Isyu NG Kasarian Sa Lipunan

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

Ano ang diskriminasyon?

Ang diskriminasyon ay tumutukoy sa anumang pag-uuri, eksklusyon, o restriksyon batay sa kasarian na


naglalayon o nagiging sanhi ng hindi pagkilala, paggalang, at pagtamasa ng lahat ng kasarian ng kanilang
mga karapatan o kalayaan.

Diskriminasyon sa Kalalakihan

Marahil ang Pilipinas ay isang patriyarkal na bansa kaya mataas ang pagtingin sa kalalakihan sa lipunan.
Subalit may mga pagkakataon ding sila ay nakararanas ng diskriminasyon. Ginagawang paksang biro ang
pagtawag ng ‘House husband’ sa mga kalalakihan na naiiwan at gumaganap ng mga gawaing
pantahanan.

Diskriminasyon sa Kababaihan

Ang Labor Force Participation Rate (LFPR) ng mga kababaihan ay nanatiling mas mababa kaysa sa mga
kalalakihan na maaaring maiugnay sa paglaganap ng diskriminasyon batay sa kasarian sa lugar ng
trabaho partikular na ang diskriminasyon sa pagpasok sa trabaho, pagpapanatili at pagsulong ng mga
manggagawang kababaihan, sexual harassment, agwat sa sahod at limitadong kakayahang umangkop sa
trabaho.

Diskriminasyon sa LGBTQIA+

Ayon sa pag-aaral na inilabas ng United Nations Development Programme (UNDP) at ng United States
Agency for International Development (USAID) na may titulong Being LGBT in Asia: The Philippines
Country Report, ang mga LGBTQIA+ ay may kakaunting oportunidad sa trabaho, bias sa serbisyong
medikal, pabahay at maging sa edukasyon. Ilan sa mga halimbawa nito ay may mga kurso, propesyon, at
hanapbuhay na para lamang sa babae o lalaki.

Karahasan sa Kalalakihan, Kababaihan at LGBTQIA+

Karahasan sa Kalalakihan

Maging ang kalalakihan ay biktima rin ng karahasan. Maaaring magsimula ito sa kanilang pamilya at
maging sa trabaho. Wala itong pinipiling edad, maging bata man o matanda. Ang pang-aabuso sa
kalalakihan ay hindi kinakailangang maging pisikal, ngunit maaaring emosyonal at seksuwal. Marami pa
ring mga lalaking biktima ng karahasan ang nahihiyang lumantad at magbahagi ng kanilang karanasan
kaya walang malinaw na bilang kung ilan sa kanila ang naging biktima ng pang-aabuso.

May kalalakihang nakararanas ng seksuwal na pang-aabuso mula sa kanilang pamilya o mga taong
pinagkakatiwalaan nila na maaaring makaapekto sa kanilang damdamin o emosyon. May mga
pagkakataon na sila rin ay biktima ng pisikal na pananakit mula sa kanilang asawa o partner.

Karahasan sa Kababaihan
Ayon sa United Nations (UN), ang karahasan sa kababaihan (violence against women) ay anumang
karahasang nauugat sa kasarian na humahantong sa pisikal, seksuwal o mental na pananakit o
pagpapahirap sa kababaihan, kasama na ang mga pagbabanta at pagsikil sa kanilang kalayaan. Hindi
lamang limitado sa pisikal na pang-aabuso ang violence against women. Maaari rin itong sa paraang
berbal, seksuwal, sikolohikal, at ekonomikal.

Maraming paraan ang mga kalalakihan upang maipamalas ang kanilang kapangyarihan sa mga
kababaihan. Ang pananakit na pisikal ay isang halimbawa nito. Mula sa berbal na pang-aabuso ay
nauuwi sa abusong pisikal. Ang lahat ng kababaihang nakaranas ng pisikal na pananakit ay biktima rin ng
iba pang anyo ng pang-aabuso

Ang General Assembly Binding Women for Reforms, Integrity, Equality, Leadership, and Action
(GABRIELA), ay isang samahan sa Pilipinas na laban sa iba’t ibang anyo ng karahasang nararanasan ng
kababaihan na tinagurian nilang Seven Deadly Sins Against Women.

Ang mga ito ay ang:

1. pambubugbog/pananakit,

2. panggagahasa,

3. incest at iba pang seksuwal na pang-aabuso,

4. sexual harassment,

5. sexual discrimination at exploitation,

6. limitadong access sa reproductive health, at

7. sex trafficking at prostitusyon.

Istatistika ng Karahasan sa Kababaihan 2017 National Demographic and Health Survey (NDHS)

A. Isa sa bawat apat (26%) na babaeng may edad 15-49 ang nakaranas ng pananakit na pisikal, seksuwal,
at emosyonal. Karamihan sa mga nananakit ay ang mga kasalukuyang asawang lalaki o partner.

B. Limang porsyento (5%) na babae ang nakaranas ng seksuwal na pananakit.

C. Labing-apat na porsyento (14%) na mga babae ang nakaranas ng pisikal na pananakit.

D. Isa sa bawat lima (20%) na babaeng may-asawa ang nakaranas ng emosyonal na pananakit mula sa
kanilang mga asawa o partner.

