Pagsusuri NG Konteksto NG Mga Piling Primaryang Batis Tungkol Sa Pagdatal NG Mga Kastila

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

PAGSUSURI NG KONTEKSTO NG MGA PILING PRIMARYANG BATIS

• “UNANG PAGLALAYAG PAIKOT NG DAIGDIG NI FERDINAND


MAGELLAN” NI ANTONIO PIGAFETTA

Kontekstong Historikal
Noong ikalabing-anim na siglo, nakatuklas ang mga Europeo ng mga pampalasang sangkap,
rekado at iba pang mga kalakal mula sa Asya. Naging dahilan ito upang maglakbay ang mga
Europeo papunta sa Asya at iba pang panig ng mga hindi pa nila napupuntahang parte ng daigdig.
Nagbunsod din ito ng tunggalian sa pagitan ng mga bansa sa Europa, sa pangunguna ng Portugal
at Espanya. May paniniwala rin sila na hindi sapat na naghahari ang isang bansa sa kalupaan upang
magtagumpay, mahalaga rin na kontrolado nila ang katubigan, dahilan upang isagawa nila ang
mga malawakang paglalayag sa mga lugar na nabanggit.

Noong 1493, ang Santo Papa na si Alexander VI ay namagitan sa tunggalian ng dalawang bansang
ito (papal bull), sapagkat ang mga ito ay kapwa Katoliko at hindi aniya gawain ito ng isang
katoliko. Tinawag itong inter caetera, kung saan layon nito na hahatiin ang daigdig sa dalawa -
ang kanluran at silangan. Lahat ng mga bagong lupaing matutuklasan na nasa silangan, 100 liga
mula sa mga isla ng Cape Verde ay mapupunta sa pamumuno ng Portugal at lahat naman ng nasa
kanluran ay sa Espanya.

Ngunit nagkaroon ng pagbabago sa batayan ng pagsusukat dala ng pagtutol ng bansang Portugal.


Mula sa 100 liga ay naging 370 liga na ito mula sa mga isla ng Cape Verde. Dahil sa pagbabagong
ito, mapapansin na napasailalim na sa kapangyarihan ng Portugal ang silangang bahagi ng Brazil.
Ang Espanya naman ay nagkaroon ng malawakang kontrol sa kontinente ng Amerika hanggang
sa Karagatang Pasipiko.

Si Ferdinand Magellan, isang Portuges, ay isang bihasang manlalayag sa ilalim ng imperyo ng


Portugal. Noong kabataan niya, kasama siya sa mga paglalakbay papunta sa Mollucas (Spice
Island) na matatagpuan sa Indonesia. Dahil sa kanyang mga karanasan at kaalaman sa paglalayag,
naglakas-loob siyang magsuhestiyon sa hari ng Portugal na kaya niyang marating ang Moluccas
gamit ang rutang pakanluran, noong panahon na ang rutang pasilangan ay napasakamay ng mga
Turkong Muslim. Ngunit nang hindi siya pinaniwalaan ng Portugal ay sa Espanya siya nagpunta.
Pinaniwalaan siya at pinondohan ang kanyang paglalakbay ng hari noon ng Espanya, si Carlos I.
Kaya noong Setyembre 20, 1519, sakay ng limang barko at kasama ang humigit-kumulang 270
mga katao, ay nagsimula ang tinatawag sa kasaysayang pinakaunang matagumpay na paglalayag
paikot sa mundo.

