Virgilio Enriquez

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 7

AMA NG SIKOLOHIYANG PILIPINO:

BUHAY AT KONTRIBUSYON

NI VIRGILIO G. ENRIQUEZ (1942-1994)

Tubong Bigaa, Bulakan, isinilang si Virgilio Gaspar Enriquez noong Nobyembre 24, 1942. Bunso siya

sa limang anak nina Arsenio Libiran Enriquez at Rosario Galvez Gaspar. Nakatatanda niyang

kapatid sina Corazon, Manuel, Conchita, at Mabini (NHI 1994; Navarro 2013).

Sa gulang na anim na taon, pumasok si “Ver” sa Primary Grade School Department ng Manila

Central University kung saan niya tinapos ang kanyang primaryang edukasyon bago lumipat sa

Espiritu Santo Parochial School kung saan naman niya tinapos ang kanyang elementaryang

edukasyon. Para sa sekondaryang edukasyon, pumasok siya sa Colegio de San Juan de Letran kung

saan siya nagtapos na kabilang sa 15 pinakamataas sa 250 nagsipagtapos na estudyante (NHI 1994;

Navarro 2013). Mula pa sa mga panahong ito ng kanyang kabataan, sinanay na siya ng kanyang

ama sa mahusay na pagpapahayag at pagsasalita sa katutubong wika. Hindi nawawalan ng

panahon ang kanyang ama na makipagtalakayan sa kanya sa wikang Pilipino. Halimbawa, malakas

na pinababasa sa kanya ang peryodikong Ingles sa wikang Pilipino na para bagang sa katutubong

wika ito orihinal na sinulat (Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2000).

Sa kolehiyo, nagtapos siya ng A.B. Philosophy sa University of the Philippines (UP) noong 1961

(NHI 1994; Navarro 2007, 2013). Kumuha rin siya ng mga gradwadong kurso sa Sikolohiya sa

naturang unibersidad. Habang estudyante, naging abala rin siya sa iba’t ibang gawaing akademiko

at ekstra-kurikular bilang President ng UP Psychology Society (Psychsoc); Public Relations Officer

ng UP Mathematics Club (Math Club); Charter Member ng UP Philosophical Society (Philosoc); at

Elected Member ng Rizal Center Honor Society, Philippine Statistical Association (PSA). Naging

Student Assistant in Philosophy rin siya sa UP University College noong 1961. Hindi nagtagal,

naging Teaching Assistant in Philosophy siya sa UP University College noong 1961-1963 kung kailan

naging Assistant Instructor in Philosophy rin siya sa UP Baguio College sa Summer Institute noong

1962.

Pormal siyang napasok sa Sikolohiya bilang Instructor in Psychology sa UP College of Arts and

Sciences (CAS) noong 1963. Bandang 1965, isa na siya sa iilang guro na gumagamit ng wikang

Pilipino sa pagtuturo. Halimbawa, sa eksamen sa isang klase ng Sikolohiya, hindi niya isinalin sa

Ingles ang isang panaginip na ikinuwento sa kanya ng isang residente ng Bulacan (Pe-Pua at
Protacio-Marcelino 2000). Ang ganitong karanasan sa pagtuturo ang marahil naging batayan ng

paglalathala niya ng “On the Translation of Foreign Languages to Pilipino,” Philippine Collegian,

20 (11), Marso 8, 1966.

Noong 1966, umalis siya ng bansa at tumungo sa Estados Unidos ng Amerika para mag-aral bilang

Rochefeller Foundation Scholar in Humanities and Social Sciences sa Northwestern University (NU)

sa Evanston, Illinois, Estados Unidos ng Amerika. Sa naturang unibersidad, nagtapos siya ng M.A.

Psychology noong 1970 at Ph.D. Social Psychology noong 1971 (NHI 1994; Navarro 2007, 2013).

