Grade 10 Q4 M2 El Filibusterismo
Grade 10 Q4 M2 El Filibusterismo
Grade 10 Q4 M2 El Filibusterismo
Markahan Modyul 2: El
Filibusterismo
ANG MAHAHALAGANG TAUHAN NG EL
FILIBUSTERISMO BASILIO: BUHAY, PANGARAP,
MITHIIN, PANINIWALA AT SALOOBIN
Alamin
Ang modyul 2 ay naglalaman ng pagpapakilala sa mga mahahalagang tauhan
ng nobelang El Filibusterismo. Ipinakikita rin dito ang naging paglalakbay ni
Basilio bilang isa sa pinakamahalagang tauhan ng nobela. Nakapaloob din sa
modyul ang mga kabanata ng El Filibusterismo na nakasentro sa tauhang si
Basilio tulad ng Kabanata 6, Kabanata 7, Kabanata 23, Kabanata 26, Kabanata
31, Kabanata 33 at Kabanata 34. Sa pagtatapos ng araling ito, inaasahang
maibubuod mo ang ilang mga kabanatang nakapaloob sa modyul. Inaasahan
ding mapalalawak mo ang iyong kakayahan sa pagsusuri ng akda sa
pamamagitan ng pag-iisa-isa sa mga elemento nito tulad ng tauhan, tagpuan,
suliranin, wakas at iba pa. Kaagapay mo sa iyong ganap na pagkatuto ang mga
gawain na inihanda upang subukin ang iyong kakayahan at pag-unawa sa
paksang inilahad sa bahaging ito. Kung gayon, ihanda mo na ang iyong sarili at
atin nang taluntunin ang mundo ng nobelang El Filibusterismo.
Sa araling ito malilinang ang mga Pinakamahalagang
Kasanayang Pampagkatuto (MELCS) na:
1. Natutukoy ang papel na ginagampanan ng mga tauhan sa akda sa
pamamagitan ng: pagtunton sa mga pangyayari
pagtukoy sa mga tunggaliang naganap
pagtiyak sa tagpuan
pagtukoy sa wakas F10PB-IVb-c-87
2. Nabibigyang-kahulugan ang matatalinghagang pahayag na ginamit sa
binasang kabanata ng nobela sa pamamagitan ng pagbibigay
halimbawa. F10PT-IVb-c-83
3. Naiuugnay sa kasalukuyang mga pangyayaring napanood sa video
clip ang pangyayari sa panahon ng pagkakasulat ng akda. F10 PD –IVb-
c-82
4. Naibabahagi ang ginawang pagsusuri sa napakinggang buod ng
binasang akda batay sa: pagkamakatotohanan ng mga pangyayari F10
PS-IVb-c- 86
5. Naisususulat ang buod ng mga binasang kabanata. F10 PU-IV-c- 86
6. Nagagamit sa pagbubuod ang tamang mekaniks sa pagsulat (baybay,
bantas, at iba pa) gayundin ang wastong pag-uugnay ng mga
pangungusap/ talata. F10 WG- IV-c-79
Balikan : Iguhit ang puso kung ang pahayag ay tunay na naganap sa
kaligirang pangkasaysayan ng nobela at bituin naman kung ang
pangyayari ay gawa-gawa lamang.
_________ 1. Ang nobelang El Filibusterismo ay sinimulang isulat ni Rizal
sa Calamba, Laguna noong 1887.
_________ 2. Naging kaagapay ni Dr. Jose P. Rizal sa pagpapalimbag ng
nobela si Dr. Ferdinand Blumentritt.
_________ 3. Inalay ni Rizal ang nobelang El Filibusterismo sa tatlong
paring martir na sina Gomez, Burgos at Zamora.
_________ 4. Pagkatapos mailimbag ang nobela, binigyan niya ng sipi ang
matatalik na kaibigan niyang sina Blumentritt, Del Pilar, Jaena at Luna.
_________ 5. Natapos at nakompleto ang mga kabanata ng nobela noong
ika-29 ng Marso taong 1891.
Isa sa pinakamahalagang elemento ng isang akda ay ang tauhan. Ito
ang elementong nagpapagalaw at nagbibigay-buhay sa isang kuwento.
