Ang Kasaysayan NG Bulkang Taal

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

Ang Kasaysayan ng Bulkang Taal

Ralph Angelo Bicol

Sa mga bulkan sa Pilipinas ay kapansin-pansin ang Bulkang Taal dahil sa kanyang kahali-
halinang pisikal na anyo at mga napakabangis na erupsyon na nagdulot ng malaking pinsala
hindi lamang sa buhay ng mga taong nakapaligid kundi pati na rin sa mga hayop at halamang
nakapalibot dito. Dahil sa kanyang natural na kagandahan at marikit na kaanyuan, maraming
turista ang naaakit at naaaliw. Dagdag pa dito, katangi-tangi ito sa pagiging bulkan na
pinaliligiran ng lawa. Tunay nga na masasabing nangingibabaw ang Bulkang Taal sa mga bulkan
sa Pilipinas. Ngunit sa isang banda, mayroong tinatagong bangis ang Bulkang Taal. Ang kanyang
mga marahas na pagsabog ay nagdulot ng kalunos-lunos na pinsala sa lahat ng nabubuhay
maging tao man o hayop at halaman. Sa katunayan, pumutok na ito ng apatnapu’t isang beses
simula 1572, at ayon sa mga eksperto sa bulkan, ito ay isa sa mga sampung nakakamatay na
bulkan sa buong mundo. Marahil ang pagputok nito noong 1911 ang isa sa mga dahilan kung
bakit ito’y naihanay sa ganitong estatistika. Kumitil ito ng maraming buhay, naminsala ng
kabuhayan ng mga mamamayan at nag-iwan ng marka sa kasaysayan ng Pilipinas at mundo.

