga barangay sa sangkatauhan, at sa dami rin ng
problemang inihahain kay Sidapa, kailangang may nagpapaalala sa kanya sa tuwi-tuwina.
Kailangan din na may taga-gising sya sa madaling araw bilang hudyat na nagsisidating na ang
mga datung maghahain ng kani-kanilang problema.
Isa sa mga sundalo ng Bathala ang nagprisintang maging tagapagpa-alala ng oras.
Ipinagkatiwala sa kanya ni Sidapa ang obligasyong maging tagapagpaalala kung oras na para
humarap sa ilang bisita, o di kaya'y oras na para tapusin ang isang pulong, o oras na upang
magbigay ng desisyon sa isang problema, o oras na para unahin ang dapat na mauna. Subalit ang
pinakamahalaga para kay Sidapa ay ang paggising nang napakaaga. Nang unang mga linggo ay
laging napakaagang gumising ng Sundalong Orasan. At upang lalo pang ganahan sa trabaho ay
binibigyan pa sya ng Bathala ng karagdagang biyaya gaya ng pilak, damit at masaganang
pagkain para sa kanyang pamilya. Lubos ang katuwaan ng Sundalong Orasan pero mahina itong
manindigan. Kapag napapa-kwento na sya sa kapwa sundalo ay bahagya na syang nahuhuli sa
paggising kay Sidapa.
Lubhang mapagpasensya ang Bathala. Paulit-ulit na nangyari ang ganoon. Tinawag nya
ito upang paalalahan. Nangako naman ang Sundalong Orasan na aayusin na nya ang kanyang
trabaho. Ngunit muli ay natangay ang Sundalong Orasan sa pakikipagkwentuhan at naging
dahilan ito upang makainom sya ng hindi lang isa,dalawa, o tatlong kopita ng alak. Nalasing ang
Sundalong Orasan at nadulas pa itong maikwento sa ilang kawal ng naglalabang mga tribo ang
mga sikretong pandigmaang di dapat maipaalam sa mga ito.
Galit na galit si Sidapa. Maraming hindi pagkakaunawaan ang naganap dahil hindi sya
ginising ng madaling araw ng kanyang Sundalong Orasan. Dahil dito ay natuloy ang isang
madugong digmaan sa pagitan ng dalawang malalaking hukbo. Ipinatawag ni Sidapa ang
Sundalong Orasan. Humarap ito sa kanya na lasing pa at halatang hindi pa nahihimasmasan.
"Ikaw ang dahilan ng madugong digmaan na pinipilit kong hindi maisakatuparan."
Nagulantang ang diwa ng Sundalong Orasan ng makita ang nangangalit na mukha ng Bathala.
Saka lamang sya natauhan."Pa...patawad po, Bathalang Sidapa." "Pinagbigyan kita ng ilang ulit!
Nangyari ang lahat nang dahil sa iyong kapabayaan. Wala kang utang na loob. Ang obligasyon
mo ay hindi mo pinahalagahan. Ang mga lihim ng pandirigmaan at pangkapayapaan ay
isiniwalat mo ng ganoon na lamang. Bilang iyong kaparusahan, ikaw ay magiging isang hayop
na walang gagawin kundi gisingin ang lahat tuwing nagmamadaling araw. Tanda iyan ng iyong
kapabayaan."
At sa isang kisapmata, ang Sundalong Orasan ay unti-unting lumiit at nagkabalahibo sa
buong katawan. Naging pakpak ang mga kamay at nagkatahid ang mga paa. At nais pa sana
niyang magmakaawa kay Sidapa subalit huli na ang lahat. Hindi na sya makabigkas ng salita at
sa halip ay tumilaok itong napakalakas na animo'y nagpapa-alala sa lahat. Labis ang lungkot ng
Bathalang Sidapa sa mga pangyayari. At dahil na rin sa sama ng loob sa sangkatauhan ay hindi
na sya nakisalamuha sa karamihan. Nilisan nya ang lahat ng walang paalam.
Umalingawngaw ang tinig ng Bathalang Sidapa.
"Tanda iyan ng iyong kapabayaan!"
"Tandaan mo ang iyong kapabayaan."
"Tandaan mo."
At sa sobrang kahihiyan, ang sundalong orasan ay hindi na nagpabaya
kailanman.Tinawag na rin syang Tandang. Tumitilaok sya sa madaling araw at ginigising ang
sandaigdigan. Kasabay nito ay pinipilit din nyang hingin ang kapatawaran ng Bathalang si
Sidapa. Kung kaya sa tuwing tumitilaok ang Tandang ay nakatingala ito sa kalangitan.
Ito ang maalamat na kwento ng Tandang.
Aral sa Kwento:
Ang alak ay walang maidudulot na kabutihan kaninuman.
HASMERA M. PACIO MAED-FILIPINO