Mahalagang pag-aralan ang kilos at gawi ng mga tauhan upang
matukoy kung ano ang tunay na gampanin nila sa akda.
Bilang bahagi ng pagtalakay sa isa pang nobela ni Rizal, mahalagang
makilala ng mga mambabasa ang mga mga tauhang ginamit sa El
Filibusterismo na siyang nagbigay buhay sa lipunang Pilipino noong
panahon ng pananakop.
Mga Tauhan
Basilio - Anak na naging dahilan ng kamatayan ng kadugo. Siya ang
anak ni Sisa na inaruga at pinag-aral ni Kapitan Tiyago.
• Don Custodio - Makapangyarihang mahilig sa posibilidad. Espanyol na
opisyal ng pamahalaan na ang tingin sa sarili ay siya lamang ang nagiisip
sa Maynila, hindi kikilos kung walang papuri ng pahayagan, mahilig
humawak ng maraming tungkulin ngunit hindi alam kung paano
palalakarin at binansagang “Buena Tinta”.
• Simoun - Mag-aalahas na nagbalik sa nobela upang maghiganti sa lahat
ng taong nagpahirap sa kanya at sa kanyang pamilya.
• Huli/Juli - Anak na naging kabayaran sa lupang pilit ipinaglalaban ng
ama. Siya ang anak ni Kabesang Tales na nagpaalila upang matubos ang
ama.
• Juanito Pelaez - Mag-aaral na malapit sa mga guro at umaasa sa talino
ng iba. Kubang anak ng isang mayamang mangangalakal, naikasal kay
Paulita Gomez, mahusay makisama sa mga propesor, at mahilig
manukso sa kanyang mga kapwa mag-aaral.
• Macaraig - Mayamang mag-aaral na masigasig sa pagkakaroon ng
Akademya ng Wikang Espanyol.
• Sandoval - Banyagang nasa Pilipinas na binalot na ang katauhan ng
kulturang Pilipino. Espanyol na kawaning nagpatuloy ng pag-aaral sa
Pilipinas, lihis ang mga gawain sa kaniyang mga kababayan at nakiisa sa mga
Pilipinong mag-aaral sa pagkakaroon ng Akademya ng Wikang Kastila.
• Ginoong Pasta - Matalinong taong kahit batid ang katotohanan, di
pumapanig dahil naglilingkod sa pamahalaan. Pinakatanyag na abogado sa
Maynila at sanggunian ng mga prayle kung may suliranin. Pinagsanggunian
din ng mga mag-aaral tungkol sa pagpapakatao ng Akademya ng Wikang
Kastila.
• Padre Irene - Taong may dalawang mukha o tinatawag na balimbing. Paring
namamahala sa paghingi ng kapahintulutang makapagtayo ng Akademya ng
Wikang Kastila. Kaibigang matalik at tagapayo ni Kapitan Tiyago.
• Padre Salvi - Paring tahimik na kumakatawan sa mga alagad ng Diyos. Ang kura sa
San Diego na pumalit kay Padre Damaso. Tinaguriang moscamuerla o patay na
langaw.
• Padre Camorra - Mapagkunwari at di mapagkakatiwalaan. Kura-paroko na mukhang
artilyero ng kumbento ng Tiani na nagtangkang pagsamantalahan si Juli.
• Padre Fernandez- Alagad ng Diyos na may sariling paninindigan at di
nagpapaapekto sa nais ng nakararami. Dominikong paring may kakaibang ugali
dahil sa paninindigan sa ibang kaparian, paboritong mag-aaral si Isagani dahil sa
katalinuhan nito.
• Paulita Gomez - Babaeng sumusunod sa batas ni Darwin na ang babae ay
nagpapaangkin lamang sa lalaking higit na sanay makibagay sa kinalakhang
kalagayan. Katipan ni Isagani. Maganda at mayamang pamangkin ni Donya
Victorina.
• Tandang Selo - Lolong matiisin na nakaranas ng maraming suliranin sa pamilya. Lolo
nina Juli at Tano na dinibdib ang mga kasawian ng pamilya, napipi at nabaril ng
apong si Tano.
