Filipino 10 2ND Quarter Module 4 Edited
Filipino 10 2ND Quarter Module 4 Edited
Filipino 10 2ND Quarter Module 4 Edited
FILIPINO
Ikalawang Markahan – Modyul 4
Nobela mula sa Amerika
ALAMIN
Ang Aralin 2.3 ay naglalaman ng isa sa obra maestrang nobela ni Ernest Hemingway
na pinamagatang “The Old Man and the Sea “(Ang Matanda at ang Dagat). Bahagi
ng aralin ang pagtalakay sa paggamit ng pahayag na pagsangayon at pagtutol sa
pagbibigay ng puna o panunuring pampanitikan.
BALIKAN
Matapos na mataya ang dati mong kaalaman sa paksa, oras na upang alamin
naman ang iyong nalalaman kaugnay ng paksang tatalakayin. Subukin mong
sagutin ang kasunod na gawain.
Handa ka na ba? Batid ko na may ideya ka na sa araling ito. Subukin nating alamin
kung ang iyong mga ideya ay tumutugon sa mga konseptong saklaw ng aralin.
Simulan natin sa pamamagitan ng gawain na susukat sa lawak ng iyong kaalaman.
GAWAIN 2: Tuklas-Suri
Ibigay ang pagkakatulad at pagkakaiba ng nabanggit na pamagat ng akda batay sa
isinapelikula at inilimbag na bersyon. Mababasa ang pahapyaw na teksto sa ibaba:
PAGKAKATULAD
Ang Harry Potter and Sorcerer’s Stone (Philosopher’s Stone) ay unang libro ni J.K.
Rowling mula sa serye ng Harry Potter. Sinasabing ang nobelang ito ay naghatid kay
Rowling ng kasikatan bilang isang mahusay na manunulat sa buong mundo.
Isinapelikula ito noong 2001 na idinirek ni Chris Columbus at ibinahagi ng Warner
Bros. Pictures. Pinagbibidahan ito nina Daniel Radcliffe bilang Harry Potter, Rupert
Grin bilang Ron Weasley at Emma Watson bilang Hermione Granger. Tinatayang
umabot sa $980 milyon ang kinita nito na naging worldwide box office hit at kinilala sa
iba’t ibang award-giving bodies tulad ng Academy Awards.
Sadyang nailarawan nang mabuti at detalyado ang Hogwarts bilang kaakitakit na lugar
na hindi lamang puno ng salamangka at mahika na tunay na katangiang pinapangarap
na mapuntahan ng pangunahing tauhan. Iba’t ibang pakikipagsapalaran ang dinaanan
ni Harry kasama ang dalawang kaibigan (Ron at Hermione) sa lugar ng Hogwarts.
Malakas ang nais sabihin ng pelikula tungkol sa pakikipagkaibigan na naipakita sa
mahusay na pagkakaganap ng mga artista. Mas lutang na lutang ang kahusayan ni
Daniel bilang si Harry na dumanas ng malaking hamon sa buhay.
TUKLASIN
Alam mo ba na...
Ang isang nobela ay may mga katangiang dapat taglayin. Ito ay ang sumusunod: a.)
maliwanag at maayos na pagsulat ng mga tagpo at kaisipan, b.) pagsaalang-alang sa
kailangang kaasalan, c.) kawili-wili at pumupukaw ng damdamin, d.) pumupuna sa
lahat ng larangan sa buhay at sa mga aspekto ng lipunan tulad ng gobyerno at
relihiyon, e.) malikhain at may dapat maging maguniguning paglalahad, at f.) nag-
iiwan ng kakintalan.