MGA HALIMBAWA NG PASALINSULAT

1. Tuwaang
(Epiko ng mga Bagobo)
Ang Tuwaang, epiko ng mga Bagobo, ay isang mahabang tula na nagsasalaysay ng mga
kabayanihan ni Tuwaang. Si Tuwaang ay siyang puno ng Kuaman. Balita siya sa katapangan,
lakas at kakisigan. Isang araw tumanggap si Tuwaang ng balita na may isang dilag na nagmula
sa kalangitan ng Buhong na nakarating sa kaharian ni Batooy upang humingi ng tulong.
Tinawagan ni Batooy si Tuwaang. Nagpaalam si Tuwaang sa kapatid niyang babae na
kinagigiliwan iyong tawaging Bai, ibig niyang tulungan ang nasabing dalaga. Ayaw mang
pumayag ni Bai sapagkat ang gagawin ni Tuwaang ay lubhang mapanganib, hindi rin napigil si
Tuwaang sa gagawin niyang pagsaklolo. Sumakay si Tuwaang sa kidlat. Ang karaniwan niyang
sasakyan ay hangin. Ngunit sa pagkakataong ito'y humingi siya ng pasintabi sa hangin na hindi
ito ang gamiting sasakyan sapagkat siya'y nagmamadali.
Dumaan muna si Tuwaang sa lupain ng Binata ng Pangavukad. Dinulutan si Tuwaang ng
itso (ikmo at bunga). Ang pagdudulot ng itso sa panauhin ay kaugalian ng mga Muslim.
Pumunta si Tuwaang at ang Binata ng Pangavukad sa lupain ni Batooy. Pagdating nila roon,
dahil sa kagandahang lalaki ni Tuwaang ay halos hinimatay ang mga tao sa laki ng paghanga sa
binata ng Kuaman. Pumanhik si Tuwaang at sa laki ng pagod dahil sa paglalakbay ay nakatulog
siya sa pagkakaupo sa tabi ng dalagang may lambong ng kadiliman, ang dalaga ng Buhong.
Nang magising si Tuwaang, dinulutan ang dalawa ng itso at sila'y ngumanga. Mula pa ng
dumating sa lupain ni Batooy ay walang nais kausapin ang dalagang may lambong ng kadiliman.
Hinintay niya si Tuwaang upang dito sabihin ang kanyang malaking suliranin. Nagkagusto ang
binata ng Pangumanon sa dalaga. Malaki naman ang pag-ayaw ng dalaga, subalit nais kunin ng
Binata ng Pangumanon ang dalaga sa dahas. Kaya napilitan siyang humingi ng saklolo kay
Tuwaang at kay Batooy.
Hindi pa gaanong natatagalan ang pag-uusap ni Tuwaang at ng dalaga ng Buhong ay
dumating naman ang Binata ng Pangumanon. Walang taros na pinagtataga ng Binata ng
Pangumanon ang tauhan ni Batooy. Para lamang tumatabas ng puno sa isang tubuhan at sa ilang
saglit nakabulagta nang lahat ang mga kawal at tauhan ni Batooy. Nanaog si Tuwaang at
nagharap ang dalawang malakas at makapangyarihang lalaki. Ginamit ni Tuwaang ang kanyang
kampilan. Sa lakas ng pagtatagaan ay naputol ito. Itinapon ni Tuwaang ang puluhan nito at
kaagad na tumulong ang punong malivutu. Gayon din ang nangyari sa binata ng Pangumanon.
Ginamit naman ni Tuwaang ang iba pang sandata niyang palihuma, gayon din ang balaraw
hanggang nabali rin sa puluhan ang mga ito. At sabay na nagtapon ng baling puluhan ang
dalawa at ito'y naging punong maunlapay. Nang magkaubusan na sila ng mga armas,
sinunggaban ng Binata ng Pangumanon si Tuwaang at ibig durugin sa kanyang binti. Hindi
nasaktan si Tuwaang.
Sinunggaban naman ni Tuwaang ang Binata ng Pangumanon at tinangkang ihampas sa
malaking bato. Nang sasayad na ang katawan, ang bato ay naging alabok. Tinawagan ng Binata
ng Pangumanon ang kanyang patung. Ito'y isang dangkal na bakal na ipinulupot kay Tuwaang.
Ang patung ay bumuga ng apoy. Inunat ni Tuwaang ang kamay at namatay ang apoy.
Tinawagan naman ni Tuwaang ang kanyang patung at nagliyab ang binata ng Pangumanon at
namatay.
Ngumanga si Tuwaang at ibinuga ang tabug ng nganga sa mga tauhan ni Batooy at sila'y
nabuhay na lahat. Iniuwi ni Tuwaang ang dalaga sa Kuaman. Pagdating nila sa Kuaman ay may
ligalig na nagaganap. Pagkatapos na magapi ni Tuwaang ang kalaban, minabuti niyang doon na
sila sa bayan ng Katu-san manirahang lahat. Inilulan ni Tuwaang sa sinalimba, isang ginituang
sasakyang lumilipad ang lahat niyang tauhan. Pinasan ni Tuwaang sa magkabila niyang balikat
ang dalagang Buhong at ang kapatid na si Bai at pumunta rin sila sa Katu-san, ang lupaing
walang kamatayan.