Tungkol sa May-akda: Antonio Pigafetta


Si Antonio Pigafetta ay ipinanganak noong 1490 sa Vicenza, Venice, Italy. Siya ay nag-aral ng
astronomiya, heograpiya, kartograpiya at noong kanyang kabataan ay nagtrabaho din sa mga
barkong pag-aari ng mga “Knights of Rhodes”. Sa kanyang pagkakabalita sa napipintong
paglalakbay ni Magellan sa ilalim ng kahariang Espanya, ipinatala niya ang kanyang sarili bilang
tagapagtala at nailista bilang isa sa mga sobresalientes o mga taong nagmula sa mga prominenteng
pamilya na sasama sa paglalakbay dahil sa kanilang interes sa paglalakbay at pagsulong
pangmilitar. Malinaw niyang nailarawan ang kaniyang nasaksihan sa kauna-unahang pag-ikot ng
tao sa daigdig. Batay sa kanyang mga tala noong sila ay napadaan sa Pilipinas ay nagkaroon tayo
ng ideya kung anong uri ng pamumuhay mayroon ang ating mga ninuno bago tayo tuluyang
masakop ng mga dayuhan. Ang mga sumusunod na teksto ay hango sa kanyang nailimbag na akda,
Relazione del primo viaggio intorno al mondo, pagkabalik nila ng Espanya noong 1524. Ang
bahagi ng kanyang akda mababanggit dito ay tumutukoy sa kanilang mga nasaksihan at mga
detalyadong salaysay ng kanilang pakikisalamuha sa mga katutubong Bisaya.

Kahalagahang Pangkasaysayan ng Dokumento


Lubhang mahalaga ang dokumentong ito sa kasaysayan ng daigdig sapagkat dito nakatala ang
kauna-unahang pag-ikot ng tao sa mundo at nagpapatunay ito ng maraming bagay kagaya ng a)
ang daigdig ay bilog; b) mararating ang silangan sa pamamagitan ng rutang pakanluran; c) at
nagpapatunay din ang paglalakbay na hindi masusunog ang tao kapag siya ay nakarating sa
ekwador. Dahil din sa ekspedisyong ito, natahak ng mga Europeo sa unang pagkakataon ang
kabuuan ng Karagatang Pasipiko.
Sa kasaysayan naman ng Pilipinas, lubhang napakahalaga rin ng akda ni Pigafetta sapagkat
malinaw niyang idinetalye ang kanyang mga nakita sa kanyang paglalakbay. Bagamat ayon sa
kanilang perspektiba (point of view) ang paglalarawan, malinaw naman nating makikita ang mga
Piipino kung paano sila namuhay sa mga panahong iyon. Nailarawan ni Pigafetta nang malinaw
ang pisikal na katangian ng mga sinaunang Pilipino, ang kanilang kultura, paniniwala, gawi at mga
tradisyon. Taliwas ito sa binabanggit ng mga mananakop na “walang sibilisasyon” ang ating mga
ninuno. Naipakita rin kung paano pinakitunguhan nang mabuti ng mga katutubong Pilipino ang
kanilang mga bisita, ang kanilang pakikipagkalakalan sa ibang mga lahi, ang kanilang sinaunang
pananampalataya, ang sistemang panlipunan at iba pa. Naipamalas din ng mga katutubo sa
pangunguna ng grupo nila Rajah Lapu-lapu ang kanilang tapang at paninindigan sa kanilang
pamamahala sa sariling lupain nang malagay ito sa hamon ng pananakop ng mga dayuhan.
Sa kabila ng mga ipinakita nating kabihasnan sa mga Kastila, kanilang sinabi pa rin na “walang
sibilisasyon” ang mga sinaunang Pilipino. Ito ay bahaging totoo lalo na kung ikokompara sa
kanilang sariling kultura’t pananaw o tinatawag din Eurocentric view. Ito rin ang ginawa nilang
dahilan upang mapangatwiranan ang kanilang pananakop sa kapuluan noong sila’y bumalik sa
pamumuno ni Miguel Lopez de Legaspi sa taong 1565.

