Lagunero - Reymart S. - Final Paper

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 23

NILALAMAN I. II. III. Abstrak Panimula Tradisyunal at Modernong Medisina a. Depinisyon ng Tradisyunal na Medisina at Filipino Traditional Medicine b.

Depinisyon ng Modernong Medisina IV. V. Ang Kamandag: Tradisyunal na Pananaw Tradisyunal na Paraan ng Panggagamot sa Kamandag a. Tandok b. Suma VI. VII. Ang Kamandag: Modernong Pananaw at Lunas ayon sa Modernong Medisina Mga Salik sa Patuloy na Pagtangkilik sa mga Tradisyunal na Paraan ng Panggagamot sa Kamandag/Rabies a. Impluwensya ng Lipunan b. Kalagayang Pang-ekonomiko c. Aksesibilidad sa mga Institusyong Pangkalusugan d. Edukasyon e. Popularidad ng Panggagamot f. Non-accesible, non-available, non-affordable Health Care VIII. Mga Usaping Nakakabit sa Tradisyunal na Paraan ng Panggagamot sa Rabies

ABSTRAK Marami nang mga pagbabago ang nagaganap sa larangan ng medisina, ngunit may mga tradisyunal pa ring paraan ng panggagamot ang nananatili at tanyag sa mga komunidad sa bansa. May mga kanya-kanyang espesyalisasyon na rin ang mga doktor, sa layuning mas mapabuti pa ang paghahatid ng serbisyong pangmedikal sa lipunan. Ngunit sa kabila ng modernong anti-rabies injection na inirerekomenda ng modernong medisina, ay patuloy pa rin ang ilan sa pagtangkilik sa tandok o suma, mga tradisyunal na paraan ng panggagamot sa pinaniniwalaang nakamamatay na kamandag (o rabies ayon sa modernong medisina). Marami nang mga babala at kampanya ang pamahalaan upang puksain ang kaso ng rabies sa bansa ngunit sa kabila nito, ay ang patuloy at pananatili ng tandok at suma sa mga komunidad. Sa papel na ito ilalahad ang ilang mga salik kung bakit patuloy ang pamamayagpag ng tandok at suma sa mga komunidad sa kabila nga ng modernong paraan ng panggagamot sa rabies. Ipapaliwanag kung ano ang mga ito at paano ito isinasagawa. Ano nga ba ang mga katotohanan sa likod ng mga prosesong ito, nakatutulong o nakapagpapagaling nga ba ang mga ito, o isang maling paniniwala lamang na hanggang ngayon ay nanatili sa kultura ng ilan? Ano ang sinasabi sa ng makabago at modernong medisina sa mga ganitong usapin? Ang patuloy na pananatili ng tandok at suma ay magdadala sa katotohanang may mga kailangan pang dapat gawin upang maipaliwanag nang maayos at husto sa mga indibidwal ang mga maaaring maging bunga ng ganitong proseso. Isa itong realisasyon din upang mailigtas pa ang ilan na nagtatangkang sumangguni sa mga nasabing proseso.

PANIMULA Maraming salik at usapin ang nakakabit sa tradisyunal na panggagamot sakop ang tradisyunal na pag-alis ng kamandag o rabies mula sa kagat ng aso o ahas, at may mga epekto ito sa pamumuhay ng mga taong patuloy na tumatangkilik dito, kasama na ang mga taong nagsasagawa nito, at mga doktor ng modernong medisina. Sa kasalukuyang panahon, marami na sa mga tradisyunal na kultura ang naiwan sa nakaraan, nabaon na lamang sa limot, at hindi na pinapansin at pinapahalahagan ng ilan. Mayroon namang ilan pang natitira at patuloy na pinagyayaman ng bayan, katulad na lamang ng mga tradisyunal paraan ng panggagamot. Marami pa ring mga indibidwal ang tumatangkilik sa mga ganitong paraan. Katulad na nga lamang ng tandok at suma na bibigyan ng masusing pag-aaral. Kung aalamin ang mga salik sa patuloy pa ring pagtangkilik sa tandok sa kabila ng modernong anti-rabies injection, ay makikita ang pagkakaiba-iba ng mga indibidwal na pananaw tungkol sa usaping pangkalusugan (Guzman 2007). Maraming tanong ang lumalabas kapag pinag-uusapan ang tradisyunal na pagpapagaling o panggagamot. Isa na dito ay kung gaano nga ba ito kaepektibo. Lumalabas sa mga balita na may mga namamatay ng dahil sa mga prosesong ito. Bakit nga ba nananatili sa mga mamamayan ang pangangailangang maniwala sa mga tradisyunal na panggagamot, katulad na lamang ng tandok o suma, sa kabila ng mga ganitong balita, at sa kabila ng mga makabagong pag-aaral sa medisina? Ano nga ba ang tandok o suma? Paano ba ito isinasagawa, at bakit marami pa rin ang tumatangkilik dito? Nakagagaling nga ba talaga ito, o isang maling paniniwala lamang na naitatak na sa kasaysayan ng ilang komunidad? Sa papel na ito, sasagutin ang mga katanungang iyan.

