Lupang Tinubuan

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 11

Lupang Tinubuan Ni Narciso G.

Reyes
Ang tren ay tumulak sa gitna ng Sali-salimuot na mga ingay. Sigawan ang mga batang nagtitinda
ng mga babasahin, Tribune, mama, Tribune, Taliba? Ubos nap o. Liwayway, bagong labas.
Alingawngaw ng mga habilinan at pagpapaalam. Huwag mong kalimutan, Sindo, ang baba mo
ay sa Sta. Isabel, tingnan mo ang istasyon. Temiong, huwag mong mabitiw-bitiwan ang supot na
iyan. Nagkalat ang mga magnanakaw, mag-ingat ka! Kamusta na lang sa Ka Uweng. Sela,
sabihin mong sa Mahal Na Araw na kami uuwi. Ang pases mo Kiko, baka mawaglit. Maligayang
Paglalakbay, Gng. Enriquez. Ngumiti ka naman, Ben, hindi naman ako magtatagal doon at
susulta ako araw-araw. Kamusta na lamang. Paalam. Paalam. Hanggang sa muli.
Ang tren ay nabuhay at dahan-dahang kumilos. H-s-s-s-Tsug. Tsug. Naiwan sa likuran nina
Danding ang takipsilim ng Tutuban, at sila’y napagitna sa malayang hangin at sa liwanag ng
umaga.
Huminga nang maluwag ang kanyang Tiya Juana at ang sabi, ‘Salamat at tayo’y nakatulak na
rin. Kay init doon sa istasyon.’ Ang kanyang Tiyo Goryo ay nakadungaw at nagmamasid sa mga
bahay at halaman sa dinaraanan.
Ang galaw ng makina ngayon ay mabilis na’t tugma-tugma, tila pintig ng isang pusong wala nang
alinlangan. Napawing tila ulap sa isip ni Danding ang gulo at ingay ng pag-alis, at gumitaw ang
pakay ng kanilang pag-uwi sa Malawig. Nagsasalita na naman ang kanyang Tiay Juana, ‘Ang
namatay ay ang Tata Inong mo, pamangkin ng iyong Lola Asyang at pinsan namin ng iyong ama.
Mabait siyang tao noong siya’y nabubuhay pa.’
Si Danding ay sinagian ng lungkot, bagama’t hindi niya nakita kailanman ang namatay na kamag-
anak. Ang pagkabanggit sa kanyang ama ang tumimo sa ilang bahagi ng kanyang puso, at
naglapit sa kanyang damdamin ang hindi kilalang patay. Naalala niya na sa Malawig ipinanganak,
lumaki at nagkaisip ang kanyang ama. Bumaling siya sa kanyang Tiya Juana at itinanong kung
ano ang anyo ng nayong iyon, kung mayaman o dukha, kung liblib o malapit sa bayan. At
samantalang nag-aapuhap sa alaala ang kanyang butihing ate ay nabubuo naman sa isip ni
Danding ang isang kaaya-ayang larawan, at umusbong sa kanyang puso ang pambihirang
pananabik.
Sa unang malas, ang Malawig ay walang pagkakaiba sa alinmang nayon sa Kallagitnaang Luzon.
Isang daang makitid, paliku-liko, natatalukapan ng makapal at manilaw-nilaw na alikabok. Mga
puno ng kawayan, mangga, niyog at akasya. Mga bahay na pawid, luma na ang karamihan at
sunog sa araw ang mga dingding at bubong. Pasalit-salit, isang tindahang hindi mapagwari kung
tititigan sa malapit. Doon at ditto, nasisilip sa kabila ang madalang na hanay ng mga bahay. At
sa ibabaw ng lahat, nakangiti at puno ng ningning ng umaga, ang bughaw, maaliwalas at walang
ulap na langit.
‘Walang maganda rito kundi ang langit,’ ang sabing pabiro ng kutsero ng karitelang sinasakyan
nila. Pinaglalabanan ni Danding ang sulak ng pagkabigo sa kanyang dibdib. ’ Hindi po naman,’
ang marahan niyang tugon. Naisaloob niyang sa mga nayong tulad nito isinilang at nagsilaki sina
del Pilar, at iba pang bayani ng lahi, at sa gayong mga bukid nagtining ang diwa ng kabayanihan
ng himagsikan laban sa mga Kastila. Ang alaalang iyon ay nakaaaliw sa kanya, nagbigay ng
bagong anyo sa lahat ng bagay sa paligid-ligid.
Kay rami pala niyang kamag-anak doon. Hindi mapatid-patid ang pagpapakilala ng kanyang Tiya
Juana. Sila ang iyong Lolo Tasyo, at sila ang iyong Lola Ines. Ang mga pinsan mong Juan, Seling,
Marya at Asyas. Ang iyong Nana Bito. Ang iyong Tata Enteng. Yukod at ngiti rito, halik ng kamay
roon. Mga kamag-anak na malapit at malayo, tunay at hawa lamang, matatanda at mga bata.
Ang lahat yata ng tao sa bahay, buhat sa mga nangasapuno ng hagdan hanggang sa nagasaloob
ay pawang kamag-anak ni Danding. ’Mabuti na lamang at likas na sarat ang ilong ko,’ ang
naisaloob niya. ’ Kung hindi ay pulpol na marahil ngayon.’
