Rizal Kabanata 6
Rizal Kabanata 6
Rizal Kabanata 6
Inaasahang Matututunan:
Maisa-isa ang mga mahahalagang nagawa ni Rizal sa kanyang muling paglalakbay at ang mga
implikasyon nito.
Mapahalagahan ang katangian ng bayani ng pagkakaroon ng tuon sa mga layunin sa buhay.
Maihahalintulad ang mga sistema ng mga bansa noon at ngayon.
Matukoy ang mga sistemang makatutulong sa pagsulong ng bansa
Noong ika-11 ng Pebrero, natapat na may pagdiriwang ang mga Tsino, dinalaw niya si Jose
Maria Basa sa kaniyang tahanan. Si G. Basa ay isa sa mga kaibigang abogado ni Rizal na ipinatapon ng
pamahalaan sa Marianas bunga ng pagkakasangkot ng pangalan nito sa nagyaring pag-aalsa sa Cavite
noong 1872. Mula sa Marianas, tumakas sa G. Basa sa Hongkong.
Nagkataon naman na nagkatagpo ang landas nila ni Laurel, katiwala ng mga prayleng
Dominikano sa Maynila. Sa kaniya napag-alaman ni Rizal na ang mga Dominikano ay nagmamay-ari
ng mahigit 700 bahay sa Hong Kong bukod pa sa maraming negosyo sa nabanggit na kolonya.
Sa Macao, nagtungo ang pangkat sa bahay ni Don Juan Francisco Lecaros. Si Don Juan ay
isang Pilipinong nakapag-asawa ng isang Portuges na ang uri ng hanapbuhay ay ang pag-aalaga ng mga
halaman. Naging mainit ang pagtanggap sa kanila roon. Pagkaraan ay pinasyalan nila ang teatro, casino
at iba pa. Kinabukasan, nilibot nila ang siyudad. Dinalaw din nila ang grotto ni Luis Camoens, tanyag
na makata ng Portugal, ang harding botanical, mga basar at mga pagoda. Nang sumunod na araw, lulan
muli ng Kiu-kiang, nagbalik sila sa Hongkong.
Sa Hapon (1888)
Noong ika-22 ng Pebrero, 1888, lulan ng barkong Oceanic, nagtungo si Rizal sa bansang
Hapon. Labis niyang hinangaan ang kariktan ng kapaligiran tulad ng mga bulaklak at puno at mga
payapang mamamayan nito. Sa kaniyang talaarawan, binigyang-pansin niya ang kalinisan, katapatan,
kasipagan at pagkamagalang ng mga Hapon. Hindi niya malimutan ang masinop na pananamit at
karisma ng mga Haponesa. Araw at gabi, nakabukas ang mga bahay, sa mga otel, makapag-iiwan ang
sinuman ng salapi o anumang mamahaling bagay sa mesa nang hindi nawawala. Madalang lamang ang
mga pulubi sa lansangan. Ang hindi lamang niya nagustuhan ay ang rickshaw na kung saan ang tao ang
humihila sa naturang sasakyan.
Nag-aral si Rizal ng wikang Nippongo at ng sining ng pagtatanggol sa sarili. Nakilala rin
niya at napalapit sa kaniyang puso si Usui Seiko na tinawag niyang O-Sei-San, isang Haponesang anak
ng nagmamay-ari ng isang malaking tindahan ng mga inaangkat na bilihin. Maganda, mabait at
matalino si O-Sei-San bukod sa mahusay siyang magsalita ng Ingles. Bago pa lumaon ang kanilang
pagmamahalan, ipinasiya niyang magpaalam at tumulak patungong ibang bansa. Nanaig pa rin kay
Rizal ang kaniyang tungkulin sa bayan.
Mula sa bansang Hapon, lulan ng barkong Belgic ay nagtungo na si Rizal sa San Francisco,
California. Isa sa mga pasaherong nakasama niya ay si Tetcho Suehiro, isang Hapon na tulad niya ay
umalis sa sariling bayan dahil sa kanyang liberal na kaisipan. Nabanggit ni Rizal kay Techo ang di-
wastong pamamalakad ng mga Kastila sa Pilipinas at tungkol sa kaniyang nobela na ipinagbabawal na
basahin ng mga awtoridad.