Mahalagang pag-aaralan ang mga ito upang malaman ang mga salik kung bakit patuloy na tinatangkilik ng mamamayan ang mga ganitong uri ng panggagamot, upang maipaliwanag ang mga ito batay sa konsepto ng modernong medisina ngayon, at upang tuklasin kung gaano nga ba ito kaepektibo, kung epektibo nga talaga. Ang usapin ng epektibidad ng mga ganitong uri ng panggagamot ay isang malaking tanong na kinakaharap ngayon ng lipunan, partilukar sa mga doktor ng medisina at mga taong nagsasagawa ng mga ganitong proseso at gayundin ang mga taong tumatangkilik dito. Mahalagang malaman ang katotohanan tungkol dito upang maiwasan ang pagkalito, kung sa tandok o suma ba magtitiwala, o sundin ang sinasabi ng mga doctor ng medisina. Aalamin din ang mga dahilan ng patuloy na paniniwala ng ilan sa bisa ng tandok o suma sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya sa modernong panahon, lalo na sa larangan ng medisina. Titignan din ang pananaw ng ilang taong nasangkot na sa ganitong proseso. TRADISYUNAL AT MODERNONG MEDISINA Halos pare-pareho ang kahulugan ng tradisyunal na medisina, ito ay isang sistema ng pangangalaga ng kalusugan na umaasa lamang sa interaksiyon ng manggagamot at ng pasyente na walang ginagamit na anumang uri ng makabagong gamot (Huizer at Lava 1989), ngunit sa kontemporaryong panahon, makikita ang ilang tradisyunal na paraan ng pagpapagaling na gumagamit na rin ng mga gamot. Ayon naman sa depinisyon ng World Health Organization, ang traditional medicine ay diverse health practices, approaches, knowledge and beliefs incorporating plant-, animal-, and/or mineral-based medicines, spiritual therapies, manual techniques and exercises applied singularly or in combination to maintain well-being, as well as to treat,

diagnose or prevent illness. In some cases, traditional medicine may be systematized and written down; in other cases, it is a body of knowledge, practices and techniques held by communities or individuals and transmitted orally (Patwardhan 2005). Kung titignan ang kahulugan ng Filipino Traditional Medicine, na binuo noong Pebrero 1992, ay makikita ang mga pagkakatulad, ito ang sinasabi ng kahulugan: The Filipino Indigenous/Traditional Medicine is the sum total of the knowledge, skills and practices recognized and enriched by the people in order to maintain and improve their health towards the wholeness of their being, the community and the society, and the interrelatedness of these. This is based on Filipino culture, history, heritage and consciousness (Segismundo 1997). Layunin nga ng tradisyunal na medisina na pangalagaan ang kalusugan ng mamamayan sa abot ng makakaya nito. Ang mga tradisyunal na mangagamot naman ay binigyang kahulugan din ng World Health Organization, ang mga traditional indigenous healers ay isang grupo ng mga tao na kinikilala ng komunidad na may kaalaman o sapat na kakayahan sa pagbibigay ng kalusugan gamit ang mga katas ng halaman, ng mga hayop at ilang mineral at ilan pang paraan na nakabatay sa social, kultural at religious background ganoon din ang kaalaman, ang nakagawian at paniniwala na umiiral sa komunidad tungkol sa pisikal, mental at social well-being at ang mga dahilan ng sakit (Huizer at Lava 1989). Ayon kay Laggui, ang mga mangagamot na ito ay maaring kabilang sa dalawang sistemang medical, ang modern at tradisyunal na sistema at sa panahon ng sakit, pinipili ng mga tao ang kumonsulta sa alinman sa dalawang sistema (Laggui 2002). Ang naghihiwalay sa
5

dalawang sistemang ito ay ang katotohanang ang modernong medisina ay nakabatay sa siyensya habang ang tradisyunal na medisina naman ay nakabatay lamang sa praktikal na karanasan (Islam 1994). Hindi dapat ikinukulong, ayon kay Patwardhan, ang tradisyunal na medisina bilang isang sistemang hindi nababago, bagkos ito ay isang ebolusyunaryong proseso habang ang mga komunidad at mga indibidwal ay patuloy na nananaliksik upang makatuklas ng mga bagong paraan, upang mapabuti pa ang praktikal na kaalaman nila (Patwatdhan 2005). Ayon nga kay Islam, ang tradisyunal na medisina ay nagbabago-bago sa ibat ibang bansa, sa ibat ibang kultura (Islam 1994). Sa mga kumonidad ng mga Ilokano, nandiyan ang mga mangablon o sa ibang termino ay mangilot,na tinatakbuhan kapag may problemang nakakabit sa panganganak, pagkakaroon ng regla, aborsiyon at ibpa, ang mga mangidioyo o mangallag na nagsasagawa ng atang o pag-aalay ng pagkain kapag nagpapagaling ng pasyente, ang mga mammullo kapag nababalian ng buto, ang mga mannuma na pinupuntahan kapag nakagat ng aso o ahas, na bibigyan ng mas masusing pag-aaral, at ang mga mangagas na siyang gumagamit ng masahe at halamang gamot sa pagpapagaling (Jocano 1982). Binanggit din ni Jocano sa kanyang aklat na Folk Medicine in a Philippine Municipalityna may mga ilan pa ring tradisyunal na manggagamot na nananatili sa bayan ng Bay, Laguna katulad ng mga sumusunod: mga albularyo na marami sa mga komunidad sa bansa, na gumaganap bilang pangkalahatang manggagamot; ang mga magluluop na nagsasagawang mga ritwal kapag ang sakit ay dulot ng espiritu o ng kapaligiran; ang mga magpapaanak na may mas kaalaman sa pagpapaanak; ang mga manggagaway na pinaniniwalaang may kakaibang kakayahan, pwersa o kapangyarihan na manakit ng tao; ang mga manghihilot na espesyalista sa mga nabaling buto, may problema sa katawan na
6