KATANGIAN NG BULKANG TAAL


Sa mga bulkan sa Pilipinas, itinuturing ang Bulkang Taal na isa sa pinakamaganda dahil sa
kanyang natatanging pisikal na kaanyuan. Ito ay may taas na 5,000 hanggang 6,000 metro at
matatagpuan sa pagitan ng bayan ng Talisay at San Nicolas sa Batangas 60 kilometro timog ng
Maynila. Ang deskripsyon ni Hargrove (1991) sa Bulkang Taal ay, “...an island in a lake in an
island in a lake in an island in the sea. Reversing it, a volcanic island (Luzon, in the Pacific
Ocean), holds a volcanic crater lake (Lake Taal), which holds Volcano Island, which has its own
Crater Lake, with a small island.” Sa pagtalakay sa Bulkang Taal ay hindi maiwasang mabanggit
ang lawa ng Taal. Ang lawa ng Taal ay sinasabing nabuo dahil sa malakas na pagputok ng isang
sinaunang bulkan daang libong taon na ang nakaraan. Sobrang lakas ang nangyaring pagsabog na
nagdulot ng pagkasaid ng kailaliman ng bulkan. Dahil dito, lumiit ang bulkan at naging isang
malaking crater. Nang mapuno ito ng tubig mula sa dagat, ito ay ang naging lawa ng Taal. Ito ay
may haba na 24 hanggang 30 kilometro at may lapad na 14 hanggang 19 kilometro Ang lebel ng
tubig ay 1.8 metro sa tuwing tag-araw samantalang ito’y tumataas sa 2.5 metro kung tag-ulan.
Nahahati ang lawa sa dalawa. Ang una ay nasa hilaga na 90 metro ang lalim samantalang ang isa
ay nasa timog na may lalim na 160 metro. Ang erya ng buong lawa ay 24 km2 na mayroong
drainage area na sumusukat na 644 km2. Dati, ang Taal ay naihanay bilang tubig-alat sapagkat
mayroong mga nagsasabing 1% ang salinity nito. Ngunit ngayon, ito ay nabibilang na sa mga
tubig-tabang sapagkat napatunayan ng mga siyentipiko na ito’y 1/1000th saline. Dagdag pa rito,
maraming organismo ang nainirahan sa lawa. Nandyan ang Hydrophis semperi, ang kaisa-isang
species ng sea snake na matatagpuan sa freshwater. Higit pa rito ay ang dalawang species ng isda
na matatagpuan sa Taal at hindi saan mang bahagi ng mundo. Ito ang maliit na tawilis o
Harengula tawilis at ang malaking maliputo o Caronx ignobilis.
PAGPUTOK NG BULKAN
Bago Pumutok ang Bulkang Taal Noong 1911 Bago pa man pumutok ang Bulkang Taal noong
1911 dumating na ang mga mananakop at nakapagtala na sila ukol sa pagputok nito at buhay ng
mga tao. Naging bahagi sila ng mga pagsubok na dinaanan ng mga katutubo at naging katulong
din sila upang malagpasan ang sinapit na trahedya. Ayon sa alamat, tinirahan ang lawa ng Taal
noong huling bahagi ng ika-labintatlong siglo. Sila ang mga Muslim na galing sa Borneo at
Brunei. Di kalaunan, ang lawa ay nasilayan ng mga Espanyol sa katauhan ni Capitan Juan de
Salcedo, apo ni Miguel Lopez de Legaspi. Noong Mayo 3, 1570 naglayag si Salcedo kasama si
Martin de Goiti sakay ang San Miguel at Tortuga. Dala-dala nila ang 90 hanggang 100 sinaunang
armas at 20 manlalayag. Ang kanilang layunin ay marating at masiyasat ang Maynila at ang
dalampasigan nito. Una silang nakarating sa isla ng Mindoro kung saan nakasalumuha nila ang
mga Instik na nangangalakal. Sumunod nilang narating ang Balayan Bay sa Batangas. Sa tulong
ng mga Morong naninirahan dito, narating ng mga Esapanyol ang lawa ng Bombon, ang lumang
pangalan ng lawa ng Taal. Ngunit sa kasamaang palad, isang panlilinlang ang pagtulong ng mga