Dumaong ang barko sa San Francisco noong Abril 28, 1888, Sabado ng umaga. Inilagay ang
Barkong Belgic sa kuwarantina. Hindi agad pinababa ang mga pasahero ng barko upang masuri kung
may taglay silang kolera. Nagulat si Rizal dahil batid niyang walang kolera o anumang epidemiya sa
lugar na pinanggalingan nila. Kabilang sa Rizal sa mga pasaherong nagprotesta. Ang Amerikanong
Konsul sa Hapon ay nagpatunay na wala ngang epidemya. Ang Gobernador ng Hongkong ay
nagpahayag na walang kaso ng kolera sa Tsina.
Napag-alaman niya na ang pagpigil sa pagdaong ng barko ay dahil na rin sa pulitika. Ang
barko ay may sakay na 643 manggagawang Tsino na pawang mamamasukan sa kampo. Upang
makamtan ang boto (dahil malapit na ang halalan) ng mga puti sa California, kailangang pigilan ang
pagpasok ng mga Intsik.
Napansin ni Rizal na taliwas sa alituntunin, may 700 bagahe ng sedang Intsik ang idinaong
nang hindi man lamang sinuri. Ang doktor ng naturang barko ay nanahimik lamang sa isyu ng
kuwarantina. Ang mga opisyal pangkalusugan ay kung ilang beses kumain sa barko na sinasabing may
dalang kolera. Matapos ang isang linggo, kabilang si Rizal sa pinayagang makababa ng barko, subalit
hindi ang mga Tsino at mga Hapones.
Sa pananatili sa Amerika, natuklasan niya ang kaunlaran ng bansang ito. Mataas ang antas ng
pamumuhay at maraming oportunidad at ang di niya nagustuhan ay ang umiiral na di-pagkakapantay-
pantay ng mga lahi. Sumulat siya kay Mariano Ponce at sinabing hindi ganap ang kalayaan sa Estados
Unidos, ang mga Hapon at Tsino ay itinuturing na mangmang. May diskriminasyong sa pagitan ng puti
at mga negro, ang mga Tsino ay itinuturing na mangmang at ang mga Hapon ay napagkakamalang
Tsino ay nadadamay din.
Noong 1890, dalawang taong makalipas ang paglalakbay ni Rizal sa Amerika, naimbitahan
siya ni Jose Alejandrino, isang mag-aaral ng inhinyeriya sa Belhika at tinanong siya nang ganito, “Ano
ang pananaw mo sa Amerika?” “Amerika?” tugon ni Rizal, “Isang malayang bansa subalit para lamang
sa mga puti.”
Sa London (1888-1889)
Matapos bumisita ni Rizal sa Amerika, nanirahan siya sa Londres, Inglatera mula Mayo,
1888 hanggang Marso 1889. Dito ligtas siyang manuligsa sa kalupitan ng mga Kastila dahil na rin sa
kalayuan ng lugar. Pansamantala siyang nanirahan sa tahanan ni Antonio Maria Regidor. Pagkaraan ay
lumipat siya sa tahanan ng mag-anak na Beckett pagkat malapit ito sa Museo ng Britanya.
Ang aklat na ito ay ukol sa kabihasnan ng mga katutubo ng Pilipinas nang datnan ng mga
Kastila at pati na rin ang kasaysayan ng kapuluan sa ilalim ng dayuhang namamahala. Unang nalimbag
ang naturang aklat sa Mehiko noong 1890. Ang pagkasalin sa Ingles ay ginawa ni Lord Stanley noong
1868. Binigyan ni Rizal ang aklat ng 679 na mga puna at paliwanag.
1. Ang mga sumama sa paglalakbay ni Magallanes ay binubuo hindi ng mga Kastila lamang kundi pati
na ng mga Portuges, Malayo, Negro at iba pa.
2. Si Villalobos at hindi si Legazpi ang nagbigay ng Pangalang Filipinas.
3. Ang Maynila ay itinatag noong 1571 at hindi 1572.
4. Si Legazpi ay nakarating sa Cebu noong 1565 at hindi 1564.
5. Hindi lahat ng mga tao sa Pilipinas ay kumilala sa kapangyarihan ng Espanya sapagkat ang mga
Muslim sa Mindanao ay hindi panlahatan at pamalagiang nalupig ng mga Kastila.