nangangailangan ng masahe o hilot; at ang mga medico, mga local na manggagamot na pinaghahalo ang tradisyunal at modernong paraan ng pagpapagaling (Jocano 2003).Sa kaso ng mga Ibanag sa lalawigan ng Isabela, mangilu ang tawag sa mga tradisyunal na manggagamot (Laggui 2002). Sa katunayan, noong 1953, isang ulat mula sa WHO ang nagpakita na may mahigit 40, 000 tradisyunal na nagpapaanak at mahigit 100, 000 herbalists ang nasa Pilipinas. Noong 1990, isang pananaliksik sa mga traditional medical practitioners sa bansa na pinangunahan nina Lim-Tan, tinatayang nasa 250, 000 ang mga traditional medical practitioners sa may 42, 000 na barangay. Isang pag-aaral din sa Cavite na ginawa ng International Institute of Rural Reconstruction (IIRR) na naglalahad na ang mga traditional medical practitioners ang unang nilalapitan ng taong bayan bago ang mga doctor ng medisina, edukado man sila o hindi, mayaman man o mahirap, ay naghahanap ng atensyong medikal mula sa mga traditional medical practitioners (Segismundo 1997). Ibat iba ang sinasabing pinagmumulan ng kakayahan at kaalaman ng mga tradisyunal na manggagamot. Ayon sa tesis ni Camfili na pinamagatang Traditional Healing Practices of Guina-ang, Bontoc, Mt. Province in the Process of Change, ay sinasabing ang kaalaman at kakayahan na tinataglay ng mga tradisyunal na manggagamot sa nasabing lugar ay nakukuha o naipapasa sa kanila sa pamamagitan ng panaginip, sila ay pinili o inatasan ng mga hindi nakikitang nilalang (Camfili 2001). Ayon naman kay Jocano, ang mga tradisyunal na manggagamot ng mga Ilokano, ang kakayahan at kaalaman nila sa panggagamot ay nakuha sa kaalaman nila sa medisina at kakayahan na ibinigay ng mga supernatural na nilalang. Sinasabi na nagtataglay sila ng espesyal na kaalaman sa medisina, ngunit hindi nila ito maaaring sabihin at itago ito bilang sekreto upang hindi mawala ang kakayahang ito (Jocano 1982). Ayon din sa
7

kanya, ang kaalaman at kakayahan naman ng mga manggagamot sa bayan ng Bay, Laguna, ay nanggaling sa Diyos na ipinasa sa kanila. Sinasabi na binigyan sila ng kakayahan na magpagaling upang magbigay ng libreng serbisyo sa mamamayan. Sinasabi din ng mga manggagamot na ang kakayahang ipinagkaloob sa kanila ay isang banal na basbas, kaya naman hindi sila maaaring humingi ng kabayaran. Sinasabi na pinakamakasaysayan ang nakaraang isang daang taon sa larangan ng medical sciences. Walang katumbas ang pagkakadiskubre ng double helix at ang pagkakakompleto ng human genome project na may malaking pagbabago sa pagtukoy ng mga genetic na sakit. (Patwardhan 2005).Sa pagtukoy ng mga sakit, nariyan na ang magnetic resonance imaging (MRI) at ang positron emission tomography (PET). Sa larangan ng pag-oopera, nariyan na din ang bypass procedure, transplants at prosthetics. Malaking tulong din ang therapeutic chemotheraphy na ngayon ay nakakapagpahaba ng buhay ng tao (Patwardhan 2005). TRADISYUNAL NA PANANAW SA KAMANDAG Inilahad ni Arnold Clavio sa kanyang dokumentaryong pinamagatang Emergency: Rabies Alert na ipinalabas sa GMA 7 noong 15 January 2006 ang mga mitong pinaniniwalaan ng ilan tungkol sa rabies. Sinabi dito na lahat umano ng aso ay nagtataglay ng rabies, na maaaring sanhi ng kamatayan, ang mga tuta ay nagtataglay ng mas mabangis o mas malakas na rabies kumpara sa mga matatanda na, at magagamot umano ito kagat nasipsip na ang kamandag o rabies. Naniniwala din sila na ang target ng rabies ay ang utak ng tao. Sinabi naman sa librong Risky Ventures (Valdez at Fernandez eds 1999) na mali ang mga impormasyong pinaniniwalaan ng ilan. Sinabi dito na hindi lahat ng aso ay nagtataglay ng
8

