Noli

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 20

Kabanata 1 – Ang Pagtitipon Sa gabing iyon ay nakatakdang ganapin ang marangyang handaan sa bahay ni Don

Santiago Delos Santos o mas kilala bilang si Kapitan Tiyago upang magsilbing salubong sa isang binatang kagagaling
lamang sa Europa. Hindi naman iba sa Kapitan ang binata dahil ito ay anak ng kanyang matalik na kaibigan. Ang bahay ni
Kapitan Tiyago na mayatagpuan sa kalye Anluwage ay napuno ng mga bisita. Isang malaking karangalan ang maging
panauhin ng Kapitan. Si Kapitan Tiyago ay kilala sa pagiging matulungin sa mga mahihirap at nabibilang sa mataas na
lipunan. Ang pinsan ng Kapitan na si Tiya Isabel ang taga-istima ng mga bisita at ang mga panauhing babae at lalake ay
sadyang magkakahiwalay. Nagpahuli namang dumating ang ibang mga panauhin kabilang na ang magkabiyak na sina Dr.
de Espadaña at Donya Victorina. Hindi naman nagpahuli sa mga panauhin ng Kapitan ang kinatawan ng simbahan sa
pangunguna nina Padre Sibyla, ang kura paroko ng Binundok; Si Padre Damaso na sadyang magaslaw kung kumilos at
magsalita; dalawang paisano; at si Tinyente Guevarra, ang tenyente ng gwardya sibil. Ang bawat grupo sa mga panauhin
ay may kanya-kanyang paksa upang ilabas ang kani-kanilang saloobin, makipag-tagisan ng kuro-kuro, at humanap ng
papuri. Ilan sa mga napag-usapan ay ang mga Indio o ang mga Pilipino; ang pagkakaalis ni Padre Damaso sa Parokya ng
San Diego kahit na matagal itong nagsisilbi doon; ang monopolyo ng tabako, mga pulbura at armas at marami pang iba.
Sa naturang pagtitipon ay hindi pinalagpas ni Padre Damaso na ihayag ang kanyang pangungutya sa mga Indio. Ang mga
ito raw ay hamak at mabababang uri ng nilalang. Samantala, gumawa naman ng paraan si Padre Sibyla upang maiba ang
usapan at dito ay pinasok niya pagkakatanggal ni Padre Damaso bilang kura paroko sa loob ng dalawampung taon. Ang
paliwanag ni Padre Damaso ay hindi raw nararapat makialam ang hari ng Espanya sa pagpaparusa sa mga erehe.
Tinutulan naman ng Tinyente ang sinabi ng pari at inilahad na ang parusa ay nararapat lamang raw sa pananaw ng
Kapitan Heneral. Ipinaliwanag din ng Tinyente na kaya nilipat si Padre Damaso ay dahil sa pinahukay nito ang bangkay ng
isang marangal na lalaki na pinagbintangang erehe dahil lamang sa hindi pangungumpisal. Dahil dito ay nagalit si Padre
Damaso lalo na nang maalala niya ang tungkol sa mga nawalang mahahalagang kasulatan. Namagitang muli si Padre
Sibyla upang pakalmahin si Padre Damaso. Kalauna’y lumawak muli ang talakayan sa pagtitipon.

Kabanata 2 – Si Crisostomo Ibarra Sa pagdating ni Kapitan Tiyago kasabay ng isang binata na halatang nagluluksa ayon
sa kasuotan nito, agad niyang binati ang mga panauhin at humalik naman sa kamay ng mga pari. Nabigla ang mga pari
lalo na si Padre Damaso ng makilala nito na ang binata. Ipinakilala ng Kapitan ang binata bilang anak ng kanyang
nasirang kaibigan na si Don Rafael Ibarra. Pitong taon diumanong nag-aral ang kagalang-galang na binata sa Europa na
kadarating lamang. Kusa namang nagpakilala si Ibarra bilang Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin kasabay ng pakikipag-
kamay nito, isang kaugaliang natutunan niya sa bansang Alemanya. Ngunit tumangging makipag-kamay si Padre Damaso
at sa halip ay tinalikuran nito si Ibarra. Samantala, lumapit naman ang Tinyente kay Ibarra at nagpasalamat sa ligtas
niyang pagdating. Pinuri rin niya ang kabaitan ng ama ni Ibarra na siya namang nagpanatag sa kalooban ng binata.
Palihim na tiningnan ni Padre Damaso ang Tinyente na tila ba nagbabanta kaya naman tinapos na ng Tinyente ang
pakikipag-usap nito kay Ibarra. Nang malapit ng maghapunan ay inanyayahan naman ni Kapitan Tinong si Ibarra sa
pananghalian kinabukasan ngunit magalang na tumanggi ang binata dahil papunta daw ito sa San Diego sa araw na iyon.
Si Kapitan Tinong ay malapit na kaibigan ni Kapitan Tiyago at kaibigan din ng ama ni Ibarra.

Kabanata 3 – Ang Hapunan Sa hapag-kainan, ang mga panauhin ay may kanya-kanyang kilos at nadarama na kung
panonorin ay parang isang komedya. Si Padre Sibyla na nasisiyahan ay kabaligtaran naman ni Padre Damaso na walang
pakundangan kung makapagdabog at natamaan pa ang isang kadete. Ito naman ay hindi pinansin ng Tinyente, sa halip
ay masusi nitong pinagmasdan ang kulot na buhok ni Donya Victorina. Hindi niya namalayan na natapakan na niya ang
kola ng saya ng Donya na ikinainis naman nito. Samantala, ang ibang mga bisita naman ay may kanya-kanyang usapan at
papuri sa masarap na handa ng Kapitan. Dahil sa ang hapunan ay para sa pagsalubong sa binatang si Ibarra, karapat-
dapat naman na siya ay maupo sa kabisera. Ang dalawang pari naman ay nagtalo kung sino ang dapat maupo sa kabilang
dulo ng kabisera. Ani Padre Damaso, si Padre Sibyla ang dapat maupo sa dulo ng kabisera dahil siya ang kura sa lugar na
iyon. Bagay naman na sinalungat ni Padre Sybila dahil ayon sa kanya, si Padre Damaso ang padre kumpesor ng pamilya ni
Kapitan Tiyago. Sa kalaunan, inalok ni Padre Sybila ang upuan sa Tinyente na agad naman nitong tinanggihan. Tumanggi
rin si Kapitan Tiyago ng siya namang inanyayahan ni Ibarra.Nang ihain ang pagkain ay ‘di sinasadyang mapunta ang hindi
masasarap na bahagi ng manok kay Padre Damaso. Lalo itong nag-alburoto dahil mga leeg at pakpak ang laman ng
kanyang tinola. Lingid sa kaalaman ng pari, ang espesyal na tinola ay para lamang kay Ibarra. Sa kainan ay nagbahagi ng
kanyang buhay ang binata tulad ng pag-aaral nito sa Europa ng pitong taon, ang pagpunta niya sa iba’t ibang bansa at
pag-aaral niya ng kasaysayan, ang pagsasalita ng iba’t ibang wika, ang ‘di nito paglimot sa kanyang bayan sa kabila ng
kaunlarang namasdan sa ibang bansa, maging ang hindi pagkaka-alam sa tunay na dahilan na nangyari sa kanyang ama.
Dahil dito, nakumpirma ang hinala ng Tinyente na wala ngang alam ang binata sa nangyari sa ama nito. Naikwento rin ni
Ibarra na sa kanyang mga bansang napuntahan, iisang antas lamang ang kabuhayan, pulitika at relihiyong tinatamasa
doon. Ito ay sa kadahilanang pinahihintulutan ito ng sarili nilang kalayaan at kakayanang pamahalaan ang kanilang
sariling bansa. Agad namang binatikos at ininsulto ni Padre Damaso ang binata na ayon sa kanya ay kahit paslit ay kaya
itong matutunan. Dagdag pa ng pari, ang pagpunta diumano ni Ibarra sa Europa ay maliwanag na pag-aksaya ng salapi.
Magalang na tinanggap ni Ibarra ang sinabi ng pari. Binanggit na lamang ng binata ang mga ala-ala niya tungkol kay
Padre Damaso na ayon sa kanya ay karaniwan nang kasalo sa kanilang hapag-kainan at malapit din na kaibigan ng
kanyang ama. Hindi na nakakibo ang pari dahil sa mga naging kaganapan sa pagitan nila ng ama ni Ibarra. Samantala,
matapos ang pagtitipon ay maagang nagpaalam si Ibarra kaya’t hindi sila nagkita ni Maria Clara, anak na dalaga ni
Kapitan Tiyago. Nagpatuloy pa rin sa pag-alipusta si Padre Damaso kay Ibarra. Ang obserbasyon ng binata noong gabing
iyon ay kanya namang isinulat sa pahayagan ng Estudios Coloniales.

Kabanata 4 – Erehe at Pilibustero Sa plasa ng Binondo ay nagpalakad-lakad si Ibarra at napansin nito na wala man lang
pinagbago ang kanyang bayan sa kabila ng matagal na panahon niyang pangingibang-bansa. Tila wala man lang ipinag-
unlad ang bayang iyon. Habang naglalakad ay palaisipan pa rin kay Ibarra ang sinapit ng ama. Sinundan naman siya ni
Tinyente upang kwentuhan ng tungkol sa kanyang ama. Si Don Rafael na ama ng binata ay isa sa pinakamayaman sa
bayan ng San Diego. Siya ay matulungin at marami ang nagmamahal sa kanya. Sa kabila ng pagiging mabait ay marami
din umano ang naiinggit dito. Kabilang na diyan ang mga pari sa simbahan sa pangunguna ni Padre Damaso. Dahil dito,
minabuti diumano ni Don Rafael na hindi mangumpisal, bagay na lalong ikinagalit ng mga pari. May isang Kastila noon na
walang kaalam-alam, palaboy, at pinagkakatuwaan ng lahat na hinirang ni Don Rafael bilang isang kolektor. Isang araw ay
‘di nakapagpigil ang kolektor sa mga batang nagtatawa sa kanya kaya naman inakma niyang saktan ang mga ito.
Tumakbo ng mabilis ang mga bata ng nang hindi niya maabutan ay ibinalibag niya ang baton at may tinamaang isa.
Natumba ang bata at walang awang pinagsisipa ng artilyero. Nakita ito ni Don Rafael kaya inawat niya ito. Ayon sa mga
sabi-sabi, sinaktan diumano ng Don ang Kastila hanggang sa tumama ang ulo nito sa malaking bato. Natulungan ni Don
Rafael ang binata samantalang ang Kastila ay sumuka ng dugo hanggang sa natuluyang mamatay. Dahil sa
pangayayaring iyon ay nagkaroon ng imbestigasyon ang mga gwardya sibil. Ikinulong nila si Don Rafael at dito na
naglabasan ang mga lihim niyang kaaway. Pinaratangan siya ng pagiging erehe at pilibustero, pangangamkam ng lupain
at iba pang ilegal na paraan sa pagpapayaman, ang pagbabasa ng El Correo de Ultramar at iba pang ipinagbabawal na
babasahin, pagtatago diumano ng mga sulat at larawan mula sa isang binitay na pari, pakikipagkaibigan at pagkupkop sa
mga tulisan, at ang pagsusuot ng Barong Tagalog. Nangawala at tumalikod ang mga dating kaibigan ng Don. Sa kabila
ng paniniwala ng taong bayan na si Tinyente Guevarra ay nasisiraan ng bait, tanging siya na lamang ang naging kakampi
ni Don Rafael. Ayon sa pakiusap ng Don, ang Tinyente rin ang humanap ng Kastilang abugado para dito. Sa kabila ng
kahusayan ng abogado ay tumagal at naging masalimuot ang kaso dahil na rin sa pagsulputan ng mga kalaban ng Don.
Ang masaklap pa dito, hindi pa man tapos ang paglilitis ay nakakulong na at nagdadanas ng hirap sa loob ng rehas si
Don Rafael. Dahil sa mga pangyayaring iyon ay labis na naapektuhan ang Don kung kaya’t ito ay nagkasakit. Tuluyang
namatay sa bilangguan si Don Rafael. Wala man lamang nakiramay na kapamilya o kaibigan ang nasirang Don.

Kabanata 5 – Isang Tala sa Gabing Madilim Nang araw na iyon ay nagpunta sa Maynila si Ibarra at nanuluyan sa Fonda
de Lala. Sa loob ng kanyang silid ay nagmuni-muni ito tungkol sa sinapit ng ama. ‘Di nagtagal ay napatingin ito sa
durunguwan. Sa kabila ng ilog ay tanaw na tanaw ng binata ang nagliliwanag na bahay ni Kapitan Tiyago. Tila naririnig pa
niya ang kasayahan sa loob ng bahay, ang tugtog ng mga orkestra at kalansingan ng mga pinggan at kubyertos. May
nagaganap muling isang kasiyahan sa bahay ng Kapitan noong gabing iyon. Dumating ang nag-iisang anak na dalaga ni
Kapitan Tiyago na si Maria Clara. Sinalubong naman ang dalaga ng kanyang mga kaibigan, kababata, mga Kastila at
paring malalapit sa ama, mga Pilipino, Intsik, at militar. Nakasuot ng isang marangyang kasuotan si Maria Clara na
napapalamutian ng alahas na diyamante at ginto. Ang lahat ay nakatuon ang paningin sa kagandahan ng dalaga.
Matiyaga namang inaayos ni Donya Victorina ang buhok ni Maria Clara. Mahilig sa magagandang dilag si Padre Salvi
kung kaya’t siya ay masayang-masaya at kadaupang palad niya ang mga dalaga roon. May lihim din itong pagtingin kay
Maria Clara. Madali namang nakatulog si Ibarra ng gabing iyon. Kabaligtaran ni Padre Salvi sapagkat hindi mawala sa
kanyang isipan ang magandang dalaga na si Maria Clara.

Kabanata 6 – Si Kapitan Tiyago Si Kapitan Tiyago ay nag-iisang anak ng isang negosyante ng asukal sa bayan ng
Malabon. Siya ay mahigit kumulang tatlumpu’t limang taong gulang. Datapwat hindi nakapag-aral ay naturuan naman
siya ng isang paring dominiko. Nang mamatay ang ama ay itunuloy pa rin niya ang pangangalakal. Nakilala niya si Pia
Alba na taga-Sta. Cruz at sila ay nagpakasal. Napabilang ang mag-asawa sa mataas na antas ng lipunan dahil sa pagiging
mayaman at mahusay magpalakad ng negosyo. Mailalarawan si Kapitan Tiyago bilang isang magandang lalaki na may
moreno, pandak, at bilugan ang mukha. Sinira ng pananabako at pagnganganga ang kanyang hitsura. Siya ay
naninilbihan bilang gobernadorcillo. Kasama sa kanyang paglilingkod ang paghamak sa mga Pilipino at hayaan ang mga
Kastila sa ganitong gawain. Kastila na rin ang turing ng Kapitan sa kanyang sarili samantalang ang turing naman niya sa
mga Pilipino ay Indio. Pinaniniwalaan ng Kapitan na ang mga Kastila ay mararangal at karapat-dapat pag-ukulan ng
paggalang at pagpapahalaga. Ang Kapitan ay kaibigan ng lahat ng mga may kapangyarihan lalo’t higit ng mga pari. Kaya
naman hindi mawawala ang kanyang pangalan sa misa at padasal para bilhin ang langit. Ang mga maibigan niyang santo
maging ang kabanalan ay nabibili nito. Punong-puno ng mga dinadasalan ang silid ni Kapitan Tiyago katulad nina Sta.
Lucia, San Pascual Bailon, San Antonio De Padua, San Francisco De Asis, San Antonio Abad, San Miguel, Sto. Domingo,
Hesukristo, at ang larawan ng Banal na Mag-anak (Hesus, Maria at Hosep). Maraming ari-arian ang nabibili ng Kapitan
dahil sa pagnenegosyo. Kabilang na diyan ang pagbili niya ng lupain sa San Diego. Siya namang naging daan upang
makilala niya ang kura doon na si Padre Damaso at ang pinakamayaman sa bayang iyon na si Don Rafael Ibarra. Sa loob
ng anim na taon na pagsasama ng mag-asawang Kapitan Tiyago at Pia Alba, at sa kabila ng magandang buhay na
tinatamasa nila ay hindi naman magka-anak ang dalawa. Walang humpay sa pamamanata ang mag-asawa. Sa payo
naman ni Padre Damaso ay namanata ang dalawa sa Obando at sumayaw sa kapistahan ng San Pascual Bailon at Sta.
Clara sa Nuestra Senora De Salambao si Pia Alba. Nagdalantao nga si Pia Alba makalipas ang kaunting panahon (lingid sa
kaalaman ni Kapitan Tiyago ay hinalay pala ni Padre Damaso ang kanyang asawa at ang katotohanan ay nailantad rin
kalunan). Ngunit si Pia Alba ay naging masasakitin na siya namang naging dahilan upang tuluyang mamatay pagkatapos
nitong manganak. Maria Clara ang ipinangalan sa bata na inalagaan ni Tiya Isabel. Siya’y busog din sa pagmamahal nina
Kapitan Tiyago at ng mga pari. Sina Maria Clara at Crisostomo Ibarra ay lumaking magkababata. Sa udyok ng mga pari ay
ipinasok ng kanyang ama si Maria Clara sa kumbento ng Sta. Catalina ng ito ay maging katorse anyos samantalang si
Ibarra naman ay nagtungo sa Europa upang mag-aral ng medisina.Sina Kapitan Tiyago naman at Don Rafael ay
nagkasundong ipakasal sina Maria Clara at Ibarra sa takdang panahon. Hindi naman ito tinutulan ng dalawa sapagkat sila
ay kapwa nag-iibigan.