Moro sapagkat bahagi lamang ito ng kanilang planong patayin ang mga Espanyol. Lubhang
nasaktan si Salcedo ng palasok na tumama sa kanyang binti kaya’t umatras ang mga Espanyol.
Nilabanan nila ang mga Moro sa lupa na nagbunga ng apatnapung kasawian sa panig ng mga
Moro. Noong 1572, ang mga Augustinian na mga prayle sa pangunguna ni Padre Martin de Rada
ay nagtayo ng misyon sa Taal. Tinatag nila ang parokya ni St. Martin, Bishop of Tours. Dahil sa
pagdating ng mga prayle, lumaganap ang mga tala ukol sa Taal. Isang halimbawa ay ang
paglalarawan ni Padre Gaspar de San Agustin sa Bulkang Taal, “a volcano of fire which is wont
to spit forth many and very large rocks, which are glowing and destroy the crops of the natives.”
Samantala, nagrekord si Martinez de Zuniga ukol sa lawa, “different kinds of tuna fishes are
caught here, but not as good as those of Spain.” Dinagdagan naman ito ni Medina noong mga
taong 1630 sa pagsasabing maalat ang tubig ng lawa. Ang unang naitalang pagsabog ng Taal ay
noong 1572, ang taong itinatag ng mga Augustinians ang misyon sa Taal.
Nagmisa ang mga prayle sa isla ng bulkan o Pulo Volcan upang aluhin ang mga
naguguluhang katutubo at turuan silang magtiwala sa Diyos. Ang nanguna sa misang ito ay si
Padre Agustin de Alburquerque. Inulit ito ni Padre B. De Alcantara noong 1590 at 1591, ang mga
taong muling pumutok ang bulkan. Makalipas ang dalawpung taon ay nagtayo ang apatnaraang
katutubo ng isang krus sa gitna ng bunganga ng bulkan. Ito ay sa pangungauna ni Padre Tomas
de Abreu na nagsasabing mapapalayas ang masamang espiritu sa ganitong paraan. Pagkatapos ng
pangyayaring ito, iginigiit ng nasabing prayle na hindi lamang tumigil ang pagputok ng bulkan
bagkus naging mas mataba rin ang lupa sa isla. Naging maunlad ang Taal bilang sentro ng
kalakalan sa kabila ng aktibong Bulkang Taal. Nagkaroon ng malalaking mga gusali tulad ng
mga simabahan, opisina ng gobyerno, mga paggawaan at kulungan. Naging kilala rin ito sa
pangingisda, pagsasaka, paghahabi at paggawa ng langis. Sa kabila ng mga kaunlarang ito ay
hindi pa rin maikakaila ang mga pagputok ng Bulkang Taal na nakaapekto sa pamumuhay ng
mga taong nakapaligid. Pumutok ito noong mga taong 1572, 1590, 1591, 1605-1611, 1634,
1635, 1641, 1696, 1705, 1707, 1709, 1715, 1716, 1729, 1731, at 1749. Mayroong mga tala ang
mga Espanyol ukol sa mga pagputok na ito. Noong 1707, ang Binintiang Malaki, ang bahagi ng
Bulkang Taal, ay pumutok ng malubha na animo’y kumulog at kumidlat. Ngunit sa kabutihang
palad, hindi naman napinsala ang mga karatig bayan. Samantala, kabaligtaran naman ang
nangyari sa apat na araw na pagputok noong 1716. Ayon kay Padre Francisco Pinagarron,
“produced big waves which lashed against the shore with the force of a hurricane [and] also
lashed at the convent and swept away some 60 feet of soil from the coast, giving rise to fear that
the edifice, made with lime and stone might be swept away.” Dagdag pa dito, nalagay sa
panganib ang simabahan ng Taal at maraming maliliit at malalaking isda ang namatay. Ayon kay
Padre Manuel de Arce, “killed all the fishes, large and small, the waves casting them ashore in a
state as if they had been cooked, since the water had been heated to a degree that it appeared to
have been taken from a boiling caldron.”