Habang nag-aaral sa banyagang bansa, sa gitna ng mga dayuhang teorya, sinubaybayan niya ang

pag-igting ng aktibismo ng mga estudyanteng Pilipino laban sa lumalalang kondisyon at sitwasyong

panlipunan at pampulitika ng bansa. Kasabay nito, nagsisimula na ring magkaroon ng epekto ang

pagtindi ng nasyonalismo sa pagtuturo ng iba’t ibang kurso sa UP. Sa pakikipagsulatan niya kay

Alfredo Lagmay, Chairperson ng UP Departamento ng Sikolohiya, nabatid ni Enriquez na mainit na

tinatalakay ang pagtuturo sa wikang Pilipino. Sinimulan niya ang paghahanda sa muling pagtuturo

ng sikolohiya sa wikang pambansa. Sa katunayan, nagkaroon din siya ng iba’t ibang

pakikipagtalakayan (at pakikipagtalo) sa mga kaibigan at propesor sa NU tulad nina Ernesto Kole,

Lee Sechrest, at Donald Campbell kaugnay ng pagtuturo sa wikang Pilipino (Pe-Pua at ProtacioMarcelino 2000).

Taong 1971 nang bumalik si “Doc E” sa Pilipinas dala-dala ang kaalamang Kanluranin na hindi niya

iginiit at ipinataw sa kanyang mga kasama at estudyante. Bagkus, lalo pa ngang tumibay ang

kanyang oryentasyon at perspektibong Pilipino sa pananaliksik at pagtuturo bilang Assistant

Professor in Psychology sa UP CAS. Itinatag niya ang Philippine Psychology Research House (PPRH)

noong 1971, na naging Philippine Psychology Research and Training House (PPRTH) na tinawag din

nang lumaon na Surian ng Sikolohiyang Pilipino na naging bahagi ng Akademya ng Sikolohiyang

Pilipino at Akademya ng Kultura at Sikolohiyang Pilipino bago tuluyang naging nagsasariling

institusyon. Naging tahanan ito ng mga materyales sa Sikolohiyang Pilipino, na kinabibilangan

ngayon ng humigit 10,000 sanggunian. Naging sentro rin ito ng pananaliksik at pagsasanay na may

oryentasyon at perspektibong Pilipino bukod pa sa pagiging “tahanan” ng mga indibidwal na

nahikayat ng kanyang sigasig, na nang lumao’y nakapagbigay ng kani-kanilang ambag sa pag-unlad

ng Sikolohiyang Pilipino (NHI 1994; Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2000). Kasama ang ilang

tagapangunang tagapagtaguyod ng Sikolohiyang Pilipino, magkakasunod na lumabas ang ilang

natatanging publikasyon. Kabilang dito ang:

Sikolohiya ng Wika (Working Papers in Psycholinguistics). Quezon City: University

of the Philippines, 1972. May-akda at patnugot kasama si Lilia Antonio.


Pananaliksik sa Sikolohiya; Dyornal ng Malawakang Edukasyon. Quezon City:

University of the Philippines Press, 1972. May-akda at patnugot kasama si

Lilia Antonio.

Katipunan ng Lathalaing Pangsikolohiya. Quezon City: University of the

Philippines, 1973, ikalawang edisyon, 1974. May-akda at patnugot kasama

si Lilia Antonio.

Panayam sa Sikolohiya; Mga Piling Papel. Quezon City: University of the

Philippines, 1973. May-akda at patnugot kasama si Amelia Alfonso.

Talambuhay ng Isang Baliw. Quezon City: University of the Philippines

Departamento ng Sikolohiya, 1974. Tagasalin ng akda ni Marguerite

Sechehaye.

Mga Babasahin sa Pilosopiya: Epistemolohiya, Lohika, Wika at Pilosopiyang

Pilipino. Quezon City: Echanis Press, 1974, muling inilathala ng Surian ng

Sikolohiyang Pilipino (PPRTH), 1983. May-akda at patnugot.

Tao at Lipunan. Quezon City: Echanis Press, 1974. May-akda at patnugot kasama

sina Pemari Banzuela at Ma. Carmen Galang.

Philippine Studies on the Psychology of Language (Series of 1971-1974). Quezon

City: University of the Philippines Press, 1974. May-akda at patnugot.

Sikolinggwistikang Pilipino. Quezon City: PPRH at University of the Philippines

College of Arts and Sciences, 1974, muling inilathala bilang

Sikolinggwistikang Pilipino (Wika at Lipunan, Kaasalang Pangwika,

Bilinggwalismo at Suliranin sa Pagpapahayag), Quezon City: University of

the Philippines Press, 1976. May-akda at patnugot.

Panukat ng Ugali at Pagkatao Form A. Quezon City: PPRH at National Science and

Development Board, 1975. May-akda.

