Learning Plan - Kim
Learning Plan - Kim
Learning Plan - Kim
OBJECTIVES
Sa loob ng 60 minutong aralin sa ESP 10 , ang mga mag-aaral ay inaasahang:
COGNITIVE:
Naipamamalas ng mag-aaral ang pag-unawa sa tunay na gamit ng kalayaan
Natutukoy ang mga pasya at kilos na tumutugon sa tunay na gamit ng kalayaan
PSYCHOMOTOR:
Nakagagawa ng angkop na kilos upang maisabuhay ang paggamit ng tunay na kalayaan: tumugon sa tawag ng
pagmamahal at paglilingkod
AFFECTIVE :
Napatutunayan na ang tunay na kalayaan ay ang kakayahang tumugon sa tawag ng pagmamahal at paglilingkod
RESOURCES
EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO 10
YUNIT I: ANG MORAL NA PAGKATAO
“ANG TUNAY NA KALAYAAAN”
ASSESSMENT
Panuto: Naunawaan mo ba ang iyong binasa? Upang masubok ang lalim ng iyong naunawaan, sagutan mo ang
sumusunod na tanong sa iyong kuwaderno:
1. Ano ang karaniwang katuturan ng kalayaan?
2. Ano ang responsibilidad o pananagutan?
3. Paano nauugnay ang kalayaan sa pananagutan?
4. Ano ang tinatawag na tunay na kalayaan?
5. Ipaliwanag ang dalawang aspekto ng kalayaan.
6. Paano ito nauugnay sa pagkamit ng tunay na kalayaan?
SKILL TO BE DEVELOPED
Ang tao bagama’t may kalayaang piliin at gawin ang isang kilos, hindi sakop ng kalayaang ito ang piliin ang kahihinatnan ng
kilos na pinili niyang gawin. Binigyang linaw ito sa talakayan sa EsP sa Baitang 7. Palaging may pananagutan ang tao sa
kahihinatnan ng kaniyang piniling kilos.
Ayon Johann tungkol sa tunay na kalayaan. Ang salitang kalayaan ay karaniwang gumigising sa puso ng bawat tao.
Ipinaglalaban ng bawat tao ang kaniyang karapatang mabuhay at magpasiya ayon sa kaniyang nais, sa pangangatuwirang
walang panlabas na hadlang na sisirain sa paggawa niya nito. Ito ang madalas na iniisip ng tao tungkol sa kalayaan
– ang paggawa ng isang bagay na nais niyang gawin o ang karapatang sabihin ang anumang bagay na nais niyang sabihin.
Karaniwang sa pag-asam at pagsisikap na makamit ang kalayaan, nakaliligtaan ang mahalagang hakbang sa pagkamit nito.
Karaniwang tinitingnan ang kalayaan bilang kawalan ng panlabas na hadlang sa pagkamit ng ninanais ng tao.
Bibihirang kinikilala na ang pinakamalaking hadlang sa kalayaan ay hindi ang nagmumula sa labas kundi ang nagmumula
mismo sa loob ng tao. Ito ay hiwalay sa ginagawa o kilos ng iba kaya’t kailangan ng tao ng “higit” pa sa malayang kilos-loob
upang maging malaya.
Ang tinutukoy na “higit” ay makikita kung titingnan ang kalayaan sa aspektong mayroon itong kakambal na responsibilidad
o sa madaling sabi, ang kalayaan ay may kasunod na responsibilidad.
Narito ang paliwanag ni Johann sa dalawang pakahulugan sa pananagutan na nakaaapekto sa ideya ng kalayaan.
1. Simulan natin sa pagsasabing ang malayang kilos ay kilos na “mananagot ako.” Ito ay kilos na nagmula sa akin. Sa
puntong ito, ang kalayaan ay nakakabit sa aking sarili (sa pagiging ako), sa aking kakayahang kumilos, sa aking sariling
kagustuhan, sa pagsasabi ng oo o hindi sa mga nakapalibot sa akin, sa pagpapasiya ko kung ano ang aking gagawin. Ito ang
kalayaang kaugnay ng malayang kilos-loob at mayroon ako nito dahil ako ay tao, likas ito sa akin. Sapagkat ang
tao ay tao, siya ang pinagmumulan ng kaniyang kilos. Kaya may pananagutan siya sa kalalabasan ng kaniyang ginawa.
