Filipino Pagbibigay Wakas Sa Kwento

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 7

Baitang 3

Talaan ng Nilalaman

Aralin 1: Pagbibigay ng Wakas ng Kwento


Layunin Natin 2
Linangin ang Talasalitaan 2
Basahin Natin 3-4
Pag-aralan Natin 5
Sagutin Natin 5
Subukan Natin 5
Isaisip Natin 6
Pag- isipan Natin 6
Sanggunian 7

1
Aralin 1: Pagbibigay ng Wakas ng Kwento

Layunin Natin

Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang


natutukoy ang paraan ng pagtukoy ng wakas ng kwento,
naipamamalas ang pag- unawa sa kasanayan ng pagbibigay ng wakas
ng kwento at naiguguhit ang wakas ng kwentong binasa.

Linangin ang Talasalitaan

Tukuyin ang kasingkahulugan ng mga nakasalungguhit na mga salita. Gawing


batayan kung paano ito ginamit sa pangungusap.

1. Ang batang si Ador ay gwapo at kinaiinggitan ng lahat.


pogi pangit masipag

2. Masyado siyang bilib sa kanyang sarili.


mabait tiwala mataas

3. Nagkaroon ng eleksyon sa klase.


botohan sisihan asaran

4. Siya ay isang alaskador na kaklase.


matapat matulungin mapang-asar

2
Basahin Natin

Basahin ang kwentong pinamagatang “Si Ador, Alaskador” at sagutin ang mga
sumusunod na tanong.

Mga Tanong:
1. Sino ang batang gwapo ngunit alaskador?
2. Ano ang mga bansag niya sa kanyang mga kaklase?
3. Paano naramdaman ni Ador ang masaktan?
4. Bakit siya kinaiinisan ng lahat ng kanyang kaklase?
5. Kung ikaw ay isa sa mga kaklase ni Ador, ano ang iyong mararamdaman sa
ginagawa niya? Bakit?

“Si Ador, Alaskador”

Gwapo ang batang si Ador. Makinis ang kutis, maganda magdamit at matikas
din ang kanyang tindig. Anak mayaman kasi siya. Maraming humahanga sa kanyang
panlabas na anyo.
Dahil sa mga katangiang ito, masyado siyang bumilib sa kanyang sarili lalo’t
nakaririnig siya ng mga papuri.
“Talagang gwapo ako! Wala silang panama sa akin!” wika ni Ador.
Maraming bata ang naiinis sa kanya. Mahilig siyang mang-asar sa kanyang mga
kaklase. Hindi niya ito titigilan hangga’t hindi napipikon o umiiyak.

Minsan habang naglalaro sila ng basketbol ng mga kaklase, pinagtawanan niya


si Ricky dahil hindi makaagaw ng bola.
“Bansot ka kasi! Palaki ka muna! Bano!” sigaw ni Ador.
Natural lang na mapikon si Ricky, hindi lamang ito kumibo.

3
Kung may madarapa naman habang tumatakbo, tatawa siya nang pagkalakas-
lakas at sisigaw ng “Lampa! Nakahuli ka ba ng palaka?”

Sa halos lahat ng mga kaklase niya ay mayroon siyang bansag—may Pepeng


Sunog, Kristine Kulot, Marlyn Bingi, Edgar Torpe at marami pang iba.
Dahil dito, binansagan din siya ng kanyang kaklase. Tinawag siyang Ador
Alaskador ng mga ito.
“Ayan na si Ador Alaskador! Si yabang!” wika ni Pepe.
“Halika na! Alis na tayo! Aalaskahin na naman tayo niyan,” dugtong ni Ricky.
Simula na iyon ng pag-iwas ng mga kaklase kay Ador. Kung lumalapit siya ay
umaalis sila. Kung nang-aasar siya, parang walang naririnig ang mga kaklase. Wala
nang gustong makipaglaro o makipag-usap man lang sa kanya.
Minsan, nagkaroon ng eleksyon sa kanilang seksyon. Kailangang piliin nila ang
muse at escort sa kanilang seksyon.
Nakasama si Ador sa tatlong pagpipilian. Pumili na ang kanyang mga kaklase.
Isa lamang ang bumoto kay Ador. Nakita niyang lihim na nagtatawanan ang mga
kaklase. Masaya sila sa kanyang pagkatalo.
“Buti nga sa kanya! Akala niya kasi, siya lang ang gwapo!” sabi ng ilan.
Napahiya si Ador sa pangyayaring ito. Naramdaman niya ang masaktan. Naisip
niyang ganito rin siguro ang naramdaman ng kanyang mga inaasar. “Simula ngayon
ay magbabago na ko,” wika ni Ador sa sarili. Iniwasan na niya ang mang-inis at
mambansag sa mga kaklase. Pinahahalagahan na niya ang damdamin ng kanyang
kapwa.