Elemento ng Nobela
a. Tagpuan - lugar at panahon ng mga pinangyarihan
b. Tauhan - nagpapagalaw at nagbibigay-buhay sa nobela
c. Banghay - pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari
d. Pananaw - panauhang ginagamit ng may-akda (a. una-kapag kasali ang
mayakda; b. pangalawa- ang may-akda ang nakikipag-usap; c. pangatlo-
batay sa nakikita o obserbasyon ng may-akda)
e. Tema - paksang-diwang binibigyang-diin sa nobela
f. Damdamin - nagbibigay-kulay sa mga pangyayari
g. Pamamaraan - estilo ng manunulat/awtor
h. Pananalita - diyalogong ginamit
i. Simbolismo - nagbibigay nang mas malalim na kahulugan sa tao, bagay, at
pangyayari
Kung minsan, naiwawaglit niya ang amoy. Pero malalanghap niya itong muli, o kahit
bahagyang-bahagya lang ng amoy nito, at mabilis at masigla siyang lalangoy para
sundan ito. Isa siyang napakalaking pating na Mako, ang katawan ay sadyang para
lumangoy na kasimbilis ng pinakamabilis na isda sa dagat at napakaganda ng
kaniyang kabuuan maliban sa kaniyang panga. Kasing asul ng isdang-espada ang
kaniyang likod, at pilak ang tiyan, at madulas at makisig ang kaniyang balat. Kahawig
siya ng espada maliban sa kaniyang dambuhalang panga na nakatikom ngayon
habang matulin siyang lumalangoy, halos nasa rabaw, parang kutsilyong humihiwa
sa tubig ang mataas niyang palikpik sa likod. Sa loob ng sarado niyang panga,
nakahilig paloob ang kaniyang walong hanay na ngipin. Hindi siya katulad ng
karaniwang hugis-piramidong ngipin ng karamihang pating. Kahugis sila ng mga daliri
ng tao kapag nakabaluktot na parang sipit. Kasinghaba sila halos ng mga daliri ng
matanda at sintalas ng labaha ang talim sa magkabilang gilid. Ito ang isdang nilikha
para manginain sa lahat ng isda ng dagat, napakabilis at napakalakas at
armadongarmado kaya wala silang sinumang kaaway. Binilisan pa niya ngayon nang
malanghap ang mas sariwang amoy at humiwa sa tubig ang kaniyang asul na palikpik
sa likod.
Nang makita ng matanda na paparating ito, alam niyang isa itong pating na walang
takot at gagawin ang lahat ng gusto nitong gawin. Inihanda niya ang salapang at
hinigpitan ang lubid habang pinagmamasdan niya ang paglapit ng pating. Maigsi ang
lubid dahil binawasan niya ito ng ipinangtali sa isda.
Malinaw at matino ang isip ng matanda ngayon at buong-buo ang pasiya pero halos
walang pag-asa. Sa loob-loob niya, makatagal sana ang katinuang ito. Pinagmasdan
niyang maigi ang malaking isda habang pinanonood ang paglapit nito. Mas mabuti
pang naging isang panaginip lang ito, sa loob-loob niya. Hindi ko siya mapipigil sa
pag-atake sa akin pero baka makuha ko siya. Dentuso, sa loob-loob niya. Malasin
sana ang nanay mo.
Mabilis na nakalapit sa popa ang pating at nang sagpangin nito ang isda, nakita ng
matanda ang pagbuka ng bunganga at ang kakatwa nitong mata at ang lumalagatok
na pagtadtad ng mga ngipin habang nginangatngat ang karne sa may ibabaw ng
buntot. Nakaangat sa tubig ang ulo ng pating at lumilitaw ang likod at naririnig ng
matanda ang ingay ng balat at lamang nalalaslas sa malaking isda nang isalaksak
niya ang salapang sa ulo ng pating sa dakong nagtatagpo ang guhit ng mga mata at
ang guhit ng ilong. Walang gayong mga guhit. Ang naroon lamang ay ang mabigat at
matulis na ulong asul at ang malalaking mata at ang lumalagutok, umuulos,
nanlalamong mga panga. Pero ang kinalalagyan ng utak ang napuruhan ng matanda.
Inulos niya ito ng mahusay na salapang na ubos-kayang ipinukol ng kaniyang kamay
na nanlalagkit sa dugo. Inulos niya ito nang walang pag-asa pero may katatagan ng
pasiya at lubos na hangaring maminsala.
Kumampay ang pating at nakita ng matanda na walang buhay ang mga mata nito at
muli itong kumampay, at napuluputan siya ng dalawang ikid ng lubid. Alam ng
matandang patay na pero hindi ito matanggap ng pating. Pagkatapos, nakatihaya,
humahagupit ang buntot at lumalagutok ang mga panga, sinuyod ng pating ang tubig
tulad sa paghaginit ng isang speed-boat. Puti ang tubig sa hambalos ng kaniyang
buntot at tatlong sangkapat ng katawan ang nakaangat sa tubig nang mabanat ang
lubid, kuminig at saka nalagot. Saglit na humigang tahimik sa ibabaw ng tubig ang
pating at pinanood siya ng matanda. Pagkaraa’y dahan-dahan itong lumubog.