2. Ang Magkapatid
(Parabula / Parable)
Minsan may magkapatid na naninirahan sa isang bayan. Ang isa ay mayaman. At ang
isa naman ay mahirap na walang ibang pinagkakabuhayan kundi ang pagtatanim ng kalabasa.
Isang araw, namunga ng isang kakaibang kalabasa ang kanyang pananim. Isang kalabasang may
pambihirang laki! Hindi alam ng lalaki ang kanyang gagawin sa dambuhalang kalabasa.
Naisin man niyang kainin ito, ngunit napakalaki at tiyak na maraming masasayang.
Kung mag-iimbita siya ng mga bisita para kumain sa kalabasa ay manghihinawa lang ang mga
iyon. Kung dadalhin naman niya sa palengke upang ibenta ay hindi rin maaari. Walang
sasakyang maaaring magdala sa ganito kalaking kalabasa. At hindi rin magiging sapat ang kita
para makabawi sa gagamiting transportasyon patungo sa palengke.
Naisip ng taong ito na iregalo na lamang sa hari ang dambuhalang kalabasa. At ganoon
nga ang kanyang ginawa. Laking tuwa ng hari. Dahil noon lamang ito nakakita ng ganoong
kalaking kalabasa. Isa itong kamangha-manghang bagay. Tiyak na magiging pangunahing pang-
akit ito sa ating kaharian! At dahil sa kasiyahan ng hari, binigyan nito ng ginto at mamahaling
bato ang taong nagbigay ng regalo. Tuwang-tuwa siya at kaagad nagtungo sa kanyang kapatid
upang isalaysay ang nangyari. Hindi makapaniwala ang kanyang mayaman na kapatid.
Gayunpaman, naisip ng mayamang kapatid na kung ang hari ay natuwa sa walang
kuwentang kalabasa, tiyak na mas ikagagalak nito kung reregaluhan niya ng mas mahalagang
bagay tulad ng mamahaling kasuotan at magagandang alahas. Kaya’t ganoon nga ang ginawa ng
mayamang kapatid. Niregaluhan niya ang hari ng mga magagandang kasuotan at magagandang
alahas. Lubos namang natuwa ang hari. Ang sabi niya, Ang mga ganitong pambihirang regalo
ay dapat lang suklian ng pambihirang regalo.
Natuwa ang mayamang kapatid. Batid na niyang saku-sakong ginto ang ireregalo sa
kanya. Ngunit sa kanyang kabiglaanan, ang ipinagkaloob sa kanya ng hari ay ang
pinakamahalagang bagay sa palasyo noong mga sandaling iyon.
At iyon ay walang iba kundi ang dambuhalang kalabasang nagmula sa kanyang kapatid.