Habang Associate Professor in Psychology sa UP Diliman at President ng Psychological Association

of the Philippines (PAP), pinamunuan niya ang Unang Pambansang Kumperensya sa Sikolohiyang

Pilipino na ginanap sa UP Diliman noong Nobyembre 6-11, 1975 kung kailan pormal na ipinakilala

ang Sikolohiyang Pilipino kasama sina Alfredo Lagmay, Armando Bonifacio, Prospero Covar, at Zeus

Salazar. Naging tuwirang supling ng kumperensyang ito ang Pambansang Samahan sa Sikolohiyang

Pilipino (PSSP) (NHI 1994; Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2000; Navarro 2007, 2013). Kinilala sa

naturang kumperensya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang organisasyon upang patuloy na


maisakatuparan ang mga layunin para sa Sikolohiyang Pilipino kung kaya’t inilatag ang pundasyon

sa pagbubuo ng isang pambansang samahan na ganap na itinatag noong Disyembre 19, 1975 at

naiparehistro noong Enero 23, 1976. Sa pagsisimulang ito, naglingkod bilang Pangulong

Tagapagtatag si Doc E. Upang tuwirang ilahad ang mga batayan, kaisipan, konsepto, perspektibo,

at tunguhin ng Sikolohiyang Pilipino, inilathala ni Doc E ang artikulong “Sikolohiyang Pilipino:

Perspektibo at Direksyon,” Ulat ng Unang Pambansang Kumperensya sa Sikolohiyang Pilipino,

Quezon City: Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, 1976.

Nanungkulan din siya bilang Chairperson ng UP Departamento ng Sikolohiya noong 1978-1982 (NHI

1994; Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2000; Navarro 2007, 2013). Sa panahong ito, hinirang siyang

Professor in Psychology at matapos ito, Professor Emeritus in Psychology sa UP Diliman. Sa

panunungkulan niya bilang Chairperson, Professor, at Professor Emeritus, kasabay ng pagiging

Founding Chairperson ng Language Education Council of the Philippines (LEDCO) noong 1981,

aktibo niyang hinikayat ang kanyang mga estudyante na magsulat sa wikang Pilipino upang

makapaglinang ng mahahalagang katutubong konseptong makatutulong sa pagsusulong ng

pambansang wika. Bilang tagapayo, tagasuri o tagabasa, nasa likod din siya ng napakaraming tesis

at disertasyon sa Sikolohiya, Linggwistiks, Antropolohiya, Pilosopiya, at Pilipinolohiya na sinulat sa

wikang pambansa. Bilang estudyante, nagtapos siya ng M.A. Filipino sa UP Diliman noong 1982

(Navarro 2007, 2013). Naging pangunahing inspirasyon din siya sa pagtatatag ng Samahang Pilipino

sa Sikolohiya ng Wika (SPSW), UP Bukluran sa Sikolohiyang Pilipino (Buklod-Isip), Philippine

Normal College (PNC) Samahan ng Mag-aaral sa Sikolohiyang Pilipino (SMSP), Federation of

Psychology Societies (Psych Fed), Bulacan Community Field Station na naging Sikolohiya at Diwa

ng Bulacan, Samahang Pilipino sa Sikolohiya ng Bata (SPSB), Sining Sikolohiyang Pilipino (SSP),

Tulay-Buklod, Sentro sa Pag-aaral ng Relihiyon (SPR), Pambansang Samahan sa Kasaysayan ng

Sikolohiya (PSKS), at Samahan sa Pagtuturo ng Sikolohiya sa Filipino (SPSF). Halos kasabay ng mga

ito ang patuloy niyang paglalabas ng mga natatanging publikasyon na kinabilangan ng:

Filipino Psychology in the Third World. Quezon City: PPRH, 1977. May-akda.

Sikolohiyang Pilipino: Batayan sa Kasaysayan, Perspektibo, Mga Konsepto, at

Bibliograpiya. Quezon City: PPRH, 1978. May-akda at patnugot.

Persepsiyon: Mga Konsepto at Teorya. Quezon City: University of the Philippines

Departamento ng Sikolohiya, 1978. May-akda at patnugot.

Ang Ulat ng Pagsisiyasat sa Agham-Panlipunan at Pilosopiya (Serye ng mga Papel sa

Pananaliksik: Papel Bilang EN-A70 Enero 1978). Quezon City: Akademya ng

Sikolohiyang Pilipino, 1978. May-akda kasama si Ponciano Bennagen.


Decolonizing the Filipino Psyche: Philippine Psychology in the Seventies. Quezon

City: PPRH, 1982. May-akda.