Nangangahulugan itong kailangan niyang harapin ang kahihinatnan ng kaniyang ginawa. Halimbawa, maaaring bumagsak
ang marka ng isang mag- aaral na hindi pumapasok sa klase. Hindi niya maiiwasang harapin ang resulta ng pagliban niyang
ito. Ang tao ay karaniwang pinananagot sa paggawa ng isang bagay na hindi niya mabigyan ng mapangangatwiranang
dahilan (justifiable reason). Siya ay dapat managot (be accountable) sa mga kilos na ito.
2. Subalit, bagama’t ako ay responsable sa aking ginawa, hindi ito nangangahulugan na ang kilos ko ay mapanagutang
kilos. Bilang tao, ako ay responsable sa aking mga kilos, subalit hindi ito nangangahulugang ako ay isang responsableng tao.
Ang responsibilidad sa sukdulang kahulugan nito ay hindi lamang pananagutan kundi ito ay kakayahan o abilidad na
magbigay paliwanag (give account). Ibig sabihin, may kakayahan akong bigyang dahilan kung bakit kailangan kong gawin
ang aking kilos ayon sa hinihingi ng pagkakataon o sitwasyon. Ibig sabihin, kakabit ng pananagutan ang kakayahan ng taong
tumugon sa obhektibong tawag ng pangangailangan ng sitwasyon. Ang responsableng tao kung gayon ay ang taong tinutuon
ang kaniyang kilos bilang tugon sa obhektibong tawag ng pangangailangan. Kaya nga kapag isinaalang-alang niya ang mga
salik sa konteksto ng sitwasyon bago ang pagsasagawa ng kaniyang kilos, may pagsisikap siyang tumugon ayon sa mga salik
na ito at hindi ang pagpapairal ng sariling kagustuhan; kaya hindi siya mahihirapang ipaliwanag at bigyang- katwiran ang
kaniyang ginawang kilos.
Kung ang pagiging mapanagutan ay hindi makapagbibigay sa akin ng kakayahang ipaliwanag ang aking kilos, gayundin ang
pagkakaroon ng malayang kilos-loob, hindi masisigurong ako ay totoong malaya. Ang kalayaan ay hindi lamang
nangangahulugan ng pagkakaroon ng kakayahang kumilos ayon sa aking kagustuhan, ang pagiging malaya ay
nangangahulugang mayroon akong kakayahang kumilos nang rasyonal o naaayon sa katuwiran. Kaugnay ng tunay na
kalayaan, ang malayang kilos-loob ay paraan lamang upang makamit ito, sapagkat ang makatuwirang kilos ay humihingi ng
pagiging malaya sa pagiging makasarili (egoism). Ang kakayahang kumilos nang may katuwiran ay nangangailangan o
humihingi ng pagpapalit ng pokus sa buhay. Ang pokus na ito ay ang pagpapahalaga sa kapuwa at paglalagay sa kanila na
una bago ang sarili; ang tumugon sa kung ano ang kailangan ng sitwasyon kaysa sa magpaalipin sa sariling pagnanais at
kapritso.
Sinang-ayunan ito ni Lipio (2004) sa kaniyang paliwanag na ang tunay na kalayaan ay hindi sariling kalayaan ng tao na
hiwalay sa sambayanan kundi isang kalayaang kabahagi ang kaniyang kapuwa sa sambayanan. Dahil nabubuhay ang tao sa
isang sambayanan, ginagamit ang kalayaan sa pakikipagkapuwa-tao sapagkat ang tunay na kalayaan ay ang pagpapahalaga sa
kapuwa: ang magmahal at maglingkod.
Mula sa mga naunang paliwanag, makikitang may dalawang aspekto ng kalayaan: ang kalayaan mula sa (freedom from) at
kalayaan para sa (freedom for).