• RELACIÓN DE LAS COSTUMBRES DE LOS TAGALOS NI PADRE JUAN DE


PLASENCIA

Kontekstong Historikal
Sa pagpapatuloy ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas, malaki ang ginampanan ng mga
prayle upang mapabilis at maging epektibo ang kanilang pananakop. Kanilang ipinakilala ang
pananampalataya sa ating mga ninuno na hindi naman naging mahirap tanggapin sa karamihan
dahil na rin sa pagkakapareho ng sinaunang pananampalataya sa Katolisismo.
Masasabing lubhang napakamakapangyarihan ng mga prayle sa kolonya. Napansin ng mga
Espanyol na higit na mabilis at epektibo ang pananakop gamit ang tulong ng mga prayle. Mayroon
din silang kapangyarihang ispiritwal at administratibo. Sila ang namumuno sa pananampalataya
gayundin bilang mga tagakolekta ng tributo sa unang bahagi ng pananakop sa kadahilanang kaunti
pa ang mga Espanyol sa kolonya. Ito ang tatawaging “frailocracia” ng mga ilustrado pagdating ng
ika-19 na siglo. Bukod sa pagpapalaganap ng pananampalataya, ang mga prayle ay nagdokumento
ng kanilang mga obserbasyon sa pamumuhay ng ating mga ninuno. Sa ganitong paraan,
naunawaan nila ang kanilang pamumuhay at kung paano nila ipalalaganap ang kanilang dalang
bagong pananampalataya. Higit sa lahat, inaral nila ang wika ng mga katutubo na higit na
nakatulong sa naganap na konbersyon. Ipinapadala rin nila sa Espanya ang kanilang mga tala
upang maiulat ang progreso ng kanilang pagpapakilala ng bagong pananampalataya. Isang
halimbawa nito ay ang Relación delos Costumbres de las Tagalos ni Padre Juan de Plasencia.

Tungkol sa May Akda: Padre Juan de Plasencia


Si Fray Juan de Plasencia ay miyembro ng samahang Pransiskano at isa sa mga naunang
misyoneryong ipinadala sa Pilipinas noong 1578. Siya ay nadestino sa mga bayan ng Quezon,
Rizal, Laguna at Bulacan. Isa siya sa mga naunang nagsaayos ng mga pueblo kung saan
magkakaroon ng isang sentro ang mga bayan upang ito ay madaling mapamahalaan sang-ayon sa
kanilang sariling kaayusan. Sa kanyang pananatili sa mga bayan ay isinulat niya ang kanyang mga
obserbasyon sa mga Tagalog bilang pagdodokumento at pag-uulat ng mga lugar na kanyang
pinagmisyunan. Siya ang may-akda ng aklat na Relacion de las Costumbres de los Tagalos
(Customs of the Tagalogs) kung saan kanyang nailarawan ang politikal, sosyo-ekonomiko,
ispiritwal at kultural na pamumuhay ng mga Tagalog bago sila mabinyagan bilang mga kristyano.
Siya rin ang may-akda ng kauna-unahang aklat na nailimbag sa Pilipinas, ang Doctrina Christiana
en Lengua Españoa y Tagala.
Kahalagahang Pangkasaysayan ng Dokumento
Malinaw na nailarawan ng akda na ito ang buhay ng mga sinaunang Pilipino, partikular ang mga
Tagalog. Pinatunayan nito na mayroon nang mataas na antas na pamumuhay ang mga sinaunang
Pilipino taliwas sa paniniwalang ang mga dayuhan ang nagsibilisa sa ating mga ninuno. Mayroon
na tayong paniniwala sa nakatataas na nilalang sa atin (Bathala) at ang paggalang natin sa ating
kapaligiran (animismo). Naipakita rin nito ang mga kaugaliang nawala sa atin nang dumating ang
mga dayuhan ngunit mayroon pa ring nananatili sa kabila ng pagpapakilala ng bagong
pananampalataya. Nalaman natin na ang mga ilang paniniwala o tradisyong hanggang sa ngayon
ay ating pinaniniwalaan ay likas pa lang sa ating Pilipino at hindi dala o impluwensya ng mga
dayuhan.

You might also like