Bago sinulant ni Rizal ang pagbabasa at pagbibigay-puna ng aklat na ito ni Dr. Morga,
tinapos niya ang pagsasalin ng Fairy Tales ni Hans Christian Andersen na sinimulan niya noong 1886.
Nasa Londres din si Rizal nang isulat niya ang Liham sa mga Kababaihang taga-Malolos na
batay sa udyok ni Marcelo H. del Pilar. Sinulat ito ni Rizal sa wikang Tagalog. Sa liham na ito, pinuri
niya ang pambihirang paninindigan at katapangan ng mga kababaihang taga-Malolos dahil sa kanilang
hangarin na magtayo ng paaralan para sa mga kababaihan. Ipinahayag din niya rito ang mga katangian
ng mga babaeng Pilipina at ang pagkakaiba nila sa mga babaing taga-ibang bansa. Tinalakay din ang
mga tungkulin ng isang babae sa kaniyang asawa, mga anak at sa bayan.
Nakatanggap din si Rizal ng ilang malulungkot na balita buhat sa Pilipinas. Ang ilan ay ang
mga sumusunod:
1. Pag-uusig sa mga magsasaka sa Calamba, kasama ang kaniyang pamilya at kamag- anak dahil
sa kanilang tapang sa paghingi ng repormang pansakahan;
2. Pagpapatapon ni Gobernador Heneneral Valeriano Weyler kay Manuel I. Hidalgo, asawa ni saturnina
sa Bohol na hindi idinaan sa paglilitis;
3. Pagkaaresto at pagkakulong ng kaibigan niyang si Laureano Viado, mag-aaral ng kursong madisina
sa Unibersidad ng Santo Tomas dahil sa kaniyang bahay ay natagpuan ang kopya ng aklat na Noli
Me Tangere.
4. Nabalitaan din niya ang ukol sa petisyong inihain ni Doroteo Cortes, tanyag na mason at abogado
kay Jose Centeno, Gobernador Sibil ng Maynila noong Mayo 1, 1888. Ang nasabing “Anti-Friar
Petition” ay sinulat ni M.H. Pilar at nilagdaan ng 800 makabayan. Ito ay pinatutungkol sa pagpapaalis
sa mga prayle, kabilang na si Arsobispo Pedro Payo (Dominikano) ng Maynila.
Nilisan ni Rizal ang Londres sapagkat ang isa sa mga anak na dalaga ni G. Becket na si
Gertrude ay nagkaroon ng pag-ibig sa kaniya. Hindi niya nais na dayain ang dalaga sapagkat
matimbang pa rin sa kaniya si Leonor Rivera.
Marami pang naisulat si Rizal sa panahong ito, kasama na La Vision del Fray Rodriguez
bilang kasagutan sa mga artikulong ipinalathala sa Barcelona sa sagisag-panulat na Dimasalang. Isa
pang satiriko ang nasulat ang Por Telepono (1889) na laban kay Padre Salvador Font, ang paring
namuno sa komisyon at nagsulat ng di-mabuti ukol sa nobela na Noli Me Tangere.
Sa Paris (1889)
Dinalaw niya ang kaniyang mga kaibigan dito gaya nina Dr. Trinidad Pardo de Tavera, Dr.
Felix Pardo de Tavera at Paz Pardo de Tavera. Ang mga nabanggit ay mga anak ni Don Joaquin Prado
de Tavera na ipinatapon noong 1872 sa Marianas at pagkaraan ay tumakas patungong Pransya.
Nang pagkalooban ng bagong supling sina Juan Luna at Paz Pardo de Tavera noong Hunyo
24, 1889, pinangalanan nila ang sanggol na Maria dela Paz Blanca Laureana Hermenigilda Juana Luna
y Pardo de Tavera at si Rizal ang napili nilang ninong.