rabies. Hindi rin totoong mas malakas ang taglay na rabies ng mga tuta kaysa sa mga matatanda na. Ang rabies ay nakukuha ng mga aso sa hindi malinis na kapaligiran, maruming pagkain, paliguan at tulugan ng mga aso. Katulad ng kamandag/rabies na dulot ng aso, pinaniniwalaan ding ang kamandag ng ahas ay lubhang nakamamatay, kaya sa tandok o suma din nagpapagamot ang ilan. Ang paniniwalang maaalis ng mga prosesong ito ang kamandag dulot ng ahas ay siyang nag-uudyok sa ilan na tumangkilik dito. Naniniwala din ang ilan na hindi naman lahat ng ahas ay may kamandag, depende sa kung anong ahas ang kumagat. TRADISYUNAL NA PARAAN NG PANGGAGAMOT SA KAMANDAG Sa ginawang pag-aaral ni Guzman sa "tandok" na nakapokus sa bayan ng Victoria, Tarlac, ay inilahad niya dito kung paano ito isinasagawa (Guzman 2007). Ayon sa kanya, ang "tandok" ay laganap dito, at pati sa mga karatig bayan nito. Tinatawag na "magtatandok" ang mga tradisyunal na manggagamot na nagsasagawa ng prosesong ito. Sa kabilang dako, ang paraan ng panggagamot sa kamandag (venom) na dulot ng ahas ay parehas lang sa paraan ng panggagamot sa kamandag (rabies) na dulot ng aso. Sa pagtalakay din ni Jocano sa aklat niyang pinamagatang "The Ilocanos: An Ethnography of Family and Community Life in the Ilocos Region", ay inilarawan niya ang proseso ng "suma", na halos katumbas o katulad din ng layunin sa prosesong "tandok". Ang tawag sa mga tradisyunal na manggagamot na nagsasagawa ng ganitong proseso ay "mannuma" (Jocano 1982).

Ang "tandok" at "suma" ay mga prosesong naglalayong tanggalin o alisin ang pinaniniwalaang nakamamatay na kamandag na dulot ng kagat ng aso, o ng ahas. Ilalahad dito kung paano isinasagawa ang mga prosesong ito. Ang "tandok" o "pananandok" ay naisasagawa ng ilang minuto lamang. Una, ay gagawa ng mga maliliit (o maliit) na sugat na malapit sa bahaging kinagat ng aso, depende sa istilo ng "magtatandok", kung saan sisipsipin ang kamandag o "gita" (ang tawag sa nakakamatay na lason na humahalo sa dugo ng tao). Karayom o bleyd ang karaniwang ginagamit upang sugatan ang nasabing bahagi. Kapag nagkaroon na ng paglabas ng dugo, ay ilalagay ng "magtatandok" ang gagamiting pansipsip, na kadalasan ay sungay ng baka o kalabaw, habang ang iba ay bolang gawa sa goma o malaking ringgilya, sa ginawang sugat upang simulan na ang proseso ng pagtanggal ng kamandag. Gamit ang sungay o bolang gawa sa goma, ay sisipsipin ng "magtatandok" ang dulo ng sungay upang magkaroon ng pressure at maramdaman ng pasyente ang "sipping pressure" sa sugat. Pagkatapos ng ilang minuto ay kusang matatanggal ang sungay sa kinalalagyan nito,at mag-iiwan ng maitim na "parang" dugo na nasipsip mula sa sugat at ito ang pinapaniwalaang kamandag o "gita", na pwedeng umabot sa utak, at posibleng maging sanhi ng problema o abnormalidad sa kalusugan o katawan ng biktima, na ang pinakamasahol na kahihinatnan ay kamatayan (Guzman 2007). Ang "suma" na tanyag sa mga komunidad ng mga Ilokano, ay isang proseso din ng pagtanggal o pag-alis sa pinapaniwalaang kamandag na nagmula sa kagat ng aso o ahas. Dinadala sa mga "mannuma" ang sinumang nakagat ng aso o ahas upang magpagamot. Hindi tumatanggap ng anumang kabayaran ang mga "mannuma" ngunit tumatanggap sila ng mga regalo o "tokens" bilang alay sa mga kaibigang espiritu. Ang kakayahan o kapangyarihan nila na manggamot ay nakuha sa isang panaginip o aktuwal na pakikipagtagpo nila sa mga espiritu ng
10

mga aso o ahas. Hindi lahat ay nabibiyayaan ng ganitong kapangyarihan. Naniniwala ang marami na kaibigan ng mga "mannuma" ang mga ahas kaya naman hindi sila nagsasakitan. Isang paraan ng pagpapaalis ng ahas kapag nakatagpo ay ang isigaw ang pangalan ng "mannuma". Ang kapangyarihan ng "mannuma" ay dulot ng isang bato o "babato" o "amulet", na ibinigay ng mga espiritu ng ahas o aso. Ang "babato" ay isang maliit na berdeng bato, dito tinitignan ng mga "mannuma" kung nakagat nga ang isang pasyente ng ahas o aso. Ito din ang ginagamit upang malaman kung gaano na kalayo ang "tinakbo" o ginalaw ng kamandag (Jocano 1982). Nagsisimula ang panggagamot sa pagtukoy kung nasaan na ang kamandag sa katawan gamit ang "babato". Pagkatapos malaman kung totoo ngang nakagat na ahas o aso ang pasyente, ay susugatan ng "mannuma" ang nasabing bahagi kung saan naroon ang kamandag gamit ang matalin na kutsilyo o bleyd, at huhugasan niya ito ng "basi", o alak. Pagkatapos ay sisipsipin ang kamandag gamit ang maliit na sungay ng baka o kalabaw, mga tatlo hanggang apat na pulgada. Pagkatapos ay sisipsipin mismo ng "mannuma" ang dugong may kamandag at magmumumog ng "basi" o alak, o kahit anong iinumin. Pagkatapos ay tatanggalin ng "mannuma" ang sungay at lalagyan ng "iro" o abo ng tabako, at tatakpan ang sugat ng "kulapot" o malapapel na bagay sa loob ng berdeng kawayan (Jocano 1982). Marami pang iba ang ginagampanan ng mga "mannuma" at isa lamang sa mga ito ang pagtanggal ng kamandag sa kagat ng aso o ahas, ngunit hindi na naitn bibigyan pa ng detalyadong pag-aaral.