3. Agyu
(Epiko ng Ilianon)
Ang mga bayaning sina Banlak, Agyu, at Kuyasu ay nakatira sa bayan ng Ayuman. Sa
tradisyong Ilianon sila’y magkakapatid na anak ni Pamulaw. Si Agyu ay may apat na kapatid na
babae, ngunit sina Yambungon at Ikawangon lamang ang binanggit sa epiko. Isang araw
nagpadala si Agyu sa datung Moro ng siyam na komu-buu-buong pagkit sa pamamagitan nina
Kuyasu at Banlak. Nagalit ang datung Moro dahil kakaunti ang pagkit pambayad, kaya’t
kanyang ibinalibag ang pagkit kay Kuyasu na tumama sa may ulser. Gumanti si Kuyasu at
kanyang sinibat ang datu na tinamaan sa dibdib. Nahulaan ni Agyu na magkakagiyera dahil
napatay ang datu. Nagtungo sila sa Ilian at ipinasiya ni Agyu na magtayo ng kuta sa bundok ng
Ilian. Ang mga mandirigmang Morong nagdaan sa Ilog Palangi ay dumating at nakita ang
kutang ginawa ng mga Ilianon. Nakipaglaban sina Agyu sa mga Moro at halos naubos ang mga
kaaway.
Pagkatapos ng tagumpay, ipinasya ni Agyu na lumipat sa bayan. Pinili niya ang bundok
ng Pinamatun. Hanggang narating nila ang bayang Tigyandang at dito sila sinalakay. Lumaban
ang mga tauhan ni Agyu sa pampangin ng look ng Linayagon. Nang sila’y naubusan ng tauhan,
ang batang anak ni Agyu na si Tanagyaw ay nagprisintang sasagupa sa mga kaaway. Napatay
niyang lahat ang kalaban nang ikaapat na araw. Narating ni Tanagyaw ang bayang Bablayon.
Nanghihilakbot ang mga tao rito at nang malaman niyang lulusubin sila ng mga kaaway o
mananakop nanlaban at napatay ni Tanagyaw ang mga mananakop. Dahil dito ay ipinakasal ng
datu ang kanyang anak kay Tanagyaw.
Di nagluwa’t ang bayan ni Agyu ay nanganib din sa mga mananakop na galing sa
ibayong dagat. Ang mga lalaki, bata at matanda ay sinabihang lumaban ngunit sila’y natalo.
Hinulaan ng propeta ang malagim nilang wakas ngunit sinalungat at pinarusahan siya ni
Tanagyaw. Nagbihis siya ng sampung suson makasiyam ang kapal at dinampot ang kanyang
sibat at kalasag na hindi nasisira. Nilabanan niya ang mga mananakop sa dalampasigan.
Naghambalong ang mga patay, patung-patong, na parang bundok at burol.
Itinalaga ni Agyu ang bayan sa kanyang matagumpay na anak na nanirahan doon kasama
ang kanyang kaakit-akit na asawa.

4. Sa Kabataang Pilipino (Tula)

Itaas ang iyong noong aliwalas


ngayon, Kabataan ng aking pangarap!
ang aking talino na tanging liwanag
ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas!

Ikaw ay lumitaw, O Katalinuhan


magitang na diwang puno sa isipan
mga puso nami'y sa iyo'y naghihintay
at dalhin mo roon sa kaitaasan.