Kabanata 7 – Suyuan sa Asotea Sina Maria Clara at Tiya Isabel ay maagang nakapagsimba ng araw na iyon. Makatapos
mag-almusal ay nagkanya-kanya na sila ng gawain. Naglinis ng bahay si Tiya Isabel dahil sa mga kalat bunga ng hapunan
ng nakaraang gabi. Si Kapitan Tiyago ay nagbuklat ng mga kasulatan tungkol sa kabuhayan samantalang si Maria Clara ay
nanahi habang kausap ang ama upang malibang ang sarili sapagkat ngayong araw ang nakatakdang pagkikita nila ni
Ibarra. Hindi mapakali ang dalaga dahil sa pananabik na masilayan ang kanyang sinisinta. Napagpasyahan nilang
magbakasyon sa San Diego dahil nalalapit na ang pista doon. Maya-maya pa’y dumating na si Ibarra at hindi
maikakailang nataranta ang dalaga. Pumasok pa sa silid si Maria Clara at tinulungan naman siya ng kanyang Tiya Isabel na
ayusin ang sarili. Lumabas rin ito at nagkita ang dalawa sa bulwagan. Kapwa nagkaroon ng kaligayahan sa mga mata ng
dalawa ng magtama ang kanilang paningin sa isa’t isa. Upang makapag-sarili at makaiwas na rin sa alikabok na likha ng
pagwawalis ni Tiya Isabel ay nagtungo ang dalawa sa Asotea. Doon ay masinsinan silang nag-usap tungkol sa kanilang
nararamdaman at sa kanilang mga sinumpaan sa isa’t-isa. Binalikan nila ang ala-ala ng kanilang kamusmusan, ang
kanilang naging tampuhan at mabilis na pagbabati. Pareho din nilang itinago ang mga ala-ala at bagay na ibinigay nila sa
isa’t-isa. Kabilang dito ang dahon ng sambong na inilagay ni Maria Clara sa sumbrero ni Ibarra upang hindi ito mainitan,
at ang sulat ni Ibarra kay Maria Clara bago ito umalis papuntang Europa. Binasa naman ng dalaga sa katipan ang laman
ng sulat. Ayon sa sulat, layunin ni Don Rafael na pag-aralin si Ibarra sa malayong lugar upang makapaglingkod ng mataas
na kalidad sa bayang sinilangan. Handa diumano itong magtiis na mawalay sa anak upang sa bandang huli ay maibigay
nito sa bayan ang kanyang hangarin. Natigilan naman si Ibarra dahil naalala nito na bukas ay undas at marami siyang
kailangang gawain. Nagpaalam na si Ibarra na binilinan ng Kapitan na sabihan ang kanyang katiwala na sila ay
magbabakasyon doon. Si Maria Clara naman ay hindi napigilang maluha dahil sa pangungulila kay Ibarra. Sinabihan siya
ng kanyang ama na ipagtulos si Ibarra ng dalawang kandila at ialay sa santo ng manlalakbay.

Kabanata 8 – Mga Alaala Maganda ang araw noong panahong iyon. Binabagtas ni Ibarra ang kahabaan ng Maynila
sakay sa kalesa at ang tanawin sa paligid ay nakapagpabalik ng kanyang mga alaala. Katulad pa rin ng dati ang kanyang
namasdan. Mga kalesa at karumatang walang humpay sa pagbyahe, salimbayan ng mga taong abala sa pangangalakal at
kanya-kanyang mga gawain: may mga Europeo, Intsik, Pilipino; may mga lalaking kargador, ang iba ay mga kababaihang
nagtitinda ng prutas. Ang mga tindahan at mga hayop na kasama sa paghahanapbuhay ay nandoon din. Walang
pinagbago ang puno ng talisay sa San Gabriel samantalang imbes na umunlad ay pumangit naman ang Escolta.
Nagmamadali namang ihatid ng mga karwahe ang mga kawani sa tanggapan at mga pari, kabilang na si Padre Damaso.
Siya’y nakita ni Kapitan Tinong kaya binati siya nito. Sa kalye ng Arroceros ay napadako si Ibarra at naalalang minsan ay
nahilo siya sa napakasamang amoy ng tabako doon. Naikumpara din niya ang mga hardin sa Europa ng mapadaan siya sa
Hardin ng Botaniko. Ang buong Maynila para sa kanya ay walang pinag-unlad, bagkus ang mga gusali ay nilulumot
lamang ng panahon.

Kabanata 9 – Mga Suliranin Tungkol sa Bayan Nang araw na iyon ay nakatakdang kuhanin ni Maria Clara ang kanyang
kagamitan sa kumbento. Ang kanyang Tiya Isabel ay naghihintay na sa karawahe upang tuluyan na silang makaalis. Siya
namang pagdating ni Padre Damaso. Hindi minabuti ng pari ang kanilang pag-alis kaya bubulong-bulong itong umakyat
papunta sa bahay ng Kapitan. Agad naman siyang sinalubong ng Kapitan at akmang magmamano sa kamay nito ngunit
tinanggihan ito ng pari. Sa halip ay sinabi na agad nito ang kanyang pakay sa Kapitan. Ani Padre Damaso, hindi raw dapat
maglihim sa kanya si Kapitan Tiyago dahil siya ang pangalawang ama ni Maria Clara. Sinabi din niyang dapat na raw itigil
ng dalaga ang pakikipag-mabutihan nito kay Ibarra. Dagdag pa ng pari, hindi daw dapat maghangad ng kabutihan ang
Kapitan para sa kanyang mga kaaway. Ang Kapitan naman ay nakumbinsi sa mga sinabi ni Padre Damaso kung kaya pag-
alis nito ay agad na pinatay ng Kapitan ang mga kandilang itinulos ni Maria Clara para sa paglalakbay ni Ibarra pauwi sa
bayan ng San Diego. Samantala, si Padre Sybila ay nagtungo sa kumbento ng Dominikano sa Puerta de Isabel II. Dito ay
dinalaw niya ang paring may matinding sakit. Kanyang ibinalita ang mga nakaraang kaganapan kagaya ng pang-aaway na
ginawa ni Padre Damaso sa bahay ni Kapitan Tiyago, ang pagpanig diumano ng Tinyente sa Kapitan Heneral, at
pakikipag-alyansa kay Padre Damaso. Ang matandang may sakit ay nakipagpalitan din ng saloobin at sinabing ang
pagtaas ng buwis ang dahilan ng pagkaubos nang kanilang mga kayamanan. Aniya, natuto na ang mga Pilipino sa
paghawak ng ari-arian.

Kabanata 10 – Ang San Diego Ang San Diego ay matatagpuan sa baybayin ng lawa at may malalawak na kabukiran. Isa
itong maalamat na bayan sa Pilipinas. Pagsasaka ang ikinabubuhay ng mga tao sa bayang ito na kulang sa edukasyon at
kaalaman sa pagnenegosyo. Dahil dito’y napaglalamangan sila ng mga dayuhang Tsino. Kapansin-pansin dito mula sa
tuktok ng simbahan ang isang gubat na nasa kalagitnaan ng kabukiran. Wala itong pinagkaiba sa ibang mga bayan sa
Pilipinas na pinamumunuan ng simbahan kung saan ang pamahalaan ay sunud-sunuran lamang dito. Bago mailipat si
Padre Damaso sa ibang bayan dahil sa ginawa nito kay Don Rafael Ibarra ay siya ang tumatayong kura paroko sa
simbahan doon. Kabilang ang mga Kastila at ilang mga mayayamang Pilipino sa mga kinikilala na may mataas na
tungkulin sa bayang iyon. May isa umanong matandang Kastila ang dumating sa bayan ng San Diego ayon sa alamat. Ito
raw ay matatas magtagalog at malalalim ang mga mata. Ito diumano ay bumili ng gubat sa pook na iyon kung saan ang
kanyang ipinambayad ay ang kanyang mga ari-arian tulad ng damit, alahas at salapi. Kinalaunan ay natagpuan ang
matanda na nakabitin sa puno ng isang balete. Ito ay naging sanhi ng pagkatakot ng mga tao doon kaya’t sinunog ng
ilan ang mga damit ng matanda at itinapon naman ang kanyang mga alahas sa ilog. Di nagtagal ay dumating ang anak
ng matanda na nagngangalang Saturnino. Sinikap niyang sinupin ang naiwang ari-arian ng ama. Siya ay nakapag-asawa
ng isang taga-Maynila at nanirahan sila sa San Diego. Nagkaroon sila ng isang supling at ito ay si Don Rafael na siya
namang ama ni Ibarra. Kinagiliwan ng mga magsasaka si Don Rafael at dahil sa pagsusumikap nito ay naging bayan mula
sa pagiging nayon ang San Diego. Ang pamumunong ito ni Don Rafael ang sinasabing naging ugat ng inggit at galit sa
ilan niyang mga kaibigan kalaunan.

Kabanata 11 – Ang mga Makapangyarihan Ang mga tao na kinikilalang makapangyarihan o casique sa bayan ng San
Diego ay mabibilang lamang. Ito diumano ay katulad ng Roma at Italya sa mahigpit na agawan sa kapangyarihan sa
pamumuno sa bayan. Hindi naman kabilang dito sina Don Rafael, Kapitan Tiyago, at ilang namumuno sa pamahalaan.
Kahit na si Don Rafael ang pinakamayaman, iginagalang ng lahat, at pinagkakautangan ng marami ay hindi pa rin siya ang
nagmamay-ari ng kapangyarihan sa bayang iyon. Wala namang posisyon sa lipon ng mga makapangyarihan si Kapitan
Tiyago na may mga ari-arian din, kabilang sa mataas na antas ng lipunan, sinasalubong ng banda ng musiko, at
pinagsisilbihan ng masasarap na pagkain. Ang posisyon diumano sa pamahalaan tulad ng gobernadorcillo o kapitan sa
bayan ay mabibili sa halagang P5,000 at madalas pa na kagalitan ng alkalde mayor. Kung tatanungin kung sino ba talaga
ang makapangyarihan sa sa bayan ng San Diego, ito ay walang iba kundi ang kura paroko sa simbahan at ang Alperes na
siyang puno ng mga gwardya sibil. Si Padre Bernardo Salvi ang kura paroko at batang pransiskano na mukhang
masasakitin ang siyang pumalit kay Padre Damaso. Higit siyang may kabaitan kumpara kay Padre Damaso. Lasinggero,
mapambugbog sa asawa at malupit sa kanyang mga tauhan ang Alperes. Siya ay nakapag-asawa ng isang Pilipina at ito
ay si Donya Consolacion na mahilig magkolorete sa mukha. Natural lamang na may palihim na hidwaang nagaganap
dahil sa agawan ng kapangyarihan ng dalawang Kastila. Ngunit kapag nasa pampublikong lugar ay ipinapakita nila ang
kanilang pakunwaring pagkakasunduan.
Kabanata 12 – Araw ng mga Patay Matatagpuan sa isang malawak na palayan na nababakuran ng lumang pader at
kawayan ang sementeryo ng San Diego. May malaking krus na nakatirik sa kalagitnaan nito. Masukal ang libingan at
makipot ang daan patungo sa sementeryo. Maputik kung tag-ulan at maalikabok naman kung tag-araw. Noong gabing
iyon ay napakalakas ng buhos ng ulan. Dalawang tao ang abala sa paghuhukay sa isang bahagi ng sementeryo. Ang isa
ay matagal nang sepulturero samantalang ang katulong nito ay bago pa at hindi mapakali sa kanilang ginagawa. Iniahon
ng dalawa ang bangkay na kanilang hinukay na dalawampung araw pa lamang naililibing mula ng mamatay. Ang utos na
paghukay sa bangkay at paglipat nito sa libingan ng mga Intsik ay mula kay Padre Garrote na walang iba kundi si Padre
Damaso, ang kura paroko ng panahong iyon.

Kabanata 13 – Mga Babala ng Bagyo Nagtungo si Ibarra sa sementaryo ng San Diego kasama ang kanilang matandang
katiwala upang hanapin ang puntod ng kanyang ama na si Don Rafael. Ayon sa katiwala, kanyang tinaniman ng mga
bulaklak ng adelpa at sampaga ang libingan ng ama ng binata. Sa daan ay nasalubong nila ang sepulturero at tinanong
nila rito kung saan naroroon ang libingan ng kanyang ama. Ikinasindak ni Ibarra ang ipinagtapat ng sepulturero. Ayon
dito, itinapon nila ang bangkay ng kanyang ama sa lawa dahil sa kabigatan nito at hindi na nailibing sa libingan ng mga
Intsik. Dagdag pa ng sepulturero, ang utos na kanyang sinunod ay galing sa kura paroko. Napaiyak na lamang ang
matandang katiwala sa mga narinig. Matinding galit at poot naman ang naramdaman ni Ibarra kaya iniwan nito ang
kausap. Nang makasalubong niya si Padre Salvi ay humingi siya ng paliwanag dito kung bakit nagawa nitong
lapastanganin ang bangkay ng kanyang ama. Nalaman naman ni Ibarra sa bandang huli na si Padre Damaso pala ang may
kagagawan ng lahat ng iyon.

Kabanata 14 – Si Tasyo, ang Baliw o ang Pilosopo Kasabay ng araw ng pagdalaw ni Ibarra sa puntod ng kanyang ama
ay ang pagdalaw din ni Pilosopo Tasyo sa libingan ng kanyang asawa. Dahil sa kakaiba nitong personalidad ay kilala ng
lahat ng tao sa San Diego si Don Anastacio o mas kilala sa tawag na Pilosopo Tasyo. Siya ay laman ng lansangan at lakad
ng lakad. Marami siyang pananaw sa pulitika at lipunan. Dahil sa hindi siya nauunawaan ng karamihan ay tinawag nila
itong baliw. Galing sa isang mayamang pamilya si Pilosopo Tasyo. Siya ay matalino at matalinghaga kung magsalita. Sa
unibersidad ng San Jose ito nag-aral na kalaunan ay pinahinto ng kanyang ina sa paniniwalang ang katalinuhan nito ang
magiging dahilan upang makalimutan niya ang Diyos. Nais din ng kanyang ina na mag-pari na lamang ang binatang
Tasyo. Ngunit sinuway niya ito at nag-asawa na lamang. Pagkalipas ng isang taon ay maagang nabyudo ang Pilosopo at
imbes na mag-asawang muli ay inilaan niya ang kanyang oras sa pagbabasa ng libro. ‘Di nagtagal ay napabayaan nito
ang minanang kabuhayan mula sa kanyang ina. Sa kabila ng paparating na unos at pagguhit ng matatalim na kidlat sa
kalangitan ay kapansin-pansin ang kakaibang kasiyahan sa mukha ni Pilosopo Tasyo. Ang mga tao ay nagtataka sa
matalinghaga niyang sagot sa kanyang reaksyon. Ayon sa Pilosopo, ang bagyo ang siyang lilipol sa mga tao at hangad
niya ang pagkakaroon ng delubyo na siyang lilinis sa sanlibutan. Iminungkahi din niya sa kapitan ang pagbili ng tagahuli
ng kidlat sa halip na mga paputok at kwitis. Tutol din siya sa pagpapatugtog ng mga batingaw sapagkat mapanganib ito
kapag kumukulog. Pinagtawanan naman siya ng mga taong nakarinig sa kanyang mga sinabi. Nagpunta si Pilosopo Tasyo
sa simbahan at nakita niya doon ang dalawang magkapatid. Sinabihan niya ang mga ito na kung maari ay umuwi na dahil
ang kanilang ina ay naghanda ng isang espesyal na hapunan. Natuwa ang mga bata sa narinig ngunit sa huli ay tumanggi
ang mga ito dahil na rin sa kanilang tungkulin sa simbahan. Nagpatuloy sa paglalakad si Pilosopo Tasyo hanggang sa
marating ang bahay ni Don Filipo at Aling Doray. Kanilang napag-usapan ang pagdating ni Ibarra sa bayan. Nabanggit
din ng Pilosopo na nadarama niya ang paghihinagpis ng binata lalo na ng malaman nito ang sinapit ng kanyang ama.
Dagdag pa niya, isa rin daw siya sa anim na kataong nakipaglibing sa ama ni Ibarra. Ang kanilang usapan naman ay
napadako sa purgatoryo, bagay na hindi pinaniniwalaan ni Pilosopo Tasyo ngunit pinaniniwalaan naman ng nakararami.
Bagamat hindi naniniwala ang Pilosopo sa purgatoryo ay nirerespeto naman daw niya ang pananaw ng relihiyon dito.
Aniya, ito raw ay gabay upang ang tao ay mabuhay ng malinis. ‘Di nagtagal ay nagpaalam na rin ang Pilosopo at lumakad
palayo ng masiglang-masigla sa gitna ng matatalim na kidlat at dumadagundong na kulog .

Kabanata 15 – Ang mga Sakristan Ang mga kausap ni Pilosopo Tasyo sa simbahan ay ang magkapatid na sakristan na
sina Crispin at Basilio, mga anak ni Sisa. May hinaharap palang matinding suliranin ang dalawang bata. Nagbibigay ito ng
kawalang pag-asa sa kanila lalo na sa mas nakakabata na si Crispin. Siya ay pinagbintangan ng pari sa pagnanakaw ng
dalawang onsa o halagang tatlumpu’t dalawang piso. Hindi niya mababayaran ang nawawalang salapi dahil ang sahod
lamang nila sa pagsasakristan ay dalawang piso kada buwan. Tatlong beses pa naman ang pataw sa multa. Hiningan niya
ng tulong ang kanyang kuya na si Basilio. Hiniling niya na kung maari ay tulungan siyang magbayad sa ibinibintang sa
kanya ng pari. Ngunit hindi pumayag si Basilio dahil kailangan din niyang ibigay sa kanilang ina ang kanyang kita upang
may makain. Nahiling na lang tuloy ni Crispin na mabuti pa sanang silang lahat ay magkasakit. Nangungulila na ito sa
kanyang ina. Naisip niyang kung kapiling lang sana nila ito ay tiyak na ipagtatanggol sila ng ina sa kalupitan ng mga pari.
Dagdag pa ni Crispin, sana nga ay ninakaw na lang niya ang pera ng sa gayon ay may maibabalik pa ito at kung mamatay
man siya sa palo ay may maiiwan naman siya sa kanyang ina at kapatid. Si Basilio nama’y nag-aalala sa galit ng kanyang
ina kapag nalaman nito na napagbintangang magnanakaw ang kanyang kapatid. Ngunit buo ang tiwala ni Crispin na
hindi maniniwala ang kanilang ina na siya ay nagnakaw. Ipapakita umano niya ang maraming latay sa buong katawan
dahil sa palo ng pari, pati na rin ang butas niyang bulsa. Sasabihin din daw niya na ang pera lang niya ay isang kuwalta
lamang na aginaldo pa sa kanya noong nakaraang pasko. Pati ito ay pinag-interesan pa ng sakim na pari. Sa patuloy na
pag-uusap ng magkapatid ay ‘di nila namalayan ang pagpanhik ng sakristan mayor. Nagpupuyos ito sa galit dahil sa
narinig niya ang pinag-uusap ng dalawang batang sakristan. Dahil dito ay pinagmulta niya si Basilio dahil daw sa salang
maling pagpapatugtog nito sa kampana. Dagdag pa ng sakristan mayor, hindi maaring umuwi si Crispin hangga’t hindi
nito ibinabalik ang ninakaw nasalapi.Mas lalo lamang napahamak si Basilio ng magtangka siyang mangatwiran.
Makakauwi lamang daw ito sa ika-sampu ng gabi. Matapos itong sabihin ng sakristan mayor ay kinaladkad na niya si
Crispin at hindi na magawang makiusap ni Basilio dahil sa pangamba at awa sa kapatid. Naririnig niya ang pagpapalahaw
at daing ng kapatid dahil sa sakit na nadarama. Binalot si Basilio ng matinding paghihinagpis. Natulala at nawalan siya ng
pag-asa para tulungan ang kapatid na mabago ang kanyang kalagayan. Sa pagtila ng ulan ay nagpatihulog si Basilio mula
sa bintana ng kampanaryo gamit ang lubid ng kampana.

Kabanata 16 – Si Sisa Abalang-abala si Sisa na ina nina Basilio at Crispin sa isang maliit na dampa sa labas ng bayan.
Siya’y salat sa kabuhayan. May likas mang ganda ngunit pinatanda na siya ng panahon at pagdurusa. Nakapag-asawa si
Sisa ng isang lalaking walang idinulot sa kanya kundi sakit sa kalooban. Tamad ito, mahilig sa sugal, iresponsable at
nagpapagala-gala lang sa lansangan. Wala siyang pakialam sa kanyang mag-iina. Madalas pa nga ay binubugbog nito si
Sisa kapag siya ay umuuwi sa kanila. Patuloy lamang na tinitiis ni Sisa ang ginagawa sa kanila ng asawa. Minamahal pa rin
niya ito at sinasamba na akala mo’y diyos. Nung araw na iyon ay naghanda ng masarap na hapunan si Sisa para sa
kanyang dalawang anak. Minsan lamang itong mangyari dahil na rin sa kasalatan nila sa buhay. Inihain niya ang paborito
ni Crispin na tuyong tawilis at sariwang kamatis samantalang tapang baboy-damo naman at isang hita ng patong bundok
ang para kay Basilio. Galing ang lahat ng iyon kay Pilosopo Tasyo. Ngunit sa kasamaang palad ay naunang dumating ang
asawang tamad at iresponsable ni Sisa. Inubos niyang lahat ng inihain ng asawa para sa mga anak at hindi man lamang
nagtira para sa sa kanila. Ni hindi niya itinanong kung kamusta na ba ng kanyang mag-iina, sa halip ay nagbilin pa ito na
bigyan siya ng kwarta mula sa kita ng dalawang bata. Wala nang nagawa si Sisa kundi maghinagpis sa pag-aalalang wala
nang masarap na hapunan ang kanyang dalawang supling. Nagluto siyang muli para naman may makain ang mga anak
pagdating galing sa simbahan. ‘Di nagtagal ay nainip si Sisa sa kahihintay sa mga anak. Nakarinig na lamang siya ng
malalakas na tawag mula kay Basilio.

Kabanata 17 – Si Basilio Dumating sa kanilang bahay si Basilio na duguan sa kadahilanang hinabol siya ng mga gwardiya
sibil at nadaplisan ng bala sa ulo. Hindi na siya nakahinto sa paglalakad dahil sa takot niyang ikulong at paglinisin sa
kuwartel. Ipinakausap ni Basilio sa ina na sabihing nahulog na lamang siya sa puno kaysa ipagtapat ang tunay na
nangyari. Nalaman na rin ni Sisa na napag-bintangan si Crispin na nagnakaw ng dalawang onsa. Nahabag ang puso ng
ina dahil sa awa sa kanyang bunso. Ngunit hindi ipinagtapat ni Basilio ang parusang tinatamasa ni Crispin sa kamay ng
sakristan mayor at pari. Nawalan na rin siya ng ganang kumain dahil sa kalagayan ng ina lalo na ng malaman nitong
dumating ang kanyang ama. ‘Di kasi linggid sa kaalaman ni Basilio ang pambubugbog na ginagawa ng ama sa kanyang
ina tuwing dumarating ito sa kanilang bahay. Dahil sa galit ay nasabi nito na mabuti pang mawala na ang kanyang ama at
mabuhay silang tatlo na lamang. Baka sa ganitong kalagayan ay mabuhay pa sila ng maayos. Ito nama’y pinagdamdam
ng kanyang ina. Para kay Sisa, sa kabila ng ugali ng kanyang asawa ay nais pa rin niyang magkakasama silang lahat.
Nakatulugan naman ni Basilio ang kanyang mga alalahanin at pagod. Sa kalagitnaan ng kanyang tulog ay binangungot
ito. Sa kanyang panaginip ay nakita niya ang pambubugbog ng kura at sakristan mayor kay Crispin. Ito’y pinalo nila ng
yantok sa ulo hanggang sa duguang humandusay sa sahig. Nagising na lamang sa yugyog ng kanyang ina si Basilio at sa
halip na ipagtapat ang laman ng kanyang panaginip ay sinabi na lamang niya ang kanyang pangarap para sa ina at
kapatid. Ani Basilio, nais niyang huminto na sila sa pagsasakristan ni Crispin. Magpapastol na lamang siya ng baka at
kalabaw na pag-aari ni Ibarra. Pagsapit sa edad na kaya na niyang mag-araro sa bukid ay hihiling siya ng kapirasong lupa
para sakahin. Pauunlarin niya raw ito at kapag umunlad na ang kanilang buhay ay pag-aaralin niya ang kapatid kay
Pilosopo Tasyo. Ang kanyang inang si Sisa ay patitigilin na rin niya sa pananahi. Bagaman nagpapakita ng pagkatuwa ang
ina sa mga pangarap ng anak ay lihim naman siyang nasasaktan dahil hindi isinama ni Basilio sa kanyang mga plano ang
kanyang ama.
Kabanata 18 – Mga Kaluluwang Naghihirap Matamlay na nagdaos ng misa si Padre Salvi ng araw na yaon. Ang mga
matatanda ay abala sa nalalapit na pista sa kanilang bayan habang naghihintay naman na makausap ang pari. May nais
silang malaman. Si Padre Damaso ba, si Padre Martin o ang koordinator ang magmimisa? Ang pagbili ng indulgencia para
sa kaligtasan ng mga namatay na kaanak na patuloy na nagdurusa sa purgatoryo ay napag-usapan ng mga matatanda.
Mahigit isang libong taon na kaligtasan mula sa pagdurusa sa purgatoryo ang katumbas ng isang indulgencia. Dahil sa
kaabalahan ng mga matatanda sa kanilang pagpapalitan ng kuro-kuro ay hindi nila namalayan ang pagdating ni Sisa.
May dala siyang handog para sa mga pari. Mga sariwang gulay mula sa kanyang mga tanim at pako na paborito ng kura
ang dala ni Sisa. Nagtuloy siya sa kusina ng kumbento upang iayos ang kanyang mga dala-dalahan. Ni hindi siya pinansin
ng mga sakristan at mga tauhan sa kumbento ngunit nakausap naman niya ang tagaluto doon. Nalaman niyang maysakit
ang pari at hindi niya ito makakausap. Nagulat din siya ng malaman na ang anak niyang si Crispin ay tumakas kasama ni
Basilio pagkatapos nitong magnakaw ng dalawang onsa. Alam na raw ito ng mga gwardiya sibil kaya papunta na ang
mga ito sa kanilang bahay upang hulihin ang kanyang mga anak. Tinuya rin nito si Sisa dahil hindi daw niya tinuruan ng
kabutihang asal ang magkapatid at higit sa lahat ay nagmana raw ang kanyang mga anak sa kanyang asawang walang
silbi.

Kabanata 19 – Mga Suliranin ng Isang Guro Sa tabi ng lawa ay nagkita sina Ibarra at ang guro sa San Diego. Itinuro ng
guro kung saan naitapon ang bangkay ng ama ng binata. Isa diumano si Tinyente Guevarra sa iilang nakipaglibing sa
kanyang ama. Sinabi ng guro ang ginawang pagtulong ni Don Rafael sa ikauunlad ng edukasyon sa kanilang bayan at
naitulong nito sa kanyang kapakanan. Tumulong kasi ang ama ni Ibarra sa pangangailangan ng guro sa pagtuturo noong
siya ay nagsisimula pa lamang. Kahit anong tiyaga ng guro na ituro sa kanyang mga estudyante ang nilalaman ng mga
libro na nakasulat sa wikang Kastila ay pilit itong pinanghihimasukan ni Padre Damaso. Pinapalo at minumura diumano ng
pari ang mga bata sa tuwing makaririnig ito ng ingay mula sa tapat ng kwadra kung saan nag-aaral ang mga bata dahil
nga wala silang silid-aralan. Pinapanigan naman ng mga magulang ang mga pari tungkol sa pagpalo bilang epektibong
paraan ng pagdidisiplina at pagtuturo sa kanilang mga anak. Dahil sa pakikialam ng pari at mga balakid sa pagtuturo ang
siyang sinisising dahilan ng guro sa kanyang pagkakasakit. Nang bumalik naman siya sa pagtuturo ay napansin niyang
nabawasan ang bilang ng kanyang mga mag-aaral. Ang guro ay natuwa ng malaman na hindi na si Padre Damaso ang
kura sa San Diego kaya minabuti niyang iangkop ang nilalaman ng mga aralin sa kalagayan ng kanyang mga mag-aaral.
Kahit pa nagkaroon ang kalayaan ang guro na iangkop ang kanyang mga aralin ay higit pa ring pinahalagahan ng
simbahan ang pagtuturo tungkol sa relihiyon. Nangako naman si Ibarra na gagawin ang kanyang makakaya upang
matulungan ang guro at maiangat ang kalagayan ng edukasyon sa bayan. Kanya raw babanggitin sa araw ng pulong sa
paanyaya ni Tinyente Mayor ang mga napag-usapan nila ng guro.

Kabanata 20 – Ang Pulong sa Tribunal Noong araw na iyon ay panauhin sina Ibarra at ang guro sa pulong. Ang tanging
bulwagan na nagsisilbing lugar para sa pagpupulong at pag-uusap ng mga makapangyarihan at mayayaman sa bayan ay
ang tribunal. Nahahati sa dalawang kinatawan o lapian ang mga nasa pulong. Ang una ay ang mga konserbador o
pangkat ng mga matatanda na pinamumunuan ng Kabesa samantalang ang pangalawa ay ang liberal na binubuo naman
ng mga kabataan sa pamumuno ni Don Filipo. Ang pagpupulong ay tungkol sa gaganaping kapistahan labing-isang araw
mula sa araw na iyon, mga programa at aktibidad na gagawin para sa pista, at ang pagtatayo ng paaralan para sa bayan.
Sa pulong ay sinamantala ng mga mayayaman ang makapagtalumpati kahit na walang katuturan ang kanilang ibang
pinagsasabi. Kagaya ni Kapitan Basilyo na nakalaban ni Don Rafael. Si Don Filipo naman ay nagmungkahi na sa bawat
gawain ay dapat may talaan ng mga gastos. Iminungkahi din niyang magpagawa ng isang malaking tanghalan sa plasa at
magtanghal ng palatuntunan tulad ng komedya sa loob ng isang linggo. Nabanggit din ni Don Filipo ang pagkakaroon
ng paputok upang maging lalong masaya ang pista, bagay na ‘di naman sinang-ayunan ng lahat. Ang Kabesa naman ay
nagbigay ng panukala na dapat ay tipirin ang pagdiriwang. Wala rin dapat na paputok at ang mga gaganap sa programa
ay dapat mga taga-San Diego. Aniya, ang sentro ng pagtatanghal ay dapat mga sariling ugaling Pilipino. Ang mga
panukalang inihandog ng magkabilang pangkat ay walang bisa dahil nakapagdesisyon na ang kura tungkol sa gaganapin
sa pista. Ang mga gagawin ay anim na prusisyon, tatlong sermon, tatlong misa mayor at isang komedya.

Kabanata 21 – Mga Pagdurusa ni Sisa Kumaripas ng takbo si Sisa pauwi sa kanilang bahay matapos mapakinggan ang
mga sinabi ng kusinero. Hindi mawaglit sa isipan ni Sisa ang maaring pagdampot ng mga gwardiya sibil sa kanyang mga
anak dahil sa bintang na pagnanakaw ng salapi. Nakita ni Sisa na papalayo na ang mga gwardiya sibil sa kanilang bahay
at hindi nito kasama ang kanyang mga anak, bagay na nakapagpagaan sa loob ng ina. Ngunit ng magpang-abot sila ng
gwardiya sibil sa daan ay pilit siyang pinaamin na ilabas ang dalawang onsang ninakaw ng mga anak. Nagmakaawa si Sisa
ngunit tila bingi ang mga ito sa pakiusap niya. Sa halip ay kinaladkad siya ng mga gwardiya sibil papuntang kwartel.
Habang kinakaladkad ay hiyang-hiya si Sisa sa harap ng taong-bayan na sakto namang katatapos lang ng misa at ang
mga ito ay kasalukuyang lumalabas ng simbahan. Napatigil ang lahat sa eksenang nagaganap samantalang si Sisa ay
walang magawa kundi umiyak at panghinaan ng loob. Inihagis siya ng mga ito pagdating sa kwartel at nagsumiksik na
lamang ang naghihinagpis na ina sa isang sulok. Walang nais makinig sa pagmamakaawa ni Sisa. Tanghali na ng
pakawalan siya ng Alperes. Umuwi na si Sisa sa kanilang bahay at hinanap ang dalawang anak. Wala kahit sa bakuran ang
anino o kahit tinig ng kanyang mga anak. Pumasok muli sa bahay si Sisa ngunit ang punit at duguang damit lamang ni
Basilio ang kanyang natagpuan. Nilamon ng pighati ang kanyang katinuan dahil hindi matanggap ng ina ang kanyang
nasilayan. Nagpalaboy-laboy sa kalsada si Sisa habang sinasabi ang pangalan ng kanyang mga anak na sina Basilio at
Crispin.

Kabanata 22 – Liwanag at Dilim Ngayon na ang araw ng pagdating nina Maria Clara at Tiya Isabel sa San Diego upang
mamalagi doon para sa pista ng bayan. Ang balitang pagdating ni Maria Clara ay agad na kumalat dahil kinagigiliwan siya
ng lahat ng mga tao doon. Kumalat din umano ang madalas na pagkikita nila ni Ibarra na ikinagalit naman ni Padre Salvi.
Napapansin pala ng dalaga ang pagbabago ng kilos at mga titig nito tuwing siya ay kaharap. Samantala, plano nina Maria
Clara at Ibarra na mag-piknik kasama ang kanilang mga kaibigan sa ilog. Iminungkahi ng dalaga na huwag isama si Padre
Salvi dahil nababahala siya kapag ito ay nasa paligid. Hindi naman ito sinang-ayunan ni Ibarra dahil hindi raw ito
magandang tingnan. Bigla namang dumating ang pari habang nag-uusap ang dalawa kaya nagpaalam na ang dalaga
upang mamahinga. Pagdaka’y inimbitahan ni Ibarra si Padre Salvi sa piknik na kanilang pinagpa-planuhan at kaagad
naman itong sinang-ayunan ng pari. Umuwi na rin si Ibarra makalipas ang ilang oras. Sa daan habang naglalakad pauwi
ay may nakasalubong si Ibarra na isang lalaki na humihingi ng tulong. Agad naman itong tinulungan ng binata.

Kabanata 23 – Ang Piknik Masiglang gumayak ang mga kababaihan at kabinataan madaling araw pa lamang ng araw na
iyon. Naglalakad ng magkakasama ang mga kababaihan samantalang hiwalay naman sa kanila ang mga kalalakihan. Ang
mga kawaksi at matatandang babae ay kasama rin sa kanilang piknik. Dalawang bangka ang sasakyan nila kung saan ang
matatalik na magkakaibigan na sina Maria Clara, Iday, Victorina, Neneng at Sinang ay magkakasama sa isang Bangka. Di
mapigil ang tawanan at kwentuhan ng mga dalaga kung kaya si Tiya Isabel ay sinaway sila. Nagkaroon naman ng butas
ang bangkang sinasakyan ng mga kalalakihan kaya sila ay napalipat sa bangka ng mga dalaga. Tumahimik tuloy ang mga
dalaga sapagkat sila ay inatake ng hiya. Patuloy lamang sa pagsagwan si Elias at upang hindi mainip ang mga kasama ay
umawit ng kundiman si Maria Clara. Nang malapit ng maluto ang agahan ay gumayak na ang mga kalalakihan upang
mangisda. Ngunit walang nahuli ang mga ito kahit isa dahil sa biglang pagsulpot ng buwaya sa ilog. Ang mga kababaihan
ay nabahala sa paglitaw ng buwaya lalo na ng ito’y nilundag ni Elias. Higit na malakas ang buwaya kaysa kay Elias kaya
tinulungan siya ni Ibarra na taluhin ito. Natalo ng dalawa ang buwaya kaya nagpatuloy na sila sa pangigisda hanggang sa
sila ay makahuli ng sariwang isda. Sa isang puno malapit sa batisan ay masayang nananghalian ang magkakaibigan.

Kabanata 24 – Sa Kagubatan Nakapagmisa ng maaga si Padre Salvi at agad ay nag-almusal. Hindi na nito tinapos ang
pagkain, sa halip ay nagpunta na ito sa lugar ng piknik sakay ng karwahe. Malayo pa lamang ay pinahinto na ng pari ang
karwahe upang malayang mapagmasdan ang mga kadalagahan. ‘Di naman siya nabigo sapagkat nakita niya ang
masasayang mga dalaga maging ang mga binti at sakong ng mga ito habang nagkakatuwaan. Pinigil ni Padre Salvi ang
kanyang sarili at hinanap ang mga kalalakihan. Makatapos ang pananghalian ay nabanggit ni Padre Salvi na may
tumampalasan kay Padre Damaso kaya ito ay nagkasakit. Nagkataon namang dumating si Sisa na nais sanang pakainin ni
Ibarra ngunit dala ng pagiging wala sa katinuan ay agad itong umalis. Nabanggit din sa usapan ang pagkawala ng mga
anak ni Sisa kung saan nagkaroon ng matinding pagtatalo sina Don Filipo at Padre Salvi. Ikinatwiran ni Don Filipo na higit
pang pinahalagahan ang dalawang onsa kaysa sa pagkawala ng mga bata. Si Ibarra nama’y pumagitna na sa dalawa
upang hindi na umabot sa sakitan ang mga ito. Maya-maya’y nakiumpok si Ibarra sa mga binata at dalagang naglalaro ng
Gulong ng Kapalaran. Itinanong ng binata sa Gulong kung may mga katuparan ang kanyang binabalak. Ngunit natapat
naman ang dais sa sagot na pangarap lamang, bagay na hindi sinang-ayunan ni Ibarra. Aniya, mayroon na siyang
katibayan at pahintulot sa pagpapatayo ng bahay-paaralan. Ang kasulatan ay hinati ni Ibarra at ibinigay kina Maria Clara
at Sinang. Walang anu-ano’y dumating si Padre Salvi at pinunit nito ang aklat ng walang hudyat. Ayon sa pari, malaking
kasalanan ang maniwala sa nilalaman nito. Si Albino nama’y nainis at sinagot ang kura na mas malaking kasalanan ang
kanyang pakikialam sa pag-aari ng iba. Kaagad na lumayas ang kura at padabog na bumalik sa kumbento. Ilang sandali
pa’y dumating naman ang mga gwardya sibil at sarhento. Si Elias ang pakay nila sapagkat ito diumano ang nanakit kay
Padre Damaso. Kinuwstyon din ng mga dumating ang pagkupkop ni Ibarra kay Elias. Ito nama’y agad na sinalungat ng
binata at sinabing walang karapatan ang mga ito na kwestyunin ang kanyang desisyon kung sino ang nais niyang
imbitahin sa kanyang tahanan. Ang buong kagubatan ay hinalughog ng gwardya sibil ngunit hindi nila nakita si Elias.

Kabanata 25 – Sa Tahanan ng Pilosopo Pumunta si Ibarra sa bahay ni Pilosopo Tasyo upang humingi ng payo tungkol
sa paaralan na nais niya pasimulan. Sa kabila ng pagiging abala ng Pilosopo sa kanyang ginagawa ay napansin pa rin
naman niya ang binatang si Ibarra kaya inanyayahan niya nito. Nabanggit ng Pilosopo na walang makauunanawa sa
ngayon ng kanyang isinusulat dahil ang susunod na henerasyon ang makakaunawa ng kanyang saloobin. Dagdag pa niya,
wala na raw piring sa mata at mulat na sa nangyayari sa lipunan ang mga susunod na salinlahi. Nabanggit naman ni Ibarra
na kahit siya ay dito ipinanganak at lumaki, ramdam niya ang palagay ng mga tao na siya ay dayuhan lamang. Kaya
naman kinakailangan niyang humingi ng payo sa Pilosopo dahil sa ito’y higit na kilala ng mga tao. Sinalungat naman ito
ng Pilosopo at iminungkahing sa mga kinikilalang tao sa lipunan tulad ng kura dapat isangguni ni Ibarra ang kanyang
mga binabalak. Naniniwala si Ibarra na ang matuwid na layunin ay hindi na kailangang balutan ng baluktot na gawain.
Buo ang paniniwala ng binata na sasang-ayunan siya ng pamahalaan at ng mga tao sa bayan sapagkat ang kanyang
ninanais ay para sa kapakanan ng nakararami. Hindi makumbinsi ni Pilosopo Tasyo si Ibarra na ang kapangyarihan ng
simbahan ay higit pa sa kakayahan ng pamahalaan. Lalo pa ng sabihin niya sa binata na kung nais niyang matupad ang
kanyang mga balakin ay marapat na yumuko muna siya sa mga may kapangyarihan kung ayaw niyang walang mangyari
sa kanyang mga balakin. Hindi naman ito matanggap ni Ibarra dahil ang kanyang mga pananaw ay ideolohiyang liberal
na kanyang nakamulatan sa pag-aaral sa Europa. Ayon sa Pilosopo, ang mga ganitong prinsipyo ay hindi pa katanggap-
tanggap sa simbahan na siyang nagmamay-ari ng lahat pati ang buhay ng mga tao sa kanilang nasasakupan. Ang
kalagayan ni Ibarra ay inihalintulad niya sa mga halaman kagaya sa rosas na yumuyuko rin sa hangin kapag hitik na ito sa
mga bulaklak at kung hindi ito ay mababali lamang, at sa puno ng makopa na kailangan pa niyang tukuran upang
kumapit ang mga ugat nito sa lupa dahil kung hindi niya ito gagawin ay ibubuwal lamang ito ng hangin. Ganito diumano
si Ibarra sa kanyang mga pananaw. Isa siyang punong itatanim sa mabatong lupain na nagmula pa sa bayan ng Europa –
kailangan niya ng makakapitan at masasandalan. Ang sabi pa ni Pilosopo Tasyo, hindi kaduwagan ang pagyuko sa
kapangyarihan. Ang pagyuko at pag-iwas sa dumarating na punlo ay mas mainam kaysa salubungin ang mga bala ng
baril at tuluyan ng hindi makabangon. Maraming tumatakbo sa isipan ni Ibarra. Paano na lamang raw kung hindi lubos
ang pagtulong ng simbahan sa kanyang mga balakin dahil sa ang karunungan ay kaagaw ng simbahan sa
pagpapayaman, at kung may maiiwan ba siyang legasiya sa kanyang mga binabalak para sa bayan. Bago pa man
magpaalam si Ibarra ay binigyan siya ng inspirasyon ng Pilosopo na kung sakaling hindi man siya magtagumpay ay may
uusbong na pananim na siyang magpapatuloy ng kanyang mga nasimulan. Pagkatapos nito’y nagpaalam na ang binata
kay Pilosopo Tasyo.

Kabanata 26 – Ang Bisperas ng Pista Tuwing ika-sampu ng Nobyembre ay bisperas ng pista sa San Diego. Handa na
ang lahat sa bisperas pa lamang kaya nakagayak na ang kani-kanilang mga bahay ng pinakagarbong palamuti, kurtina at
iba’t-ibang dekorasyon pati na mga minana at antigong kagamitan. Punong-puno ng iba’t ibang masasarap na putahe
ang hapag kainan ng mga mayayaman. Nariyan ang mga kakanin, panghimagas at mga inangkat na mamahaling mga
alak mula pa sa Europa. Para sa lahat ang mga pagkain dito upang kahit na mga taga ibang bayan ay maging masaya din
sa kapistahan. Panay rin ang pagpapaputok ng mga kwitis, batingaw ng kampana at tugtugan ng mga banda ng musiko.
Ang mga matataong lugar kabilang na ang plasa ng San Diego ay pinalamutian ng arkong kawayan. Nilagyan din ng
tolda ang harapan ng simbahan para sa prusisyon. May nakalaan ding tanghalan para sa komedya at iba pang
palatuntunan. Sina Kapitan Tiyago, Kapitan Joaquin, ang intsik na si Carlos, at iba pang mayayaman sa bayan ng San
Diego ay may partisipasyon din sa kasayahan. Nakalaan namang magmisa si Padre Damaso sa umaga. Iginayak na rin ng
mga magsasaka at mahihirap ang kanilang mga pinaka-mainam na ani upang ihandog sa mga may-ari ng kanilang
bukirin. Samantala, tinatapos na ang bahay-paaralan na pinapagawa ni Ibarra malapit sa kanyang tahanan sa
pamamatnubay ni Nol Juan. Ang lahat ng gastos ay sagot ni Ibarra. Magalang namang tinanggihan ng binata ang alok na
tulong ng mga mayayaman at ng pari sa kanya. Katumbas ng mga paaralan sa Europa ang bahay-paaralan na ipinapatayo
ni Ibarra kung saan hiwalay ang mga babae sa lalaki. Mayroong lugar para sa pagtatanim ng puno at gulay pati na rin
bodega. May silid pang-disiplina din para sa mga batang mag-aaral. Sa ginawang ito ni Ibarra ay maraming humanga sa
kanya ngunit sa kabilang banda nama’y marami din ang kanyang naging palihim na mga kaaway.

Kabanata 27 – Sa Pagtatakipsilim Sinasadya talagang higitan ni Kapitan Tiyago ang paghahanda sa kapistahan dahil
ikinatutuwa niya mabangong pagtanggap ng mga tao kay Ibarra na kanyang mamanugangin. Hindi lingid sa kaalaman ng
Kapitan na tanyag na tanyag ang binata sa Maynila kaya sinasamantala niya ang mga ganitong pagkakataon upang
kasama siyang mapuri sa mga pahayagan. Sari-saring pagkain at inumin mula pa sa ibang bansa ang handa ni Kapitan
Tiyago. Si Maria Clara nama’y pinasalubungan niya ng mga kagamitang may mamahaling bato. Bandang hapon na ng
magkita sina Ibarra at Kapitan Tiyago. Si Maria nama’y nagpaalam na mamasyal kasama ang mga kaibigan nitong dalaga.
Niyaya ng mga ito si Ibarra at pinaunlakan naman ng binata ang paanyaya. Ang Kapitan nama’y inanyayahan din si Ibarra
na doon na sa kanila maghapunan dahil darating daw si Padre Damaso ngunit magalang naman itong tinanggihan ng
binata. Lumakad na kasama ng mga kadalagahan ang magkatipan at nang mapadaan sila kina Simang ay kanila rin itong
niyaya na kaagad namang sumama sa kanila. Sa liwasang bayan ay sinalubong sila ng isang ketongin na pinandidirihan
ng lahat. Si Maria’y naawa dito kaya ibinigay niya ang iniregalo ng ama sa kabila ng pagtataka ng mga kaibigan. Lumapit
naman si Sisa at kinausap ang ketongin. Kanyang itinuro ang kampanaryo at sinabing nandoon daw ang mga anak nito.
Umalis ng pakanta-kanta si Sisa samantalang ang ketongin nama’y umalis na din dala ang bigay sa kanya ni Maria Clara.
Napag-isip-isip ni Maria na marami palang mga mahihirap at kapus-palad at iyon ay naging lingid sa kanyang kaalaman.

Kabanata 28 – Sulatan Ang mga naganap sa kapistahan ng San Diego ay nalathala sa pahayagan sa Maynila. Kasama sa
naiulat ang marangyang kapistahan ng bayan, mga kilalang tao sa San Diego, ang naganap na palatuntunan pati na rin
ang musiko. Nabalita rin ang mga pari at ang komedyang naganap sa bayan pati na ang mga mahuhusay nitong mga
artista. Ang mga Kastila lamang ang nasiyan sa komedya dahil ito ay idinaos sa wikang Kastila. Nasiyahan naman ang mga
Pilipino sa komedyang tagalog. Samatala, si Ibarra’y walang dinaluhan sa mga palabas na iyon. Nagkaroon ng prusisyon
para sa mga santo at santa kinabukasan kung saan ang misa ay pinamunuan ni Padre Manuel Martin. Nagkaroon din ng
sayawan na pinangunahan ng mag-ama na sina Kapitan Tiyago at Maria na ikinayamot naman ng dalaga. Pagdaka’y
sinulatan ni Maria Clara si Ibarra dahil ilang araw na niya itong hindi nakikita. Hiniling niyang siya ay dalawin ng binata at
imbitahan siya nito sa pagpapasinaya ng bahay-paaralan na kanyang ipinatayo.

Kabanata 28 – Sulatan Ang mga naganap sa kapistahan ng San Diego ay nalathala sa pahayagan sa Maynila. Kasama sa
naiulat ang marangyang kapistahan ng bayan, mga kilalang tao sa San Diego, ang naganap na palatuntunan pati na rin
ang musiko. Nabalita rin ang mga pari at ang komedyang naganap sa bayan pati na ang mga mahuhusay nitong mga
artista. Ang mga Kastila lamang ang nasiyan sa komedya dahil ito ay idinaos sa wikang Kastila. Nasiyahan naman ang mga
Pilipino sa komedyang tagalog. Samatala, si Ibarra’y walang dinaluhan sa mga palabas na iyon. Nagkaroon ng prusisyon
para sa mga santo at santa kinabukasan kung saan ang misa ay pinamunuan ni Padre Manuel Martin. Nagkaroon din ng
sayawan na pinangunahan ng mag-ama na sina Kapitan Tiyago at Maria na ikinayamot naman ng dalaga. Pagdaka’y
sinulatan ni Maria Clara si Ibarra dahil ilang araw na niya itong hindi nakikita. Hiniling niyang siya ay dalawin ng binata at
imbitahan siya nito sa pagpapasinaya ng bahay-paaralan na kanyang ipinatayo.

Kabanata 29 – Ang Kapistahan Handa na ang mga banda ng musiko umaga pa lang upang magbigay saya at
salubungin ang kapistahan. Sinabay pa ang tunog ng kampana at mga siklab at pasabog ng paputok. Samantalang ang
mga tao sa bayan ay nagising na at nagsigayak para makiisa. Suot nila ang kanilang pinakamainan na kasuotan at mga
alahas. Hinatak nila ang mga tao upang tikman ang masasarap na pagkaing kanilang hinanda. Hindi naman sang-ayon
dito si Pilosopo Tasyo. Aniya, paglulustay lamang ng salapi at pagpapakitang tao lamang ang pagsasaya sa araw na ito.
Mas marami umano ang may kabuluhan na dapat pagkagastusan at isama pa diyan ang maraming hinaing ng bayan na
hindi natutugunan. Sang ayon naman naman si Don Filipo sa pananaw ng Pilosopo ngunit wala siyang lakas ng loob para
salungatin ang mga pari. Naghihintay na ang mga tao sa simbahan pati na rin ang at mga tanyag na tao sa San Diego.
Sinadya naman ni Padre Damaso na magkasakit upang higit na makakuha ng importansya mula sa lahat. Ang taga-
pangasiwa ng simbahan ang nag-aalaga sa pari habang siya ay may sakit. Bandang alas-otso ng umaga, sinimulan ang
mahabang prusisyon ng iba’t-ibang santo. Sa prusisyon ay makikita ang pagkakaiba ng antas o diskriminasyon sa lipunan.
Kahit na ang mga nagpuprusisyon ay mga ginggon. Sa tapat ng bahay ni Kapitan Tiyago natapos ang prusisyon na
inaabangan naman ng ibang mga Kastila pati na rin nina Maria Clara at Ibarra.

Kabanata 30 – Sa Simbahan Ang simbahan ay dinumog ng mga taong nagsisiksikan sa kabila ng init at iyakan ng mga
bata. Ang misa ay bayad para sa kabanalan ng lahat sa halagang dalawang daan at limampung piso. Pinaniniwalaan noon
na mas mabuti ng magbayad ng mahal sa misa kaysa sa komedya sapagkat ang misa ay makapagdadala ng kaluluwa sa
langit samantalang impyerno naman sa komedya. Samantala, hindi sinimulan ang misa hangga’t hindi dumarating ang
alkalde mayor na sinadya namang magpahuli upang higit na mapansin ng lahat. Nakasuot siya ng limang medalya na
sagisag ng kanyang tungkulin. Nang dumating ang alkade mayor ay nagsimula ang pagmimisa ni Padre Damaso.
Sinamantala ng walang pakundangang pari ang paglibak sa nagmisa kahapon na si Padre Manuel Martin. Siya daw ay
higit na mahusay magmisa kaysa Padre Manuel Martin. Hangga’t di siya natatapos magyabang ay hindi ito nagsimulang
mag-sermon.
Kabanata 31 – Ang Sermon Si Padre Damaso ay nagsimulang magsermon sa wikang Tagalog at Kastila mula sa isang
sipi sa Bibliya. Ang kabuuan ng kanyang sermon ay tumatalakay sa kanyang pagpupuri sa mga banal na santo ng
simbahan, ang pagtulad kay Haring David, ang mapagwaging si Gideon, at si Roldan na isang tapat na mananampalataya.
Ngunit higit sa lahat, kasama sa kanyang sermon ang panlilibak ng pari sa mga Pilipino na binigkas niya sa wikang Kastila
kaya walang kamalay-malay ang nakararami sa kahulugan ng kanyang mga sinasabi. Nagpatusada din si Padre Damso sa
mga taong hindi niya gusto para ipahiya ang mga ito sa karamihan. Dahil marami sa mga naroon ay walang naiintindihan
sa pinagsasasabi ng pari, hindi na nila napigilang antukin at maghikab, kabilang sa mga ito si Kapitan Tiyago. Palihim
namang nagsusulyapan sina Maria at Ibarra na kapwa ang mga mata’y nangungusap. Sa wakas ay sinimulan na rin ni
Padre Damaso ang kanyang sermon sa wikang Tagalog. Dito’y walang pakundangan nyang tinuligsa si Ibarra. Bagaman
hindi niya pinangalanan kung sino ang kanyang tinutukoy ay halata namang si Ibarra ang kanyang pinatatamaan. Hindi
natuwa si Padre Salvi sa mga nagaganap kaya nagpakuliling na ito, hudyat para tapusin na ng pari ang kanyang sermon.
Tila walang narinig si Padre Damaso kaya nagpatuloy lamang ito sa kanyang walang kwentang sermon na umabot pa ng
kalahating oras. Samantala, sa loob ng simbahan ay palihim na nakalapit si Elias kay Ibarra at binalaan ito na mag-ingat at
huwag lalapit sa bato na ibabaon sa hukay sapagkat maaari niya itong ikamatay. Walang nakapansin ni isa sa pagdating
at pag-alis ni Elias.

Kabanata 32 – Ang Panghugos Ang taong dilaw ay nagkaroon ng demonstrasyon kay Nol Juan tungkol sa paggamit ng
panghugos bago ganapin ang pagpapasinaya sa paaralan. Ang nasabing istruktura ay may walong metro ang taas at ang
apat na haligi ay nakabaon sa ilalim ng lupa. May apat na haligi ito na nasasabitan ng malalaking lubid. Ang taong dilaw
naman ay ipinagmamalaki na kanyang natutuhan ang ganitong paraan sa ninuno pa ni Ibarra na si Don Saturnino.
Iminustra niya kung papaano itinataas at ibinababa ang batong malaki na siyang ibabaon sa hukay na napapagitnaan ng
apat na haligi. Nagsimula nang basbasan ni Padre Salvi ang bahay-paaralan. Ang mga mahahalagang kasulatan maging
ang relikya at iba pang mahahalagang bagay ay inilulan sa isang kahang bakal na ipinasok naman sa bumbong na yari sa
tingga. Ang nagko-kontrol sa bato ay ang lubid na may hukay sa gitna kung saan ilalagay ang tingga. Ang taong dilaw
naman ang may hawak ng nasabing lubid. Nagsibabaan ang lahat ng importanteng tao upang sumaksi nang magsimula
na ang pari sa seremonya. Isa sa mga taong naroroon upang sumaksi sa okasyon ay si Elias at ‘di winaglit ang tingin sa
taong dilaw. Pagbaba ni Ibarra upang makiisa sa pagsaksi ay humulagpos ang lubid mula sa kalo at kasabay nito ay ang
pagkagiba ng balangkas. Ilang saglit lang ay nasaksihan ng lahat na si Ibarra ay nakatayo sa pagitan ng nasirang kalo at
ng malaking bato ngunit ang taong dilaw ay namatay. Ipahuhuli sana ng alkalde si Nol Juan ngunit pinigilan siya ni Ibarra
at sinabing siya na ang bahala sa lahat.

Kabanata 33 – Malayang Kaisipan Si Elias ay palihim na dumating sa bahay ni Ibarra at sila’y nag-usap tungkol sa mga
kaaway ng katipan ni Maria. Kahit na ang hangad ay kabutihan, pinayuhan ni Elias si Ibarra dahil nagkalat ang kanyang
kaaway. Nasabi rin nito ang kanyang pagkakatuklas sa balak na pagpatay ng taong dilaw kay Ibarra sa araw ng
pagpapasinaya ng paaralan. Lihim pa lang sinubaybayan ni Elias ang taong dilaw at nalaman niyang prinisinta nito ang
sarili kay Nol Juan kahit maliit ang sahod kapalit ng kanyang mga kaalaman. Si Ibarra nama’y nanghinayang sa maagang
pagkawala ng taong dilaw dahil marami pa raw sana siyang matutuklasan kung ito ay nabubuhay lamang. Salungat
naman dito si Elias dahil tiyak niyang makaliligtas sa hukuman ang taong dilaw dahil sa kabulagan ng hustisya sa bayan.
Tila nagkaroon naman ng interes si Ibarra kay Elias dahil sa kanyang mga kaisipan na kakaiba kaysa ordinaryong
mamamayan. Napadpad naman ang kanilang usapan sa paniniwala sa Diyos na ‘di tinanggi ni Elias na siya’y nawawalan
na ng tiwala dito. Maya-maya pa’y nagpaalam na rin si si Elias baon ang kanyang pangako ng katapatan kay Ibarra.

Kabanata 34 – Ang Pananghalian Noong araw na iyon ay darating ang Heneral at tutuloy sa bahay ni Kapitan Tiyago.
Magkakaharap na nananghalian ang mga taga San Diego. Si Ibarra at ang alkalde mayor ay nasa magkabilang dulo ng
hapag. Si Maria ay nasa gawing kanan ni Ibarra samantalang sa kaliwa naman niya ang eskribano. Nasa hapag din sina
Kapitan Tiyago, iba pang mga kapitan sa bayan ng San Diego, mga pari, mga kawani ng pamahalaan at mga kaibigan
nina Maria Clara at Ibarra. Ang karamihan naman ay nagtaka dahil wala pa si Padre Damaso. Nag-uusap ang mga nasa
hapag habang kumakain. Napag-usapan anila ang hindi pagdating ni Padre Damaso, ang kamangmangan ng mga
magsasaka sa mga kubyertos, ang mga kursong nais nilang ipakuha sa kanilang mga anak, at marami pang iba. Maya-
maya’y dumating na si Padre Damaso at ang lahat doon ay bumati sa kanya liban kay Ibarra. Habang inihahanda ang
serbesa ay nagsimula na ring patutsadahan ng pari si Ibarra. Sisingit sana ang alkalde sa usapan upang maiba ang paksa
ngunit ayaw papigil ng mayabang na pari. Tahimik lamang na nakikinig habang nagtitimpi ang binatang si Ibarra. Tila
nananadya si Padre Damaso dahil inungkat nito ang pagkamatay ng ama ni Ibarra. Sa pagkakataong ito’y hindi na
pinalampas ng binata ang mga sinabi ng pari kaya naman muntik na niya itong saksakin. Mabuti na lamang at pinigilan
siya ni Maria kung kaya’t bumalik ang kahinahunan ni Ibarra at umalis na lamang.

Kabanata 35- Mga Usap-usapan Naging mainit na usapan sa buong bayan ng San Diego ang mga kaganapan sa
nangyaring pananghalian. Karamihan ay pinanigan si Padre Damaso dahil kung nagtimpi lamang daw si Ibarra ay hindi
sana iyon nangyari. Tanging si Kapitan Martin lamang ang nakaunawa sa ikinilos ni Ibarra dahil walang sinuman ang hindi
makapapagpipigil kung ang ama ang lalapastanganin. Ipinapalagay naman ni Don Filipo na hinihintay daw ni Ibarra na
tulungan siya sa taumbayan bilang pagtanaw ng utang na loob sa kabutihang nagawa niya at ng kanyang ama.
Samantala, nanindigan ang kapitan ng bayan na wala silang magagawa sapagkat laging nasa katwiran ang mga prayle.
Ani Don Filipo, nangyayari ito dahil hindi nagkakaisa at watak-watak ang mga taumbayan samantalang ang mga prayle at
mayayaman ay nagkakabuklod-buklod. Natakot naman ang mga matatandang babae sa bayan dahil kung ‘di nila panigan
si Padre Damaso ay baka mapunta sila sa impyerno. Nalugod naman si Kapitana Maria sa pagtatanggol ng binata sa
kanyang ama. Ang mga magsasaka’y biglang nawalan ng pag-asa dahil baka hindi matuloy ang paaralan. Kapag nangyari
iyon ay baka hindi makatapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak. May kumakalat na baka hindi na matutuloy ang
pagpapatayo ng simbahan sapagkat tinawag na pilibustero ng prayle si Ibarra. Hindi naman maintindihan ng mga
magsasaka ang kahulugan ng Pilibustero.

Kabanata 36 – Ang Unang Suliranin Dumating ng walang abiso ang Kapitan Heneral sa bayan nila Kapitan Tiyago kung
kaya naging abala ang lahat sa paghahanda upang maibigay ang nararapat na pag-istima sa panauhin. Sinamantala ng
lahat ang nalalabing oras upang makapag-gayak maliban kay Maria Clara na patuloy ang pagtangis dahil sa pagbabawal
ng kanyang ama na makipagkita kay Ibarra hanggat hindi ito ekskomunikado. Balewala ang pag-aalo sa kanya nina Tiya
Isabel at Andeng. Iminungkahi ng kanyang Tiya na maari silang sumulat sa Papa at magbigay ng malaking halaga upang
mapawalang bisa ang ipinataw sa binata. Nagprisinta naman si Andeng na gagawa umano ng paraan upang magkausap
ang magkasintahan. Nagpunta si Kapitan Tiyago sa kumbento at inihayag nito kay Maria Clara ang desisyon ni Padre
Damaso na sirain ang nakatakdang pakikipag-isang dibdib nito kay Ibarra. Ipinag-utos naman ni Padre Sibyla na huwag
nang tanggapin sa kanilang tahanan ang binata. Kahit daw ang utang ng kapitan na limampung libong piso ay hindi rin
dapat bayaran dahil ang kapalit nito ay kamatayan ng kaluluwa sa impyerno. Lalong nagdalamhati si Maria sa mga
narinig. Inalo ni Kapitan Tiyago ang anak at sinabing si Padre Damaso ay may inilaan sa kanyang isang binata na kamag-
anak nito na manggagaling pa mula sa Europa. Nasindak nang lalo ang dalaga at maging ang kanyang Tiya Isabel ay
nagalit sa Kapitan kaya pinagsabihan niya ito na hindi parang damit na isinusuot ang magpalit ng katipan. Hindi rin
pumayag si Kapitan Tiyago ng imungkahi ni Tiya Isabel na sulatan nito ang Arsobispo. Ayon kay Kapitan Tiyago ay hindi
naman sila nito pakikinggan kundi ang desisyon lamang ng mga pari. Pagkatapos nito’y bumalik na sa paghahanda sa
bahay ang Kapitan samantalang si Maria ay pumasok na sa kanyang silid. Taimtim na nananalangin si Maria ng siya ay
pasukin ni Tiya Isabel dahil ipinatatawag daw ito ng Kapitan Heneral. Pagdaka’y sumunod naman ang dalaga.

Kabanata 37 – Ang Kapitan Heneral Ipinahanap agad ng Kapitan Heneral si Ibarra pagkarating niya. Kinausap niya ang
binata na nakagalitan ni Padre Damaso ng ito ay lumabas sa kalagitnaan ng sermon. Akala ng binata ay sasamain siya sa
Kapitan Heneral ngunit matapos niya itong kausapin ay nakangiti itong lumabas ng silid. Tanda ito ng mabuting ugali ng
Kapitan-Heneral na mayroong panahon basta sa katarungan. Sumunod na kinausap ng Kapitan Heneral ang mga prayle
na sina Padre Sibyla, Padre Martin, Padre Salvi at iba pa. Nagpakita ng paggalang ang mga ito sa pamamagitan ng
pagyuko maliban kay Padre Sibyla samantalang si Padre Salvi naman ay halos mabali na ung baywang sa pagkakayuko.
Kanilang binanggit ang pagkakasakit ni Padre Damaso kaya wala siya doon. Sumunod na nagbigay galang sina Kapitan
Tiyago at Maria Clara na pinapurihan ng Heneral dahil sa katapangan nito sa paggitna sa away ni Ibarra at Padre Damaso,
maging ang pagbabalik ng hinahon ng binata dahil na rin sa kanya. Nabanggit ng Heneral na dapat siyang gantimpalaan
dahil sa kanyang ginawa na agad namang tinanggihan ng dalaga. Ilang sandali pa’y dumating na si Ibarra upang
makausap ng Heneral. Nagpaalala naman si Padre Salvi na ang binata ay ekskomulgado ngunit ‘di naman ito pinansin ng
Heneral. Sa halip ay ipinaabot niya sa pari ang pangangamusta nito kay Padre Damaso. Umalis ang mga pari na hindi
nagustuhan ang ipinakita ng Heneral. Binati ng Heneral si Ibarra at pinuri ang ginawang pagtatanggol nito sa ala-ala ng
kanyang ama. Ayon sa Heneral ay kakausapin niya ang Arsobispo tungkol sa pagiging ekskomulgado ng binata. Napansin
naman ng Heneral ang pagiging balisa ni Maria kaya sinabi nitong nais niyang makaharap ito bago umaalis patungong
Espanya. Ipinaabot naman nito sa alkalde na samahan siya sa paglilibot. Base sa pag-uusap ng binata at ng Heneral ay
mapapansin na kilala ni Ibarra pati ang pamilya ng Kapitan Heneral sa Espanya. Namanghanga rin ang Heneral sa
katalinuhan ng binata na di umano bagay ang kaisipan sa Pilipinas. Anang Heneral, ipagbili na lamang daw ni Ibarra ang
lahat ng kanyang ari-arian at sa Espanya na lamang manirahan dahil ang katalinuhan umano nito ay nararapat lamang sa
kaunlaran ng ibang bansa. Bagay na di sinang-ayunan ni Ibarra dahil ayon sa kanya ay higit na matamis ang mamuhay sa
sariling bayan. Maya-maya’y binanggit ng Heneral kay Ibarra na kausapin si Maria at inihabilin na papuntahin sa kanya si
Kapitan Tiyago. Umalis na si Ibarra upang puntahan si Maria. Samantala, sinabi ng Heneral sa Alkalde Mayor na
protektahan ang binata upang maisakatuparan nito ang kanyang mga layunin at tumango naman ang Alkalde bilang
pagsunod. Ilang sandali pa’y dumating na si Kapitan Tiyago. Pinuri ng Heneral ang pagkakaroon nito ng mabuting anak at
mamanugangin. Nagprisinta rin ang Heneral na maging ninong sa kasal ng dalawa. Kaagad namang hinanap ni Ibarra si
Maria at nagtungo sa silid ng dalaga. Kumatok siya sa pintuan ng silid ngunit ang sumagot sa kanya ay si Sinang at
sinabing isulat na lamang niya ang gusto niyang sabihin Kay Maria Clara sapagkat papunta na sila sa dulaan.

Kabanata 38 – Ang Prusisyon Ang sunod-sunod na pagtunog ng kampana at mga paputok ay hudyat ng pagsisimula ng
prusisyon. May dala-dalang kandila at parol ang lahat ng nakiisa dito. Para sa mga santong sina San Juan Bautista, San
Francisco, Santa Maria Magdalena, San Diego De Alcala at Mahal na Birhen ang prusisyon. Hinihila ng anim na Hermano
Tercero ang karo ni San Diego. Magkakasamang naglalakad ang Kapitan Heneral, mga Kagawad, Kapitan Tiyago, Alkalde,
Alperes at Ibarra na napilitan lamang sumama dahil sa pag-imbita sa kanya ng Heneral. Inihinto ang mga karo at andas
ng mga santo sa tapat ng bahay ni Kapitan Tiyago kung saan may isang kubol sa pagdadarausan ng pagbigkas ng tulang
papuri o loa sa pintakasi ng bayan. Ang pila ng prusisyon ay pinangungunahan ng tatlong sakristan na sinundan ng guro,
mag-aaral at mga batang may dala-dalang parol na papel. Isang batang lalaki na may pakpak, nakabotang pangabayo,
nakabanda at may bigkis ang lumabas upang simulan ang pagpupuri sa wikang Latin, Kastila at Tagalog. Kasunod nito’y
ang pag-awit ni Maria Clara ng Ave Maria kung saan ang lahat ay nabighani sa ganda ng kanyang tinig. Dama naman ni
Ibarra ang pighating nararamdaman ng kanyang kasintahan sa boses nito. Sandaling napukaw ang atensyon ng binata ng
ito ay kausapin ng Kapitan-Heneral tungkol sa imbitasyong makasalo siya sa pagkain kung saan kanilang pag-usapan ang
pagkawala ng dalawang sakristan na sina Crispin at Basilio.

Kabanata 39 – Si Donya Consolacion Asawa ng Alperes si Donya Consolacion na nagpipilit maging mukhang taga-
Europa sa pamamagitan ng paglalagay ng kolorete sa mukha at pagsasalita sa wikang Kastila. Naniniwala siyang higit ang
kanyang kagandahan kaninuman kahit pa kay Maria Clara at mataas din ang tingin niya sa kanyang sarili. Si Donya
Consolacion ay dating labandera na nakapag-asawa ng isang kawal na naging Alperes ngayon. Mababakas din sa
kanyang ugali ang pagiging salat sa edukasyon. Noong araw na iyon ay iniutos ng Donya na isara ang kanilang bahay sa
kabila ng alam nitong tatapat ang prusisyon sa kanila. Buong araw siyang nagngitngit sa asawa dahil sa hindi nito
pagpayag na sila ay magsimba. ‘Di rin lingid sa kanyang kaalaman na ikinahihiya siya ng asawa bukod pa ang lantarang
pag-alipusta at pagmura nito sa kanya. Nagdidili-dili ang Donya ng marinig nito ang pag-awit ni Sisa mula sa kulungan.
Siya ay dalawang araw nang nakakulong doon. Sa wikang Kastila ay inutusan niya si Sisa na umakyat ngunit dahil sa hindi
niya ito naintindihan ay ‘di niya sinunod ang utos ng Donya. Nagalit si Donya Consolacion at ibinuhos kay Sisa ang lahat
ng galit nito sa asawa. Nilatigo niya ito at inutusang kumanta ang kawawang baliw. Napasigaw man sa sakit ay ‘di pa rin
sinunod ni Sisa ang utos ng Donya. Sa yamot ng Donya ay inutusan niya ang gwardiya sibil na pakantahin si Sisa. Sinunod
naman ito ng babae at umawit ng Kundiman ng Gabi. Sa pagkaantig ng damdamin ng Donya ay nawala sa isip nito na
magsalita sa Tagalog na ikinagulat ng gwardya sibil. Agad naman itong napansin ng Donya kaya pinaalis niya ang
gwardya. Muli niyang hinarap si Sisa upang pasayawin. ‘Di na naman ito sinunod ng babae kaya siya’y nilatigo ng Donya
at inutusan namang kumanta. Dahil sa pangyayaring ito’y nabuwal si Sisa at nahubaran ng damit kasabay ng pagdugo ng
kanyang sugat. Ang pangyayaring ito’y nadatnan ng Alperes at nagalit ito sa nasaksihan. Dahil dito’y inutusan niya ang
isang kawal na bihisan at pakainin si Sisa, alagaan, at gamutin din ang mga sugat. Nakatakdang ihatid si Sisa kay Ibarra
kinabukasan kaya naman siya’y inalagaan ng Alperes.

Kabanata 40 – Ang Karapatan at Lakas Sinimulan nang sindihan ang mga kuwitis bandang ika-sampu ng gabi at ito’y
hudyat na ng pagsisimula ng dula. Si Don Filipo ang nangasiwa sa gabi ng pista. Noong mga oras na iyon ay magkausap
sina Tinyente at Pilosopo Tasyo tungkol sa pag-ayaw ng Don sa kanyang tungkulin. Hindi tinanggap ng Kapitan ang
pagbibitiw ng Tinyente kaya masama ang loob niya dito. Maya-maya pa’y nagsidatingan na ang mga malalaking tao sa
bayan kung kaya’t nagsimula na ang palabas na pinangunahan nina Chananay at Marianito ng ‘Crispino dela Comare’.
Habang ang lahat ay nakatuon ang pansin sa dula ay lantaran namang nakatitig kay Maria Clara si Padre Salvi. Sinisimulan
na ang ikalawang bahagi ng dula nang dumating si Ibarra. Ang kanyang pagdating ay nakatawag sa pansin ng mga pari
kaya hiniling ng mga ito kay Don Filipo na paalisin ang binata. Tinutulan naman ito ni Don Filipo dahil higit siyang takot
na suwayin ang utos ng Kapitan Heneral kaysa sa utos nila. Isa pa’y malaki rin ang abuloy na ibinigay ni Ibarra. Dahil sa
inis ay ang mga pari ang umalis sa kalagitnaan ng dula. Ilang saglit pa at si Ibarra naman ang nagpaalam sa mga
kadalagahan lalo na kay Maria Clara upang puntahan ang nalimutang tipanan. Nangako siyang babalik bago matapos
ang dula. May lumapit na dalawang gwardya sibil kay Don Filipo sa kalagitnaan ng dula at iniuutos na itigil ang palabas
sapagkat nabubulahaw sa pagtulog sina Donya Consolacion at ang Alperes. ‘Di naman ito mapagbigyan ng Don Filipo
kaya pagdaka’y nagkaroon ng gulo. Dahil sa pagtatangkang pagpapatigil sa mga musikero ay hinuli ng mga kuwadrilyero
sa tribunal ang dalawang gwardya sibil. Sakto namang nakabalik na si Ibarra sa mga sandaling iyon at hinanap kaagad
ang katipan. Kumapit ang dalaga sa bisig ng binata samantalang si Tiya Isabel na kaniyang kasama ay naglitanya ng
panalangin. Sa galit ng mga kalalakihan ay pinagbabato nila ang dalawang gwardya sibil. Huminahon lamang ang mga ito
sa pakiusap ni Elias na inabisuhan ni Ibarra dahil wala silang magagawa ni Don Filipo sa bagay na iyon. ‘Di nakaligtas ang
mga pangyayari sa pagmamanman ni Padre Salvi na ibinalita rin ng kanyang tauhan. Nawalan ng malay tao si Maria Clara
sa kanyang pangitain at si Ibarra naman ang bumuhat sa dalaga. Base sa kanyang nakita ay nagmistula itong baliw at
nagtatakbo papunta sa bahay ni Kapitan Tiyago upang makasiguro na hindi totoo ang kanyang takot. Nakahinga lamang
siya ng maluwag nang makita niya ang anino nina Maria Clara at Tiya Isabel mula sa labas ng bahay ng Kapitan. Nang
masigurong hindi kasama ng dalaga si Ibarra ay umuwi na rin ito.

Kabanata 41 – Dalawang Panauhin Nang gabing iyon ay hindi dinalaw ng antok si Ibarra. Siya’y balisa sa kaguluhang
naganap kaya nilibang na lamang nito ang sarili sa paggawa sa kanyang laboratoryo. Maya-maya’y biglang dumating si
Elias upang ipaalam kay Ibarra na si Maria ay may sakit at kung may ipagbibilin ito bago siya pumunta sa Batangas.
Ipinaliwanag din niya kay Ibarra kung paano niya napatigil ang kaguluhan noong gabing iyon. Aniya, kilala daw umano
niya ang magkapatid na gwardia sibil kaya naman napahinuhod ang dalawa dahil sa kanilang utang na loob dito. Ilang
sandali pa’y umalis na rin si Elias. Si Ibarra nama’y nagmamadaling gumayak upang pumunta sa bahay ni Kapitan Tiyago.
Habang naglalakad ay nakasalubong ni Ibarra ang kapatid ng taong dilaw na si Lucas. Kinulit siya nito tungkol sa
makukuhang salapi ng kanilang pamilya dahil sa pagkamatay ng kanyang kapatid. Siya nama’y sinagot ng maayos ni
Ibarra na magbalik na lamang sa isang araw dahil papunta siya sa maysakit. Ngunit talagang mapilit si Lucas kaya bago pa
man mawala ang pagtitimpi ni Ibarra ay tumalikod na lamang ito. Naiwang nagpupuyos ang kalooban ni Lucas at inisip
na iisa ang dugong nananalaytay sa ugat nina Ibarra at ng lolo nito na nagparusa sa kanilang ama. Para sa kanya’y maari
lamang silang maging magkaibigan kung magkakasundo sila sa salaping ibabayad ni Ibarra.

Kabanata 42 – Ang Mag-asawang De Espadaña Dahil sa sakit ni Maria Clara, balak ni Kapitan Tiyagong maglimos sa
Krus sa Tunasan at sa Krus ng Matahong. Sinangayunan siya ng kaniyang pinsan na si Tia Isabel. Habang nag-uusap ang
magpinsan, dumating si Don Tiburcio de Espadana na inaanak ni Pari Damaso at kalihim ng mga minstro sa Espanya.
Kasama nito ang asawang si Donya Victorina at si Linares.Magiging panauhin sila sa bahay ni Kapitan Tiyago. Si Donya
Victorina ay 45 na taong gulang nguni’t nagpapanggap na 32 lamang. Pinangarap niyang makapangasawa ng banyaga
pero wala siyang naakit. Napakasal siya kay Don Tiburcio de Espadana, isang Kastila na nagpanggap na isang medico
kaysa bumalik Nang kahiya-hiya sa Espanya. Marami rin siyang naloko at akala niya yayaman na siya hanggang may
nagsumbong sa kaniya na isa siyang pekeng doctor. Magpapalimos na lang sana siya sa mga kakilala nang mapangasawa
niya si Donya Victorina. Binilhan ni Donya Victorina ng mga mamahaling damit ang asawa, mga kabayo at karomata. Si
Donya Victorina ay nag-ayos ding parang taga Europa. Pati ang kaniyang pangalan ay dinagdagan ni ng de. Nangarap
mabuntis at manganak sa Espanya para hindi ito matawag na reolusyonaryo. Pero hindi siya nagkaanak. Si Don Tiburcio
lang ang napagbuntunan niya ng galit na nagging sunud-sunuran sa kaniya. Nagpapaskel siya sa asawa ng pangalan nito
na may titulong medicina. Kahit ayaw ng Don ay hindi siya makapalag sa asawa. Si Donya Victorina ang gumastos para
makuha si Linares mula sa Espanya. Dumating si Pari Salvi na ipinakilala kay Linares. Pinintasan ni Donya Victorina ang
mga taga lalawigan at ipinagmalaki na kaibigan nila ang alkalde at ang mga may poder sa gobyerno.Sinabi naman ni
Kapitan Tiyago na kagagaling lang doon ng Kapitan Heneral. Natamimi si Donya Victorina. Pinuntahan nila sa Maria para
tingnan ni Don Tiburcio. Binigyan niya ng reseta ang dalaga. Itinanong naman ni Linares si Pari Damaso kay Pari Salvi
dahil may dala siyang sulat para dito. Dadalaw daw si Pari Damaso kay Maria sagot ng kura. Ipinakilala ni Donya Victorina
si Linares kay Maria. Nabighani ang binata sa dalaga. Dumating si Pari Damaso kahit galing sa sakit para dalawin si Maria.

Kabanata 43 – Mga Balak o Panukala Tuloy-tuloy sa silid ng dalaga si Padre Damaso na halata sa mukha ang pag-aalala
kay Maria Clara. Siya’y nanangis at sinabi sa anak na hindi ito mamamatay. Nagtaka naman ang lahat sa ipinakita ng pari
at ‘di nila akalain na sa kabila ng magaspang nitong pag-uugali ay marunong pala itong umiyak at malambot din ang
kalooban. Kanila ring naisip na mahal na mahal ni Padre Damaso si Maria Clara. Ilang sandali pa’y tumayo na ito at
pumunta sa silong ng balag upang doon managhoy. Nang naibsan ang damdamin ni Padre Damaso ay sinamantala ito ni
Donya Victorina at ipinakilala si Linares. Anang Donya, inaanak si Linares ni Carlicos na bayaw ni Padre Damaso. Iniabot na
rin ni Linares ang sulat sa pari kung saan nakasaad na naghahanap siya ng mapapangasawa at trabaho. Ayon kay Padre
Damaso, madali lamang matatanggap si Linares dahil ito ay naging abogado sa Universidad Central. Sa usapin naman ng
mapapangasawa ay iminungkahing kakausapin ng pari si Kapitan Tiyago. Ito nama’y ikinalungkot ni Padre Salvi.
Samantala, si Lucas ay pumunta kay Padre Salvi para isangguni ang marapat na katarungan para sa kanyang kapatid. Pilit
na pinapatulo ni Lucas ang kanyang luha at umarte pang tila kawa-awa upang kahabagan siya ng pari. Sinabi pa niya na
binigyan lamang siya ng limang-daang piso ni Ibarra kapalit ng buhay ng kanyang yumaong kapatid. Di naman natuwa
ang pari sa ipinakitang kaartehan ni Lucas kaya pinagtabuyan niya ito. Walang nagawa ang bubulong-bulong na
oportunistang si Lucas na napahiyang nilayasan ang pari.

Kabanata 44 – Pagsusuri ng Budhi Mataas pa rin ang lagnat ni Maria Clara at sa tuwing ito’y magdedeliryo ay
binabanggit ng dalaga ang pangalan ng kanyang ina. Sina Tiya Isabel naman kasama ng kanyang mga kaibigan ay
patuloy siyang inaalagaan samantalang si Kapitan Tiyago ay walang tigil na nagpapamisa at nag-aabuloy. Ang pinakahuli
ay ang pagbibigay niya ng tungkod na ginto sa Birhen ng Antipolo. Makaraan ang ilang araw kasabay ng pag-inom ng
gamot na nireseta ni Don Tiburcio ay humupa ang mataas na lagnat ni Maria Clara. Ito’y ikinatuwa ng mag-asawa kaya
naman hindi muna pinagdiskitahan ng Donya si Tiburcio. Napag-usapan nina Padre Salvi, Kapitan Tiyago at mag-asawang
Espadaña na malilipat sa parokya ng Tayabas si Padre Damaso. Ani Kapitan Tiyago, ikalulungkot umano ni Maria ang
nalalapit na pagkakalipat sa pari dahil para na rin niyang ama ito. Dagdag pa niya, bunga ng mga kaguluhan sa nangyari
noong gabi ng pista ang dahilan ng pagkakasakit ng dalaga. Natuwa naman ang pari na ayon sa kanya ay mainam nga na
hindi nagkikita sina Ibarra at Maria Clara dahil tuluyan itong gumaling. Ito nama’y sinalungat ni Donya Victorina at
sinabing ang nakapagpagaling kay Maria ay ang panggagamot ni Don Tiburcio. ‘Di naman nagpatalo ang pari at sinabing
higit na nakagagaling ang pagkakaroon ng malinis na budhi kaysa mga gamot. Dahil sa pagkapikon ay iminungkahi ni
Donya Victorina na gamuting ng kanyang kumpisal ang nakababanas na si Donya Consolacion. Dito’y wala nang naisagot
ang pari kaya naman tinagubilinan na lamang niya si Kapitan Tiyago na ihanda na si Maria para sa pangungumpisal.
Ipinabigay rin niya ang beatico upang lubusan itong gumaling. Oras na para uminom ng gamot si Maria. Ininom niya ang
pildoras na mula sa bumbong ng Kristal na ititigil lamang ng dalaga kapag nakaramdam na ng pagkabingi. Samantala,
nalaman naman ni Maria kay Sinang na kaya hindi pa makasulat sa kanya si Ibarra ay dahil abala ito na mapawalang bisa
ang kanyang pagiging ekskomulgado. Maya-maya pa’y dumating na si Tiya Isabel upang ihanda si Maria sa
pangungumpisal at pati na rin ang kalooban nito tungkol sa paglimot kay Ibarra. Nagsimula na ang pangungumpisal ng
dalaga. Sa obserbasyon ng kanyang Tiya ay tila halata kay Padre Salvi na hindi ito nakikinig sa sinasabi ni Maria Clara
bagkus ay matiim itong nakatitig sa dalaga na para bang inaalam ang nasa isip nito. Nang matapos ang kumpisalan ay
lumabas si Padre Salvi na nakapangunot noo, namumutla, pawisan, at kagat-labi.

Kabanata 45 – Ang mga Pinag-uusig Gabi na at si Elias ay nasa gubat. Tumigil ito sa harap ng isang maliit na puwang.
Mga buhay na bato na napalilibutan ng kahoy. May lumabas na lalaking may rebolber sa likod ng isang malaking buhay
na bato at tinanong kung sino siya. Isinaad niya na siya si Elias, at dinala siya ng lalaki papasok sa kalaliman ng lupa.
Labindalawa o Labinlimang tao ang naroon, at si matandang Pablo ay nasa isang malaking batong ginagamit nila bilang
hapag. Anim na buwan na mula tinanggap ni Pablo si Elias sa kanyang bahay at ngayon si Elias na raw ang naaawa. Sinabi
ni Elias na hindi raw siya nakahanap ng ga kamag-anak ng sumira sa buhay ng kaniyang nuno, kaya’t magturingan nalang
silang mag-ama. Tumanggi si Pablo at sinabing masyado na siyang matanda upang problemahin ito. Ikinuwento niya ang
kapalaran ng kanyang tatlong anak at kung paano nabigo ang mga ito dahil sa kanyang pagiging duwag. Sinabi niyang
hindi siya ipinanganak upang maging ama kaya’t siya’y nawalan ng mga ito. Sinabi niya rin na gagawin niya ang lahat
upang makapaghiganti. Si Elias ay naalala si Ibarra at sinabing baka ito ay makatulong. Kung ito’y sumang-ayon o hindi,
malalaman nila kapag may ipadalang tao si kapitan Pablo sa baybay ng San Diego sa ikaapat na araw.

Kabanata 46 – Ang Sabungan Ang sabong ay isang larong hindi ipinagbabawal ng Pamahalaan, at sandaang taon nang
linalaro. Ang isang sabungan ay may tatlong parte: ang papasukan, ulutan, at ruweda. Naroon sa sabungan sina Kapitan
Tiyago, Kapitan Pablo, Kapitan Basilio, at si Lucas. Si Kapitan Basilio ay hinamon si Kapitan Tiyago na magsabong ang
kanilang bulik at lasak, para sa tatlong libong piso. Si Bruno ay humingi ng kuwalta kay Lucas, na hindi naman sumang-
ayon. Ang pusta nila ay nasa puting manok, ngunit nanalo ang pula at sila ay nabigo, at nawalan ng sandaang piso.
Noong sabong ng bulik ni Kapitan Basilio at lasak ni Kapitan Tiyago ay gustong pumusta ni Bruno sa lasak, ngunit
pumayag na bayaran na lamang ni Lucas ng tig-tatlumpung piso, at sampung piso para sa bawat kasama nila. Kung
mapanuto raw ang pagsalakay, sandaan para sa lahat at doble para sa kanila.
Kabanata 47 – Ang Dalawang Senyora Habang isinasabong ni Kapitan Tiyago ang kanyang lasak, si Donya Victorina
naman ay naglibot sa bayan upang makita kung ano ang ayos ng mga bahay at lupain ng mga tamad na Indio. Isinuot
ang pinakamagandaniyang damir, inilagay sa ibabaw ng sutlang robe ang lahat ng laso at bulaklak upang humanga sa
kanya ang mga probinsiyano at makita ang kahigitan ng kanyang mahal na pagkatao, at matapos na ikawit ang kamay ng
asawa sa kanyang bisig ay gumala-gala sa mga lansangan, sa gitna ng pagkagulat at pagtataka ng mga mamamayan. Ang
pinsang si Linares ay naiwan sa bahay. “Napakapangit ng mga bahay ng mga Indiyong ito!” pasimula ni Donya Victorina
na ngumiwi, “hindi ko maalaman kung papaano sila nakakatira diyan: kailangang maging Indio upang makatira diyan. At
labis sa kawalang pinag-aralan at mapagmataas! Nasasalubong tayo ay hindi man lamang nagpupugay! Paluin mo, gaya
ng ginagawa ng mga kura at ng mga tenyente ng sibil; turuan mo sila ng paggalang.”

Kabanata 48 – Ang Talinghaga Gaya ng nasabi ni Lucas ay dumating kinabukasan si Ibarra.Ang una niyang pinuntahan
ay ang pamilya ni Kapitan Tiyago upang makita si Maria Clara at ipaalam na ibinabalik na siyang muli ng Arsobispo sa
simbahan: may dala siyang isang sulat tagubilin ng Arsobispo para sa kura. Ang gayon ay labis na ikinatuwa ni Tia Isabel
sapagkat mahal din naman sa kanya ang binata at hindi pumapayag na ang kanyang pamangkin ay makasal kay Linares.
Si Kapitan Tiyago ay wala sa bahay. “Tuloy kayo,” sabi ni Tia Isabel sa kanyang salitang may halong kaunting Kastila,
“Maria, si Ginoong Crisostomo ay nasa loob na naman ng biyaya ng Diyos; deskomulgado na siya ng Arsobispo.”

Kabanata 49 – Ang Tinig ng mga Pinag-uusig “Ang pamahalaan ay katulad ng isang masamang manggagamot, ginoo,
walang hinahanap kundi ang lunasan at gamutin ang mga sintomas, ngunit hindi naman sinisiyasat ang pinagmumulan
ng sakit, o kung alam man niya ang dahilan ay natatakot na ito ay labanan. Ang guwardiya sibil ay itinatag lamang sa
layunin na sugpuin ang kasamaan sa pamamagitan ng pananakot at lakas, ngunit ang layunin ng pagtatayo nito ay hindi
naman nangyayari at kung may nagagawa ay nagkakataon lamang. At dapat malaman na ang mga guwardiya sibil ay
walang napagbubuntunan ng sisi kundi ang mga taong bayan lamang, kapag sila ay binigyan ng mga kailangan sa
ikaaayos ng kanilang ugali. Sa ating bayan, sa dahilang walang matatawag na partidong pampulitika, dahilan sa hindi
nagkakaisa ang bayan at ang pamahalaan. Sa ganito, ang pamahalaan ay nararapat na maging mapagpaumanhin, hindi
lamang dahilan sa ito ang nararapat niyang gawin, kundi sa dahilang ang mga mamayan, na kulang sa kanyang
pagkalinga at pinababayaan, ay walang pananagutan dahil nga sa hindi sila tumanggap ng malaking liwanag, Saka ang
isa pa, sang-ayon sa inyong halimbawa, ang panlunas na inyong iminumungkahi sa sakit ng bayan ay tunay na hindi
mabisa, walang nagagamot kundi ang mga parte ng katawan na hindi naman apektado ng karamdaman na pinahihina at
iniaaboy sa kasamaan. Hindi kaya lalong makatwiran na pabagsikin ang gamot sa parte ng katawan na tunay na may sakit
at bawasan ng kaunti ang bagsik sa dakong wala namang karamdaman?”

Kabanata 50 – Ang mga Kaanak ni Elias “Ang babaeng parurusahan sa gayong paraan ay isusumpa ang araw na isilang
ang kanyang anak: Isang bagay na nagpapatagal ng pahirap ay sumisira pa sa damdamin ng isang ina. Sa kasamaang
palad, ang babae ay maayos na nanganak ng isang malusog na lalaking sanggol. Dalawang buwan makalipas ay ginanap
ang kaparusahan, bagay na ikinasiya ng kalooban ng mga tao, na nag-akalang nakatupad sila sa kanilang katungkulan.
Dahil sa kawalan ng katiwasayan sa kabundukang ito ay nagtungo sa kalapit na lalawigan, dala ang kanyang dalawang
anak at doon ay namuhay nang tulad sa buhay-ganid; namumuhi at kinamumuhian. Ang pinakamatanda sa dalawa, na
hindi nakakalimot sa kanyang masayang kabataan at pinagdaanang kahirapan ay nanulisan nang siya ay magkaroon na
ng sapat na lakas. Mabilis na kumalat sa mga lalawigan ang madugong pangalan ni Balat, na kinatatakutan ng mga
bayan-bayan sapagkat ang kanyang paghihiganti ay isnasagawa sa pamamagitan ng dugo at apoy.

Kabanata 51 – Mga Pagbabago Nakatanggap ng liham mula kay Donya Victorina si Linares na nakapagpabalisa dito.
Alam nito na hindi nagbibiro ang Donya. Siya ngayo’y sising-sisi sa paghahambog at pagsisinungaling sa paghahangad
lamang na makapagsamantala. Labis kasi siyang nagpatianod sa kapritso ni Donya Victorina. Dumating si Padre Salvi sa
bahay nina Kapitan Tiyago at ito ay nagmano. Masaya nitong ibinalita ang tungkol sa sulat na padala ng arsobispo
tungkol sa pag-alis ng ekskomunyon kay Ibarra kasabay ng kanyang pagpuri sa binata na ito’y kalugod-lugod ngunit may
kaunting kapusukan. Dagdag pa nito, si Padre Damaso na lamang ang sagabal sa pagpapatawad ka Ibarra ngunit kung si
Maria Clara ang kakausap dito ay hindi makatatanggi ang pari. Narinig ni Maria Clara ang pag-uusap na ito at nagtungo
siya sa silid kasama si Victoria. Maya-maya’y dumating si Ibarra kasama si Tiya Isabel habang nag-uusap sina Padre Salvi
at Kapitan Tiyago. Binati niya ang Kapitan samantalang yumukod naman kay Linares. Nagpasalamat naman ang binata sa
mga narinig. Ilang sandali pa’y lumapit ito kay Sinang upang itanong kung galit sa kanya si Maria Clara. Ayon kay Sinang
ay ipinasasabi raw ni Maria na limutin na lamang siya nito ngunit nais ni Ibarra na makausap ng sarilinan ang kasintahan.
‘Di nagtagal ay umalis na rin si Ibarra.

Kabanata 52 – Ang Baraha ng Patay at ang mga Anino Pumasok sila, at sa kadilimang iyon ay naghanap sila ng isang
maayos na lugar; di-natagalan ay nakakita sila ng isang nicho at nag-upuan. Ang pinakamababa ay kumuha sa kanyang
salakot ng baraha at nagsindi ng posporo ang isa.[10] Sa panadaliang liwanag ay nagtinginan silang dalawa, ngunit sa
kanilang mga mukha ay hindi sila magkakilala. Gayunman ay makikilala natin na ang pinakamataas at may matigas na
tinig ay si Elias, at ang maliit ay si Lucas dahil sa peklat sa pisngi. “Hatiin ninyo!” ang sabi nito, na hindi inilalayo sa
kaharap ang tingin. Inilayo ang ilang buto na nasa ibabaw ng nitso at binatak ang isang alas at isang kabayo. Sunud-
sunod na nagsisindi ng posporo si Elias. “Sa kabayo!” ang sabi, at upang matandaan ang baraha ay pinatungan ng isang
buto. “Juego!” ang sabi ni Lucas, at sa ikaapat o ikalimang baraha ay sumipot ang isang alas. “Natalo kayo,” ang dugtong,
“ngayon ay bayaan ninyo akong maghanap-buhay na mag-isa.” Hindi kumibo si Elias at nawala sa gitna ng kadiliman.
Makaraan ang ilang sandali ay tumugtog ang ikawalo sa orasan ng simbahan at itinugtog ng kampana ang mga kaluluwa
ng namayapa; ngunit walang hinamong sinuman si Lucas, hindi tinawagan ang mga patay gaya nang sinasabi ng mga
pamahiin, kundi ang ginawa ay nag-alis ng salakot at bumulong ng ilang dasal, nag-antanda ng katulad ng ginagawa sa
mga sandaling iyon ng pinuno sa Cofradia de Santisimo Rosario.

Kabanata 53 – Ang Mabuting Araw ay Nakikilala sa Umaga Maagang-maaga pa lamang ay mabilis na kumalat sa
bayan ang balita na sa nakalipas na gabi ay may nakitang maraming ilaw sa simenteryo. Ang pinuno ng V.O.T. ay
nagbabalita ng mga kandilang may dingas at tinutukoy ang kanilang mga laki at anyo, subalit hindi masabi nang tiyak
kung ilan, ngunit nabilang niyang mahigit sa dalawampu. Hindi mapalampas ni Manang Sipa, na kapatid ng Santisimo
Rosario, na ang malaking katangian na makakita sa milagro ng Diyos ay isang kalaban ng kanilang Kapatiran: si Manang
Sipa, na kahit malayo sa simenteryo ang tirahan ay nakarinig din ng mga daing at hinagpis, at parang kilala pa niya ang
boses ng ilan kataong noong araw ay kanyang… subalit dahil sa kanyang pagiging kristiyano pinatatawad niya, at
ipinagdarasal pa niya at inilihim ang kanilang pangalan, kaya ang lahat ay nagpapalagay na siya ay banal.

Kabanata 54 – Lahat ng Lihim ay Nabubunyag at Walang ‘Di Nagkakamit ng Parusa Ipinahayag ng kampana ang
pananalangin para sa paglubog ng araw; sa pagkarinig ng tugtog na iyon, ang lahat ng tao ay iniiwan ang kanilang mga
gawain at pinagkakabalahan: ang magsasakang galing sa bukid ay itinigil ang kanyang pag-awit, pinahinto ang lakad ng
sinasakyang kalabaw at nagdasal; ang mga babae ay nag-antanda sa gitna ng mga lansangan at pinagagalaw ang
kanilang mga labi upang hindi pag-dudahan ng sinuman ang kanilang debosyon; tinigilan ng lalake ang paghimas sa
kanyang manok at nagdarasal ng Angelus upang siya ay dapuan ng kapalaran; sa mga bahay-bahay ay malalakas ang
dasalan… ang anumang ingay na hindi dahil sa Aba Ginoong Maria ay nawawala, napipipi. Gayunman, ang kura, na
nakasumbrero ay matuling lumakad sa daan, bagay na umiskandalo sa mga matatandang babae, at higit pang
nakaiskadalo sa kanila (ayon sa napuna ni Donya Consolacion) na tinungo ang bahay ng alperes! Naisip ng mga
mapanata na dapat munang itigil ang galawan ng kanilang mga labi upang halikan ang kamay ng kura, subalithindi sila
pinansin ni Padre Salvi; sa oras na iyon ay hindi siya nasisiyahan na ilagay ang kanyang mabutong kamay sa ibabaw ng
ilong ng isang babaing Kristiyana upang mula roon ay lihim na padulasin sa dibdib ng isang magandang binibini na
nakayukod at naghihintay ng bendisyon. Marahil ay mahalagang bagay ang nasa kaniyang isipan niya upang malimot ang
mga kapakanan ng sarili at Simbahan.

Kabanata 55 – Ang Pagkakagulo Sa komedor ay kumakain sina Kapitan Tiyago, si Linares at si Tia Isabel; mula dito ay
maririnig ang tunog ng mga pinggan at kubyertos. Sinabi ni ni Maria Clara na hindi siya nagugutom at umupo sa piyano,
kasama ang masayahing si Sinang na bumubulong sa tainga niya ng mga misteryosong pangungusap, samantalang si
Padre Salvi ay palakad-lakad sa magkabilang dulo ng salas na hindi mapalagay. Hindi totoong hindi nagugutom, ang
maysakit; hinihintay niya ang pagdating ng isang tao at sinamantala ang sandaling ang nagmamasid sa kanyang Argos ay
hindi nakaharap: na sa mga sandaling ito ay kasama ni Linares na paghahapunan.

Kabanata 56 – Ang mga Sabi at Kuro-kuro Ang Diyos, sa wakas ay pinasikat din ang ang umaga sa natatakot na bayan.
Ang daang kinalalagyan ng kuwartel at ng tribunal ay tahimik pa at wala isa mang tao; sa mga bahay ay parang walang
palatandaan ng buhay. Gayunman, ang kahoy na dahon ng isang bintana ay bumukas at dumungaw ang ulo ng isang
bata, na tumingin-tingin, inihaba ang leeg at tumanaw sa lahat ng dako… plas! ang lagapak ay nagpakilala ng pagtama
ng isang katad sa isang katawan ng tao; ang bibig ng bata’y napangiwi, napapikit ang mga mata, nawala, at muling
nasara ang bintana. Naibigay na ang halimbawa; ang pagbubukas at pagsasarang iyon ay parang nadinig nang iba,
sapagkat marahang nagbukas ang isa pang bintana at maingat na lumitaw ang ulo ng isang matandang babae, na
kulubot ang mukha at walang ngipin: siya si Manang Pute na nambulahaw nang katakut-takot noong nagsesermon si
Padre Damaso. Ang mga bata at matatanda ang kinatawan ng mga usisero dito sa mundo; ang mga una ay dahil sa
pagnanais na mabatid ang lahat ng bagay, at ang mga huli ay upang maalaala ang kaganapan.

Kabanata 57 – Vae Victus! Sa Aba ng mga Manlulupig Sa mga hindi nakakaalam sa mga kasangkapan sa pagpapahirap
ay masasabi namin na ang pangawan ay isa sa pinakamagaan. Ang layo ng bawat butas na pinaglalagyan ng paa ng mga
pinipiit ay humigit-kumulang sa isang dangkal; kung lalaktawan ng dalawang butas, ang bilanggo ay malalagay sa isang
hirap na ayos, masasaktan ang mga binti at mabibikaka ang paa nang higit sa kalahating dipa: hindi nakamamatay na
bigla gaya nang maaring isipin. Ang tagapagbantay ng bilangguan na may kasunod na apat na sundalo ay inalis ang
sagka at binuksan ang pinto. Magkahalo ang mabahong alingasaw at isang malamig na simoy ang nanggaling sa
kadiliman na sabay sa pagkakarinig sa ilang taghoy at iyak. Ang isa sa mga sundalo ay nagsindi ng posporo nguni’t
namatay ang apoy dahil sa masamang singaw na iyon kaya hinIntay muna nilang mapalitan ang hangin. Sa bahagyang
liwanag ng isang ilaw ay mababanaag ang ilang anyo ng tao: mga lalakeng nakayapos sa kanilang mga tuhod at itinatago
dito ang ulo, nakataob, patayo, nakaharap sa dingding, atbp. Nadinig ang ilang pukpok at langitngit na may kasamang
tungayaw: nabuksan ang pangawan.

Kabanata 58 – Ang Sinumpa Madaliang kumalat sa bayan ang balitang ang mga bilanggo ay iaalis na; sa unang
pagkabatid nang balita ay nasindak ang lahat, at pagkatapos ay sinundan ng iyakan at panaghoy. Ang mga kamag-anak
ng mga bilanggo ay parang mga baliw na nagtakbuhan: lakad pabalik-balik sa kumbento at kuwartel, sa kuwartel at sa
tribunal, at dahil wala silang makitang anumang lunas ay napuno ang paligid ng sigawan at iyakan. Ang kura ay
nagkulong sa kanyang silid dahil may sakit; nagpagdagdagdag ng bantay ang alperes na sumasalubong sa pamamagitan
ng kulata ng baril, ang mga babaeng nagma-makaawa; ang inutil na kapitan sa bayan ay para higit pang naging walang
kabuluhan kaysa dati. Sa harap ng bilangguan ay tumatakbong paikot-ikot ang mga may lakas pa; ang mga pagod na ay
nag-upuan sa lupa at tinatawag na lamang ang pangalan ng kanilang mga minamahal.

Kabanata 59 – Pag-ibig sa Bayan Ang balita ay lihim na inihahatid ng telegrama sa sa Maynila, pagkatapos na makaraan
ang tatlumpu’t anim na oras ay ibinalita na ng mga pahayagan ang nangyari, na binalot ng maraming hiwaga at babala
na ginutay, inayos at dinagdagan ng tagasuri. Samantala naman, ang mga balitang dala ng ibang tao, na galing sa mga
kumbento, ay siyang unang palihim na kumalat, na ikinatakot ng bawat makaalam. Ang pangyayari, na nag-iba ng ayos
dahil sa ilang libong bersiyon, agad na pinaniniwalaan o hindi ayon sa udyok ng kalooban ng isa’t isa. Kahit ang
katahimikang-bayan ay hindi nagagambala, ngunit parang ang kapayapaan ng mga tahanan ay nahahalo, na gaya ng
isang tangke: samantalang ang ibabaw ay walang kagalaw-galaw, ngunit sa ilalim ay nagsisigapang, naglalanguyan at
naghahabulan ang mga piping isda. Ang mga krus, mga condecoracion, mga ensigna sa balikat, mga trabaho,
kabantugan, kapangyarihan, kahalagahan, kataasan, atbp., ay nagliparan na parang mga paruparo, sa isang ginintuang
liparan, ayon sa nakikita ng isang bahagi ng mga mamamayan. Sa isang bahagi naman ay isang madilim na ulap ang
pumaitaas, na sa kanyang abuhing kulay ay namumukod na parang maiitim na anino, ang mga rehas na bakal ng
kulungan, mga tanikala at marahil ay maging ang nakapangingilabot na bitayan. Parang naririnig ang mga pagsisiyasat,
mga kahatulan, ang mga sigaw na bunga ng pagpapahirap; ang Marianas at Bagumbayan ay namamalas na balot ng
isang marumi at madugong talukbong ang mga mangingisda at isda ay nagkakagulo. Sa imahinasyon ng mga taga-
Maynila ay inilalarawan ng Kapalaran ang pangyayari, nang kaayos ng ilang pamaypay na galing sa Tsina: ang isang
mukha ay may bahid na itim at ang isa ay puno ng burda, matitingkad na kulay, mga ibon at bulaklak.

Kabanata 60 – Ikakasal na si Maria Clara Labis ang kasayahan ni Kapitan Tiago. Sa kakila-kilabot na panahong iyon ay
walang nakagambala sa kanya: hindi siya inaresto at ikinulong na mag-isa sa bilangguan, hindi siya inimbestigahan, ni
nailagay sa makina ng elektrisidad, ni naranasan ang mababad ng matagal ang paa sa mga bilangguang nasa ilalim ng
lupa, at iba pang kagagawan, na alam na alam ng ilang bantog na ginoong tumatawag sa kanilang mga sarili ng
sibilisado. Ang kanyang mga dating naging kaibigang (sapagkat itinakwil na niya ang kanyang mga kaibigang Pilipino
mula nang sila ay mapaghinalaan ng pamahalaan), ay ibinalik din sa kani-kanilang mga tahanan makaraan ang ilang araw
na pamamahinga sa mga gusali ng pamahalaan. Ang Kapitan Heneral na rin ang nag-utos na sila ay palayasin sa kanyang
mga nasasakupang gusali dahil sa inakalang hindi sila nararapat na mamalagi roon, bagay na isinamang lubos ng
kalooban ng pingkok, na may balak na magpaskong kapiling ang gayong mga pasasa at masasalaping kasama. Si Kapitan
Tinong ay umuwi sa kanyang bahay na may sakit, namumutla, minamanas, hindi siya naging hiyang sa kanya ang
paglalakbay, at siya ay naging ibang-iba na, walang kaimik-imik, ni hindi man bumati sa kanyang kaanak na natatawa,
napapaiyak at baliw sa katuwaan. Ang kaawa-awang tao ay hindi na umaalis sa kanyang bahay upang di-malagay sa
panganib na makabati sa isang pilibustero. Hindi siya mapagsalita ng anuman ng pinsang si Primitivo kahit na ginamit
nito ang buong katalinuhan ng mga tao sa una.

Kabanata 61 – Ang Barilan sa Lawa “May katwiran kayo, Elias, ngunit talagang ang tao ay isang hayop na sumusunod sa
mga kaganapan: noon ay nabubulagan ako, masama ang aking loob, ewan ko ba! Ngayon ay inalis ng kasawian ang
piring sa aking mga mata; ang pag-iisa at ang karumal-dumal na kalagayan sa aking bilangguan ay nagturo sa akin;
ngayon ay nakikita ko ang kakila-kilabot na kabulukang sumisira sa lipunang ito, na nakakapit sa kanyang mga laman at
humihingi ng isang matinding kagamutan. Sila ang nagbukas sa aking mata, ipinatanaw nila sa akin ang sugat at pinilit
akong magkasala! At dahil inibig nila ang gayon ay magiging pilibustero ako, ngunit tunay na pilibustero; tatawagin ko
ang lahat ng mga nahihirapan, ang lahat noong sa loob ng kanilang mga dibdib ay nakakaramdam na may tumitibok na
puso, iyang mga taong nagpasugo sa inyo upang ako’y kausapin hindi, hindi maaring maging taksil sapagkat kailanman
ay hindi taksil ang nakikipaglaban nang dahil sa kanyang bayan! Sa loob ng tatlong daang taon ay iniabot natin sa kanila
ang ating mga kamay, hinihingaan natin ng pag-ibig, hinahangad nating matawag silang mga kapatid, ano ang
itinutugon sa atin? Mga pagkutya at pag-iring, at halos ayaw tayong kilalaning tao. Walang Diyos, walang pag-asa,
walang paglingap sa katauhan; wala na, kundi ang katwiran ng lakas!” Si Ibarra ay nanginginig; ang buong katawan niya’y
yumayanig.

Kabanata 62 – Ang Pagtatapat ni Padre Damaso Kinaumagahan, kahit na maraming regalong nakabunton sa itaas ng
hapag ay ‘di naman ito pansin ni Maria Clara. Nakapako ang kanyang mga mata sa dyaryong nagbabalita tungkol sa
pagkamatay o pagkalunod ni Ibarra. Ngunit hindi naman iyon binasa ng dalaga. Ilang sandali pa’y dumating na si Padre
Damaso na hinilingan kaagad ni Maria na sirain ang kasunduan ng kanyang kasal kay Linares at pangalagaan ang
kapakanan ng ama. Dagdag pa ng dalaga, ngayong patay na si Ibarra ay wala nang simumang lalaki ang kanyang
pakakasalan dahil para sa kanya, dalawang bagay na lang ang mahalaga; ang kamatayan o ang kumbento. Napag-isip-
isip ng pari na paninindigan ni Maria Clara ang kanyang sinabi kaya naman humingi ito ng tawad sa kanya. Napaiyak pa
ito ng malakas habang binibigyan diin ang walang kapantay na pagtingin niya kay Maria. Wala namang nagawa ang pari
kundi piliing pahintulutan ang dalaga na pumasok sa kumbento kaysa piliin ang kamatayan. Malungkot na umalis si Padre
Damaso. Tumingala siya sa langit sabay bulong na totoo nga umanong may Diyos na nagpaparusa. Hiniling niya sa Diyos
na siya na lang daw ang parusahan kaysa ang anak niyang walang malay at nangangailangan ng kanyang kalinga.
Ramdam ng pari ang labis na kalungkutan ng kanyang anak na si Maria Clara.

Kabanata 63 – Ang Noche Buena Sa mataas na bahagi ng dalisdis ng isang bundok, sa tabi ng isang batis na inaagusan
ng malakas na tubig, ay nakatago sa mga punung-kahoy ang isang kubo, na balu-baluktot na sanga ang gamit na kahoy.
Sa ibabaw ng bubungang kugon ay malagong gumagapang ang kalabasa, na maraming bunga at bulaklak; ang palamuti
nito ay mga sungay ng usa, mga bungo ng baboy-damo na ang ilan ay may mahahabang pangil. Doon nakatira ang isang
mag-anak na Tagalog na ang ikinabubuhay ay ang pangangaso at pangangahoy. Sa lilim ng isang puno ay ang lolo ay
gumagawa ng walis mula mga gulugod ng dahon ng niyog, habang ang isang dalaga ay naglalagay sa isang buslo ng
mga itlog, dayap at gulay. Dalawang bata, ang isa ay babae at ang isa naman ay lalake ang naglalaro sa tabi ng isa pang
batang lalake na maputla, malungkot, malalaki ang mga mata at malalim kung tumitig, na nakaupo sa isang nakabuwal na
puno. Sa kanyang kaanyuang payat ay makikilala natin ang anak ni Sisa, si Basilio, na kapatid ni Crispin. “Kapag gumaling
na ang paa mo,” ang sabi sa kanya ng batang babae, “ay maglaro tayo ng piku-piko, taguan, ako ang taya.” “Papanhik
kang kasama namin sa itaas ng bundok,” ang dugtong ng batang lalake, “iinom ka ng dugo ng usa na pinigaan ng katas
ng dayap at tataba ka, at kung magaling ka na ay tuturuan kita ng pagtalon sa mga bato sa batisan.” Malungkot na
napangiti si Basilio, pinagmasdan ang sugat sa kanyang paa, at pagkatapos ay itinataas ang mata sa araw na kumikinang
nang buong ningning.

Kabanata 64 – Katapusan Nanirahan na si Padre Damaso sa Maynila mula ng pumasok sa kumbento si Maria Clara.
Kalaunan ay inilipat din siya ng Padre Provincial sa isang malayong probinsya. Nagunit kinabukan, natagpuan siyang
patay sa kanyang kwarto. Ayon sa pagsusuri ng doktor ay bangungot ang sanhi ng kamatayan ni Padre Damaso. Habang
hinihintay ang pagiging obispo, si Padre Salvi naman ay pansamantalang nanungkulan sa kumbento ng Sta. Clara na
pinasukan ni Maria Clara. Siya’y umalis na rin sa San Diego at nanirahan na sa Maynila. Ilang lingo bago maging ganap na
mongha si Maria, ang ama-amahang si Kapitan Tiyago ay dumanas ng sapin-saping paghihirap ng damdamin,
nangayayat nang husto, naging mapag-isip at nawalan ng tiwala kahit kanino. Pagkagaling niya sa kumbento ay sinabihan
niya si Tiya Isabel na umuwi na sa Malabon o kaya naman ay sa San Diego dahil gusto na niyang mabuhay mag-isa.
Nilimot na ng Kapitan ang lahat ng santo at santa at inatupag na lamang ang paglalaro ng liyempo, sabong at paghitit ng
marijuana. Nang lumaon ay napabayaan na nito ang sarili hanggang sa nalimot na din ang Kapitan na dating tanyag at
iginagalang ng mga tao. Sa kabilang dako, si Donya Victorina naman ay nagdagdag ng mga kulot sa ulo upang
mapagbuti ang pagbabalatkayo niyang siya’y isang taga-Andalucia. Nangungutsero na siya ngayon. Di na niya pinakikilos
ang asawang si Don Tiburcio. Nakasalamin na ito, wala na ring ngipin at hindi na natatawag na “doktor” para manggamot.

You might also like