May ilang kaugalian din sa ibang lipunan na nagpapakita ng paglabag sa karapatan ng kababaihan.
Subalit ang nakalulungkot dito, ang pagsasagawa nito ay nag-uugat sa maling paniniwala, tulad na
lamang ng isinasagawang breast ironing o breast flattening sa Africa at foot binding sa China. Ang breast
ironing o breast flattening ay isang kaugalian sa bansang Cameroon sa kontinente ng Africa. Ito ay ang
pagbabayo o pagmamasahe ng dibdib ng batang nagdadalaga sa pamamagitan ng bato, martilyo o
spatula na pinainit sa apoy. May pananaliksik noong 2006 na nagsasabing 24% ng mga batang babaeng
may edad siyam ay apektado nito. Ipinaliliwanag ng ina sa anak na ang pagsasagawa nito ay normal
lamang at ang mga dahilan nito ay upang maiwasan ang: (1) maagang pagbubuntis ng anak, (2) paghinto
sa pagaaral, at (3) pagkagahasa. Ang maaaring maging epekto nito sa kalusugan ng mga biktima — mga
cyst, cancer sa suso, at mga isyu sa pagpapasuso. Ang foot binding ay isinasagawa sa mga babae noong
sinaunang panahon sa China. Ito ay ang mahabang proseso ng pagbabali ng arko ng paa ng mga babae
upang hindi ito lumaki nang normal. Ang kanilang mga paa ay mahigpit na nakagapos gamit ang
pagbalot ng isang pirasong bakal o bubog sa talampakan. Ang perpektong paa ng babaeng may sapat na
gulang ay tatlo hanggang apat na pulgada ang haba.

Ang mga deformed feet ay kilala bilang ‘lotus feet o lily feet’. Ang pagkakaroon ng ganitong klase ng paa
sa simula ay kinikilala bilang simbolo ng yaman, ganda, at pagiging karapat-dapat sa pagpapakasal.
Subalit dahil sa ang kababaihang ito ay may bound feet, nalimitahan ang kanilang pagkilos, pakikilahok
sa politika, at ang kanilang pakikisalamuha. Noong 1911, sa pamumuno ni Sun Yat Sen tinanggal ang
ganitong sistema sa China.

Karahasan sa LGBTQIA+

Patuloy ang pagpatay sa mga miyembro ng LGBTQIA+ sa kabila ng panawagan sa pagkakapantay- pantay
at kalayaan sa lahat ng uri ng diskriminasyon at pang-aabuso. Ayon sa ulat ng Transgender Europe noong
2015 mahigit 1,700 LGBTQIA+ ang biktima ng pagpatay mula 2008-2015. Ang United Nations Human
Rights Council ay nagkaroon ng ulat noong 2011 tungkol sa mga ebidensya at kaso ng mga
diskriminasiyon at karahasan laban sa mga LGBTQIA+. Ang bansang Uganda ay nagpasa ng batas na
AntiHomosexuality Act of 2014 na nagsasaad na ang same-sex relations at marriages ay maaaring
parusahan ng panghabambuhay na pagkabilanggo.

Ikaw ay nakararanas ng domestic violence kung ang iyong kapareha ay:

1. tinatawag ka sa ibang pangalang hindi maganda (name calling) para sa iyo at sa ibang tao, iniinsulto
ka;

2. pinipigilan ka sa pagpasok sa trabaho o paaralan;

3. pinipigilan kang makipagkita sa iyong pamilya o mga kaibigan, sinusubukan kang kontrolin sa
paggastos sa pera, saan ka pupunta at kung ano ang iyong mga isusuot;

4. nagseselos at palagi kang pinagdududahan na nanloloko;

5. nagagalit kung umiinom ng alak, o gumagamit ng droga;

6. pinagbabantaan ka na sasaktan;

7. sinisipa, sinasampal, sinasakal o sinasaktan ang iyong mga anak o mga alagang hayop;

8. pinipilit kang makipagtalik kahit labag sa iyong kalooban; at

9. sinisisi ka sa kaniyang pananakit o sinasabi na nararapat lamang ang ginawa sa iyo.


Ito naman ay para sa mga gay, bisexual at transgender:

1. pinagbabantaan kang sasabihin sa iyong pamilya, mga kaibigan, at mga kakilala ang iyong
oryentasyong seksuwal at pagkakakilanlang pangkasarian;

2. sinasabi sa iyo na hindi tutulungan ng pamahalaan ang mga gay, bisexual at transgender; at

3. sinasabi sa iyo na ang mga lalaki ay natural na bayolente.

Maari mong malamang inaabuso ka na kung napapansin mo ang ganitong pangyayari:

1. pinagbabantaan ka ng karahasan;

2. sinasaktan ka na (emosyonal o pisikal);

3. humihingi ng tawad, nangangakong magbabago, at nagbibigay ng suhol;

4. paulit-ulit ang ganitong pangyayari; at 5. mas dumadalas ang pananakit at karahasan at mas tumitindi
sa paglipas ng panahon.

You might also like