Bumaba kang taglay ang kagiliw-giliw


na mga silahis ng agham at sining
mga Kabataan, hayo na't lagutin
ang gapos ng iyong diwa at damdamin.

Masdan ang putong na lubhang makinang


sa gitna ng dilim ay matitigan
maalam na kamay, may dakilang alay
sa nagdurusa mong bayang minamahal.

Ikaw na may bagwis ng pakpak na nais


kagyat na lumipad sa tuktok ng langit
paghanapin mo ang malambing na tinig
doon sa Olimpo'y pawang nagsisikap.
Ikaw na ang himig ay lalong mairog
Tulad ni Pilomel na sa luha'y gamot
at mabisang lunas sa dusa't himuntok
ng puso at diwang sakbibi ng lungkot

Ikaw, na ang diwa'y makapangyarihan


matigas na bato'y mabibigyang-buhay
mapagbabago mo alaalang taglay
sa iyo'y nagiging walang kamatayan.

Ikaw, na may diwang inibig ni Apeles


sa wika inamo ni Pebong kay rikit
sa isang kaputol na lonang maliit
ginuhit ang ganda at kulay ng langit.

Humayo ka ngayon, papagningasin mo


ang alab ng iyong isip at talino
maganda mong ngala'y ikalat sa mundo
at ipagsigawan ang dangal ng tao.

Araw na dakila ng ligaya't galak


magsaya ka ngayon, mutyang Pilipinas
purihin ang bayang sa iyo'y lumingap
at siyang nag-akay sa mabuting palad.

5. Si Mariang Sinukuan (Mito)


Si Mariáng Sinukúan ay isang napakaganda at mabait na diwata na pinaniniwalaang
naninirahan sa Bundók Aráyat. Sukô ang pinaikling tawag sa kaniya ng mga tao, bukod sa ito rin
ang nagiging tawag sa bundok. Alinsunod sa alamat ng mga bayan sa paligid ng bundok, si
Mariang Sinukuan ang nangangalaga sa mga halaman, hayop, at kaligiran. Nahihingan din siyá
ng tulong ng mga tao upang makaligtas sa bagyo at peste ang kanilang pananim. Dinadalaw din
niya ang mga maysakit at binibigyan ng lunas.
Sa mga bayan sa Bulacan at Nueva Ecija, sinasangguni ng mga magsasaka tuwing
umaga ang bundok. Kapag maaliwalas ang tuktok ng bundok, nangangahulugang aaraw
maghápon. Ngunit kapag may “pútong si Sukô,” ibig sabihin, may maitim na ulap sa tuktok ng
bundok, nangangahulugang may darating na ulan. Mga senyas ito kung dapat siláng magtanim
ng palay o madaliin ang paggapas ng palay.
Sang-ayon sa alamat, tinawag siyáng “Sinukúan” dahil sumusukò sa kaniya ang mga
nanligaw na engkantadong nilikha. Isa sa kanila ang masugid na si Báka, isang mayabang na
higante na nakatira sa Sierra Madre. Kahit tinanggihan na ni Maria ay ipinipilit pa rin ni Báka
ang pagsinta. Sa dulo, napilitan si Maria na bigyan si Báka ng pagsubok.
Ginamit ni Báka ang kapangyarihan upang magwagi. Ngunit higit na matalino si Maria.
Sa dulo, bago tumanggap ng pagkatálo ay nagalit ang higante at pinukol ng mga bato ang
bundok ni Maria. Iyon ang sanhi ng pagkasira ng maganda’t konikong hugis ng Bundok Arayat.
“Sumuko” si Báka at nagmukmok sa kaniyang kuweba sa Sierra Madre ngunit naglaho naman si
Maria.
HASMERA M. PACIO MAED-FILIPINO

MGA HALIMBAWA NG PASALINTRONIKO

1. Wattpad
He’s Into Her ni Maxinejiji
2. E-book
She’s Dating the Gangster ni Bianca Bernardino
3. Application
Mangafox
4. Social Networking Sites
LinkedIn, Twitter, ReddIt
5. Internet

You might also like