11

ANG KAMANDAG: MODERNONG PANANAW AT LUNAS AYON SA MODERNONG MEDISINA Ayon sa World Health Organization, mahigit 150 na bansa ang may mga kaso ng rabies. Sa buong munod, mahigit 55000 na tao ang taon taon na namamatay ng dahil sa rabies, at 99% ng mga namamatay ng dahil sa rabies ay nanggaling sa aso. Ang rabies ay isang nakakamatay na sakit kung napabayaan. Ito ay isang sakit na naipapasa o nakukuha ng tao mula sa mga hayop, katulad na lamang ng aso, na sanhi ng isang virus. Ang rabies virus ay kabilang sa grupo ng tinatawag na Rhabdoviridae Lyssavirus (Briggs 2011). Inaapektuhan ng sakit na ito ang mga hayop, domestic man o wild, at naipapasa sa tao mula sa laway ng apektadong hayop, sa pamamagitan ng kagat o sugat. Ang central nervous system o ang utak ang punterya ng virus. Agad itong tutulay sa ugat at unti-unting dadaloy patungo sa kanyang target. Mabilis ang pag-usad ng ng virus sa aso, dahil maliit lamang ang katawan nito kumpara sa tao. Dalawang lingo hanggang dalawang buwan ang inilalakbay ng virus bago marating ang utak ng aso. Umaakyat naman ang virus patungo sa utak ng tao ng labing-lima (15) hanggang isang-daang (100) milimetro kada araw. Sa oras na kinakitaan na ng mga sintomas, ang asong apektado ay siguradong mamamatay sa loob ng apat (4) hanggang limang (5) araw. Tatlong (3) araw hanggang limang (5) araw naman ang itinatagal ng taong biktima ng rabies bago ito mamatay (Taruc 2010). Ang rabies ay matatagpuan sa lahat ng kontinenete maliban sa Antarktika, at mahigit 95% ng mga kaso ng pagkamatay ay naitala sa Asya at Afrika. Kapag napabayan at lumabas na ang mga sintomas ng sakit na ito, ang biktima ay kadalasan humahantong sa kamatayan.

12

Ang unang sintomas ng rabies ay lagnat, pananakit o hindi maipaliwanag na pakiramdam sa pinagkagatan ng hayop. Dalawa ang maaaring kinahihinatnan nito. Ang taong may furious rabies ay nagpapakita ng sinyales ng hyperactivity, excited behaviour, hydrophobia, photophobia at kung minsan ay aerophobia. Pagkatapos ng ilang araw, maaaring mamatay ang biktima dahil sa cardio-vascular arrest. Ang taong may paralytic rabies naman ay mas malumanay, at kadalasan ay mas matagal kaysa sa furious rabies. Ang mga muscles at untiunting mapaparalyze, at magsisimula sa pinagkagatan ng hayop. Susunod ang coma, at pagkatapos ang ang kamatayan. Ang paralytic rabies ay kadalasan hindi nalalaman agad ng mga doktor. Kaunti lamang ang mga kaso ng paralytic rabies na nasa 30% ng lahat ng kaso. Wala pang espisipikong lunas ang rabies infection, maliban na lamang kung nagpapakita agad ang mga sintomas nito, ngunit kung wala, ay mahirap gamutin ang ganitong sakit. Post mortem, ang kadalasang paraan upang malaman kung may rabies ang isang tao, at naisasagawa lamang ito kapag patay na ang biktima. Nakukuha ng mga tao ang rabies sa pamamagitan ng kagat ng hayop na may rabies. Ang mga aso ang kadalasang pinagmumulan ng rabies sa Asya at Afrika, at sa mga paniki naman sa United States of America, Canada, Australia, Latin America at Wesern Europe. Naipapasa ang rabies mula sa mga hayop na ito kapag may direktang kontak sa kutis o bukas na sugat ng tao ang laway ng mga hayop na ito. Posible din ang pagpasa mula sa taong apektado ng rabies papunta sa taong hindi apektado ngunit wala pang mga naitalang kaso ng ganitong insidente. Ang pagtanggal ng rabies sa mga apektadong bahagi ng katawan sa pamamagitan ng mga chemical at pisikal na paraan ay isang mabisang paraan ng proteksyon. Inirerekomenda na

13

paunang lunas ay ang masusi at agarang paglilinis sa sugat ng mga 15 minuto ng sabon at tubig, detergent, povidone iodine o iba pang kemikal na pumapatay sa rabies virus. Category of Exposure to Suspect Rabid Animal Category I touching or feeding animals, licks on intact skin (i.e. no exposure) Category II nibbling of uncovered skin, minor scatches or abrasions without bleeding Category III single or multiple transdermal bites or scratches, licks on broken skin; contamination of mucous membrane with saliva from licks, exposures to bats. Immediate vaccination and local treatment of the wound. Immediate vaccination and administration of rabies immunoglobulin and local treatment of the wound. Post-Exposure Measures None.

Ang rabies ay naiiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna, sa mga alagang hayop, at sa taong maaaring maapektuhan o makagat ng apektadong kayop. Reference: Rabies, Facts Sheet N*99. September 2011. World Health Organization. Online. 10 January 2012.

