Ebalwasyon NG Ginawang Webinar

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

EBALWASYON NG GINAWANG WEBINAR

Inihanda ni: Bb. Geraldine Mae B. Dapyawin

Ang webinar ay isa sa pinakatampok na gawain ngayon na sinasalihan ng mga


guro at maging ng ibang propesyonal sa iba’t ibang larangan. Dahil sa pandemya
nahinto ang mga seminar-worksyap na kadalasang idinaraos sa isang lugar at lahat ay
nabibigyan ng pagkakataong magkadaupang palad sa personal. Ngunit sa kabila ng
lahat ng pagbabago ngayong pandemya, hindi ito naging hadlang upang maantala ang
pagkatuto at patuloy na pagsasanay ng mga propesyonal lalong-lalo na ng mga guro.
Kaliwa’t kanan ngayon ang mga webinar na isinasagawa online na naglalayong patuloy
na magbahagi ng mga kaalaman at magsanay ng mga kompetensi sa iba’t ibang
larangan.
Bilang mag-aaral ng MAED-Filipino, ako ay nagagalak nang malaman ko na isa
sa alternatibong gawain na gagawin namin upang mapalawak ang kaalaman sa
Pamahayagang Pangkampus ang pagsasagawa ng webinar. Hindi lingid sa ating
kaalaman na hindi madali ang pagsasagawa o pag-oorganisa ng isang matagumpay na
webinar, mayroong mga salik na dapat isaalang-alang, tulad na lamang ng paghahanap
ng isang epektibong tagapanayam na makapagbabahagi ng kanyang natatanging
kaalaman sa larangang kanyang kinabibilangan, at dahil ito’y isinasagawa online
madalas ding nakaaapekto ang internet connection sa daloy ng webinar. Hinati ang
mga mag-aaral sa ilang pangkat sang-ayon sa paksang iniatas sa kanila kaya naman
mas napadali ang pag-oorganisa ng webinar. Bawat pangkat ay kakikitaan ng
dedikasyon sa iniatas na gawain, makikita ang pagtutulungan ng bawat miyembro mula
sa paghahanda ng magiging daloy ng webinar hanggang sa aktwal na pagsasagawa
nito.
Ang bawat grupo ay nagpakita ng kagalingan sa paghahanda ng daloy ng
webinar, organisado at malinaw na naipabatid ang bawat layunin. Halos lahat ng
tagapanayam na tumalakay sa iba’t ibang bahagi ng pamahayagang pangkampus ay
halatang bihasa sa paksang kanilang tinatalakay. Malinaw nilang itinuturo ang
mahahalagang konsepto sa wastong paggawa ng ispesipik na bahagi ng
pamahayagang pangkampus. Ang iba sa kanila ay nagbigay ng mga pagsasanay nang
sa gayon mas maging epektibo ang pagkatuto ng mga tagapakinig. Maganda rin na
nagkaroon ng open forum pagkatapos magtalakay ng bawat tagapanayam dahil
nasasagot ang mga paglilinaw ng mga tagapakinig at mas nagiging interaktibo ang
webinar. May mga pagkakataon lamang na sadyang napuputol ang daloy ng webinar
dahil nagkakaroon ng teknikal na problema na walang sinuman ang may kontrol.
Gayunpaman sa kabila ng lahat naging matagumpay ang isinagawang webinar ng
MAED-Filipino dahil sa pagtutulungan ng mga mag-aaral at masipag na tagapayo.
Ang maimumungkahi ko lamang sa mga susunod na webinar ng MAED-Filipino,
mas maganda kung mas malawak na awdyens ang maaabot nito dahil sayang naman
ang mga ibinabahaging kaalaman at kasanayan ng mga bihasang tagapanayam kung
kakaunti lamang ang maaabot nito. Mas maiging gawing live ang webinar tulad na
lamang ng pagkonekta nito sa iba pang online platform tulad ng StreamYard at
Facebook nang sa gayon mas marami ang maabot at matuto mula sa mga webinar na
ito. Ang mga ganitong uri ng gawain ay nararapat lamang na ibahagi sa nakararami
nang sa gayon mas marami pa ang matuto sa wastong paggawa ng pamahayagang
pangkampus at maitaas natin ang kalidad ng paggawa nito. Maganda rin kung irerekord
ang pormal na pagtalakay ng mga tagapanayam sa bawat paksa dahil maaari itong
gamiting video lesson sa pagtuturo ng Pamahayagang Pangkampus sa mga
eskwelahan, magsisilbi itong karagdagang kagamitan sa pagtuturo.
Ito’y isang matapat na puna at mungkahi lamang bilang naging bahagi rin ng
pagbuo ng webinar na ito. Naging matagumpay ang isinagawang webinar at sana
ipagpatuloy pa ang ganitong gawain lalong-lalo na ngayong pandemya nang sa gayon
mas mapalawak ang kaalaman ng lahat sa pamahayagang pangkampus. Nawa’y
magamit ng mga naging kalahok ang lahat ng kanilang mga natutuhan at maging sila ay
magsilbing instrumento upang maitaas ang kalidad ng mga pahayagang pangkampus
sa iba’t ibang paaralan.
Personal akong nagpapasalamat sa masugid naming tagapayo na hindi
nagsasawang gumabay sa amin upang maisakatuparan ang ganitong uri ng gawain.
Mahirap man kung iisipin pero naging madali ito para sa amin dahil sa kanyang patuloy
na suporta mula umpisa hanggang matapos ang gawaing ito. Malinaw niyang
naipabatid sa amin ang layunin ng proyektong ito, bukod sa dapat kaming matuto sa
wastong paggawa ng pahayagang pangkampus tinuruan niya rin kaming maging
responsable sa mga iniaatas sa aming tungkulin. Isang pagpupugay para sa aming
minamahal na tagapayo!

You might also like