Tulad nina Felix Hidalgo, Juan Luna, at Felix Pardo de Tavera, sumali rin si Rizal sa
Pandaigdigang Eksposisyon tungkol sa patimpalak sa sining noong Mayo 6, 1889 sa Paris. Naging
bantog sa eksposisyong ito ang Eiffel Tower, na may 984 na talampakan ang taas. Sa nabanggit na
patimpalak, ang likhang sining sa pintura ni Hidalgo ang nagkamit ng ikalawang gantimpala. Sina Juan
Luna at Felix Pardo de Tavera ay nagtamo ng ikatlong gantimpala. Ang lahok ni Rizal ay nakapasa sa
pamantayan ng patimpalak ngunit di nagkamit ng anumang puwesto. Hindi naman niya ito ikinalungkot
dahil ang mahalaga sa kaniya ay napili din siyang kalahok sa patimpalak.
Sa Paris madalas niyang nakakasama ang mga Tavera, si Antonio Luna at Nellie Boustead.
Bukod sa anotasyon ng Sucesos, sumulat din siya ng mga sulatin ukol sa kasaysayan. Ilan
dito ang Ma-yi (Disyembre 8, 1888); Tawalisi ni Ibn Batuta (Enero 7, 1889); Filipinas Dentro de Cien
Años (Ang Pilipinas sa Darating na Sandaang Taon), na nailathala sa La solaridad sa apat na isyu nito
(Setyembre 20, Oktubre 31, at Disyembre 15, 1889, at Pebrero 15, 1890); Sobre la Indolencia de los
Filipinos (Ang Katamaran ng mga Pilipino), na lumabas sa La Solidaridad sa limang magkakasunod na
isyu (Hulyo 15, Hulyo 31, Agosto 1, Agosto 31, at Setyembre 1, 1890); La Politica Colonial on
Filipinas (Mga Patakarang Kolonyanismo sa Pilipinas), walang petsa; Historia de la Familia Rizal de
Calamba), walang petsa; at Los Pueblos de Archipelago Indico (Ang mga Tao ng Kapuluang Indian),
walang petsa.
Sa Paris din planong itatag ni Rizal ang Asosasyong Internasyonal ng mga Filipinohista
noong Agosto 1889. Inanyayahan niya ang mga kasapi ng samahang ito na manaliksik sa kaugalian,
pulitika at kawikaan ng Pilipinas. Layunin ng asosasyon na “mapag-aralan ang Pilipinas mula sa
siyentipiko at pangkasaysayang pananaw.” Naging pangulo ng samahan si Dr. Ferdinand Blumentritt
(Austriyano); pangalawang pangulo si G. Edmund Plauchut (Pranses); tagapayo sina Dr. Reinhold Rost
(Anglo-German) at Dr. Antonio Ma. Regidor (Pilipino-Espanyol); at ang kalihim, si Dr. Jose Rizal
(Pilipino).
Sa gitna ng kaniyang pagiging abala, nilisan ni Rizal ang Paris dahil sa masyadong mataas
ang pamumuhay sa siyudad na ito dulot ng Pangdaigdigang Eksposisyon. Bukod pa rito, ang masayang
buhay-sosyal sa Paris ay lubhang nakasasagabal sa kaniyang pagsusulat. Nang ipaliwanag ni Rizal ang
kaniyang pagsusulat. Inanyayahan siya ni Valentin Ventura sa kaniyang tahanan sa Paris nang walang
iintindihing gastos ngunit ito ay tinanggihan ni Rizal. Sina Marcelo H. del Pilar at Valentin Ventura na
ituturing niyang malalapit na kaibigan ay naniniwala na kaya siya umalis sa Paris ay upang iwasan ang
pag-iibigan nila ni Nellie Boustead, isang Protestante. Noong panahon ding iyon, nabatid niyang si
Leonor Rivera ay nagpakasal na kay Charles Henry Kipping.
Sa Belhika (1890)
Noong ika-22 hanggang 28 ng Enero, 1890, naglakbay si Rizal patungong Bruselya, kabisera
ng Belhika. Dito nabalitaan niya mula sa liham nina Juan Luna at Valentin Ventura na ang mga Pilipino
sa Madrid ay labis na nahihilig sa pagsusugal. Dahil dito, sumulat siya kay Marcelo del Pilar noong
ika-28 ng Mayo, 1890 upang paalalahanan ang mga kababayan niyang nasa Madrid na hindi sila
nagtungo sa Europa upang magsugal kundi para magsagawa ng mga hakbangin para sa ikalalaya ng
lupang sinilangan.