Sapagkat sila lamang ang nagsipanggaling sa Maynila, sa pagtitipong iyon ay napako kina
Danding ang pansin ng lahat. Umugong ang kamustahan. Balana ang nagtanong kay Danding
ng kung ano ang lagay ng kanyang amang may sakit at ng kanyang inang siya na lamang
ngayong bumubuhay sa kanilang mag-anak. Sinulyapan ng kanyang Tiya Juana si Danding at
sinikap na saluhin ang mga tanong. Bantad na siya sa pagkamaramdamin ng kanyang
pamangkin, at alam niyang ang kasawian ng ama nito ay talusaling na sugat sa puso nito. Ngunit
hindi niya maunahan ng pagtugon sai Danding, na tila magaan ngayon ang bibig at palagay na
ang loob sa piling ng mga kamag-anak na ngayon lamang nakilala.
Isang manipis na dingding ng sawali ang tanging nakapagitan sa bulwagan at sa pinakaloob ng
bahay, na siyang kinabuburulan ng patay. At sa bukas na lagusan, na napapalamutihan sa
magkabilang panig ng mga puting kurtina salo ng pinagbuhol na lasong itim, ay walang tigil ang
pagyayaut-yaot dito ng mga taong nakikiramay sa mga namatayan, nagmamasid sa bangkay.
Ngunit pagpasok na pagpasok ni Danding ay nag-iba ang kanyang pakiramdam. Napawi sa
kanyang pandinig ang alingawngaw sa labas, at dumampi sa kanyang puso ang katahimikan ng
kamatayan. Dahan-dahan siyang lumapit sa kabaong, at pinagmasdan ang mukha ng bangkay.
Maputi, kaaya-aya ang bukas, isang mukhang nagbabandila sa katapatan at kagitingan. Nabakas
ni Danding ang lapad ng noo, sa mga matang hindi ganap ang pagkakapikit, at sa hugis ng ilong,
ang bahagyang pagkakahawig sa kanyang ama. Bigla siyang nakaramdam ng awa at lungkot.
’Hindi mo nababati ang Nana Marya mo,’ ang marahang paalala ng kanyang Tita Juana. ’At ang
pinsan mong si Bining,’ ang pabulong pang habol. Humalik ng kamay si Danding sa asawa ng
yumao, at naupo sa tabi ni Bining, ngunit wala siyang nasabing anuman. Puno ang kanyang puso.
Pagkaraan ng ilang sandali ay umabot siya ng isang album sa mesang kalapit, binuksan iyon, at
pinagmuni-muni ang mahiwaga at makapangyarihang kaugnayan ng dugo na nagbubuklod ng
mga tao.
Pagkakain ng tanghalian ay nanaog si Danding at nagtungo sa bukid sa may likuran ng bahay.
Nakaraan na ang panahon ng paggapas, at namandala ana ang ani. Malinis ang hubad na lupa,
na naglalatang sa init ng araw. Naupo si Danding sa ilalim ng isang pulutong ng mga punong
kawayan, at nagmasid sa paligid-ligid.
Hindi kalayuan, sa gawing kaliwa niya, ay naroon ang kanyang Lolo Tasyo na nagkakayas ng
kawayan. Ang talim ng matanda ay tila hiyas na kumikislap sa araw. Tumindig si Danding at
lumapit sa matanda. Si Lolo Tasyo ang unang nagsalita.
’Kaparis ka ng iyong ama,’ ang wika niya.
’Bakit po?’
’Balisa ka sa gitna ng karamihan; ibig mo pa ang nag-iisa.’
’May mga sandali pong kailangan ng tao ang mapag-isa.’
’Ganyan din siya kung magsalita, bata pa’y magulang na ang isip.’
’Nasaksihan po ba ninyo ang kanyang kabataan?’
’Nasaksihan!’ Napahalakhak si Lolo Tasyo. ’Ang batang ito! Ako ang nagbaon ng inunan ng ama
mo. Ako ang gumawa ng mga una niyang laruan. Naulila agad siya sa ama.’
Tumayong bigla si Lolo Tasyo at itinuro ng itak ang hangganan ng bukid. ’Doon siya malimit
magpalipad ng saranggola noong bata pa siyang munti. Sa kabilang pitak siya nahulog sa
kalabaw, nang minsang sumama siya sa akin sa pag-araro. Nasaktan siya noon, ang akala ko’y
hindi siya titigil sa kaiiyak.’
Lumingon ang matanda at tiningala ang punong mangga sa kanilang likuran. ’Sa itaas ng punong
ito pinaakyat ko at pinagtago ang ama mo isang hapon, noong kainitan ng himagsikan, nang
mabalitaang may mga huramentadong Kastila na paparito. At doon, sa kinauupuan mo kanina,
doon niya isinulat ang kauna-unahan niyang tula-isang maikling papuri sa kagandahan ng isa sa
mga dalagang nakilala niya sa bayan. May tagong kapilyuhan ang ama mo.’
Napangiti si Danding. ’Ang dalaga po bang iyan ang naging sanhi ng pagkakaluwas niya sa
Maynila?’
’Oo,’ natigilan si Lolo Tasyo na tila nalalasap sa alaala ang mga nangyari. ’Nahuli sila sa tabi ng
isang mandala ng palay.’
’Nahuli po?’
’Oo – sa liwanag ng aandap-andap na bituin.’
Marami pang ibig itanong si Danding, ngunit naalala niya ang patay at ang mga tao sa bahay;
baka hinahanap na siya. Unti-unting pinutol niya ang pag-uusap nila ni Lolo Tasyo, at iniwan ang
matanda sa mga alaala nito.
’Ano ang pinanood mo sa bukid?’ ang usisang biro ng isa sa mga bagong tuklas niyang pinsan.
’Ang araw,’ ang tugon ni Danding, sabay pikit ng mga mata niyang naninibago at hindi halos
makakita sa agaw-dilim na tila nakalambong sa bahay.