“Mga kuwarenta libras ang dala niya,” malakas na sabi ng matanda. Tinangay
nito ang salapang ko at ang buong lubid, sa loob-loob niya, at nagdurugo ngayon ang
isda ko at marami pang susunod.
Ayaw na niyang tingnan ang isda dahil nagkagutay-gutay na ito. Nang sagpangin ang
isda, para siya rin ang nasagpang.
Pero napatay ko ang pating na sumagpang sa isda ko, naisip niya. At siya ang
pinakamalaking dentuso na nakita ko. At alam ng Diyos na nakakita na ako ng
malalaki.
Hindi kapani-paniwalang makatatagal siya, naisip niya. Sana’y isa lang itong
panaginip ngayon at hindi ko sana nabingwit ang isda at nag-iisa akong nakahiga sa
mga diyaryo.
“Pero hindi nilikha ang tao para magapi,” sabi niya. “Maaaring wasakin ang
isang tao pero hindi siya magagapi.” Nagsisisi ako na napatay ko ang isda, sa
loobloob niya. Parating na ngayon ang masamang panahon at wala man lang akong
salapang. Malupit ang dentuso, at may kakayahan at malakas at matalino. Pero mas
matalino ako kaysa kaniya. Siguro’y hindi, sa loob-loob niya. Siguro’y mas armado
lang ako.
Alam na alam niya kung ano ang maaaring mangyari pagsapit niya sa panloob na
bahagi ng agos. Pero wala nang magagawa ngayon.
“Oo, meron pa,” malakas niyang sabi. “Puwede kong itali ang aking lanseta sa
puluhan ng isang sagwan.”
Kaya ginawa iyon habang kipkip ang timon at nakatapak sa tela ng layag.
“Ngayon,” sabi niya. “Isa pa rin akong matanda. Pero meron akong armas.”
Sariwa ngayon ang simoy at maayos siyang naglayag. Tiningnan niya ang bungad
na bahagi ng isda at bumalik nang bahagya ang kaniyang pag-asa.
Kalokohan ang hindi umasa, sa loob-loob niya. Bukod pa’y naniniwala akong
kasalanan ‘yon. Huwag kang mag-isip tungkol sa kasalanan, naisip niya. Marami
nang problema ngayon kahit walang kasalanan. T’saka hindi ko ito naiintindihan.
Hindi ko iyon naiintindihan at hindi ko sigurado kung naniniwala ako roon. Kasalanan
sigurong patayin ang isda. Iyon ang palagay ko kahit na ginawa ko iyon para ako
mabuhay at mapakain ang maraming tao. Pero lahat naman ay kasalanan. Huwag
kang mag-isip tungkol sa kasalanan. Masyado nang huli para diyan at may mga taong
binabayaran para gawin iyon. Hayaan mong sila ang mag-isip tungkol doon. Isinilang
ka para maging isang mangingisda tulad ng isda na ipinanganak para maging isang
isda. Mangingisda si San Pedro at gayundin ang ama ng dakilang DiMaggio.
Pero gusto niyang pag-isipan ang lahat ng bagay na kinasasangkutan niya at nang
husto at nag-isip siya nang nag-isip tungkol sa kasalanan. Hindi mo pinatay ang isda
para lamang mabuhay ka o para ibenta bilang pagkain, sa loob-loob niya. Pinatay
mo siya dahil sa iyong dangal at dahil isa kang mangingisda. Minahal mo siya noong
siya’y buhay pa at minahal mo siya pagkatapos. Kung mahal mo siya, hindi
kasalanang patayin mo siya. O mas malaking kasalanan ‘yon?
Pero tuwang-tuwa kang patayin ang dentuso, naisip niya. Nabubuhay siya sa buhay
na isda, tulad mo. Hindi siya isang tagahalungkat ng basura o isa lamang
gumagalang gutom tulad ng ilang pating. Maganda siya at marangal at walang
kinakatakutan.
“Napatay ko siya sa pagtatanggol ko sa sarili,” malakas na sabi ng matanda.
“At pinatay ko siyang mahusay.”
Bukod pa, naisip niya, pinapatay naman ng lahat ang isa’t isa, kahit paano. Kung
paano ako pinapatay ng pangingisda, gayon din niya ako binubuhay. Binubuhay ako
ng bata, sa loob-loob niya. Hindi ko dapat masyadong linlangin ang aking sarili.
