Readings L1 L3

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

Modyul 1: Impluwensyang Hatid ng Pamilya

Aralin 1. Impluwensyang Hatid ng Pamilya

Ang Pamilya Bilang Likas na Institusyon

Ano nga ba ang pamilya? Ayon kay Pierangelo Alejo (2004), ang pamilya ang pangunahing institusyon sa lipunan na
nabuo sa pamamagitan ng pagpapakasal ng isang lalaki at babae dahil sa kanilang walang pag-iimbot, puro, at
romantikong pagmamahal - kapwa nangakong magsasama hanggang sa wakas ng kanilang buhay, magtutulungan sa
pag-aaruga at pagtataguyod ng edukasyon ng kanilang mga magiging anak. Ayon pa rin sa kaniya, ang pamilya ay isang
kongkretong pagpapahayag ng positibong aspekto ng pagmamahal sa kapwa sa pamamagitan ng kawanggawa,
kabutihang loob, at paggalang o pagsunod.
Maaaring patuloy na nagkakaroon ng ebolusyon sa kahulugan ng pamilya ngunit isa ang mananatili, ang pamilya ay isang
likas na institusyon. Bakit nga ba? Basahin mo at unawain sa ibaba ang pitong mahahalagang dahilan:

1. Ang pamilya ay pamayanan ng mga tao (community of persons) na kung saan ang maayos na paraan ng pag-iral at
pamumuhay ay nakabatay sa ugnayan.
Ang pamilya ay itinatag bilang isang malapit na komunidad ng buhay at pagmamahal. Ang kapangyarihan ng pamilya
bilang isang lipunan ay nakasalalay sa ugnayang umiiral dito. Ang pamilya ay isang mabuting pangangailangan ng lipunan
(necessary good for society); kaya’t kapag hindi ito iginalang, mapanira ang epekto nito sa lipunan sa kabuuan.
Kung ang kabutihan ng pamilya ay napagyayaman, naitataguyod, at napangangalagaan ng lipunan, ang bawat kasapi nito
ay nabibigyan ng pagkakataon na makamit ang kaniyang kaganapan sa isang maayos na kapaligiran na angkop para sa
paghubog ng mga panlipunang birtud at pagpapahalaga (De Torre, J., 1977).

2. Nabuo ang pamilya sa pagmamahalan ng isang lalaki at babaeng nagpasiyang magpakasal at magsama nang
habangbuhay.
Ang pagpapakasal ng dalawang taong nagmamahalan ang magpapatibay sa isang pamilya – dito ipinakikita ang
pagsasama ng buhay at pagmamahal, ang pagbibitiw ng mga pangako na nagpapatibay sa pagbibigay-halaga sa tao
bilang tao at hindi isinasaalang-alang ang anumang mayroon ng isa. Ang pagmamahal na namamagitan sa mag-asawa
(conjugal love) ay nakapagbibigay-buhay (dahil nakatakda ito sa pagkakaroon ng anak), kaya patungo ito sa pagmamahal
ng magulang (paternal love). Nabuo ito dahil sa pagmamahal. Ito ang tanging “samahan” na di dapat piliin, ihalal, o iboto
ang mga namumuno; kinikilala rito ang pamumuno ng ama at ina.

3. Ang pamilya ang una at pinakamahalagang yunit ng lipunan. Ito ang pundasyon ng lipunan at patuloy na
sumusuporta rito dahil sa gampanin nitong magbigaybuhay.
Sa pamilya unang sumisibol ang bawat mamamayan na magiging mahalagang bahagi ng lipunan, ang mga magiging
kasapi ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Layunin ng pamilya ang pag-aanak at edukasyon ng mga anak.

4. Ang pamilya ang orihinal na paaralan ng pagmamahal.


Sa pamilya, binibigyang-halaga ang kasapi dahil sa pagiging tao niya, hindi dahil sa kaniyang kontribusyon o magagawa sa
pamilya. Ang ugnayang dugo ang likas na dahilan kung bakit ang kapamilya ay parang sarili (another self), may dignidad
at may karapatang mahalin dahil sa pagiging tao niya at hindi sa kung anong mayroon siya (halimbawa, kapangyarihan,
kagandahan, o talento.) Hindi ito kumikilos batay sa prinsipyo ng paggamit lamang (principle of utility).