• Tano - Anak na naging dahilan ng kamatayan ng kadugo. Anak na lalaki ni
Kabesang Tales na pumasok bilang guwardya sibil.
• Quiroga - Isang Tsino sa Binondo na kaibigan ng mga prayle at nais
magkaroon ng konsulado ng Tsina sa Pilipinas
• Ben Zayb –. Mamamahayag na Espanyol na di patas sa pagsulat ng balita at
mataas ang tingin sa sarili na siya lamang ang nag-iisip sa Maynila.
• Donya Victorina - Pilipinang nag-aasal banyaga/dayuhan. Tiyahin ni Paulita
Gomez na palaayos, kumikilos at nag-aasal na isang Espanyol. Itinuturing din
siyang mapait na dalandan.
• Hermana Penchang - Nagpapanggap na relihiyoso at may kakayahang
ipagkanulo ang pagtitiwala ng kapwa. Mayamang donya/manang na
nagpahiram ng pantubos kay Juli bilang kapalit ng pagiging katulong nito.
• Tadeo - Mag-aaral na walang pagpapahalaga sa pag-aaral at pumapasok
lamang sa paaralan upang alamin kung may pasok.
Tuklasin :
Nagiging mas makatotohanan ang isang akda kung nagkakaroon ng
kabatiran ang mambabasa sa mga pangyayaring naganap sa mga
tauhan nito. Mahalagang maunawaan ng mambabasa ang gampanin ng
mga tauhan gayundin ang mga suliranin at tunggaliang naganap sa mga
ito.
Basahin at unawain ang mga sumusunod na kabanata ng El
Filibusterismo at pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong.
Si Basilio sa kaniyang pagmumuni-muni sa naging takbo ng buhay
Kabanata VI
(Si Basilio)
Maingat na bumaba si Basilio sa malapalasyong tahanan ni Kapitan
Tiyago habang patuloy na tumutugtog ang mga kampana para sa
panghating-gabing misa. Nilakbay niya ang kagubatang nabili ni Kapitan
Tiyago na dating pag-aari ng mga Ibarra.
Tumigil si Basilio sa bunton ng mga batong malapit sa punong balite
kung saan nakalibing ang inang si Sisa. Pagkaraan ay inalis niya ang
kaniyang sombrero at nanalangin.
Sumagi sa kaniya ang pagkamatay ng ina, ang pagdating ng lalaking
sugatang nilagutan ng hininga at ang pagtulong ng nakilalang lalaki sa
pagsunog sa bangkay ng lalaking namatay at paghukay ng paglilibingan ng
kaniyang ina. Inabutan siya ng kaunting salapi at pinaalis sa lugar
Nagtungo siya sa Maynila na isang ulilang lubos upang maging
katulong at makapag-aral. Walang tumanggap sa kanya dahil sa
kalunos-lunos na itsura at kalagayan kung kaya’t tinangka niyang
magpasagasa sa mga dumaraang sasakyan.
Natagpuan siya ni Kapitan Tiyago. Nagpaalila siya rito nang walang
bayad. Pinahintulutan naman siya ni Kapitan Tiyago na makapag-aral sa
San Juan de Letran. Tiniis niya ang di- mabuting pakita ng mga guro at
kamag-aral.
Nang magmongha si Maria Clara, namuhi na sa mga prayle si
Kapitan Tiyago kaya’t pinalipat na ng pag-aaral si Basilio sa Ateneo
Municipal. Sa loob ng dalawang buwan ay magiging ganap na siyang
manggagamot bunga ng kaniyang pagsisikap at pagtitiyaga. Babalik siya
sa bayang sinilangan at magpapakasal kay Huli.
Gawain 1 Panuto: Punan ng wastong sagot ang mga sumusunod na
tanong.
1. Sino si Basilio? ____________________________
2. Anong kurso ang kinuha ni Basilio sa San Juan De Letran?
_______________
3. Bakit pumunta si Basilio sa gubat? __________________________
4. Bakit kinupkop ni kKapitan Tiyago si Basilio? __________________
5. Paano nalampasan ni Basilio ang dagok ng kahirapan?
___________________