Mula naman kay Paciano nabalitaan niya na ang suliranin ng mga magsasaka sa Calamba ay
lalong lumubha. Ang renta sa lupang inuupahan sa asyenda ng mga Dominikano ay lalong itinaas
hanggang sa umabot sa pagtutol at hindi pagbabayad ng ama. Nagbunga ito ng paghabla sa pamilyang
Rizal sa hukuman. Dahil dito nabawi ang lupang sinasaka nila.
Ipinatapon sa Mindoro si Paciano, mga bayaw niyang sina Antonio Lopez (asawa ni Narcisa)
at Silvestre Ubaldo (asawa ni Olympia). Si Manuel T. Hidalgo (asawa ni Saturnina) ay makalawang ulit
naman naipatapon sa Bohol.
1. La Verdad Para Todos (Ang Katotohanan para sa lahat), Mayo 31, 1889. Ito’y ukol sa
pagtatanggol ni Rizal sa panunuligsa ng mga Espanyol sa mga katutubong lokal na opisyal na
itinuturing nilang walang alam at napakasama.
2. Vicente Barrantes’ Teatro Tagalo, Hunyo 15, 1889. Ibinunyag dito ni Rizal na di batid ni Barrantes
ang ukol sa sining panteatro ng mga Tagalog.
3. Una Profanacion (Isang Paglalapastangan), Hulyo 31, 1889. Binanggit dito ni Rizal ang
tungkol sa pagtanggi ng mga prayle sa pagbigay ng Kristyanong paglibing kay Mariano Herbosa,
kaniyang bayaw na namatay sa kolera noong Mayo 23, 1889.
4. Diferencias (Mga Di-Pagkakasundo), Setyembre 15, 1889. Ito’y tugon sa artikulong
matatandang katotohanan na nailathala sa La Patria noong Agosto 14, 1889 na nanlalait sa mga
Pilipinong humihiling ng pagbabago.
5. Llanto y Risas (Mga Luha at Katawanan), Nobyembre 30, 1889. Sa artikulong ito, makikitang
tutol si Rizal sa di-pantay na pagtrato ng mga Kastila sa mga lahi at mababang pagtingin sa mga
katutubong Pilipino.
Ang planong pagbabalik ni Rizal sa Pilipinas ay nagbago nang mabatid niya mula sa liham ni
Paciano na bagamat natalo ang kaniyang pamilya sa kanilang kaso laban sa mga Dominikano, umapela
sila sa Kataastaasang Hukuman sa Espanya. Kinakailangan nila ang isang mahusay na abogado na
hahawak ng kaso sa Madrid. Agad na sinulatan ni Rizal si Marcelo H. del Pilar noong Hunyo 20, 1890
upang hingin ang serbisyo nito bilang abogado. Upang subaybayan ang kaso ng kaniyang pamilya at
mga magsasakang taga-Calamba, nilisan ni Rizal ang Belhika at tumungo ng Madrid.
Sa Madrid (1890-1891)
Dumating si Rizal sa Madrid noong Agosto, 1890. Sinikap niyang makamit ang katarungan
para sa kaniyang pamilya at kababayan. Nilapitan niya kaagad ang Asociacion Hispano-Filipino na
naitatag ni Miguel Morayta at mga pahayagang liberal na tulad ng La Justicia, El Globo, La Republica,
El Resumen at marami pang iba.
Kasama sina Marcelo H. del Pilar at Dr. Dominador Gomez (kalihim ng Asociacion Hispano-
Filipino), ipinarating ni Rizal sa Ministro ng mga Kolonya na si Señor Fabie ang kawalang katarungang
pagpaparusa ni Gobernador Heneral Valeriano Weyler at mga Dominikano sa mga mamamayan ng
Calamba.
Nilapitan din niya ang mga Kastilang liberal na dating kasapi ng Ministri na sina Becerra at
Maura ngunit simpatiya lamang ng mga ito ang natamo niya. Ang pahayagang El Resumen naman ay
nagbigay lamang ng komentaryo na ang mga bagay na ito ay bahagi lamang ng patakaran ng
mananakop na Kastila kaya nararapat na buksan na lamang nila, ang kanilang palad at magkibit-balikat
sa anumang mangyari.