5. Ang pamilya ang una at hindi mapapalitang paaralan para sa panlipunang buhay (the first and irreplaceable school
of social life).
Ang pamilya ang pinakaepektibong paraan upang gawing makatao at mapagmahal ang lipunan. May orihinal na
kontribusyon ito sa pagtatayo ng mundo, sa pamamagitan ng pangangalaga at pagtuturo ng mga pagpapahalaga. Dito
muusbong ang mga panlipunang pagpapahalaga na nakatutulong sa pag-unlad ng lipunan.
6. May panlipunan at pampolitikal na gampanin ang pamilya.
Hindi nilikha ang pamilya para sa kapakanan ng mga miyembro lamang. Mayroon itong tungkulin sa lipunan kung saan
ito ay isang mahalagang bahagi. Kasama sa panlipunang tungkulin ng pamilya ang gampaning politikal tulad ng
pagbabantay sa mga batas at institusyong panlipunan – kung ang mga ito ay sumusuporta at ipinagtatanggol ang mga
karapatan at tungkulin ng pamilya. Kaya may pananagutan ang pamilya na baguhin ang lipunan sa pamamagitan ng
pakikisangkot sa mga isyu at usapin – at hindi nakatuon sa kapakanan ng sariling pamilya lamang.

7. Mahalagang misyon ng pamilya ang pagbibigay ng edukasyon, pagabay sa mabuting pagpapasiya, at paghubog ng
pananampalataya.
Bukod sa pagkakaroon ng anak, may pananagutan ang mga magulang na gabayan ang anak upang lumaki at umunlad ito
sa mga pagpapahalaga at maisabuhay ang misyon ng Diyos para sa kaniya.
Mahalagang misyon ng pamilya ang pagbibigay ng edukasyon, paggabay sa mabuting pagpapasiya, at paghubog ng
pananampalataya.

Aralin 2. Pag-iral ng Pagmamahalan, Pagtutulungan, at Pananampalataya sa Pamilya

Ang pagmamahalan, pagtutulungan at pananampalataya ay mga birtud na dapat taglayin at papairalin ng mga kasapi ng
isang pamilya. Kung ang mga nabanggit ay naranasan sa isang pamilya, magdadala ito ng positibong impluwensiya sa
sarili na makatutulong upang mas mapaunlad pa ang tao at maibahagi niya rin ito sa kapuwa. Ngunit paano nga ba
masasabing umiiral ang pagmamahalan, pagtutulungan at matibay na pananampalataya sa isang pamilya?

Malawak ang saklaw ng salitang pamilya. Hindi lamang ito tumutukoy sa pamilyang nakagisnan at nakasama. Itinuturing
din natin na pamilya ang mga kaibigang nagbibigay halaga at sumusuporta sa anumang aspeto ng ating pagkatao.
Walang sukatan ang pagmamahal sa pamilya. Nagkakabangayan at hindi nagkakaintindihan dahil sa magkaibang
pananaw at prinsipyo ng mga kasapi, sa bandang huli ang pamilya ay mananatiling pamilya. Sa katangi-tanging ugnayan
ng bawat isa, napapanatili pa rin ang kaayusan at pagmamahal sa pagpapairal ng sumusunod:

 Pagrespeto
Naipapakita ang pagrespeto hindi lamang sa salita maging sa kilos. Ang pagmamano at pagsasabi ng po at opo kung
nakikipag-usap sa mga nakatatanda ay isang halimbawa ng kilos na nagpapakita ng paggalang. Naipapakita rin ang
pagrespeto sa pamamagitan ng paggalang sa desisyon o kagustuhan ng bawat kasapi.
 Pagsuporta
Kaakibat ng pagmamahal ay ang pagbibigay at pagpapakita ng suporta sa mga kasapi ng pamilya. Maaaring sa hilig o
interes, desisyon at kanilang plano sa buhay. Magiging masaya ang tao kung nararamdaman nito ang suporta mula sa
mga mahal sa buhay. Napakahiwaga ng salitang pagmamahal dahil kung napapanatili at umiiral ito sa tahanan, nagiging
buo, may malasakit at pagmamahalan ang bawat pamilya. Pinapairal din sa pamilya ang pagtutulungan sa anumang
gawain. Sa totoong buhay, bawat kasapi ay may tungkulin na ginagampanan sa loob ng tahanan. Kung minsan naman ay
nakaatang sa nakatatanda ang mga mabibigat na responsibilidad habang ang mga simpleng gawain ay inaasa sa mga
nakababatang kapatid. Maraming paraan upang mapairal ang pagtulong gaya ng sumusunod:

 Bayanihan sa gawaing bahay


Kung mapapansin, nakatalaga ang mga gawain sa bawat kasapi sa tahanan. Ang pagluluto ay maaring ginagawa ni ate
habang ang paghugas ng pinggan ay ginagawa ni bunso.