Ang libingan ay nasa gilid ng simbahan, bagay na nagpapagunita kay Danding ng sumpa ng
Diyos kay Adan sa mga anak nito, at ng malungkot at batbat – sakit na pagkakawalay nila, na
kamatayan lamang ang lubusang magwawakas. Nagunita niya na sa maliit na bakurang ito ng
mga patay na nakahimlay ang alabok ng kanyang ninuno, ang abang labi ng Katipunan, ng mga
pag-asa, pag-ibig, lumbay at ligaya, ng palalong mga pangarap at mga pagkabigo na siyang
pumana sa kanya ng kanyang angkan. Magaan ang pagyapak ni Danding sa malambot na lupa,
at sinikap niyang huwag masaling maging ang pinakamaliit na halaman.
Handa na ang hukay. Wala na ang nalalabi kundi ang paghulog at pagtatabon sa kabaong. Ngunit
ng huling sandali ay binuksang muli ang takip sa tapat ng mukha ng bangkay, upang ito’y minsan
pang masulyapan ng mga naulila.
Nabasag ang katahimikan at naghari ang impit na mga hikbi at ang mga piping pananangis na
higit na makadurog-puso kaysa maingay na pag-iyak.
Pinagtiim ni Danding ang kanyang mga bagang, ngunit sa kabila ng kanyang pagtitimpi ay
naramdaman niyang nangingilid ang luha sa kanyang mga mata.
Sandaling nag-ulap ang lahat ng kanyang paningin. Nilunod ang kanyang puso ng matinding
dalamhati at ng malabong pakiramdam na siya man ay dumaranas ng isang uri ng kamatayan.
Balisa at nagsisikap ang dibdib ng damdaming ito, si Danding ay dahan-dahang lumayo at
nagpaunang bumalik sa bahay.
Ibig niyang mapag-isa kaya’t nang makita niyang may taong naiwan sa bahay ay patalilis siyang
nagtungo sa bukid. Lumulubog na ang araw, at nagsisimula nang lumamig ang hangin. Ang
abuhing kamay ng takipsilim ay nakaamba na sa himpapawid. Tumigil si Danding sa tabi ng
pulutong ng mga kawayan at pinahid ang pawis sa kanyang mukha at leeg.
Ang kapayapaan ng bukid ay tila kamay ng isang inang humahaplos sa nag-iinit na noo ni
Danding. Huminga siya nang malalim, umupo sa lupa, at ipinikit ang mga mata. Dahan-dahang
inunat niya ang kanyang mga paa, itinukod sa lupa ang mga palad; tumingala at binayaang
maglaro sa ligalig niyang mukha ang banayad na hangin.
Kay lamig at kay bango ng hanging iyon.
Unti-unti siyang pinanawan ng lumbay at agam-agam, at natiwasay ang pagod niyang katawan.
Sa kapirasong lupang ito, na siyang sinilangan ng ama niya, ay napanatag ang kanyang puso.
Palakas nang palakas ang hangin, na nagtataglay ng amoy ng lupa at kay bango ng
nakamandalang palay! Naalala ni Danding ang mga kuwento ni Lolo Tasyo tungkol sa kanyang
ama, at siya’y napangiti nang lihim. Ang pagsasaranggola sa bukid, ang pagkahulog sa kalabaw,
dalaga sa bunton ng palay, ang lahat ay nananariwa sa kanyang gunita. Tumawa nang marahan
si Danding at pinag-igi pang lalo ang pagkakasalampak niya sa lupa. Tila isang punong kababaon
doon ang mga ugat, siya’y nakaramdam ng pagkakaugnay sa bukid na minsa’y nadilig na mga
luha at umalingawngaw sa mga halakhak ng kanyang ama.
Sa sandaling iyon ay tila hawak ni Danding sa palad ang lihim ng tinatawag na pag-ibig sa lupang
tinubuan. Nauunawaan niya kung bakit ang pagkakatapon sa ibang bansa ay napakabigat na
parusa, at kung bakit ang mga nawawalay na anak ay sumasalunga sa bagyo at baha makauwi
lamang sa Inang Bayan. Kung bakit walang atubiling naghain ng dugo sina Rizal at Bonifacio.
Sa kabila ng mga magigiting na pangungusap ng pambihirang mga pagmamalasakit, at ng
kamatayan ng mga bayani ay nasulyapan ni Danding ang kapirasong lupa, na kinatitirikan ng
kanilang mga tahanan, kinabubuhayan ng kanilang mga kamag-anak, kasalo sa kanilang mga
lihim at nagtatago na pamana ng kanilang mga angkan. Muli siyang napangiti.
Sa dako ng baybay ay nakarinig siya ng mga tinig, at nauulinigan niyang tinatawag ang kanyang
pangalan. Dahan-dahan siyang tumayo. Gabi na, kagat na ang dilim sa lahat ng dako. Walang
buwan at may kadiliman ang langit. Ngunit nababanaagan pa niya ang dulo ng mga kawayang
nakapanood ng paglikha ng unang tula ng kanyang ama, at ang ilang aandap-andap ng bituing
saksi ng unang pag-ibig nito.

Sa Pula, Sa Puti Ni Francisco "Soc" Rodrigo

Kulas: A…hem! E, kumusta ka ngayong umaga, Celing.


Celing: Mabuti naman, Kulas. Salamat at naalala mo akong kamustahin.
Kulas: Si Celing naman, bakit naman ganyan ang sagot mo sa akin?