Noong 1731, muling pumutok ang bulkan. Inilirawan ito ni Padre Torrubio na isang
kagimbal-gimbql na pangyayari. Ayon sa kanya, ang pagputok ay maihahalintulad sa dalawang
batalyong nasa isang giyera na sinundan ng isang mahaba at nakakabahalang lindol. Dagdag pa
dito, maikukumpara din sa kumukulong tubig ang lawa sapagkat niluto nito ang mga isda. Muli
ay naging marahas ang pagputok noong 1749. Noong Agosto 11 nagising ng 3:00 ng umaga si
Padre Bencuchillo dahil sa ilang mga pagsabog na narinig. Una ay inakala niya na ito’y kidlat
lamang. Habang ito’y lumakas, naisip niya na ito’y putok mula sa galyon mula sa Mexico
papuntang Maynila. Ngunit nang humigit ang putok sa inaasahan niyang bilang, naisip niya na
mayroong giyerang nagaganap. Di kalaunan, kanyang napagtanto na ang Bulkang Taal ay muli
na namang sasabog. Matapang niyang pinanood pumutok ang bulkan sa kabila ng mga anyayang
lumikas na. Pagkatapos ng erupsyon, ang Sala at bahagi ng Tanuan ay hindi na akma upang
tirahan. Sa mga erupsyon, ang pagputok noong Mayo 15, 1754 ang naging simula ng tuluyang
pagkawasak ng mga bayan ng Taal na nagpatuloy ng pitong buwan. Kalunos-lunos ang
nasaksihan at naitala ng mga prayle ukol dito. Ayon kay Padre Bencuchillo, tila umaapoy ang
buong isla samantalang ayon kay Padre Miguel Zamora, mayroong mga kataka-takang naganap
tulad ng paglitaw ng bahaghari mula sa buwan patungo sa bulkan, dalawa o tatlong araw, at
imahe ng Negrito. Tumitindi nang tumindi ang mga naganap hanggang sa napillitang lumikas
ang mga mamamayan. Masakit man sa kanilang loob na iwan ang mga ari-ariang ipinagkaloob
sa kanila ng kanilang mga ninuno, nagtungo sila 20 kilometro timog patungong simbahan ng
Caysasay. Ngunit sa kasamaang palad ay nadama pa rin ng mga Taaleñong lumikas ang hagupit
ng bulkan. Sa loob ng tatlong araw ay umulan ng putik at abo. Dahil dito, gumuho ang ilang mga
bahay at mismong ang bubong ng simbahan ay muntik mawasak. Nang bumalik si Padre
Bencuchillo sa bayan ng Taal, nadatnan niya ang kalunos-lunos na sinapit ng bayan. Lahat ng
gusali tulad ng simbahan, opisina ng gobyerno at mga pagawaan ay nakalubog sa bato, putik at
abo. Bukod pa dito ay napuno ang lawa ng mga bangkang lubog sa putik. Walang naiwang hayop
at halamang buhay. Ang ilan ay namatay dahil nailibing ng buhay samantalang ang iba ay dahil
sa gutom. At ang pinakamalala sa lahat ay ang pagkalubog ng Lipa at Tanuan dahil sa pagtaas ng
lebel ng tubig sa lawa. Dahil dito, napilitan ang mga residente ng nasabing mga lugar na lumikas
at mamuhay sa mas ligtas na lugar. Ang dating Taal na sagana sa likas na yaman ay naging isang
disyertong nalugmok sa sinapit na trahedya. Nagsimula ng bagong buhay ang mga nakaligtas.
Siyam na raan sa mga ito ang bumalik at nanatili sa bayan ng Taal. Pinangalanan itong Barrio
San Nicolas. Samantala, ang mga natirang mga residente ay nagtayo ng kanilang bagong bayan
sa Caysasay. Nagtayo rin sila ng bagong katedral. Sa kasamaang palad, kalahati sa mga
nakaligtas ay tinamaan ng sakit dahil sa amoy ng sulfur at apoy na nanatili sa loob ng anim na
buwan matapos ang pagsabog. Ang masagana ngunit nasirang probinsya ng Taal ay tuluyang
nawala. Pinalitan ito ng pangalan at naging Batangas. Ito ay galing sa salitang batangan na
tumutukoy sa kawayang bahagi ng bangka.