 Pagsasakripisyo
Napabilang itong isa sa pinakamataas na uri ng pagtulong sapagkat nagpapaubaya ang isang kasapi para sa ikabubuti ng
pamilya. Halimbawa, kung minsan ay isinasakripisyo ng magulang ang pansariling pangangailangan upang matugunan
ang pangangailangan ng anak sa pagaaral.
Ang Pilipinas ay kilala bilang isa sa mga bansang maraming umusbong na relihiyon. Anumang uri ng relihiyon tayo
napabilang ang mahalaga may Panginoon tayong kinikilala at sinasamba. Ang tahanan ay unang paaralan. Kung kaya,
bata pa lamang ay itinuro na ng mga magulang ang mga bagay na kailangang matutunan upang maihanda ang anak sa
pagpasok sa paaralan. Itinuro din sa mga anak ang iba’t ibang paraan ng paghubog sa pananampalataya. Halimbawa, ang
pag-aalay at pagsambit ng panalangin ay walang pinipiling oras, lugar at panahon, ang mahalaga ay bukal sa kalooban ng
tao ang pakikipag-usap sa Panginoon.

Kapansin-pansin din na ang pamilyang malapit sa tahanan ng Panginoon ay may matiwasay at maligayang pakikitungo sa
bawat kasapi. Pinaniniwalaan ding sa pagiging malapit sa salita ng Panginoon ay nakahuhubog sa mabuting katangian at
asal ng bawat kasapi ng pamilya. Maraming paraan at gawi ang ginagawa ng isang pamilya upang mapairal at mahubog
ang pananampalataya tulad ng:
 Pagpapahinga sa araw ng pagsamba sa Panginoon
 Pag-aalay ng panalangin bago at pagkatapos kumain
 Pakikiisa sa pagbabahagi ng salita ng Panginoon sa tahanan
 Pagpapasalamat sa Panginoon
 Sama-samang pagsasagawa ng devotional prayer araw-araw
 Pagtuturo sa mga anak sa pagsangguni sa Panginoon ng kanilang mgaplano at desisyon sa pamamagitan ng
panalangin

Kung pagbabatayan natin ang pamumuhay sa realidad, bawat tahanan ay may iba-ibang paraan ng pamamahala ng
pamilya na nakabatay din sa kung paano at ano ang kanilang kinaugalian at kinamulatang pamilya. Maaaring may iba’t
ibang paraan ng pagpapairal ng pagmamahalan, pagtutulungan at pananampalataya ngunit ang lahat ay may iisang
tunguhin—ito ay ang mapalago, mapatatag, makadulot ng positibong impluwensya at mapaunlad ang pamilya sa loob ng
isang tahanan sa kabila ng mga hamon sa buhay.

Aralin 3: Komunikasyon: Nagpapatibay sa Ugnayang Pamilya at Pakikipagkapwa

Ano ang Komunikasyon sa Pamilya?


• Hindi lamang pasalita mula sa mga miyembro ng pamilya, ito ay kung ano ang sinasabi, paano sinabi,
bakit sinabi, kailan sinabi o sasabihin at ano ang nakaligtaang sabihin ng isang miyembro nito sa ipa bang
kasapi ng pamilya na maghahatid ng pagkakaunawaan sa isa't-isa
• Bahagi rin ang pagbibigay reaksyon sa mensaheng ibinigay ng kausap
Uri ng Komunikasyon
• Verbal
• Non-Verbal
• Virtual na komunikasyon
Paraan upang mapaunlad ang komunikasyon sa pamilya
1.Gawin madalas ang komunikasyon
2. Maging maliwanag at tuwiran ang pakikipag-usap
3. Maging aktibong tagapakinig
• Himukin
• Liwanagin
• Ulitin
• Pagnilayan
• Lagumin
• Patotohanan
4. Maging bukas at tapat sa isa't isa
5. Alalahanin mo ang taong iyong kausap
6. Maging alerto sa pag-unawa sa mga di-pasalitang mensahe
7. Maging positibo
Mga paraan ng pagkakaroon ng positibong komunikasyon sa pamilya
1. Maging interesado at ipakita ang iyong pagkawili sa sinasabi ng nagsasalita
2. Makinig sa isa't-isa, pakinggan kung ano ang sinasabi ng bawat kasapi ng pamilya
3. Maging sensitibo sa iyong damdamin, tukuyin ang nararamdaman at maging sensitibo
4. Subukin unawain ang mensahe mula sa pananaw o posisyon ng iba
5. Iwasang maging palapintas
6. Iwasang palakihin ang di pagkakaunawaan
7. Maging tapat at huwag magparatang
8. Kapag kailangan ng pagtatalo, gawin itong positibo
9. Tanggapin ang narinig, suriin ito, at huwag manghusga agad

You might also like