Celing: Sapagkat pagkidlat ng mata mo sa umaga, wala ka ng iniisip kamustahin at himasin kundi ang
iyong tinali. Tila mahal mo ang tinali mo kaysa sa akin.
Kulas: Ano ka ba naman, Celing, wala ng mas mahal pa sa akin sa buhay na ito kundi ang asawa.
(Ilalagay ang kamay sa balikat ni Celing).
Celing: Siya nga ba? Ngunit kung nakikita kong hinihimas mo ang iyong tinali, ibig ko ng kung minsang
mainggit at magselos.
Kulas: Ngunit Celing, alam mo namang kaya ko lamang inaalagaang mabuti ang mga tinaling ito ay
para sa atin din. Sila ang magdadala sa atin ng grasya.
Celing: Grasya ba o disgrasya, gaya ng karaniwang nangyayari?
Kulas: Huwag mo sanang ungkatin ang nakaraan. Oo, ako nga'y napagtalo noong mga nakaraang
araw, sapagkat noon ay hindi pa ako bihasa sa pagpili at paghimas ng manok. Ngunit ngayon ay
marami na akong natutuhan, mga bagong sistema.
Celing: At noong nakaraang Linggo, noong matalo ang iyong talisain, hindi mo pa ba alam ang mga
bagong sistema.
Kulas: Iyon ay disgrasya lamang, Celing, makinig ka. Alam mo, kagabi ay nanaginip ako.
Napanaginipan kong ako'y hinahabol ng isang kalabaw na puti. Kalabaw na puti, Celing!
Celing: E ano kung puti?
Kulas: Ang pilak ay puti, samakatwid ang ibig sabihin ay pilak. At ako'y hinahabol…Hinahabol ako ng
pilak…ng kuwarta!
Celing: Ngunit ngayon ay wala nang kuwartang pilak.
Kulas: Mayroon pa, nakabaon lang. kaya walang duda, Celing. Bigyan mo lamang ako ng limang piso
ngayon ay walang salang magkakuwarta tayo.
Celing: Ngunit, Kulas, hindi ka pa ba nadadala sa mga panaginip mong iyan? Noong isang buwan,
nanaginip ka ng ahas na numero 8. Ang pintakasi noon ay nation sa a-8 ng Pebrero at sabi mo'y
kuwarta na ngunit natalo ka ng anim na piso.
Kulas: Oo nga, ngunit ang batayan ko ngayon ay hindi lamang panaginip. Pinag-aralan kong mabuti
ang kaliskis at ang tainga ng manok na ito. Ito'y walang pagkatalo, Celing. Ipinapangako ko sa iyo,
walang sala tayo ay mananalo.
Celing: Kulas, natatandaan mo bang ganyan-ganyan din ang sabi mo sa akin noong isang Linggo
tungkol sa manok mong talisain? At ano ang nangyari? Nagkaulam tayo ng pakang na manok.
Kulas: Sinabi ko nang iyon ay disgrasya!
(Maririnig uli ang sigawan sa sabungan. Maiinip si Kulas).
Sige na, Celing. Ito na lamang. Pag natalo pa ang manok na ito, hindi na ako magsasabong.
Celing: Totoong-totoo?
Kulas: Totoo. Sige na, madali ka at nagsusultada na. sige na, may katrato ako sa susunod na sultada.
Pag hindi ako dumating ay kahiya-hiya.
(Titingnan ni Celing ang pagkakabalisa ni Kulas at maisip na walang saysay ang pakikipagtalo pa,
iiling-iling na dudukot ng salapi sa kanyang bulsa).
Celing: O, Buweno, kung sa bagay, ay tatago lamang ako ng pera. O, heto. Huwag mo sana akong
sisihan kung mauubos ang kaunting pinagbilhan ng ating palay.
Kulas:
(Kukunin ang salapi)
Huwag kang mag-alala, Celing, ito'y kuwarta na. seguradong-segurado! O, Buweno, diyan ka muna.
(Magmamadaling lalabas si Kulas, ngunit masasalubong si Sioning sa may pintuan.)
Sioning: Kumusta ka, Kulas?
Kulas:
(Nagmamadali)
Kumusta…e…eh…Sioning didispensahin mo ako. Ako lang ay nagmamadali. Eh…este…nandiyan si
Celing! Heto si Sioning. Buwena-diyan ka na.
(Lalabas si Kulas).
Sioning: Celing, ano ba ang nangyayari sa iyong asawa? Tila pupunta sa sunog.
Celing: Ay, Sioning, masahol pa sa sunog ang pupuntahan. Pupunta na naman sa sabungan.
Sioning: Celing, talaga bang…
Celing: Sandali lang ha, Sioning.
(Sisigaw sa gawing kusina).
Teban! Teban! Teban!
Teban:
(Masunurin ngunit may kahinaan ang ulo).
Ano po iyon Aling Celing?
Celing:
(Kukuha ng limang piso sa bulsa at ibibigay kay Tebang).
O heto, Teban, limang piso…Nagpunta na naman ang amo mo sa sabungan. Madali, ipusta mo ito.
Madali ka at baka mahuli!
Teban:
(Nagmamadaling itinulak ni Celing sa labas).
Sioning: Ipusta ang limang piso! Ano ba ito, Celing, ikaw man ba'y naging sabungera na rin?
Celing: Si Sioning naman. Hindi ako sabungera! Ngunit sa tuwing magsasabong si Kulas ay
pumupusta rin ako.
Sioning: A…Hindi ka sabungera, ngunit pumupusta ka lamang sa sabong? Hoy, Celing, ano ba ang
pinagsasabi mo?