Manwal ng Panukat ng Ugali at Pagkatao. Quezon City: PPRTH, 1983. May-akda

kasama si Ma. Angeles Guanzon.

Neo-colonial Politics and the Language Struggle in the Philippines (National

Consciousness and Language in Philippine Psychology: 1971-1983). Quezon

City: Akademya ng Sikolohiyang Pilipino, 1984. May-akda kasama si

Elizabeth Protacio-Marcelino.

Sikolohiya ng Libangan. Quezon City: Akademya ng Sikolohiyang Pilipino, 1989.

May-akda kasama sina Maria Jacinta Javier, Glenda Sales, at Alan Filio.

Ang Kababalaghan at ang Parasikolohiya. Quezon City: Akademya ng Sikolohiyang

Pilipino, 1989. May-akda kasama sina Precious Joy Baldea at Ma. Angela

Bernardo.

Indigenous Psychology: A Book of Readings. Quezon City: Akademya ng

Sikolohiyang Pilipino, 1990. May-akda at patnugot.

Ang Sikolohiyang Malaya sa Panahon ng Krisis. Quezon City: Akademya ng

Sikolohiyang Pilipino, 1991. May-akda kasama sina Sandra Herrera at Emir

Tubayan.

From Colonial to Liberation Psychology; The Philippine Experience. Quezon City:

University of the Philippines Press, 1992, muling inilathala ng Maynila: De

La Salle University Press, 1994. May-akda.

Pagbabangong-Dangal; Indigenous Psychology & Cultural Empowerment. Quezon

City: Akademya ng Kultura at Sikolohiyang Pilipino, 1994. May-akda.

Lumaganap din ang kanyang impluwensya sa labas ng UP. Nakapagturo rin siya sa iba’t ibang

institusyon, kolehiyo, at unibersidad gaya ng De La Salle University (DLSU), Pamantasan ng

Lungsod ng Maynila (PLM), Unibersidad ng Santo Tomas (UST), at Centro Escolar University (CEU).

Nakapagturo rin siya bilang Visiting Professor sa mga institusyon, kolehiyo, at unibersidad sa

ibayong dagat tulad ng University of Hawaii (UH), Tokyo University of Foreign Studies (TUFS),

University of Malaya (UM), at University of Hong Kong (UHK). Nagkapagturo rin siya ng wikang

Tagalog sa Kapiolani Community College sa Honolulu, Hawaii; University of California (UC),

Berkeley; at Doelger Community Center sa Daly City, California. Tumanggap din siya ng iba’t

ibang iskolarsyip tulad ng Research Scholarship mula sa Tohoku Dental University (TDU) ng Japan
noong 1982, Liverlhulme Fellowship Award mula sa UHK noong 1982, at Research and Teaching

Fellowship Grant mula sa Institute of Southeast Asian Studies (ISEAS) sa Singapore noong 1983-

1984 (NHI 1994; Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2000; Navarro 2007, 2013).

Sa labas ng bansa, kilala siya hindi lamang bilang pangunahing tagasulong ng Sikolohiyang Pilipino

kundi kabilang sa tagapagtaguyod ng Indigenous Psychology at Cross-Cultural Psychology o mas

angkop, Cross-Indigenous Psychology. Sa katunayan, kahanay niya sina Rogelio Diaz-Guerrero,

Durganand Sinha, Henry Kao, Herbert Kelman, Cigdem Kagitcibasi, at Michel Duro Jayiye sa

pagbubuo ng International Association for Cross-Cultural Psychology (IACCP) at Division of

National Development ng International Association of Applied Psychology (IAAP). Naging

Pangulong Tagapagtatag din siya ng Pandaigdigang Katipunan sa Sikolohiyang Pilipino (PKSP) na

binubuo ng mga organisasyon at sangay sa Maynila sa Pilipinas; Nevada, San Francisco, Los

Angeles, New Haven sa Estados Unidos ng Amerika; Sydney sa Australia; at Tokyo sa Japan (NHI

1994; Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2000; Navarro 2007, 2013). May mga akda rin siyang nalathala

sa labas ng bansa tulad ng:

Philippine World Views. Singapore: Institute for Southeast Asian Studies, 1986.

May-akda at patnugot.