<http://www.who.int/mediacentre/factsheets/fs099/en/>. Sa kabilang banda, isang mahalagang usapin din ang kamandag o venom lalo na sa mga tropikal at sub-tropikal na lugar sa Afrika, Asya, Oceania at Latin Amerika (WHO 2012). Ayon sa World Health Organization, mahigit 421, 000 envenomings at 20, 000 na pagkamatay ang naitatala sa buong mundo taon-taon, at umaabot ng 1, 841, 000 envenomings at 94, 000 na pagkamatay (WHO 2012). Naitala ang pinakamatatas na bilang sa Timog Asya, Timog Silangang Asya at Sub-Suharan Afrika. Sa Pilipinas, wala pang eksaktong bilang ng mortalidad ngunit sinasabi na may 200-300 na pagkamatay dulot ng kagat ng cobra (Naja philippinensis) ang naitatala taon-taon, at kadalasan ay mga magsasaka ang buktima (WHO 2005).

14

Ayon sa World Health Organizations, ang mga tradisyunal na paraan ng panggagamot dito ay napatunayang walang silbi at nakapagpapalala pa ng sitwasyon, "Unfortunately, most of the traditional, popular, available and affordable first aid methods have proved to be useless or even frankly dangerous." (WHO 2005) Ilan sa mga tradisyunal na paraan ng panggagamot dito ay, "...making local incisions or pricks/punctures (tattooing) at the site of the bite or in the bitten limb, attempts to suck the venom out of the wound, use of (black) snake stones, tying tight bands (tourniquets) around the limb, electric shock, topical instillation or application of chemicals, herbs or ice packs." (WHO 2005) Nagbabala din ang World Health Organizations na hindi dapat pinahihintulutan ng mga tradisyunal na manggagamot na saktan ang biktima o pigilan ang agarang medikal na atensyon. "Most traditional first aid methods should be discouraged: They do more harm than good !" (WHO 2005). Ito ang inererekomenda ng WHO na agarang lunas para sa kagat ng ahas: Reassure the victim who may be very anxious Immobilise the bitten limb with a splint or sling (any movement or muscular contraction increases absorption of venom into the bloodstream and lymphatics) Consider pressure-immobilisation for some elapid bites Avoid any interference with the bite wound as this may introduce infection, increase absorption of the venom and increase local bleeding World Health Organizations 2005

15

MGA SALIK Tanyag pa rin sa ilang komunidad ng bansa ang ilang tradisyunal na panggagamot. Maraming indibidwal ang patuloy na tumatangkilik dito. Sa bayan ng Victoria, Tarlac ay nananatili ang tradisyunal na paraan ng pagtanggal o paggamot sa kamandag na dulot ng kagat ng aso o "tandok" (Guzman 2007), sa kabayanan ng Ilocos ay nandiyan ang mga "mannuma" (Jocano, 1982), sa bayan ng Bay, Laguna ay patuloy pa rin ang pagtangkilik sa mga tradisyunal na manggagamot (Jocano 2003), sa bayan ng Bontoc, Mountain Province ay nanatiling buhay ang mga tradisyunal na paraan ng panggagamot (Camfili 2001), sa lalawigan ng Isabela ay nandiyan pa rin ang mga "mangilu" (Laggui 2002). Ilan lamang ang mga tradisyunal na paraan ng panggagamot ang mga ito. Marami pang iba ang laganap at patuloy na umiiral sa paglipas ng panahon. Sa kabila ng modernong anti-rabies injection na inirerekomenda ng modernong medisina bilang lunas sa rabies na dulot ng kagat ng apektadong aso, ay patuloy pa rin ang pagtangkilik ng mamamayan sa mga tradisyunal na panggagamot. Titignang mabuti ang mga salik kung bakit nangingibabaw pa rin ang mga tradisyunal na panggagamot. Ipinaliwanag ni Guzman (2007) ng detalyado ang mga sumusunod na salik sa patuloy na pagtangkilik ng ilan sa "tandok", Impluwensya ng Komunidad at Lipunan. Nakakaapekto sa desisyon ng isang indibidwal ang rekomendasyon ng ibang tao kung sa "tandok" nga ba pupunta o hindi. Nirerekomenda ng mga taong nakaranas ng pagiging "epektibo" ng "tandok" ang ganitong proseso, habang hindi naman sumasang-ayon ang modernong doktor sa proseso ng tandok.