Celing: O, Buweno, Sioning, maupo ka't ipaliliwanag ko sa iyo. Ngunit huwag mo namang ipaalam
kaninuman.
Sioning: Oo, huwag kang mag-alala sa akin.
Celing: Alam mo, Sioning, ako'y pumupusta sa sabong upang huwag kaming matalo.
Sioning: Ah, pumupusta ka sa sabong upang huwag kayong matalo. Celing pinaglalaruan mo yata
ako.
Celing: Hindi. Alam mo'y marami kaming nawawalang kuwarta sa kasasabong ni Kulas. Nag-aalaala
akong darating ang araw na magdidildil na lamang kami ng asin. Pinilit kong siya'y pigilin. Ngunit
madalas kaming magkagalit. Upang huwag kaming magkagalit at huwag maubos ang aming kuwarta,
ay umisip ako ng paraan. May isang buwan na ngayon, na tuwing pupusta si Kulas sa kaniyang manok
ay pinupusta ko si Teban sa sabungan upang pumusta sa manok na kalaban.
Sioning:
(May kahinaan din ang ulo).
Sa anong dahilan?
Celing: Puwes, kung matalo ang manok ni Kulas ay nanalo ako. At kung ako nama'y matalo at nanalo
si Kulas, kaya't anuman ang mangyari ay hindi nababawasan ang aming kuwarta.Sioning. A siya nga.
Siya nga pala naman.
(Mag-uumpisang Maririnig ang sigawan buhat sa sabungan).
Celing: Hayan, nagsusultada na marahil. Naku, sumasakit ang ulo ko sa sigawang iyan.
Sioning: Ikaw kasi, eh. Sukat ka bang pumili ng bahay sa tapat ng sabungan.
Celing: Ano bang ako ang pumili ng bahay na ito. Ang gusto kong bahay ay sa tabi ng simbahan,
ngunit ang gusto ni Kulas ay sa tabi ng sabungan.
Sioning:
(Lalong lalakas ang sigawan).
Ah, siya nga pala, Celing naparito ako upang ibalita sa iyo na dumating na ang rasyon ng sabon sa
tindahan ni Aling Kikay. Baka tayo maubusan.
Celing: Hindi, siyempre ipagtitira tayo ni Aling Kikay. Sayang lamang ang pagkukumare namin.
(Dudungaw)
O heto na nga si Teban. Tumatakbo.
(Papasok si Teban na may hawak na dalawang lilimahin).
Teban:
(Tuwang-tuwa)
Nanalo tayo, Aling Celing, nanalo tayo!
(Ibibigay ang salapi kay Aling Celing. Agad-agad namang itatago ito.)
Celing: Mabuti Teban, o magpunta ka na sa kusina. Baka dumating na si Kulas ay mahalaga ang ating
ginagawa.
(Magmamadaling lalabas si Teban).
Sioning: O, Buweno, lumakad na tayo, Celing.
(Kukunin ni Celing ang tapis niyang nakasampay sa isang silya. Aalis na sila. Papasok si Kulas na tila
walang kasigla-sigla).
Celing: Ano ba, Kulas, tila hindi ka inabutan ng kalabaw na puti.
Kulas:
(Mainit ang ulo)
Huwag mo ngang banggitin iyan. Talagang ako'y malas. Celing, uyo'y disgrasya kamang. Ang aking
manok ay nananalo hanggang sa huling sandali. Talagang wala akong suwerte!
Celing: Iyan ang hirap sa sugal, Kulas, walang pinaghahawakan kundi suwerte!
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na ang sabong! Ni ayaw ko nang Makita ang
anino ng sabungang iyan.
Celing: Nawa'y magkatotoo na sana iyan, Kulas.
Kulas: Oo, Celing, ipinapangako ko sa iyo, hindi na ako magsasabong kailanman.
Celing: Buweno, magpalamig ka muna ng ulo. Pupunta lang kami kay Kumareng Kikay upang bumili
ng sabon.
(Lalabas sina Celing at Sioning. Sisindihan ang natitirang kalahati ng sigarilyo, hihithit at pagkatapos
ay ihahagis sa sahig at papadyakan. Pupunta sa isang silya at uupong may kalumbayan.)
Castor: Hoy, Kulas kumusta na?
Kulas: Ay, Castor…at lagi na lamang akong natatalo. Talagang ako'y malas! Akalain mo bang kanina'y
natalo pa ako? Tingnan mo lang,
Castor. Noong magsagupaan ang mga manok ay lumundag agad ang manok ko at pinalo nang
pailalim ang kalaban. Nagbuwelta pareho, at naggirian na parang buksingero. Biglang sabay na
lumundag at nagsugapaan (nagsagupaan?) sa hangin. Palo diyan, palo dini ang ginawa ng aking
manok. Madalas tamaan ang kalaban, ngunit namortalan. Sige ang batalya nila sa hangin, at tumaas
ang balahibo. Unang lumagapak ang kalaban., patihaya. Lundag ang aking manok. Walang sugat at
patayo, ngunit alam mo kung saan lumagpak?
Castor: O saan?
Kulas: Sa tari ng kalaban. Talagang ayaw ko na ng sabong.
Castor: Bakit naman? Wala pa namang maraming natatalo sa iyo.
Kulas: Ano bang walang marami? Halos, tutong na laang ang natitira sa aming natitipon.
Castor: Ngunit hindi tamang katwiran ang huwag ka nang magsabong.
Kulas: Ano bang hindi tama?
Castor: Sapagkat pag hindi ka na nagsabong ay Talagang patuluyan nang perdida ang kuwartang
natalo sa iyo. Samantalang kung ikaw ay magsasabong pa maaaring makabawi!