4
Pag- aralan Natin
Isang mahalagang kasanayang dapat matutuhan ang pagbibigay ng maaaring
wakas ng kwento. Sa kasanayang ito, nahahasa ang kakayahan ng mambabasa na
maging malikhain. May mga kwento na walang tiyak na wakas. Dahil dito, ang
mambabasa ang nagbibigay ng wakas. Sa pagbibigay ng wakas ng kwento mahalaga
ang pagkakaroon ng mga sumusunod na katangian:

1. Maging maayos sa pagbibigay ng wakas ng kwento at alamin ang mga


pangyayari sa kwento.
2. Unawaing mabuti ang mga isinasaad na pangyayari sa kwento.
3. Siguraduhing angkop ang wakas ng kwento.
4. Maging malinaw sa detalye sa pagbibigay ng wakas ng kwento.
5. Siguraduhing tiyak ang wakas ng kwento at may kinalaman sa kwentong
nabasa o binasa.

Sagutin Natin

1. Ano ang wakas ng kwento?


2. Sang-ayon ka ba sa naging wakas ng kwento?
3. Kung ikaw ang magbibigay ng wakas ng kwentong binasa,
ganito mo rin ba ito bibigyan ng wakas? Bakit?

Subukan Natin

Sagutin ang mga sumusunod na tanong:


1. Bakit kailangang malaman ang wakas ng kwentong binasa?
2. Ano ang dapat mong isaalang-alang sa pagbibigay ng wakas ng kwento?

5
Isaisip Natin

Ano ang maaaring mangyari kung ang isang kwento ay walang katapusan o
wakas?

Pag- isipan Natin


Basahin ang kwentong pinamagatang “Ang Leon at Ang Lamok”. Iguhit
ang maaaring maging wakas ng kwento. Sa tatlong makabuluhang pangungusap
ay ipaliliwanag ang iginuhit na wakas.

Ang Leon at Ang Lamok

Isang araw habang natutulog ang Leon ay ginulo siya ng Lamok. "Alis diyan, huwag
mo akong guluhin." sabi ng Leon.

"Ako, kaya mong utusan? Hindi tulad mo ang katatakutan ko," sagot ng Lamok.

Hampas at kagat ang ginawa ng Leon ngunit walang nangyari sa pagsisikap ng Leon.

Buong pagyayabang at halakhak ng Lamok dahil bigo ang Leon, na hulihin siya.
Bigong umalis ang Leon at ang Lamok naman ay buong galak na lumilipad na
pinagtatawanan ang Leon.

Sa sobrang pamamayagpag, hindi napansin ni Lamok na may sapot sa tinunguhan


nya. Hindi man niya sinadya ay nadikit siya sa sapot at pigil hininga niya lamang
hinintay ang gagamba na kakain sa kanya pagkat wala na siyang magawa.

Ubos ang pag-asa niya sa kanyang kaligtasan at naisip niya ang pang-aapi niya sa ubod
ng laking Leon.

6
Sanggunian:
Alzona, Marissa M., Filipino Ngayon at Bukas 3 Marikina City: Instructional Coverage
System Publishing, Inc. 2015

Salayon, Arceli B., Baghari 3 Sta. Ana, Manila: Students’ Power Publishing House, Inc.
2013

Lemi, Danilo V., Buklod 3 Quezon City; Book Craft Publishing Co., Inc. 2006

Agbon, Zenaida Z., Filipino: Daan Tungo sa Pagbabago at Pag- unlad 3 Makati City:
Don Bosco Press, Inc. 2013

Rosales, Nanet M., Gintong Diwa 3 Sta. Maria, Bulacan: Prime Books Publishing Corp.
2017

You might also like