1. Kalayaan mula sa (freedom from). Karaniwang binibigyang katuturan ang kalayaan bilang kawalan ng hadlang sa
labas ng tao sa pagkamit ng kaniyang ninanais. Sa ganitong pag-unawa ng kalayaan, masasabing malaya ang tao kapag
walang nakahahadlang sa kaniya upang kumilos o gumawa ng mga bagay-bagay. Subalit kailangang kilalanin na ang tunay
na nakahahadlang sa kalayaan ng tao ay hindi ang nagaganap sa labas niya o sa kaniyang paligid kundi ang nagmumula sa
kaniyang loob. Ang nagaganap sa labas ng kaniyang sarili ay pangyayaring wala siyang kontrol at wala siyang kalayaan
upang pigilan ito. Samantalang ang na gaganap sa loob ng tao ay kaya niyang pigilin at pamahalaan upang maging ganap
siyang malaya. Ano kung gayon ang nakahahadlang sa kalayaan mula sa loob ng tao? Ito ay ang mga negatibong katangian at
pag-uugaling ipinaiiral ng tao kaya’t kahit mayroon siyang kilos-loob, pumipigil ito sa kaniya sa pagkamit at paggamit ng
tunay na diwa ng kalayaan. Kailangang maging malaya ang tao mula sa makasariling interes, pagmamataas, katamaran,
kapritso, at iba pang nagiging hadlang upang magawa niya ang ikalawang uri ng kalayaan.
2. Kalayaan para sa (freedom for). Ang tunay na kalayaan ayon kay Johann ay ang makita ang kapuwa at mailagay
siyang una bago ang sarili. Kung malaya ang tao mula sa pagiging makasarili at maiwasang gawing sentro ng kaniyang
buhay ang kaniyang sarili lamang, magkakaroon ng puwang ang kaniyang kapuwa sa buhay niya. Gagamitin niya ang
kaniyang kalayaan para tumugon sa hinihingi ng sitwasyon at pagkakataon. Ito ang diwa ng pagmamahal sa kapuwa.
Samakatwid, kailangang maging malaya ang tao mula sa mga pansariling hadlang upang maging malaya siya para sa
pagtugon sa pangangailangan ng kaniyang kapuwa - ang magmahal at maglingkod. Narito ang halimbawa ng paliwanag
tungkol sa dalawang aspekto ng kalayaan: Isang matanda ang nakatayo sa kanto at naghihintay ng tutulong sa kaniya upang
makatawid. Maaari ko siyang tulungang tumawid o kaya’y huwag pansinin. Ngunit mayroon siyang pangangailangang
nagsusumiksik sa aking kamalayan at humihimok sa akin na siya’y tulungan. Hindi ko siya tinutulungan para pasalamatan
niya ako o kaya’y sa magandang pakiramdam na nagmumula sa pagtulong sa kapuwa. Bagkus nakikita ko ang kaniyang
pangangailangan at kung hindi ko ito papansinin ay alam kong hindi ako karapat-dapat bilang ako. Ngunit hindi ko rin
makikita ang kaniyang pangangailangan at hindi ako makatutugon kung sarili ko lang ang iniintindi ko. Kung paiiralin ko
ang aking katamaran hindi ko nanaising gambalain ako ng iba.
Ang nasa kalooban kong pagpapakatao ang nagpapakilos sa akin upang tumugon sa tawag na magmahal ng kapuwa. Sa
pagtugon ko ng “oo” rito, inakay ko at tinutulungang tumawid ang matanda sa kalsada. Sa pagtulong sa kaniya, ipinakikita ko
ang aking pananagutan sa kaniya, lumalaya at naliligtas ako mula sa aking makasariling mga interes, pagmamataas,
katamaran at iba pang hindi kaayaayang ugali. Binubuksan nito ang aking kamalayan na gamitin ang aking kalayaan para
maglingkod sa kapuwa at palalimin ang aking pagkatao. (Lipio,F, 2004 ph.14.)
Ayon kay Scheler, ang kalayaan ay kilos kung saan dumaraan ang isang tao mula sa pagtataglay nito patungo sa pagiging
isang uri ng taong ninais niyang makamit. Higit sa pagkakaroon ng kalayaan, tinatawag tayo na maging malaya bilang tao.