Kulas: Hindi Castor, lalo lang akong mababaon. Tama si Celing. Ang sugal ay suwerte-suwerte
lamang, at masama ang aking suwerte.
Castor: Ano bang suwerte-suwerte? Iyan ay hindi totoo. Tingnan mo ako, Kulas, ako'u hindi natatalo
sa sabong.
Kulas: Mano nga lang magtigil ka Castor. Kung hindi sana nakikita na ang lahat ng manok mo ay
laging nakabitin kung iuwi.
Castor: Ito si Kulas, nabastos ka na nga pala sa huwego. Oo, natatalo nga ang aking manok ngunit
nananalo ako sa pustahan!
Kulas: Ngunit paano iyan?
Castor: Taong ito…pumupusta ako, hindi sa aking manok, kundi sa kalaban.
Kulas: Eh, kung magkataong ang manok mo ang manalo?
Castor: Hindi maaaring manalo ang aking manok. Ginagawan ko ng paraan.
Kulas: Hoy, Castor, maano nga lang huwag mo akong biruin. Masama ang ulo ko ngayon.
Castor: Ano bang biro ang sinasabi mo? Ito'y totoo. At kung di lamang kita kaibigan, ay hindi ko
sasabihin sa iyo.
Kulas: Ngunit, Castor, paano mangyayari iyan?
Castor: Talaga bang gusto mo malaman?
Kulas: Aba, oo. Sige na.
Castor: O, Buweno, kunin mo ang isa sa iyong mga tinali at ipapaliwanag ko sa iyo.
Kulas: Kahit ba alin sa aking tinali?
Castor: Oo, kahit alin, sige, kunin mo.
(Lalabas si Kulas patungo sa kusina. Babalik na may dalang tinali.)
Kulas:
(Ibibigay ang tinali kay Castor).
O heto, Castor.
Castor: Ngayon, kumuha ng isang karayom.
Kulas: Karayom?
Castor: Oo, karayom. Iyong ipinanahi!
Kulas: Ah…
(Pupunta sa kahong kunalalagyan ng panahi ni Celing at kukuha ng isang karayom.)
O heto ang karayom.
Castor:
(Hawak ang tinali sa kaliwa at ang karayom sa kanan.)
O halika rito at magmasid ka. Ang lahat ng manok ay may litid sa paa na kapag iyong dinuro ay hihina
ang paa. Tingnan mo…
(Anyong duduruin ni Castro ang hita ng tinali.)
Hayan!
(Ibababa ang tinali.)
Tingnan mo. Matuwid pang lumakad ang tinaling iyan. Walang sinumang makahahalata sa ating
ginawa, ngunit mahina na ang paang ating dinuro, at ang manok na iyan ay hindi makapapalo.
Kulas: Samakatuwid ay hindi na nga maaaring manalo ang manok na iyan…Siguradong matatalo.
Castor: Natural, ngayon, ang dapat na lamang gawin ay magpunta sa sabungan…ilaban ang manok
na iyan…at pumunta nang palihim sa kalaban.
Kulas: Siya nga pala. Magaling na paraan!
Castor: Nakita mo na? Ang hirap sa iyo ay hindi mo ginagamit ang ulo mo.
Kulas:
(Balisa)
Ngunit, Castor, hindi ba iya'y pandaraya?
Castor: Oo, pandaraya…ngunit po Diyos! Sino bang tao ang nagkakuwarta sa sugal na hindi
gum,agamit ng daya? At bukod diyan, ay marami nang kuwartang natalo sa iyo. Ito'y gagawin mo
lamang upang makabawi. Ano ang sama niyan?
Kulas: Siya nga, Castor, kung sa bagay, malaki na ang natatalo sa akin.
Castor: At akala mo kay, sa mga pagkatalo mong iyan ay hindi ka dinaya.
Kulas: Kung sa bagay…
Castor: Nakita mo na. Hindi ka mandaraya, Kulas. Gaganti ka lamang.
Kulas: Siya nga, may katwiran ka.
Castor: O…eh…ano pa ang inaantay mo? Tayo na.
Kulas: Este…Castor…eh…hintayin lamang natin si Celing, ang aking asawa.
Castor: Bakit, ano pa ang kailangan?
Kulas: Alam mo na ang aking asawa ang may hawak ng supot sa bahay na ito.
Castor: Naku, itong si Kulas! Talunan na sa sabungan ay dehado pa sa bahay…Buweno, hintayin mo
siya, ngunit laki-lakihan mo ang iyong hihingin, ha? At nang makaitpak tayo ng malaki-laki.
Kulas: Oo…Este…Castor…
Castor: O, ano na naman?
Kulas: Eh…malapit na segurong dumating si Celing…alam mo'y ayaw kong Makita ka niya rito. Huwag
ka sanang magagalit kung maaari lang ay umalis ka na.
Castor:
(Tatawa)
Oo…aalis na ako. Mabuti nga at nang makahanap na ako ng kareto ng manok mo. Sumunod ka agad,
ha? Pagdating mo roon malalaban agad iyan.
Kulas: Buweno, diyan ka na. Laki-lakihan mo lang ang tipak ha?
(Lalabas si Castor. Ngingiti si Kulas, hihimas-himasin ang kanyang tinali, at hahangaan ang nadurong
hita ng tinali. Papasok sina Celing at Sioning.)
Celing: Ano ba yan, Kulas? At akala ko ba'y Isinusumpa mo na ang sabungan?
Kulas:
(Lulundag na palapit.)