“Decolonizing the Filipino Psyche: Impetus for the Development of Psychology in

the Philippines.” Nasa Geoffrey Blowers at Alison Turtle (mga patnugot),

Psychology Moving East: The Status of Western Psychology in Asia and

Oceania. Boulder at London: Westview Press, 1987. May-akda.

“The Structure of Philippine Social Values: Towards Integrating Indigenous Values

and Appropriate Technology.” Nasa Durganand Sinha at Henry Kao (mga

patnugot), Social Values and Development: Asian Perspectives. New Delhi:

Sage Publications, Inc., 1988. May-akda.

Indigenous Psychology and National Consciousness. Tokyo: Institute for the Study

of Languages and Cultures of Asia and Africa, 1989. May-akda.

“Socio-Political Environment of Youth: What Society Do the Youth Live In?” Nasa

Youth Culture: Reconstructing Society, Youth as Major Participants. Seoul:

Korea Institute for Youth and Children, 1990. May-akda.

“Developing a Filipino Psychology.” Nasa Uichol Kim at John Berry (mga patnugot),

Indigenous Psychologies; Research and Experience in Cultural Context.

New Burry Park, London at New Delhi: Sage Publications, Inc., 1993. Mayakda.

“Impact of Labeled Anger and Blame in Intimate Relationships: Cross-Cultural


Extension of Findings.” Journal of Cross-Cultural Psychology, 26 (1), 1995.

May-akda kasama sina Edward Kubany, Gordan Bauer, Maria Eva Pangilinan

at Miles Muraoka.

“Filipino Psychology: Concepts and Methods.” Nasa Henry Kao at Durganand Sinha

(mga patnugot), Asian Perspectives on Psychology. New Delhi: Sage

Publications, Inc., 1997. May-akda.

Gayundin, naging Consulting Editor siya ng internasyonal na journal ng Sage Publications, Inc. na

Psychology and Developing Societies na itinatag ni Sinha (Navarro 2013).

Bilang pagkilala sa kanyang ambag at kontribusyon sa Sikolohiyang Pilipino at Sikolohiyang Asyano,

tumanggap siya ng iba’t ibang parangal kabilang na ang Gawad ng Pagkilala mula sa PSSP noong

1980 bilang pagkilala sa kanyang malikhaing pangunguna sa pagpapaunlad ng Sikolohiyang Pilipino

at pagtatatag ng PPRTH at PSSP; Outstanding Young Scientist of the Philippines mula sa National

Academy of Science and Technology (NAST) noong 1982 bilang pagkilala sa kanyang masigasig na

pangunguna sa pagpapaunlad ng Pilipinong pananaw sa Sikolohiya (Sikolohiyang Pilipino) at

paglilinaw ng sosyolohiya ng kaalaman nito sa pamamagitan ng substantibong pananaliksik para sa

isang metodolohiya na tungo sa pagsasakatutubo ng mga konsepto sa Pilipinong Panlipunang

Sikolohiya; Outstanding Alumni Award mula sa Colegio de San Juan de Letran noong 1983 bilang

pagkilala sa kanyang ambag sa pag-aaral sa kultura, lipunan, at sikolohiya; at Professional

Achievement Award in Psychology mula sa UP Alumni Association (UPAA) noong 1987 bilang

pagkilala sa kanyang mapanghawang-landas na kontribusyon sa larangan ng sikolohiya. Bago siya

pumanaw, naging Chairperson din siya ng National Committee for Lowland Cultural Communities

sa ilalim ng Sub-commission for Cultural Communities and Traditional Arts ng National

Commission for Culture and the Arts (NCCA). Matapos siyang pumanaw noong Agosto 31, 1994,

binigyan din siya ng iba’t ibang posthumous award kabilang na ang Gawad Sikolohiyang Pilipino

mula sa PSSP noong 1994 bilang pagkilala sa kanyang pagiging Ama ng Sikolohiyang Pilipino;

Outstanding Psychologist mula sa PAP noong 1995 bilang pagkilala sa kanyang ambag sa

pagpapaunlad ng sikolohiya; at National Achievement in the Social Sciences mula sa National

Research Council of the Philippines (NRCP) noong 1997 bilang pagkilala sa kanyang natatanging

pambansang kontribusyon sa pag-aaral, pananaliksik, at pagtuturo ng agham panlipunan sa

pamamagitan ng Sikolohiyang Pilipino (NHI 1994; Pe-Pua at Protacio-Marcelino 2000; Navarro 2007,

2013).

You might also like