Ang kalayaang likas sa tao ay nauugnay sa pagpapahalaga na ninanais niyang taglayin bilang tao. Kung paano ito ginagamit
ay nagpapakita ng pagpapahalaga ng isang tao at nagpapakilala ng uri ng kaniyanpagkatao. Makikita ito sa dalawang uri ng
kalayaan: ang malayang pagpili o horizontal freedom at ang fundamental option o vertical freedom.
Sa paliwanag ni Cruz (2012), ang malayang pagpili (free choice) o horizontal freedom ay tumutukoy sa pagpili sa kung ano
ang tingin ng taong makabubuti sa kaniya (goods). Pinipili natin ang isang bagay dahil nakikita natin ang halaga nito sa atin.
Halimbawa: Kailangan mong bumili ng bagong sapatos dahil sira na ang iyong ginagamit. Sa pagpunta mo sa isang
department store marami ang pagpipiliang sapatos kaya’t naghanap ka ng komportable sa iyong paa, bagay o angkop sa
iyong personalidad, istilo at pamantayan ng pananamit na inaasahan ng iyong mga kaibigan sa iyo at kung saan ito gawa.
Sa pagpili ng pahahalagahan sa horizontal freedom, naaapektuhan nito ang unang pagpiling ginawa (antecedent choice) na
nakabatay sa vertical level o fundamental option na nakabatay sa uri o istilo ng pamumuhay na pinili ng isang tao.
Ipagpatuloy natin ang halimbawa sa pagpili ng sapatos na bibilhin. Nang tanungin mo ang saleslady kung magkano ang
sapatos na napili mo, ito ay nagkakahalaga ng isang libong piso. Eksaktong isang libo ang dala mong pera pero anim na raan
lang ang budget na nakalaan para sa sapatos dahil ang dalawang daan ay pambili ng kailangang-kailangan mong gamit sa
eskuwela at ang dalawang daan, allowance mo sa isang buong linggo. Kung bibilhin mo ang sapatos sa ganoong halaga,
maaapektuhan nito ang unang desisyon o pagpili na iyong ginawa na pagkasyahin ang perang mayroon ka at mamuhay ayon
lamang sa iyong kakayahan. Ipinakikita mo rin na mas pinahahalagahan mo ang pansarili mong kasiyahan kaysa sa iyong
pag-aaral at ito ang sinisimulang linangin sa sarili. Mas ninanais ang kaaya-ayang pakiramdam kaysa sa unahin ang mas
mahalaga sa buhay - sa sitwasyong ito, ang pag-aaral.
Sa kabuuan, kaugnay ng pagiging moral na indibidwal, may dalawang fundamental option na bukas sa tao, pataas tungo sa
mas mataas na halaga o ang fundamental option ng pagmamahal, at pababa tungo sa mas mababang halaga o ang
fundamental option ng pagkamakasarili (egoism). Tumutukoy ang mga ito sa pangunahing pagpili na ginagawa ng tao: kung
ilalaan ba niya ang kaniyang sarili na mabuhay kasama ang kaniyang kapuwa at ang Diyos, o ang mabuhay para lamang sa
kaniyang sarili.p
Ang fundamental option ng pagmamahal ayon kay Johann ay isang panloob na kalayaan (inner freedom). Halimbawa nito ay
ang naging sitwasyon nina Nelson Mandela, Benigno Aquino Jr., at Viktor Frankl na bagama’t nakakulong sa bilangguan, ay
malaya pa rin dahil sa kanilang pagmamahal sa bayan at sa kapuwa. Ayon sa sariling salita ni Viktor Frankl: Ang karanasan
sa buhay-piitan ay nagpapakita na maaaring makapamili ang tao ng kilos na kaniyang nanaisin. Ang ilan sa kapuwa naming
bihag ay inaalo ang aming mga kasamahan o ibinibigay ang huling piraso ng kanilang tinapay. Maraming mga halimbawa
akong nasaksihan na nagpapakita ng kadakilaan na nagpapatunay na ang kawalan ng pakikialam o pagiging manhid ay
maaaring masupil, ang pagiging magagalitin ay maaaring pigilin. Ilan ito sa patunay na maaaring makuha ang lahat sa tao
maliban sa isa …ang kaniyang kalayaan – ang piliin ang magiging kilos o ugali sa anumang uri ng kalagayan o sitwasyon ng
buhay.