Celing, ngayon na lamang. Walang salang tayo ay makababawi.
Celing: Naku, itong si Kulas, parang presyo ng asukal. Oras-oras ay nagbabago.
Kulas: Celing Talagang ngayon na lamang! Pag natalo pa ako ay patayin mo na ang lahat ng aking
tinali. Ipinangangako ko sa iyo.
Celing: Ngunit baka pangako na naman ng napapako.
Kulas: Hindi, Celing! Hayan si Sioning, siya ang testigo.
Sioning:
(Kikindatan si Celing)
Siya nga naman. Celing, bigyan mo na, ako ang testigo.
Celing: O buweno, ngunit tandaan mo, ito na lamang ha?
Kulas: Oo, Celing, itaga mo sa bato!
Celing: Magkano ba ang kailangan mo?
Kulas: Eh…dalawampung piso lamang.
Celing: Dalawampung piso?
Sioning: Susmaryosep!
Kulas: Oo, Celing. Dalawampung piso, upang tayo ay makabawi.
(Mag-aatubili si Celing).
Sioning: Sige na, Celing. Tutal ito naman ay kahuli-hulihan.
Celing: O buweno, heto.
(Bibigyan ng dalawampung piso si Kulas. Kukunin ang salapi sa baul)
Kulas:
(Kukunin ang salapi)
Ay, salamat sa iyo, Celing. Ito'y kuwarta na. Hindi ka magsisisi. O buweno, diyan na muna kayo, hane?
(Magmamadaling lalabas si Kulas na dala ang kanyang tinali).
Celing:
(Susundan ng tingin si Kulas hanggang nasa malayo na)
Teban! Teban!
Sioning: Teban, madali ka!
(Papasok si Teban buhat sa kusina)
Teban: Opo, opo, Aling Celing.
Celing: O heta ang pera. Nasa sabungan na naman ang iyong amo.
Sioning: Madali ka. Teban, ipusta mo iyan sa manok ng kalaban.
Teban:
(Magugulat sa dami ng salapi).
Dalawampung piso ito a…
Celing: Oo, dalawampung piso. Sige, madali ka na.
Teban:
(Hindi maintindihan)
ito ba'y itotodo ko?
Sioning: Oo, todo.
Teban: Opo, naku! Malaking halaga ito…
(lalabas si Teban).
Celing: Ikaw naman, Sioning, bakit inayunan mo pa si Kulas?
Sioning: Hindi bale. Tutal, wala naman kayo sa pagkatalo.
Celing: Kung sa bagay. Ngunit hindi lamang ang kuwarta ang aking ipinagdaramdam.
Sioning: Eh ano pa?
Celing: Ang iba pang masasamang bunga ng bisyo…Sioning, alam mo namang ang bisyo ay
nagbubuntot. Karaniwang kasama ng bisyo a ng pandaraya, pagnanakaw…at kung anu-ano pa.
Sioning: Ngunit nangako naman si Kulas na ito na ang huli.
Celing: Oo nga, ngunit isulat mo sa tubig ang pangakong iyan.
(Lalong lalakas ang sigawan)
Sioning: Ang hirap sa iyo, Celing, e…hindi mo tigasan ang loob mo. Tingnan mo ako. Noong ang aking
asawa ay hindi makatkat sa monte, pinuntahan ko siya isang araw sa kanilang klub at sa harap ng
lahat minura ko siya mula ulo hanggang talampakan. E, di mula noo'y hindi na siya nakalitaw sa klub.
Celing: Ngunit natatandaan mo ba Sioning na ikaw nama'y hindi nakalabas ng bahay nang may limang
araw, hindi ba dahil sa nangingitim ang buong mukha mo?
Sioning: Oo nga, ngunit iyon ay sandali lamang. Pagkaraan niyon ay esta bien, tsokolate na naman
kami.
Celing: Hindi ko yata magagawa iyon. Magaan pa sa akin ang magtiis lamang.
(Agad huhupa ang sigawan).
Sioning: Ayan, tila tapos na ang sultada. Sino kaya ang nanalo?
Celing: Malalaman natin pagdating ni Teban. Siya'y umuwi agad, upang huwag silang mag-abot ni
Kulas.
Sioning: Celing, mag-iingat ka naman sa pagtitiwala ng pera kay Teban.
Celing: Huwag mong alalahanin si Teban. Siya'y mapagkakatiwalaan.
Sioning: Siya nga, ngunit tandaan mong ang kuwarta ay Mainit kapag nasa palad na ng tao.
Celing: Huwag kang mag-alala…
(Papasok si Teban)
Teban:
(Walang sigla)
Aling Celing, natalo po tao.
Celing: A, natalo. O hindi bale. Tutal nanalo naman si Kulas. Buweno, Teban, magpunta ka na sa
kusina at baka dumating ang iyong amo.
(Lalabas si Teban)
Sioning: Talagang magaan ang paraan mong iyan, Celing.
Celing:
(Nalulungkot)
Siya nga.
Sioning: O, Celing bakit ka malungkot?
Celing: Dahil sa nanalo si Kulas.
Sioning: O, e ano ngayon. Kay nanalo si Kulas, kay manalo ka, hindi naman mababawasan ang iyong
kuwarta. At ikaw pa rin lamang ang maghahawak ng supot.
Celing: Oo nga, ngunit ang alaala ko'y…Ngayong manalo si Kulas, lalo siyang maninikit sa sabungan.
(Papasok si Kulas na nalulumbay).
Kulas: Ay, Celing, Talagang napakasama ng aking suwerte! Hindi na ako magsasabong kailanman.
Sioning: Ha?