Mula sa Leimeritz, nang mabalitaan ni Blumentritt ang nagaganap kay Rizal, pinayuhan niya
itong lumapit kay Reyna Maria Cristina at ilahad niya rito ang kaniyang ipinakikipaglaban. Ngunit
hindi rin niya ito nasunod, wala siyang mga makapangyarihang kaibigan o sapat na salaping
makapaglalapit sa kaniya sa Reyna.
Bago magtapos ang taong 1890, nagkaroon ng di-inaasahang kumpetisyon sa pagitan nina
Rizal at Del Pilar ukol sa pamumuno. Si Rizal ay nakilala sa kaniyang katalinuhan at si Del Pilar naman
sa kaniyang prestihiyoso bilang abogado at bilang patnugot ng La Soliradaridad. Hinikayat ni Rizal ang
kaniyang mg kasamahan sa propaganda na tularan at yakapin ang mga idealismong kaniyang
pinaniniwalaan upang itaas ang antas ng dignidad ng samahan. Hindi lahat ng kasamahan ni Rizal sa
propaganda ay may gayong paniniwala. Nais pa rin ng ibang kasapi na magkaroon ng panahon sa pag-
inom ng alak, pagsusugal at pagliliwaliw. Dahil sa di pagkakaroon ng unawaan ukol sa alituntuning
dapat ipatupad sa mga kasapi ng La Solidaridad, nagdaos ng halalan ang mga Pilipino sa Madrid.
Ginanap ang halalan noong unang linggo ng Pebrero 1891. Nahati sa Rizalista at Pilarista
ang pangkat. Layunin ng halalan ng piliin ang karapat-dapat na Responsible, na siyang mamamahala sa
pagpapatakbo ng samahan o komunidad ng mga Pilipino sa Madrid. Napagkasunduan nila na kailangan
ang dalawang-katlong boto sa kabuuan upang maitanghal sa gayong posisyon.
Nakahihigit ang boto ni Rizal sa unang araw ng halalan subalit hindi pa rin nakaabot sa
napagkasunduang bilang ang boto. Ganoon din ang nangyri nang ikalawang araw ng halalan. Dahil
dito, hinimok ni Mariano Ponce ang ibang Pilarista na ibigay kay Rizal ang kinakailangang boto para sa
ikatitibay ng samahan. Sa ganitong pangyayari, nakamtan ni Rizal ang kinakailangang dalawang-
katlong bahagi ng boto upang maluklok bilang Responsible.
Sinimulan ni Rizal isulat ang nobelang El Filibusterismo sa Calamba noong Oktubre, 1887.
Natapos niya ang manuskrito nito noong Marso 29, 1891, bisperas ng paglisan niya sa Biarritz
patungong Paris. Ngunit gaya ng naranasan niya sa pagpapalimbag ng Noli, kinapos muli siya ng
pantustos sa Fili.
Nasa F. Meyer-Van Loo Press, Blg. 66 Kalye Viaanderen sa Gante (Ghent), Belhika na noon
ang kopya ng nobela. Pumayag ang imprenta na kahit bayaran sila nang patingi-tingi. Ngunit ang
salaping nalikom niya sa pagsasanla ng singsing na ibinigay sa kaniya ni Saturnina ay hindi rin
nakasapat sa halaga ng paglilimbag.
Nalaman ni Valentin Ventura ang suliranin ni Rizal. Si Ventura ay nasa Paris noong mga
panahon na iyon. Nagpadala siya ng kinakailangan salapi kay Rizal upang matapos ang pagpapalimbag
ng El Filibusterismo. Ang aklat ay lumabas sa imprenta noong Setyembre 18, 1891. Inihandog niya ang
nobelang ito sa tatlong paring martir na sina Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos at Padre Jacinto
Zamora.
Kaagad na nagpadala ng dalawang kopya ng aklat si Rizal sa Hongkong para kina Basa at isa
pang kaibigang niya roon na Sixto Lopez. Ibinigay naman niya kay Ventura ang manuskrito ng El
Filibusterismo. Sinamahan pa niya ito ng isa pang kopya ng aklat na nilagdaan.