16

Kalagayang Pang-ekonomiko. Ang pagiging mahal ng mga anti-rabies injection ang isang salik kung bakit sa tandok nagpupunta ang ilan. Sa "tandok", boluntaryong bayad lamang ang ibinibigay kaya naman mas gusto ito ng ilan. Sinasabi din na may diskriminasyong nangyayari sa loob ng mga ospital kapag mahirap ang mga nagpapagamot. Aksesibilidad sa mga Modernong Institusyong Pangkalusugan. Ang mga rural health center sa ilang bahagi ng bansa ay town-based, samantalang ang mga "magtatandok" ay community-based. Madali lamang pumunta sa mga rural health center dahil nasa bayan lamang ang mga ito, ngunit mas madaling pumunta sa mga "magtatandok" sapagkat nasa barangay lang ang mga ito. Samantala, sinabi ni Guzman na hindi malaking isyu ang distansya sa usaping ito sapagkat nasa indibidwal mismo ang desisyon kung saan niya mas gusto. Edukasyon. Ang mga indibidwal na nakapag-aral o nakakaalam ng siyentipikong detalye ng rabies, ay hindi tatangkilik sa prosesong "tandok". Ngunit, ang ilan na nakakakuha ng impormasyong epektibo ang "tandok" bilang isang proseso ng panggagamot sa mga kamag-anak, kapitbahay o kakilala ay nirerekomenda ang "tandok". Popularidad ng Panggagamot. Kahit iniendorso ng modernong medisina ang anti-rabies injection, ay nagkukulang sa pagpapalaganap ng impormasyon sa ilang komunidad, o kaya naman ay hindi pa tinatanggap ng ilang mamamayan ang ganitong modernong paraan. Sa ganitong sitwasyon, mas popular sa mga komunidad na ito ang tradisyunal nilang paraan, at nagtititwala sila sa bisa o epektibidad ng "tandok". (Guzman 2007) Ayon naman sa World Health Organization, ang patuloy na pagtangkilik sa mga tradisyunal na paraan ng panggagamot ay makikita sa diyagram sa ibaba.
17

Non-accesible Health Care

Non-available Health Care

Nonaffordable Health Care

TRADITIONAL MEDICINE survives and thrives

Patwardhan 2005, p.27

USAPIN Isang malaking isyu sa mga tradisyunal na paraan ng panggagamot ang epektibidad nito, kung nakakapagpagaling nga ba talaga ito o nakakapagpalalo lamang sa kalagayan ng isang indibidwal. Ayon sa Kagawaran ng Kalusugan (Department of Health), ang "tandok" na isang paraan ng pagtanggal sa rabies ay hindi mabisa sapagkat marami ng kaso ng pagkamatay ang naitala ng dahil sa pagpapagamot ng mga biktima sa "tandok" (DOH 2011). Maraming bayan na din sa bansa ang nagpasa ng mga batas upang itigil ang proseso ng "tandok" sapagkat hindi ito epektibo. Halimbawa na dito ang Iloilo City na nagpatay ng kaparusahan sa sinumang magsasagawa ng ganitong uri ng panggagamot (Pendon 2010). Ganoon din ang ginawa ng pamahalaang lungsod ng Tabuk, Kalinga matapos mamatay ang isang residente dahil sa kagat ng aso at sumangguni sa "tandok", sa pag-asang gagaling ito (Albano 2009). Sa Iligan City naman ay ideneklara na ng Bite Treatment Center ng City Health Office na ang "tandok" ay
18

hindi mabisang lunas sa rabies, at sinabi na ito ay walang siyentipikong basehan, at ang mga nagpapagamot dito ay namamatay pa rin. Sinabi din na ang rabies ay isang virus at hindi ito matatanggal sa pamamagitan lamang ng ordinaryong panggagamot katulad ng "tandok" (Sorino 2011). Sa Koronadal City, nagbabala na ang South Cotabato Integrated Provincial Health Office na huwag magtiwala sa tradisyunal na tandok sa pagpapagaling ng rabies mula sa kagat ng aso (Philippine Information Agency 2011). Ang mga ganitong balita ay nakakalungkot sapagkat ang pinag-uusapan dito ay buhay ng mga indibidwal na umasang gagaling sa tulong ng "tandok", ngunit nabigo at tuluyang namatay. Maiiwasan ang mga ganitong sakuna kung pag-iisipang mabuti ang tama at nararapat na gawin, kung sa "tandok" nga ba pupunta, o sa doktor. Nag-iwan din ng mensahe si Arnold Clavio sa kanyang dokumentaryong "Emergency: Rabies Alert" na ipinalabas sa GMA 7 noong 15 January 2006, na mag-isip-isip ng mabuti upang maiwasan ang anumang sakuna. Ipinakita dito ang bangis ng rabies kung saan kumukutil ng buhay ng maraming tao hindi lamang sa bansa kundi sa iba pang bahagi ng mundo. Maiiwasan ito ayon sa kanya kung susundin ang mga nararapat na paraan ng pag-aalaga ng aso, at maging alerto sa epekto ng rabies. Hindi malulunasan ng kung ano-anong gamot ang rabies kaya pinakamabuti ang komunsulta agad sa doktor. KONKLUSYON Batay sa mga nakitang impormasyon, ay masasabi na ang tandok o suma ay isang tradisyunal na prosesong tinatanggap pa rin ng lipunan hanggang sa kasalukuyan kahit may mga modern ng paraan ng panggagamot ng rabies. Nananatili pa rin ang mga ito sa kabila ng mga

19

kampanyang isinasagawa ng pamahalaan upang lunasan at bawasan ang mga kaso ng rabies sa bansa, at itigil ang patuloy na pananatili ng mga ganitong uri ng panggagamot. Hindi maaaring basta basta na lang na baliin ang paniniwala ng mga indibidwal na ito, bagkus ay kaya pa silang iligtas sa kapahamakan sa pamamagitan ng pagbibigay ng maayos na modernong serbisyo medical, at sa tulong na din ng edukasyon. Ang mga salik na nakita ay mga indikasyon lamang na may pagkukulang pa rin ang bawat isa. Sa larangan ng edukasyon, medisina, at pulitika. Kung maayos ang mga gusot sa sistema ng mga larangang ito, ay kahit paanoy maiiwasan ang mga insidente ng pagkamatay ng dahil lamang sa rabies. Ang tandok at suma ay matagal ng nanalaytay sa kasaysayan ng bansa. Ang mga tradisyunal na paraan ng panggagamot na ito ay buhay na buhay hanggang sa kasalukuyan. Nakadepende sa taong mas nakakaalam ng katotohanantungkol sa mga tradisyunal na paraan ng panggagamot, kung ang mga itoy magpapatuloy pa.

