Pagbabalik - Tanaw Ni Florante Sa Kaniyang Kamusmusan
Pagbabalik - Tanaw Ni Florante Sa Kaniyang Kamusmusan
Pagbabalik - Tanaw Ni Florante Sa Kaniyang Kamusmusan
172
Tugon ng may dusa’y di lamang ang mula
Niring dalita ko ang isasalita
Kundi sampung buhay sapul pagkabata
Nang maganapan ko ang hingi mo’t nasa
173
Nupong nag-agapay sa puno ng kahoy
Saka sinalitang luha’y bumabalong
Ang mga dalang habang at lipos linggatong
Buong naging buhay hanggang naparool
174
Sa isang dukado ng Albanyang S’yudad
Doon ko nakita ang unang Liwanag
Yaring katauha’y utang kong tinangggap
Sa Duke Briseo. Ay,ama kong liyag!
175
Ngayon nariyan ka sa payapang bayan
sa harap ng aking inang minamahal
Prinsesa Florescang epos among hirang
Tanggap ang luha kong mata’y nunukal
176
Bakit naging tao ako sa Albanya
Bayan ng ama ko, at di sa Krotona
Masayang siyudad na lupa ni ina?
Disin ang buhay ko’y di lubhang nagdusa
177
Ang duking ama ko’y pribadong tanungan
Ng Haring Linceo sa anumang bagay
Pangalawang puno sa sangkaharian
Hilagaan-tungo ng sugo ng bayan
178
Kung sa kabaita’y uliran ng lahat
At sa katapanga’y pang-ulo sa s’yudad
Walang kasindunong magmahal sa anak
Umakay, magturo sa gawaing dapat
179
Naririnig ko pa halos hanggang ngayon
Palayaw na tawag ng ama kong poon
Noong ako’y batang kinakandung-kandong
Taguring Floranteng bulaklak kong bugtong
180
Ito ang ngalan ko mula ng pagkabata
Nagisnan sa ama’t inang nag-andukha
Pamagat na ambil na lumuha-luha
At kayakap-yakap ng madlang dalita
181
Buong kamusmusay di na sasalitin
Walang may halagang nangayri sa akin
Kundi nang sanggol pa’y kusang daragitin
Ng isang Buwitreng ibong sakdal sakim
182
Ang sabi ni ina akoy natutulog
Sa bahay na kintang malapit sa bundok
Pumasok ang ibong pang-amo’y ay abot
Hanggang tatlong legwas sa patay na hayop
183
Sa sinigaw-sigaw ng ina kong mutya
Nasok ang pinsang kong sa Epiro mula
Ngala’y Menalipo, may taglay nap ana
Tinudla ang ibo’t namatay na bigla
184
Isang araw namang bagong lumalakad
Noo’y naglalaro sa gitna ng salas
May pasok na Arko’t biglang sinambit
Kupidong d’yamanteng sa dibdib ko’y hiyas
185
Nang tumuntong ako sa siyam na taon
palaging gawa ko’y mag-aliw sa burol
Sakbat ang palaso’t ang busog ay kalong
Pumatay ng hayop, mamana ng ibon
186
Sa tuwing umagang bagong naglalatag
Ang anak ng araw ng masayang sinag
Naglilibang ako sa tabi ng gubat
Madla ang kaakbay na mga alagad
187
Hanggang sa tingal-in ng sandaigdig
Ang mukha ni Pebong hindi matitigan
Ay sinasagap ko ang kaligayahang
Handog niyong hindi maramot na parang
188
Aking tinitipon ang ikinakalat
Na masayang bango ng mga bulaklak
Inaaglahi ko ang laruang palad
Mahinhing amiha’t ibong lumilipad
189
Kung ako’y mayroong matanaw na hayop
Sa tinitingalang malapit na bundok
Biglang ibibinit ang pana sa busog
Sa minsang tudla ko’y pilit matutuhog
190
Tanang samang lingkod ay nag-aagawan
Unang makarampot ng aking napatay
Ang tinik sa dawag ay di dinaramdam
Palibhasa’y tuwa ang nakaaakay
191
Sukat maingaya sinumang manoood
Sa sinuling-suling ng sama kong lingkod
At kung masunduan ang bangkay ng hayop
Ingay ng hiyawan sa loob ng tumok
192
Ang laruang busog ay kung pagsawaan
Uupo sa tabi ng matuling bakal
At mananalamin sa linaw ng kristal
Sasagap ng lamig na iniaalay
193
Dito’y mawiwili sa mahinhing tinig
Ng nangagsasayang Nayadas sa batis
Taginting ng lira katono ng awit
Mabisang pamawi sa lumbay ng dibdib
194
Sa tamis ng tinig na kahalak-halak
Ng nag-aawitang masasayang Ninfas
Naaanyayahan sampung lumilipad
Sari-saring ibong agawan ng dilag
195
Kaya nga’t sa sanga ng kahoy na dukhay
Sa mahal na batis na iginagalang
Ng bulag na hentil ay nagluluksuhan
Ibo’y nakikinig ng pag-aawitin
196
Aanhin kong saysayin ang tinamong tuwa
Ng kabataan ko’y malawig na lubha
Pag-ibig ni ama’y siyang naging mula
Lisanin ko yaong gubat na payapa
197
Pag-ibig anaki’y aking nakilala
Di dapat palakihin ang bata sa saya
At sa katuwaay kapag namihasa
Kung lumaki’y walang hihinting ginhawa
198
Sapagkat ang mundo’y bayan ng hinagpis
Namamaya’y sukat tibayan ang dibdib
Lumaki sa tuwa’y walang pagtitiis
Anong ilalaban sa dahas ng sakit
199
Ang taong magawi sa ligaya’t aliw
Mahina ang puso’t lubhang maramdamin
Inaakala pa lamang ang hilahil
Na daratni’y di na matutuhang bathin
200
Para ng halamang lumaki sa tubig
Daho’y nalalanta munting di madilig
Ikinaluluoy ang sandaling init
Gayundin ang pusong sa tuwa’y maniig
201
Munting kahirapa’y mamalakhing dala
Dibdib palibhasa’y di gawing magbata
Ay bago sa mundo’y walang kisapmata
Ang tao’y mayroong sukat ipagdusa
202
Ang laki sa layaw karaniwa’y hubad
Sa bait at muni’t sa hatol ay salat
Masaklap na bunga ng maling paglingap
Habag ng magulang sa irog na anak
203
Sa taguring bunso’t likong pagmamahal
Ang isinasama ng bata’y nunukal
Ang iba’y marahil sa kapabayaan
Ng dapat magturong tamad na magulang
204
Ang lahat ng ito’y kay amang talastas
Kaya nga ang luha ni ina’y hinamak
At ipinadala ako sa Atenas
Bulag na isip ko’y nang doon manulat
205
Pag-aaral sa akin ay ipinatungkol
Sa isang mabait, maestrong marunong
Lahi ni Piko, ngalay si Antenor
Lumbay ko’y sabihin nang dumating doon
206
May sambuwan halos na di nakakain
Luha sa mata ko’y di mapigil-pigil
Ngunit di napayapa sa laging pag-aliw
Ng bunying maestrong may kupkop sa akin