Nais sana ni Rizal na sumulat ng isa pang Nobela na kung saan ay etika at hindi pulitika ang
magiging pangunahing diwa. Pagtutuunan niya ng pansin ang mga kaugalian ng mga Pilipino.
Inaasahan niya itong magiging mapanudyo. Ngunit di na niya ito natapos. Mayroon na itong 44 na
pahina (33 sentimetro x 21 sentimetro). Wala itong pamagat.
Ang nobela ay nagsimula sa libing ni Prinsipe Tagulima, anak ni Sultan Zaide ng Ternate, sa
Malapad-na-Bato, sa pampang ng Ilog Pasig. Nadakip noon ng mga Espanyol ang sultan sa Moluccas
at dinala sa Maynila. Pinangakuan sila ng mabuting trato ngunit hindi tumupad ang mg Kastila. Isa-
isang namatay ang kaniyang kaanak.
May iba pang di natapos na nobela si Rizal. Isa na rito ang Makamisa. Ang nobelang Tagalog
na ito ay may istilong mapanudyo. Inilalahad rito ang iba’t ibang gawi ng mga tao pagkaraang idaos
ang misa. Ang manukristo ay may 20 pahina (34.2 sentimetro x 22 sentimetro). Dalawang kabanata
lamang ang natapos.
Nasimulan ni Rizal ang isang nobela sa Espanyol tungkol sa buhay sa Pili, isang bayan sa
Laguna. Hindi niya nalagyan ito ng pamagat. Ang manuskritong ito ay hindi rin niya natapos.
Isang nobelang walang pamagat ang hindi rin natapos ni Rizal. Ito ay tungkol kay Cristobal,
isang mag-aaral na kababalik lamang buhat ng Europa. Binubuo ito ng 34 pahina (8 ½ pulgada x 6/14
pulgada).
Sa dalawang kuwaderno, naumpisahang sulatin ni Rizal ang isa pang nobela. Ang unang
kuwaderno ay may 31 pahina (35.5 sentimentro x 17 sentimentro). Mayroon namang 12 pahina (22
sentimetro x 17 sentimetro). Gumagamit siya ng mga tauhang nasa langit. Inilarawan din niya ang
nakalulungkot na kondisyon ng Pilipinas.
Lulan ng SS Melbourne, nilisan ni Rizal ang Marseilles noong Oktubre 1891 upang
magtungo sa Hongkong. Dala niya ang isang sulat ng rekomendasyon ni Juan Luna para kay Manuel
Camus, isang Pilipinong naninirahan sa Singapore at mga 600 sipi ng El Filbusterismo. Sa paglalakbay
na ito kahalubilo niya ang ibang pasaherong nagbuhat sa iba’t ibang panig ng Europa. Siya ay
kinalugdan ng kaniyang mga kasamahan dahil sa kaniyang kaalaman sa iba’t ibang wika.
Dumating siya sa Hong Kong noong Nobyembre 20, 1891. Malugod siyang sinalubong ng
kaniyang mga kaibigan, kasama na si Jose Maria Basa. Nanahanan siya sa Blg. 5 Daang D’ Aguilar.
Pagkaraan nanirahan siya sa Rednaxela Terrace at nagbukas ng klinika para sa mga maysakit sa mata.
Tinulungan siya ni Dr. Lorenzo P. Marques, isang mangagamot na Portuges.
Bago sumapit ang Pasko ng 1891, dumating sa Hong Kong ang kaniyang ama, kapatid na
lalaki, at bayaw na si Silvestre Ubaldo. Di nagtagal ay nakarating din ang kaniyang ina at mga kapatid
na babae, sina Lucia, Josefa at Trinidad.
Napag-alaman ni Rizal na noong nakaraang taon (1890), dinakip ang kaniyang ina ng mga
Guardia Civil sa bintang na di nito paggamit ng apelyidong Realonda. Pinaglakad ang kaniyang ina na
may 65 taong gulang na mula Maynila hanggang Santa Cruz, Laguna. Sa awa ng gobernador ng
Laguna sa nangyari sa kaniya, siya ay pinalaya.
Ang pasko ng 1891 ay lubhang napakasaya para sa pamilya Rizal. Ang bagay na ito ay
naisulat ni Rizal sa kaibigan niyang si Blumentritt.