PAGKITIL SA MARAMING TAO NG BULKAN


Matapos ang marahas na erupsyon noong 1754 ay naging tila tahimik ang Bulkang Taal.
Nagkaroon ng ilang mga pagputok ngunit ito’y mahina lamang kung ikukumpara sa erupsyon
noong 1754. Ngunit pagsapit ng gabi ng Enero 27, 1911, nagpamalas muli ito ng bangis. Sa lahat
ng mga pagputok ng Bulkang Taal ay tinaguriang “Killer Eruption” ang pagputok noong 1911
dahil sa hindi matawarang bilang ng taong namatay at nasaktan at pinsala sa mga bayan. Noong
gabi ng Enero 27, 1911, ang mga seismographs sa Manila Observatory ay nakapag-rehistro ng
ilang mga paggalaw. Di kalaunan, tumaas ang bilang at mas lalo pang lumakas ang mga nasabing
paggalaw. Pagsapit ng hatinggabi, 26 na paggalaw ang naitala at nang sumunod na araw, tumaas
ang bilang sa 217. Ayon kay Worcester, “The frequent and inreasingly strong earthquakes caused
much alarm in Manila, but the observatory staff was soon able to locate their epicenter.” Ang
epicenter ay natuklasang nasa Bulkang Taal. Bukod dito, ang mga paglindol ay binantayan ding
mabuti. Tinutukan ito ni Padre Miguel Saderra Maso sa tulong ni Padre Algue, isa sa mga
awtoridad sa pag-aaral ng lindol. Ayon sa kanila, ang mga pinaka-marahas na lindol ay
matatagpuan sa palibot ng lawa ng Taal. Sa katunayan, ang kanilang lakas sa Maynila ay umabot
ng IV sa De Rossi Forel hanggang VII. Ang lakas na IV ay maaring makapagpaalog ng mga
upuan samantalang maari namang makapagpataob ng mga naggagalaw ng mga bagay ang lakas
na VII. Nang umaga ng Enero 28, 1911, sumabog na ang Bulkang Taal. Ito ang nilalaman ng
telgramang ipinadala sa Bureau of Science. Nakatanggap din ng telegrama ang Maynila na hindi
na malaman ng mga bayang malapit sa Taal ang kanilang dapat gawin dahil sa itim na usok na
lumalabas sa bunganga ng bulkan.
Sa kabila nito, mayroong isang taong ginawa ang kabaligtaran ng nararapat na gawin. Sa
halip na lumayo sa bulkan ay nagtungo pa si Charles Martin palapit. Siya ay opisyal ng gobyerno
ng Estados Unidos na inatasang kumuha ng larawan ng pagputok ng bulkan. Sa pagtawid niya sa
lawa ng Taal ay nasaksihan niya ang ilang mga pangyayari. Ayon sa kanya “An enormous
column of vapor, which toward skyward until caught by the morning breeze, and was then swept,
black and threatening, westward over the neighboring province of Cavite. The 1904 crater, which
had long been choked with mud and stones, was again in full activity and a small new crater had
formed to the north...enormous masses of black mud were thrown to a great height through the
column of white steam.” Kinunan niya ng apatnapu’t limang minuto ang nakakatakot na
aktibidad ng bulkan. Sa ganap na 3:45 ng hapon, umalis si Martin at ang kanyang mga kasama.
Ayon kay Worcester, sadyang napakapalad ni Martin na siya’y nakaligtas. Nagpatuloy ang
aktibidad ng bulkan. Pambihirang pagsabog ang umalingawngaw sa ganap na 1:00 ng umaga ng
Enero 30. Tila isang nakakamanghang kidlat ang nakita sa kalangitan at kaunti lamang ang
nagtangkang ipaliwanag ang kanilang nasaksihan. Ayon kay Padre Algue, “It had the appearance
of an unusually violent thunderstorm–except that there were no clouds, the brightest clouds being
visible through rifts in the huge black masses of smoke, ashes and mud.” Samantala, inilarawan
naman ito ni Worcester bilang “globes of fire which rose and fell in graceful curves.” Sa ganap
na 7:55 ng gabi ng parehong araw ay nakatanggap ng telegrama ang Maynila na nagsasabing
kumitil na ng buhay ang pagputok ng bulkan.
Dahil dito, agad-agad na nagpadala ng mga doktor, gamot, pagkain at ilang mga de motor
na bangka ang U.S. Army sa pangunguna ni Kapitan Metcalf. Nagtayo din sila ng estasyon sa
San Nicolas at Taal upang maipadala ang mga nasalanta sa ospital sa Camp McGrath o sa
Philippine General Hospital. Napakahirap ng naging trabaho ng U.S. Army. Ayon kay F.H.
Noble, pulutong ng mga mahuhusay na sundalo ang makikita sa buong paligid. Sila ay
naglilibing ng mga namatay, nagbibigay ng panunang lunas sa mga nasaktan, nagbabantay ng
mga ari-arian, at nag-babahagi ng pagkain na walang patid. Sa katunayan ay wala pa silang tulog
at pahinga. Dahil sa mga ganitong pangyayari ay inabisuhan ng mga kinauukulan na lumikas na
ang mga residente. Sa kabila ng mga pagtulong na ito, maraming buhay pa rin ang nasawi. Ayon
nga kay Worcester, “In the twinkling of an eye, 1,400 human beings had perished.” Ang mga
namatay ay natagpuan sa mga di kanais-nais na lugar. Ang iba ay naanod samantalang ang ilan
ay natabunan ng mga putik at abo. Kung hindi man namatay ay lubos naman silang nasaktan.
Bukod sa mga nasawing buhay ay naapektuhan din ang mga hayop at pananim. Dahil labis na
acidic ang putik na galing sa bulkan ay kaagad-agad namamatay ang anumang halaman na
matapunan nito. Dagdag pa dito, ang kahit anumang lupang masabuyan ng sapat na dami ng
sinsabing “volcano ejecta” ay hindi na magiging angkop na taniman dahil sa sobrang acidity. At
dahil nasisira ang mga pananim ay walang makain ang mga hayop samantalang ang iba ay
namatay dahil sa sobrang paglanghap ng sulfuric acid. Ayon kay Worcester, “The thinnest
coating of mud sufficed to kill green leaves and grass. The volcanic ejecta are still so strongly
acid that it has proved impossible to raise crops where they have fallen in any considerable
quantity. Crops and grasses were killed, with the result that a large number of domestic animals
starved to death. Suffocation was undoubtedly also an important cause of death.” Dahil sa mga
naganap masasabing nagpakita ng kaunting awa ang Bulkang Taal. Nilarawan ni Noble ang
bulkan na gaya ng isang kasuklam-suklam na halimaw at hindi karapatdapat sa tiwala ng mga
tao. Sa mga kalamidad ay karaniwang nag-iiwan ng 10 naskatan at 1 patay ngunit sa nangyari
noong 1911 ay naging malala sapagkat 1,335 ang namatay samantalang 199 ang nasaktan. Tunay
nga na sa pagputok na ito ng Bulkang Taal, hindi lamang ito kumitil ng buhay bagkus nagdulot
ito ng pinsala maging sa kapaligiran. Higit pa rito, tumatak ito sa kasaysayan ng Pilipinas at
buong mundo.