20

BIBLIYOGRAPIYA Albano, Estanislao Jr.. Tabuk City bans tandok for rabies.19 May 2009. The Voice of Kalinga. Online. 10 January 2012. <http://kalingavoice.blogspot.com/2009/05/tabuk-city-lgubans-tandok-for-rabies.html>. Camfili, Matyline A. Traditional Healing Practices of Guina-ang, Bontoc, Mountain Province in the Process of Change.Thesis. University of the Philippines Baguio, March 2001. Complementary and Alternative Medicine May reduce Risk of Some Diseases. Disease Control Priorities Project, 2007.Online.20 January 2012, <http://www.dcp2.org/>. Briggs, Deborah J. The Immunological Basis for Immunization Series Module 17: Rabies. Department of Immunization, Vaccines and Biologicals, World Health Organization. February 2011. Online. 10 January 2012, <http://whqlibdoc.who.int/publications/2011/9789241501088_eng.pdf>. Guzman, Jan Michael Fausto. An Assessment of the Continuous Persistence of Tandok as a Traditional Healing Practice in Victoria, Tarlac.Thesis. University of the Philippines Baguio, March 2007. Huizer, Gerrit at Jesus Lava. Explorations in Folk Religion and Healing, Book One: Global Perspectives. Asian Social Institute Communication Center. Islam.Anwar.Understanding Traditional Health Systems: A Sociological Perspective. Meeting the Health Challenges of the 21st Century: Partnerships in Social Science and Health Science. De La Salle University, Manila, Philippines: Philippine Social Science Council, Social Development Center, 1997. Jocano, F. Landa. Folk Medicine in a Philippine Municipality. Metro Manila, Philippines: PUNLAD Research House Inc., 2003. _____________.The Ilocanos: An Ethnography of Family and Community Life in the Ilocos Region. University of the Philippines System, Diliman, Quezon City: ASIAN CENTER, 1982. Laggui, Ma. Lourdes Sy.The Traditional Healing Practices of the Mangilu of Cabagan, Isabela.Thesis. University of the Philippines Baguio, March 2002.

21

Patwardhan, Bhushan. Traditional Medicine: Modern Approach for Affordable Global Health. 25 March 2005, World Health Organization, Geneva: Commission on Intellectual Property, Innovation and Public Health. Online.10 January 2012, <http://www.who.int/intellectualproperty/studies/B.Patwardhan2.pdf>. Pendon, Lydia C. Council bans 'tandok' practice in Iloilo City. 16 September 2010. Sunstar Iloilo. Online. 10 January 2012. <http://www.sunstar.com.ph/iloilo/local-news/councilbans-tandok-practice-iloilo-city> Philippine Information Agency. Health officials warn public not to trust tandok as anti-rabies treatment. 19 August 2011. Online. 10 January 2012. <http://www.pia.gov.ph/news/index.php?menu=1&pdp=4&article=1611322186892> Segismundo, Chona H. The Filipino Traditional Medicine in Development of a Relevant Health Care System. Meeting the Health Challenges of the 21st Century: Partnerships in Social Science and Health Science.De La Salle University, Manila, Philippines: Philippine Social Science Council, Social Development Center, 1997. Sorino,Nora. Tandok, vinegar and garlic not cure for rabies: City vet. 30 March 2011. Mindanao Gold Star Daily. Online. 10 January 2012. <http://www.goldstardailynews.com/northern-mindanao-x/2322-tandok-vinegar-andgarlic-not-cure-for-rabies-city-vet.html> Valdez, Violed B. at Fernandez, Doreen G., eds. Risky Ventures: Readings on Communicating Health Environmental News and Issues. Philippines: Ateneo De Manila University Press, 1999. World Health Organization. A Report of the Consultation Meeting on Traditional and Modern Medicine: Harmonizing the Two Approaches Beijing, China. 22-26 November 1999. Online.10 January 2012, <http://www.wpro.who.int/NR/rdonlyres/7F5201AF-79FA4BF8-9BE5-4A55B541706C/0/RS199911CHN.pdf>. .Guidelines for the Clinical Management of Snake Bites in the South-East Asia Region. 2005. World Health Organizations Regional Office for South-East Asia, World Health House, Indraprastha Estate, New Delhi, India. Online. 10 March 2012. <http://www.searo.who.int/LinkFiles/SDE_mgmt_snake-bite.pdf> ____________.Neglected Tropical Disease: Snakebit. 2012. World Health Organizations. Online. 10 March 2012.<http://www.who.int/neglected_diseases/diseases/snakebites/en/> ____________Rabies, Facts Sheet N*99. September 2011. World Health Organization. Online. 10 January 2012. <http://www.who.int/mediacentre/factsheets/fs099/en/
22

Documentaries

Arnold Clavio. Emergency: Rabies Alert!. 15 January 2006. GMA 7 Jay Taruc. I Witness: Rabies. 15 November 2010. GMA 7

23

You might also like