Panatag ang simoy. Medyo umatras ito sa may hilagang silangan at alam niya ang
ibig sabihin niyon ay hindi ito huhupa. Tumanaw sa malayo ang matanda pero wala
siyang makitang mga layag at wala na rin siyang makitang ni balangkas o usok ng
anumang bangka. Ang naroon lamang ay ang isdang-lawin na patalon-talon sa
magkabilang gilid ng kaniyang prowa at ang mga dilaw na kumpol ng damong Gulpo.
Ni wala siyang makitang isa mang ibon.
“Ay,” malakas niyang sabi. Walang salin para sa katagang ito at marahil ay isa
lamang itong ingay na magagawa ng gayong tao, hindi sinasadya, na nakararamdam
sa pagbutas ng pako sa kaniyang kamay at pagtagos nito sa kahoy.
“Galanos,” malakas niyang sabi. Nakita na niya ngayon ang pag-angat ng
pangalawang palikpik sa likuran ng una at natukoy niya na ang mga ito ay pating na
hugis-pala ang nguso batay sa kayumanggi, hugis-tatsulok na palikpik at sa
pahalihaw na galaw ng buntot. Naamoy nila at tuwang-tuwa sila at sa kagunggongan
ng kanilang matinding gutom, naiwawaglit nila at natatagpuan ang amoy sa kanilang
katuwaan. Pero palapit sila nang palapit.
Mabilis na iniligpit ng matanda ang tela at isinisiksik ang timon. Pagkaraa’y kinuha
niya ang sagwang tinalian niya ng lanseta. Maingat na maingat niyang binuhat ito
dahil nagpupuyos sa sakit ang kaniyang mga kamay. Pagkaraa’y ibinukas-sara niya
ang mga ito roon upang lumuwag sila. Isinara niya nang mahigpit para matiis ang
sakit at huwag mamilipit at pinagmasdan niya ang pagdating ng mga pating. Nakikita
niya ngayon ang kanilang malapad, sapad, hugis-palang mga ulo at ang kanilang
malalapad, puti ang dulong palikpik sa dibdib. Sila ay mga kamuhi-muhing pating,
masama ang amoy, tagahalukay ng basura at mamamatay, at kapag sila’y gutom,
kinakagat nila ang sagwan o katig ng isang bangka. Ang mga pating na ito ang
pumuputol sa paa at kampay ng mga pagong kapag nakakatulog sa ibabaw ang mga
pagong, at nanagpang sila ng taong nasa tubig, kung sila’y gutom, kahit hindi amoy
dugo ng isda o malansan ang tao.
Tumigil siya at ayaw na niyang tingnan ang isda ngayon. Said na ang dugo at
lulutang-lutang, kakulay siya ng pilak na likod ng salamin at nakikita pa rin ang
kaniyang mga paha.
“Hindi ako dapat nagpakalaot-laot, isda” sabi niya. “Hindi para sa iyo o para sa
akin. Ikinalulungkot ko, isda.”
“Alam ng Diyos kung gaano ang nakuha ng huling iyon,” sabi niya. “Pero
hamak na mas magaan siya ngayon.” Ayaw niyang isipin ang nagkagutay-gutay na
tiyan ng isda. Alam niyang sa bawat pakislot na bunggo ng pating ay napipilas ang
karne at ngayo’y sinlapad ng haywey sa dagat ang nalilikhang bakas ng isda na
pagsusumundan ng lahat ng pating.
Mairaraos ng isang tao ang buong taglamig sa isdang iyon, sa loob-loob niya. Huwag
mong isipin iyan. Magpahinga ka lang at ihanda ang mga kamay mo para sa
ipagtanggol ang nalalabi sa kaniya. Balewala na ang amoy ng dugo sa mga kamay
ko ngayong nangangamoy ang buong dagat. Bukod pa’y hindi na sila gaanong
nagdurugo. Walang anumang sugat na dapat ikabahala. Baka makatulong pa ang
pagdurugo para huwag pulikatin ang kaliwa.
Ano pa ba ang puwede kong isipin ngayon? Naisip niya. Wala. Wala akong dapat
isipin at hintayin ang mga susunod pa. Sana nga’y panaginip lang iyon, sa loobloob
niya. Pero sino ang makapagsasabi? Baka naman mapaigi pa ‘yon.