PAGHARAP NG TAAL SA PANGANIB


Hinaharap ng Taal ang panganib dahil sa likas na yaman. Marami na ang nagtangkang gamitin at
sirain ang kanyang angking kagandahan. Noong 1991 ay mayroong isinusulong na proyekto na
nagkakahalaga ng 1 bilyon. Ito ay isang pumping station kung saan ito’y kukuha ng tubig sa
lawa ng Taal. Ito ay mapupunta sa Bundok Malacot kung saan naman ito’y dadaan sa ilang
proseso upang magamit ng 18 munisipalidad sa probinsya ng Batangas. Ayon sa isa sa mga
artikulo sa Manila Chronicler noong 1990, magagamit ang tubig na makukuha upang patubigan
ang 30,000 hektarya ng lupa. Ngunit sa kabila ng magandang maidudulot ng proyektong ito,
nababahala si Mario P. Leviste sa epekto nito sa kalikasan. Una ay ang pagkawala ng tirahan ng
mga isda gaya ng maliputo at South China Sea eel na nagbibigay ng kabuhayan para sa mga
mamamayan. Pangalawa ay ang pagiging maalat ng lupa. Dahil gagamitin ang tubig sa patubig
sa mga pananim, kalaunan ay magiging maalat ang lupa sapagkat sadyang napakaalat ng tubig
mula sa lawa. Kapag nangyari ito ay hindi na magagamit ang lupa sa pagtatanim. Ganito ang
nangyari sa India at Pakistan. Pangatlo at ang panghuli ay ang walang kasiguraduhan na hindi na
muling puputok ang Bulkang Taal. Kung magtatayo ng malaking gusaling magpoproseso sa
tubig ng lawa na nagkakahalaga ng $50 milyon ay maaring masayang lamang ito sapagkat
madali itong mawawasak ng pagputok ng bulkan. Ang isa pang nagbabadyang suliranin ay ang
pagkasira na Taa dahil sa mga turistang labas pasok dito. Dahil dito, isinusulong ni Dr. Antonio
Araneta nag awing National Historic and Environmental Heritage of the Philippines ang lawa ng
Taal. Sa ganitong paraan, ang sinumang nais lumusong sa ilalim ng lawa ay dapat munang
kumuha ng permiso sa National Museum.

KONKLUSYON
Kahali-halina at mabangis ang dalawang magkasalungat na salitang nababagay sa Bulkang Taal.
Sa pamamagitan ng mga turistang kanyang naaakit ay binibigyang tibay niya ang kanyang
kagandahan at sa mga pinsalang kanyang idinudulot ay kanyang ipinamamalas ang natatago
niyang bangis. Sa mga pagputok ng Bulkang Taal ay mababakas ang naging mahalagang papel
ng mga Espanyol at Amerikano. Una, ang mga Espanyol lalo na ang mga prayle ang nagsilbing
mga taga-rekord ng mga pangyayari. Sila ang tumayong mga mata na matiyagang naglarawan ng
mga kagimbal-gimbal na kaganapan at ang epekto nito sa mga tao at kapaligiran. Pangalawa ay
ang mga Amerikano na tumulong sa mga nasalanta noong 1911. Matapang nilang sinuong ang
nagbabadyang panganib upang maisalba ang maraming buhay. Dahil sa pagputok ng Bulkang
Taal, maraming buhay ang nawala. Nasira din ang mga panananim at namatay ang mga hayop na
nagdulot ng lubos na kahirapan sa mga mamamayan. Napalitan ang pangalan ng bayang kanilang
dating tinitirahan at napilitan silang lumipat at magtayo ng bayan sa mas ligtas na lugar. Sa
unang pagputok nito noong 1572 hanggang sa nahuling pagputok nito ay pinamalas na siya’y
isang aktibong bulkan na maaring sumabog anumang oras man niyang naisin. Bagama’t siya’y
maliit lamang, nagdulot siya ng pinsalang hindi matatawaran na nagdulot ng malaking epekto sa
mga taong nakapaligid.

You might also like