Celing: Ano kamo?
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na!
Celing: Ngunit, Kulas hindi ba't nanalo ka?
Kulas: Hindi, natalo na naman ako! At natodas ang dalawampung piso!
Celing:
(May hinala)
Kulas, huwag mo sana akong ululin. Alam kong nanalo ka.
Kulas: Sino ba ang may sabi sa iyong ako'y nanalo? Bakit ba ako nakinig sa buwisit na si Castor.
Celing: Kulas, hindi mo ako makukuha sa drama. Isauli mo rito ang dalawampung piso.
Kulas: Diyos na maawain, saan ako kukuha?
Celing:
(Lalo pang maghihinala)
Teka, baka kaya ikaw Kulas, ay mayroon nang kulasisi…at ipinatuka ang dalawampung piso.
Kulas: Celing, ano bang kaululan ito? Isinusumpa kong natalo ang dalawampung piso. Sino baga ang
nagkwento sa iyo na ako'y nanalo.
Celing: Si Teban. Nanggaling siya sa sabungan.
Sioning:
(Magliliwanag ang mukha)
A teka, Celing, baka si Teban ang kumupit ng kuwarta.
Celing: Siya nga pala.
Sioning: Sinabi ko na sa iyo, huwag kang masyadong magtitiwala.
(Pupunta si Celing sa pintuan ng kusina).
Celing: Teban! Teban!
(Lalabas si Teban)
Teban: Ano po iyon?
Celing: Teban, hindi ko akalain na ikaw ay magnanakaw.
Teban: Magnanakaw? Ako? Bakit po?
Celing: At bakit pala? Isauli mo rito ang pera.
Teban: Alin pong pera?
Celing: Ang dalawampung pisong dala mo sa sabungan kanina.
Teban: Aba e, natalo po, e.
Celing: Sinungaling! Ano bang natalo! Kung natalo ka, nanalo sana si Kulas. Ngunit natalo sa Kulas,
samakatuwid nanalo ka.
Teban:
(Hindi maintindihan)
Ha? Ano po? Kung ako'y natalo…ay…
Kulas: 'Tay kayo. Tila gumugulo ang salitaan. Teban, ikaw ba'y pumusta sa sabong kanina?
Teban: Opo.
Kulas: Saan ka nagnakaw ng kuwarta?
Teban: Kay Aling Celing po.
Kulas: Ha? Nagnakaw ka kay Aling Celing?
Teban: E…hindi po. Pinapusta po ako ni Aling Celing.
Kulas: A, ganoon! Hoy, Celing pinipigilan mo ako sa pagsabong, ha? Ikaw pala'y sabungerang
pailalim.
Sioning: Hindi, Kulas, pumupusta lamang si Celing sa kalaban ng manok mo.
Kulas:
(kay Celing)
A…at ako pala'y kinakalaban mo pa, ha?
Celing: Huwag kang magalit, Kulas. Ako'y pumupusta sa manok na kalaban para kahit ikaw ay manalo
o matalo ay hindi tayo
awawalan.
Kulas: Samakatuwid, kahit pala manalo ang aking manok ay bale wala rin.
Sioning: Siya nga at kahit naman matalo ay bale mayroon din.
Kulas: E, sayang lamang ang kahihimas at kabubuga ko ng usok sa manok. Ako pala'y parang ulol
na…
Celing: Teka muna. Ang liwanagin muna natin ay ang dalawampung piso. Teban, saan mo dinala ang
pera?
Kulas: Celing, ako man ay natalo sa pinupustahan sapagkat sa manok ng kalaban din ako pumusta.
Sioning: Naku, at lalong nag-block out.
Celing:
(Kay Kulas)
Pumusta ka sa kalaban ng manok mo?
Kulas: Oo, alam mo'y pinilayan ko ang aking tinali upang seguradong matalo at pumusta ako sa manok
ng kalaban. Ngunit, kabibitiw pa lamang ay tumakbo na ang diyaskeng manok ng kalaban at nanalo
ang aking manok.
Celing: A…gusto mong maniyope? Ikaw ngayon ang matitiyope
(Tatawa)
Kulas: Aba, at nagtawa pa.
Sioning: Siyanga. Bakit ka nagtatawa, Celing?
Celing:
(Tumatawa pa)
Sapagkat ako'y tuwang-tuwa, Sioning, dito ka maghapunan mamayang gabi. At anyayahon mo sina
Kumareng Kikay at ang iba pang kaibigan. Ako'y maghahanda.
Kulas: Ha! Maghahanda?
Celing: Oo, Teban, ihanda mo ang mga palayok, ha? At hiramin mo ang kaserola ni Ate Nena.
Teban: Opo, opo.
(Lalabas sa pintuan ng kusina)
Kulas: Ngunit paano tayo maghahanda? Ngayon lang ay natalunan tayo ng mahigpit apatnapung piso.
Celing: Hindi bale. Ibig kong ipagdiwang ang iyong huling paalam sa sabungan.
Kulas: Huling paalam?
Celing: Oo, sapagkat ikaw ay nangako at nanumpa at bukod diyan hindi na tayo kailangang bumili pa
ng ulam.
Kulas: Bakit?
Celing: Mayroon pang anim na tinali sa kulungan. Aadobohin ko ang tatlo at ang tatlo ay sasabawan.
(Tatawa sina Sioning at Celing. Hindi tatawa si Kulas ngunit pagkailang saglit ay tatawa rin siya. Mag-
uumpisa na naman ang sigawan sa sabungan ngunit makikita sa kilos ni Kulas na kailanman ay hindi
na siya magsasabong.)

You might also like