Ikinalugod ni Rizal ang balita mula kay Mariano Ponce ukol sa pagtatanggol ni Padre
Vicente Garcia sa nobelang Noli. Noong ika-7 ng Enero 1891, sinulatan niya ang nasabing pari at
ipinahatid niya ang kaniyang pasasalamat.
Sa kabila ng mga gawain niya sa klinika, nagawa pa ring isalin ni Rizal ang The Rights of
Man (iprinoklama sa Rebolusyong Pranses noong 1789) sa wikang Tagalog. Taong 1891 din nang isulat
niya ang A la Nacion Española (Para sa Nasyong Espanyol). Ito ay paghiling sa Espanya na isaayos ang
problema ng mga nagungupahan ng lupa sa Calamba.
Nakapagpadala rin si Rizal ng ilang artikulo sa pahayagang The Hong Kong Telegraph, na
pinapatnugutan ng kaniyang kaibigang si G. Fraizer Smith. Nakarating ang mga sipi ng pahayagang ito
sa Pilipinas. Nang malaman ng pamahalaang Kastila na napalalaganap ang mga kaisipan ni Rizal sa
pamamagitan ng pahayagang ito, ipinagbawal na nila ang distribusyon nito.
Isa sa mga naipalathalang artikulong ni Rizal sa The Hong Kong Telegraph ay ang Una Visita
a la Victoria Gaol (Isang Pagbisita sa Kulungang Victoria). Ito ay isang paglalahad na ukol sa una
niyang pagdalaw sa bilangguan ng Hong Kong. Naipakita niya ang makabago at makataong sistemang
pambilangguan ng mga Ingles na kaiba sa klase ng Sistema sa Pilipinas.
Upang maipaliwanag ang kaniyang proyektong kolonisasyon sa Borneo, isinulat ni Rizal ang
artikulong Colonisation du British North Borneo, par de Familles de Iles Philippines (Kolonisasyon ng
British North Borneo ng mga Pamilya mula sa mga Isla ng Pilipinas) sa wikang Pranses. Sa higit na
kaliwanagan, sumulat din siya ng ng isa pang artikulo na nasa wikang Espanyol ang Proyecto de
Colonization de British North Borneo por los Filipinos (Proyekto ng Kolonisasyon ng British North
Borneo ng mga Pilipino).
Noong Hunyo, 1892, nailathala ang sinulat ni Rizal sa malapad na papel sa Hongkong ang La
Mano Roja (ang Pulang Kamay). Ito’y tumatalakay sa pagkondena niya sa madalas na pagsasadya ng
sunog sa Maynila.
Ang pagtatag ng La Liga Filipina, isang samahan ng mga makabayang Pilipino para sa mga
layuning pansibiko ay orihinal na ideya ni Jose Ma. Basa ngunit si Rizal ang sumulat ng konstitusyon
nito at nagtatag. Para maikubli sa pamahalaang Kastila ang pinanggalingan nito, isinulat nila rito na ito
ay inilimbag sa LONDON PRINTING PRESS, No. 25, Kalye Khulug, London. Ang mga kopyang
konstitusyon ng Liga ay pinadala ni Rizal kay Domingo Franco, isang kaibigan sa Manila.
Nagpadala si Rizal ng liham kay Gobernador Heneral Eulogio Despujol (ikatlo niya na ito)
noong Hunyo 21, 1892 upang pakiuspan siyang patawarin ang kaniyang ama at mga kaanak sa usapin
sa lupa sa Calamba at ipaalam na siya ay babalik. Inilagay rin niya ang kaniyang sarili sa ilalim ng
proteksyon ng pamahalaang Espanyol.
Noong araw ding iyon (Hunyo 21), nilisan nina Rizal at ng kapatid niyang si Lucia, balo ni
Herbosa ang Hongkong. Dala nila ang permisong ibinigay ng Espanyol na Konsul-Heneral sa
Hongkong. Ang Konsul Heneral din ito ang nagbigay-alam kay Gobernador Heneral Despujol na si
Rizal ay “pumasok sa bitag.”
Hindi sang-ayon ang mga kamag-anak at kaibigan ni Rizal sa plano niyang pagbalik sa
Pilipinas. Nangangamba sila sa kaniyang kaligtasan.