SURIIN
1. Balikan ang tauhan sa nobelang binasa. Isa-isahin ang mga kilos o gawi, paniniwala
at saloobing taglay nito na maaaring gawing huwaran tungo sa mabuting pamumuhay.
Ihanay ang sagot sa talahanayan sa ibaba.
Santiago Kilos o Gawi Saloobin o Paano gagawing
Paniniwala huwaran?
__________________________________________________________________
__________________________________________________________________
PAGYAMANIN
Ang pagbabasa at panonood ay bahagi na ng buhay ng isang tulad mong mag-aaral.
Nalilibang ka sa pagbabasa ng anumang akda gayundin pag nanonood ka ng mga
palabas o pelikula na nagtataglay ng makatotohanang pangyayari sa buhay. Upang
masabing naunawaan mo ito, ang pagbibigay-puna o panunuri ay kailangan.
Mas madaling makuha ang mensahe ng manunulat kung ang mambabasa ay may
malalim na pag-unawa sa panitikan. Mahalaga rin na masuri ang tiyak na teoryang
pampanitikan na lumutang sa nasabing akda. Halimbawa kung mas binigyang diin ang
tungkol sa pagiging marangal ng tauhan, humanismo. Naturalismo kung pinahahatid
ng awtor sa pamamagitan ng mga pangyayari sa buhay ng tauhan na ang kapalaran
ay bunga ng kultura at heredity at hindi sa pamamagitan ng kaniyang sariling pagpili.
Eksistensiyalismo kung ipinakita at mas lumutang na ang naganap sa buhay ng
tauhan, mga pangyayari ay bunga ng kaniyang sariling pagpili dahil naniniwala siya
na ang isa dahilan ng existence ng tao sa mundo at hubugin ang sarili niyang
kapalaran.
Mahalagang makapagbigay ng maraming halimbawa ang guro para mas malawak ang
sakop ng pagtalakay. Sa teoryang ginamit madalas nakikita din ang kahalagahan ng
panitikan sa lipunan lalo na kung ang teksto ay nasulat sa isang mahalagang panahon
ng kasaysayan.
Halimbawa:
Litaw na litaw sa nobelang “Ang Matanda at ang Dagat ang pananaw
Realismo?” Matapat na pagsasalamin ng realidad ang ginagawa ng panitikan para
higit nitong mapaunlad ang lipunan. Nakatuon ito sa nilalaman ng teksto at ang
matapat nitong paggagad sa lipunan.
Inilalarawan din sa linyang ito ang karanasan at lipunan na parang sa tunay
na buhay. Ninanais na ilarawan ang ugali at gawi ng tao at ng kaniyang kapaligiran
na pareho ng kanilang pagkilos at ng kanilang anyo sa buhay.
Naniniwala ang may-akda sa teoryang ito na hindi ito na hindi dapat pigiliin
ang katotohanan mas higit na binibigyang pansin ang tauhan hindi ang banghay.
ISAISIP
ISAGAWA:
2. Balikang muli ang ang pagsusuri sa nobelang Harry Potter. Magtala ng lima
sa talahanayan sa ibaba ang pagsang-ayon at pagtutol na ginamit. Pagkatapos
gamitin ito sa pagbuo ng pangungusap.
Pagsang-ayon/Pagtutol Pangungusap
(magtala ng lima)
TAYAHIN:
Binabati kita! Maluwalhati mong natapos ang mga gawaing nakatulong sa iyo
upang madagdagan ang iyong kaalaman sa mga konsepto ng aralin. Humanda ka na
para sa susunod na aralin, ang mitolohiya mula sa bansang Iceland.
SUSI SA PAGWAWASTO
Rubrik sa Pagmamarka:
Nilalaman
Organisasyon ng mga sagot
Pagkakabuo ng mga pangungusap at ang gamit ng iba’t ibang paraan ng
pagpapahayag
Baybay ng mga salita at gamit ng mga bantas
PANGUNAHING SANGGUNIAN:
Panitikang Pandaigdig 10
Filipino
Modyul Para sa mga Mag-aaral
Unang Edisyon 2015
Konsultant: Magdalena O. Jocson
Editor: Florentina S. Gorrospe, Ph.D
Inihanda nina:
Binasang Nilalaman:
CARMELITA V. VIDAD
Ulong Guro III
Pinagtibay: